Caibig-ibig at cagalang-galang cong ina: Tinangap co, pó ang minamatamis cong sulat ninyo, at nang aquing pong basahin, ay nalumbay na totoo ang aquing calooban.
Guinugunam-gunam co, póng maigui ang laman nang inyong sulat, at pinagbubulay-bulay co, po, cung ano,t, anong guinagaua co rito sa Maynila; at sa uala acong naalamang masamang guinagaua co rito, ay iniisip co, pó, cung sino caya ang baliu ó maopasalang tauong nacasira nang inyo póng mahal na capayapaan nang loob, nang pagbabalita sa inyo nang mañga sinoñgalin at maling balita, at uala rin, pó, acong maisip, na sucat cong pagbingtañgan; caya, po, ang totoo ang sasabihin co sa inyo.
Aco, pó, nanay, ay ualang guinagaua ditong masama, at ang ugali co, pó, ñgayo,i, hindi masama sa dati, cundi, acala co,i, maigui pa, pó, sa roon, palibhasa, pó,i, ñgayon, ay tumatalas-talas ang aquing pag-iisip, at lumilinao-linao ang aquin pong bait, at naquiquilala co, pó, ñgayon ang magaling at ang masama, na dati-dati di co, pó, nababatid.
Ang pag-aaral ay siya co póng pinagsisipagan, at uala, pó, acong ibang calibañgan, cundi ang paglacadlacad, na maminsan-minsan, sa mañga paseo at sa mañga calzada, pagcatapus nang aquing mañga obligacion.
Caya, pó, ipinamamanhic co, pó, sa inyo, nanay, na houag baga maniuala cayo sa mañga sabi-sabi nang mañga tauo, na ang cadalasan pó,i, naninira sila nang puri nang capoua tauo, gaua lamang nang canilang capanaghilian, ó casamaan nang ugali, ó nang canilang cahañgalan caya.
Ipagpacomusta, pó, ninyo aco cay tatay at cay Pili, at sa lahat nang camaganac at caquilala natin, at mag-utos, pó, cayo nang balang nasa inyong mababang lincod at masintahing anac, na si Próspero Baticot.
Di masaysay ang toua,t, saya ni cabezang Angi nang mapagtalastas niya ang cahulugan nitong sulat nang caniyang anac.
Tingnan mo, tingnan mo, ang uica niya sa caniyang asaua, tingnan mo Andrés, itong sulat ni Proper, at diyan maalaman mo ang totoong calagayan nang anac ta. Diyan lamang aco,i, naniniuala, sapagca,t, ang ating anac na iyan, ay hindi magbubulaan sa aquin. Caya sa maniuala ca,t, sa dili, ay sasabihin co sa iyo, na ang lahat na ibinabalita sa canita nang ating Cura, ay purong cagagauan ni Pili, na ang isip niya baga,i, tayo,i, para-parang masasama, at siya lamang ang maigui....
--Tiguilan mo iyang balita mong iyan, Angi, ang biglang sagot ni cabezang Dales, na tila,i, may cahalong galit; tiguilan mo iyang salita mong iyan, Angi, at houag mong pagbintañgan si Pili at houag mo siyang siraan nang puri. Ang ating Pili, ay hindi marunong magsinungaling, hindi marunong magbintang sa capoua tauo, hindi marunong mag-upasala; at cung baga sacali,t, siya,i, nagsalita sa iyo nang anomang bagay tungcol cay Proper, ay asahan mo, na iyan, ay hindi gaua nang casamaan nang loob ni Pili, cundi gaua lamang nang cahigpitan nang caniyang conciencia, ó gaua caya nang catalasan nang caniyang pag-iisip, na umabot sa hindi ta maabutan. ¡Salamat nang maraming-marami sa ating Pañginoon Dios, cung ang lagay nang caloloua,t, catauoan ni Proper ay maigui na para nang ninanasa mo,t, ninanasa co naman!, subali,t, houag mong paguicaan si Pili nang caunti mang uicang masama. ¡Marahil siya,i, nasa catouiran, at cata,i, malayo!
Pagcariñgig ni cabezang Angi nitong mainit na salita nang caniyang asaua, ay tumicom na siya, at mula noon, ay hindi pinag-usapan nila si Próspero, at hindi man sinambit nila ang caniyang pañgalan.
Ñguni,t, lumacad ang panahon, at sumapit ang arao na tadhana nang pagvavacacion; at ito na si Próspero, na dumating dito sa bayang sacay sa isang maganda at mariquit na cabayong may paso, na ipinasalubong sa caniya ni cabezang Angi doon sa Cainta. Uahi ang bohoc, quiling ang sombrero, mapuñgay ang tiñgin, maputi at matigas ang salaual at baro, botitos ay maquintab at maquipot, at pinañguñgusapan pa niya ang cabayo sa uicang castila.
Nagtatanuñgan sa plaza, cung sino caya yaong lalaquing dumaan doong matigas ang soot, at mabilis na parang quidlat ang tacbo nang cabayong sinasaquiyan niya; at ang mañga dalagang taga rito sa Tanay, na may pagcaosiosa nang labis, ay silang una-unang nagtatanuñgan at nagsasagutan.
--Iyan, pó, ang uica nang isa, ay ang anac ní cabezang Angi.
--Iyan, pó,i, si Proper, na taga Ilaya, ang sagot nang iba.
--Iyan, pó, ang sagot nang caramihan, iyan, pó,i, ang estudianteng anac ni cabezang Dales.
--Iyan, pó, ang capatid ni Pili, ang sigao nang iba.
--Iyan, pó, ang uica naman nang isang dalaguitang naroroon sa plaza, iyan, pó,i, si "Batícot na cabanal-banalan", cung tauaguin naming mañga bata doon sa ilaya.
Pababayaan co itong mañga salitang ito, at sasabihin co lamang, na ang toua ni cabezang Angi ay lumalo nang di hamac sa dati, nang maquita niya ang anyo at quilos nang caniyang anac. Ualang di iquinatotoua niya cay Próspero. Ang caniyang lacad; ang pagsasalita; ang pagcudunday-cunday, at ang cabutingtiñgan pa sa pananamit, ay para-parang minamahal at pinupuri ni cabezang Angi. Caya pagpanaog ni Próspero sa bahay, ay tinatanao at tinatanao nang caniyang ina na hangan sa inaabot nang caniyang mata.
Subali,t, iba,t, iba ang lagay nang calooban nang isa,t, isa sa bahay ni Dales, at siya cong sasalitain ñgayon.
Ang tayo nang loob nang mag-anac ni cabezang Dales sa panahong yao,i, ganito:
Si cabezang Andrés ay nagmamasid na totoo cay Prospero, datapoua,t, namamalisa siya,t, hindi natututong mamintas ó magpuri caya sa ugali niya.
Ang puso ni cabezang Angi ay gaibig pumutoc, gaua nang malaquing toua niya, at ualang-ualang di ipinupuri niya sa caniyang anac.
Ang totoong caaua-aua,i, si Felicitas, at caya ganoon, sapagca,t, ñgayo,i, naquiquita na nang caniyang mata, at naririñgig nang caniyang taiñga, ang dati-dati ay sinasapantaha niya lamang at pinaghihinala. Caya ang cadalamhatian nang caniyang loob, ay lubhang mabigat. At saan di magcacagayon? Pinagmamasdan niya ang mañga ugali,t, asal ni Próspero, ay naquiquita niya, na pagcaguising nang caniyang capatid cung umaga, ay naghihilamus siya nang mahabang oras, linilinis niya ang caniyang ñgipin, sinusuclay ang buhoc at pinapahiran pa nang mañga pomada, sinasabon ang camay nang mababañgong sabong caniyang dala, at pagcatapos, ay magbibihis nang bago, cahima,t, malinis at matigas pa ang damit nasacaniyang catauoan, at tuloy nananaog, at gagalagala cung saan-saan, hangan sa siya,i, nagugutom. Pagcacain ay sulong na naman, na hindi siya tumitiguil sa bahay, cundi sa oras nang pagcain, at hindi sisipot cung gabi, cundi hating gabi na, at hindi maquiquipagrosario, at hindi naman tumutulong siya nang caunti man lamang sa caniyang ama, at hindi man naquiquialam ó nagtatanong-tanong tungcol sa pamamahay ó pagcabuhay nang magulang, na ualang-uala siyang guinagaua, cundi lumigao arao,t, gabi sa mañga dalagang nababalitaang maganda dito sa bayan, at siya na.
Saan di, anaquin, magcacagayon si Felicitas, at bucód sa mañga sinasalita co na, ay naquiquita rin niya, na ang pagsisimba man nang caniyang capatid, cung Domingo at piestang pañgilin, ay catua?
At totoo ñga. Cung magsimba si Prospero sa mañga lingo at mañga piesta, at tatayo-tayo siya sa pinto nang simbahan, (na siyang huling pumasoc at unang lumabas); at sinisilip-silip niya ang mañga dalagang dumaraan sa caniyang harap, at sinasabugan pa niya nang mañga uicang bulaclac, na cahalay-halay paquingan saan man, at lalong-lalo na sa mañga lugar na yaon.
At hindi lamang ito, cundi, pa naman, sa pagsasalitaan nilang dalauang magcapatid, ay hinañgo ni Felicitas na malinao na malinao, na mali at sinsay sa catouiran ang pag-iisip ni Próspero tungcol sa maraming bagay na ucol sa caloloua.
Itong lahat na ito, inuulit cong sabihin, ay naquiquita at pinagmamasdan ni Pili, at siyang iquinalulumbay na totoo nang caniyang loob, at iquinasisiquip nang caniyang dibdib.
Pagcatapos nang pagvavacasion ni Próspero, ay lumuas siyang uli sa Maynila, nang maituloy ang pag-aaral. Subali,t, hindi na pinañgatauoanan niya ang pag-aaral, cundi ang pagligao lamang, ang pagsusoot nang maririquit, at ang paglayao niya sa mañga catouaan dito sa mundo.
Dahilan dito sa mañga inougali ni Próspero doon sa Maynila, ay nagcautang siya nang marami, at nang dumating ang arao nang pag-eeksamen, ay nagkaroon siya nang nota nang reprobado.
Ñguni,t, itong lahat na mañga bagay na ito,i, inililihim niya,t, ipinagcacaila sa caniyang magulang; at nang siya baga,i, macabayad nang ibang mañga utang niya, ay sari-saring idinadaing at ipinagdadahilan sa caniyang ina sa mañga lihim na sulat, nang siya,i, padalhan nang caunting salapi.
Pinaquiquingan ni cabezang Angi ang mañga caraiñgan nang caniyang anac, at dala nang aua, (nang isang falsong aua), ay pinadadalhan din si Próspero nang caniyang ina nang salaping hinihiñging pagtago sa caniyang asaua at cay Felicitas; at dahilan dito sa falsong aua ni cabezang Angi sa caniyang anac, ay lalong-lalong nagmamalaqui si Próspero at nagmamayaman doon sa Maynila, at lalong-lalong nañgañgahas siya, at lalong-lalong nalulubog siya sa lanay, na dati niyang quinatutungtuñgan.
Hindi co iisaisahing salitain ang lahat nang cabañgauang guinaua ni Próspero doon sa Maynila, at mapapacahabang totoo itong aquing casulatan, caya lalactauan co ang marami, at sasabihin co lamang na si Próspero,i, nagtumira nang apat na taon sa Maynila, at liban sa naunang taon, ay uala na sa caniyang loob ang pag-aaral, cundi ang pagmamalibog: na hindi man pinaquiquingan niya ang pañgañgaral at pagbabala sa caniya nang caniyang catedrático, at cung caya nagcaroon siya nang nota nang reprobado na tatlong taong sunod-sunod. At bucod dito,i, nagcautang siya nang maraming calapastañganan, na linilisan cong talaga. Ñguni,t, itong mañga casalanan niya, ay hindi lamang hindi pinamamalayan niya sa caniyang magulang at mañga camaganac, cundi bagcus ay sari-saring paraan at susong-suson na cabulaana,t, casinoñgalingan ang caniyang guinamit, nang houag baga mahalata nila ang masama at cahabag-habag na calagayan niya. At gayon din ang caniyang guinaua, nang houag siyang cagalitan nang magulang dahilan sa hindi pagvavacasion niya dito sa Tanay nang dalauang tauong magcasunod.
Datapoua,t, palibhasa,i, sa ating Pañginoon Dios ay ualang sino, at palibhasa nama,i, ang lahat na mañga bagay-bagay dito sa mundong maraya,i, may catapusan; ay dumating din cay Próspero ang tadhanang arao, at dinaquip siya nang Justicia, at piniit sa bilangoan, dahilan sa mañga utang, at iba,t, ibang mañga cabaliuang guinaua niya sa Maynila.
Itong lahat nang ito,i, nagcataon sa catapusan nang icapat na taong magmula nang si Prospero,i, nag-aaral sa Maynila at casalucuyang siya,i, inaantay nang caniyang magulang dito sa Tanay, alinsunod sa caniyang pangaco, na siya,i, paririto at magvavacasion dini sa caniyang bayan.
Calumbay-lumbay ang nangyari sa mag-anac ni cabezang Dales dahilan dito. Tinangap nila ang isang sulat ni Próspero, at doon itinutucoy niya ang arao nang pag-alis niya sa Maynila, na patuñgo rito.
Malaqui ang toua nilang lahat nang mabalitaan nang ganoon, subali,t, ang toua ni cabezang Angi, nang matanto niya ang napalaman sa sulat ni Próspero, ay lumalo na di hamac sa lahat, palibhasa,i, mayroon nang tatlong taong di nasisilip-silip niya ang muc-ha nang caniyang caibig-ibig na anac, at gustong-gusto niyang maquita. Caya dala nang malaquing toua niya,t, nasang maquita ang caniyang anac, ay pinasalubuñgan niya si Próspero nang isang matuling at mariquit na cabayo doon sa Cainta, niyon ding arao na itinucoy ni Próspero sa caniyang sulat.
Nang magcaganito,i, nag-aantay ang magasaua ni cabezang Andrés, pati ni Felicitas nang pagdating nang canilang anac at capatid, at handa na ang caniyang pagcain pati bihisan. At sa di dumarating-dating nang macaanimas na, ay namamalisa silang lahat, at pinag-uusap-usapan nila ang dahilan nang gayong pagcaluat, at ang uica nang isa.
--¡Baca, nahulog si Próspero sa cabayo!
--¡Baca, hindi nacaquita siya nang bangca! ang sagot nang isa.
--¡Seguro,i, guinabi siya sa Taytay ó sa Binañgunan caya, at doon na siya,i, matutulog, at mag-aantay nang sicat nang liuayuay, ang uica naman nang isa.
Ganoon nang ganoon ang pinagsasalitaan at pinag uusapan nilang mag-anac, na hindi nagcacaisa ang canilang caisipan at narito na ang isang oficiales, na nangagaling sa Tribunal, at may tañgang isang oficiong sulat nang Sr. Alcalde mayor sa Maynila, na ang lamán ay ganito: cung sa uicang tagalog:
Gobernadorcillo sa Tanay.--Pagtangap ninyo nitong órden ó cautusan, ay papaharapin ninyo dito sa Alcaldia mayor ang dalauang catauo, na si D. Andrés Baticot at si doña Maria Dimaniuala ang mañga ñgalan, nang sila,i, macasagot sa sumariang guinagaua dito sa Juzgado, contra sa canilang anac na si Próspero Baticot dahilan sa mañga utang at ibang mañga capañgahasan.--Tuparin ninyo agad itong utos na ito at ipatanto sa aquin ang catuparan.--Alcaldia mayor sa.... sa icatlong arao nang buan na Junio nang taong 18...--Erizo.
Catacot-tacot ang pag-iiyacan at caguluhan nilang lahat nang matanto nila ang cahulugan niyong sulat nang Sr. Alcalde mayor. Ualang naalaman gauin, ualang naalaman sabihin.
Dinaluhan sila nang capitbahay at nang ibang tauong nacariñgig nang mañga sigauan nila, at hindi mapalagay-lagay ang canilang loob, pañgaralan man sila nang mañga uicang caalio-alio.
Di tuloy cumain nang hapunan, at di nahiga sila nang caunting oras man lamang niyong magdamag na yaon. At nang quinabucasan nito ay ipinagtagubilin ni cabezang Andrés ang caniyang pamamahay at ang caniyang anac na si Felicitas sa isang capatid niya, na si Juez na Godio ang ñgalan, at lumacad na silang mag-asaua, na patuñgo sa Maynila.
Di co man sabihin, acala co,i, mapaguauari rin nang sino mang bumabasa nitong aquing casulatan ang cadalamhatian nang loob at casicpan nang dibdib nang mag-asaua ni Dales sa canilang paglacad. Uala silang ibang nasa, cundi ang macarating silang agad sa Maynila, nang maquita nang canilang sariling mata, nang mariñgig nang canilang sariling taiñga, sa catagang uica: nang maalam nila ang totoong calagayan at ang mañga bagay-bagay na casalanan nang canilang anac na si Próspero. Caya uala sa canilang loob ang gutom at ang pagod. Sila,i, nagugutom nga,t, napapagod pa, ñguni,t, hindi nila inaalumana itong mañga hirap na ito, at ga hindi nila dinadamdam. Isa lamang ang iquinaiinip nila, ang calayuan baga nang linalacaran nilang daan; sapagca,t, gaua nang malaquing pagnanasa nilang dumating sa Maynila, ay minamalayo nilang totoo ang dati-dati ay minamalapit nila.
Cung sasaysayin co ang lahat na nangyari sa naturang mag-asaua doon sa Maynila, at ang lahat na naisipan nila, at ang lahat na dinamdam at iquinahirap nang canilang calooban, ¡Ay ina co! hindi matatapos-tapos itong aquing salita. Subali,t, palibhasa,t, ang naguing ugali co sa aquing mañga pagsasalita, ay houag gumamit nang maraming uica cung isasaclao co rin lamang sa caunti; at palibhasa,i, masama rin naman, cundi co salitain ang nangyari sa mag-asaua ni Angi doon sa Maynila, ay ito na ang talaga cong sasabihin sa tipid na uica:
Nang humarap ang mag-asaua ni cabezang Andrés sa Hocom, sa Sr. Alcalde mayor baga; at nang nariñgig nila sa bibig nang nasabing Sr. Alcalde, ang dami nang pinagcacautañgan ni Próspero; at ang capal nang salaping caniyang inutang, sampon nang ibang cabalia,t, capañgahasang guinaua niya, ay natilihan silang totoo, at caunting-caunting naboual at nanhimatay na capoua.
Datapoua,t, palibhasa,i, magulang ay nagpacatibay sila nang loob; at nang houag bagang mapahamac na lalo ang canilang anac, cahima,t, macasalana,t, palamara; ay nañgaco sila sa Sr. Alcalde, na sila,i, magbabayad nang lahat nang utang nang canilang anac pati nang mañga perjuiciong guinaua niya.
Naglagay sila nang fianzang hinihingi sa canila nang Sr. Alcalde, at hinañgo nila tuloy sa cárcel si Próspero, at capagcaraca,i, ipinagsama nila sa bangca, at sumuba silang tatlo dito sa Tanay.
Nang maguing dalauang lingong magmula nang pagharap nina Dales sa Sr. Alcalde, ay may dumating dito sa Tribunal, ang isang mahigpit na órden sa Maguinoong Capitan, na ang iniuutos baga doon, ay pacatantoin niya sa magulang ni Próspero Baticot, na sila,i, magdala ó magpadala, agad agad, sa Juzgado sa Maynila nang ganoong salapi, (hindi co maalaala ñgayong oras na ito, cung magcano ang lahat, subali,t, matatandaan cong maigui, na macapal na totoo,) at cung sacali,t, hindi sila magbayad ó macabayad nang nasabing cantidad, ay gapusin nang Maguinoong Capitan ang mag-asaua ni Dales, pati anac nila na si Próspero at ipaluas niya sa Maynila casama nang isang oficiales at mañga cuadrillero. At nang houag anang utos, magcacahalang ang anomang cataonan, ay embargohin niya capagdaca ang lahat nang pag-aari ni don Andrés Baticot pati nang sa caniyang asaua na si doña Maria Dimaniuala.
Ipinatanto nang Maguinoong Capitan cay cabezang Dales itong utos na ito, at hindi cumibo si Andrés, cundi itinuñgo ang ulo, at ang uica,i, siya,i, sunod-sunuran sa utos nang mañga Puno. Subali,t, nang aalis na ang aming Maguinoong Capitan, ay ipinamanhic ni cabezang Andrés sa caniya, na cung mangyayari sa caniyang loob, ay houag bagang ipaembargo niya muna ang canilang pag-aari, at siya,i, magbabayad at magbabayad nang lahat na ualang culang.
Pagcaalis nang Maguinoong Capitan, ay binilang ni Andrés ang salaping natatabi sa bahay at sa di umaabot nang calahati man lamang sa pagbabayad nang mañga utang, at ibang mañga perjuiciong sinabi sa canila nang Sr. Alcalde, ay ipinagbili niya ang canilang mañga hayop, at mañga palayang iba, na ualang natira sa canila, cundi tatlong calabao lamang, at caunting lupang bubuquirin.
Pagcaipon ni cabezang Dales nang hustong salapi, ay iniluas niya sa Maynila, at binayaran niya ang mañga utang na lahat, at umoui na siya dito sa Tanay.
Magmula niyon, ay nasira ang capayapaan sa sangbahayan nina cabezang Angi. Totoo ñga na hindi sila nagcacasiraan, at hindi naman sila nagtataniman; subali,t, sa loob man lamang, ay nagsisisihan silang lahat, dahilan sa nangyari, at nagtuturu-turuan nang casalanan nang isa,t, isa.
At saca, paglibhasa,i, dati-dati ay maguinhaua ang canilang tayo, at ñgayo,i, mahirap na, ay ga quinucutcot ang calooban nang isa,t, isa nang pag-aalaala nang canilang dating calagayan, at tila sumasama at tumatabang ang canilang loob, na cung minsa,i, tumutulo pa ang luha sa canilang mata. At cung caya ang uica co cañgina,i, nasira ang canilang capayapaan.
Nang mangaling si cabezang Andrés sa Maynila, nang macabayad na sa nasabing mañga utang, ay tinauag niya si Próspero, at pinañgusapan niya sa harap ni cabezang Angi at ni Felicitas nang ganito:
Proper, malalaquing totoo ang perjuicio at casiraang guinaua mo sa magulang mo,t, capatid. Hindi lamang naualan tayo nang pag-aari, cundi puri natin ay cacalat-calat sa bibig nang tauo. Ipinatatauad namin sa iyo itong lahat nang ito, datapoua,t, ipinamamanhic din namin sa iyo, na mula ñgayon, at magpumilit cang tumalicod sa masasamang ugaling pinag-aralan mo sa Maynila; mag-asal ca na nang asal cristiano, at tumulong ca sa amin sa paghanap nang pagcabuhay. Mahirap man tayo ñgayon, ay hindi tayo mauaualan nang macacain at nang pananamit natin, sa pamamaguitan nang tulong at aua nang Pañginoon Dios, cung tayo,i, masisipag sa trabajo. Malaqui ang aua at pag-ibig ipinaquita namin sa iyo, Proper, caya gantihan mo rin cami nang capoua aua at nang capoua pag-ibig. Ito lamang ang hinihingi namin sa iyo; subali,t, magiñgat ca rin, Proper, at houag mo acong biguian uli nang dahilan sa pagpaparusa sa iyo, sapagca,t, cung magcagayon, ay lulubusin co na.
Pinaquingan ni Próspero itong pañgañgaral at pagbabala sa caniya nang caniyang amba, at humiñgi siyang tuloy nang tauad sa magulang at capatid, at ipinañgaco pa niya, na hindi na siya gagaua uli nang anomang icagagalit nila ó icasasama nang loob.
Nang ito,i, matapos, ay nagsapol sila nang bagong buhay, sa macatouid: buhay nang mahihirap, at hindi na sila mayaman. ¡Subali,t, cataca-taca itong mag-anac ni cabezang Andrés! ¡Mahihirap man sila ñgayo,y, hindi ninyo mahahalata ang canilang cahirapan!
Dati sila,i, masisipag at mababait, na parang sinabi co sa itaas; caya nang sila,i, datnan niyong sacunang sinalita co na; ay ualang catiguil-tiguil sila.
Si cabezang Dales casama ni Próspero ay gumagaua sa buquid, sa bundoc ó sa bayan, na ualang tahan.
Si cabezang Angi ay nagbibigas ó lumalala nang banig.
Si Felicitas naman, dati-dati ay hindi nananaog sa bahay, cundi sa pagparoon sa simbahan, ó sa ibang bagay na totoong cailangan, ay gumagaua ñgayon nang sari-saring luto at pagcain, at itinitinda,t, ipinagbibili niya sa plaza, umaga,t, hapon. Caya hindi sila,i, nauaualaan nang anomang cailañgan, at ang canilang lagay ñgayo,i, nagcacaparis din, (cung sa tiñgin nang tauo), sa dati nilang calagayan.
At sa catunayan, ay magtanong cayo sa canino man dito sa bayan, at asahan ninyo, na hindi sasabihin sa inyo baga, na ang mag-anac na cabezang Dales ay mahihirap, cundi ang isasagot sa inyo, na sila,i, maguinhauang tauo, at mayayaman.
Ñguni,t, ¡oh carupuca,t, caiclian nang mañga bagay-bagay dito sa mundong maraya! Ang paimbabaong caguinahauaha,t, capayapaan nang mag-anac ni cabezang Andrés, ay hindi natagal.
Si Próspero, na nararatihan na sa mañga layao nang catauoan, ay nabibigatan siyang totoo ñgayon at nahihirapan sa pag-aararo, sa pagtaga nang cahoy at cauayan, sa pagpaparagos, at sa iba,t, ibang trabajong caraniuang gauin nang caniyang ama na si cabezang Dales.
Caya, nang maguing dalaua ó tatlong lingong magbuhat nang siya,i, tumutulong sa caniyang ama sa pagtatrabajo, ay dumaing siyang totoo sa caniyang ina, nang pamamaltos nang camay, nang saquit nang bayuang at nang pamamanhid nang litid nang boong cataouan niya. Quinauaan siya ni cabezang Angi, pinaligpit niya sa bahay, at ipinagamot sa mañga mediquillo dito sa bayan.
Nang magcagayon ay naaua naman si cabezang Dales sa caniyang anac, at hindi lamang hindi ipinagsama niya sa trabajo, cundi bagcus, ay ipinagtagubilin sa mahigpit cay cabezang Angi, na ipagamot sa mañga mediquillo, at alagaan niyang maigui.
Datapoua,t, pag naguing iilang arao, at nang mapagmasdan ni Dales, na ang caniyang anac, ay hindi gumagaling-galing, cung sa pagtatrabajo; ñguni,t, maigui at malacas siya, cung sa pagligao at paggala, ay nagalit na di hamac, at pinaguicaan tuloy si Próspero nang masasaquit na uica.
Sumama uli si Próspero sa caniyang amba sa pagtatrabajo, subali,t, hindi niya panañgatauoanan, at hindi man inaalumana niya ang paggaua, cundi nagdadahi-dahilan siyang palagui nang sari-sari, gaua lamang nang caniyang catamaran at masamang ugali.
Uala siyang cacusa-cusa nang munti man, at nang sabihin co nang biglang sabi; ay hindi siya gagaua nang ano-anoman, cundañgan ang mahigpit na lagay niya, at ang catacutan niya sa caniyang amba.
Itong lahat nang ito,i, pinagmamasdan ni cabezang Andrés, at cahima,t, iquinagagalit niyang totoo, ay pinipiguil na maigui ang caniyang calooban, at hindi niya pinag-uicaan ang caniyang anac nang anomang uicang may cahalong galit, cundi pinañgañgaralan niyang banayad na banayad, mangyari lamang mabago ang caniyang loob at ugali. Subali,t, baga man napaoo nang napaoo, at napapaayon nang napapaayon ang palamarang Próspero sa mañga pañgañgaral nang caniyang amba, ay cung sa gaua,i, hindi rin binabago niya ang caniyang masamang ugali, cundi ang caniya lamang ay siyang sinusunod.
Dahilan dito,i nagdadalamhating palagui ang loob ni Dales, at lalong-lalong naragdagan itong cadalamhatian nang caniyang loob, nang mabalitaan niya, ang mañga cabaliuang guinagaua ni Próspero sa mañga babayi, at ang mañga pagcacautang-utang niya cung saan-saan.
At sa di na natiis niya itong masamang asal nang caniyang anac, ay guinapos niyang minsan nang madaling arao, itinali sa isang haligui nang bahay, hinampas nang di biro-biro, at doon pinabayaan niyang maghapon at magdamag.
Nagmamacaauang totoo ang mag-ina ni Pili cay cabezang Andrés, at si Próspero nama,i, ualang calagot-lagot nang paghingi nang tauad, caya quinaauaan siya nang caniyang tatay, inalisan siya nang mañga tali, at tuloy pinañgusapan siya nitong maicsi, ñguni,t, malamán na salita:
Proper, ani cabezang Andrés, Proper, cung sana sa bangca, aco,i, tiguib na tiguib na, caya cung minamahal mo ang buhay mo at ang buhay co, ay magpacaiñgat ca na.
Natacot na totoo, si Próspero dito sa mañga uicang ito nang caniyang tatay, caya nagmabait siya,t, nagmasipag nang panibago. Datapoua,t, halos di pa bahao ang mañga sugat nang caniyang pigui, ay nauala na sa caniyang loob ang pagbabala pati pañgañgaral sa caniya ni cabezang Andrés, at nagsauli siya sa dati niyang masasamang caugalian.
Itong mañga suson-suson na capighatian nang loob ni cabezang Dales, ay dumamay rin sa caniyang catauoan, caya hindi nalaon, ay nagcasaquit siya nang isang mabigat at di maquilalang saquit, (palibhasa,i, uala sa catauoan, cundi nasasaloob), at baga man guinagamot siya nang mañga mediquillong taga rito, at nang taga ibang bayan, ay lumalala ang caniyang saquit, (na, uala sa caniyang catauoan cundi na sa caniyang calooban), at namatay tuloy, pagcatangap nang mañga santo Sacramento.
Segurong-seguro ang mañga bumabasa nitong aquing casulatan, ay nagiisip sa canilang sarili, ó nagnanasa cayang maalaman, cung ano baga ang naguing calagayan, ó buhay caya ni Felicitas, na magmula niyong unang pagvavacasion ni Próspero dini sa bayan, hangan dito sa pagcamatay nang caniyang ama. At nang matapatan co ang nasasaloob nang mañga bumabasa nitong tunay na historia, ay sasabihin co ang lahat nang naalaman co, dito sa caunting salitang susunod:
Nang nagvavacasion dito si Próspero, at natatantong maigui ni Pili ang caugalian, at ang iba,t, ibang caisipan nang caniyang capatid, tungcol sa mañga bagay nang caloloua, at sa mañga asal nang tauong cristiano, ay pinaroonan niyang uli ang aming Cura, at doon cumuha nang sanguni: at ang uica nang aming cagalang-galang na Padre Cura sa caniya,i, ganito:--Felicitas, uala acong naalamang gamot sa saquit ni Próspero, cundi ang siya,i, ialis nang magulang mo sa Maynila at ioui dito sa bayan.
Ayon dito sa hatol na ito,i, oras-oras ipinamamanhic ni Felicitas sa caniyang magulang, na houag baga paluasin nilang uli si Próspero sa Maynila, cundi patirahin na siya dito sa bayan, baca, aniya, baca, pó,i, mapahamac, cung mapalayo sa inyo.
Subali,t, hindi rin nacamtan niya ang cahiñgian, baga man siya,i, tinutuluñgan nang aming mahal na Padre Cura. Ang isinasagot cay Pili nang mag-asaua ni Angi, at ang minamatouid nila,i, ualang-uala silang naquiquitang masama cay Proper, cundi ang mañga gaua-gauang ugalit nang cabinataan, na, mauauala rin ainila, cung siya,i, mag-aaral pa nang caunti sa Maynila.
Sa icatlong taon nang pagcatira ni Prospero sa Maynila, ay may dumating dito sa bayan na isang balita, na di umano rao,i, si Próspero ay hindi na nag-aaral na siya,i, inuusig na palagui nang caniyang mañga pinagcacautañgan; na siya,i, hinabla sa Juzgado, cung macailan na dahilan sa gayong mañga bagay; na siya,i, paganoo,t, paganoon.
Itong balitang ito,i, hayag na hayag, at calat na calat dito sa boong bayan, caya si Felicitas, dala nang malaquing capighatian nang caniyang dibdib, ay isinumbong niya itong lahat na manga bagay na ito sa caniyang magulang, at nag-uica uli sa canila, nang mangyari ay paouiin na nila si Próspero dito sa bayan, nang maputol at matapos ang ganoong mañga carumal-dumal na pagbabali-balita nang tauo.
Pagsusumbong nang gayon ni Felicitas sa caniyang magulang, ay quinagalitan siya,t, pinañgusapan pa ni cabezang Angi nang ganito:--Houag cong magosiosa, Pili, at houag cang maquialam sa mañga gaua namin nang amba mo, at cami ang nacacaalam niyang mañga bagay na iyan, at hindi cailañgan na cami ay turuan mo pa. ¿Baquit icao,i, maniniuala sa mañga sabi-sabi nang tauo, na puro gaua nang canilang capanaghilian sa atin? Caya tahanan mo iyang salita mong iyan.
Nagolomihanang totoo si Felicitas pagcariñgig nitong pañguñgusap nang caniyang ina, at hindi na siya cumibo. Subali,t, sa di mapalagay-lagay ang caniyang loob, ay isinanguni niya sa caniyang Cura,t, Confesor itong lahat nang ito. Pinaquingan nang aming Cura ang mañga isinasanguni ni Felicitas sa caniya, at itinanong pa siya cay Pili ang iba,t, iba, at pagcatapos, ay naghatol siya cay Felicitas; na houag na siyang cumibo magpumilit siyang magpacabanal, at ipamahala na niya sa Pañginoon Dios ang lahat na yaon.
Sinunod ni Felicitas ang hatol at bilin nang aming Cura sa caniya, at hindi na siya umimic. Ang lahat na naquiquita niya,t, naririñgig tungcol cay Próspero, ay tinitiis niya sa caniyang sarili, at sa Pañginoon Dios inihahain.
Sasabihin co na ang lahat sa mañga catagang uica. Ang lagay ni Felicitas sa panahong yao,i, siyang-siya nang lagay nang isang macetas, na hindi dinidilig na nalalanta,t, nalalanta, natutuyo,t, natutuyo at sa calauna,i, namamatay. Ganito, anaquin, ang lagay ni Felicitas, nang inioui rito nang caniyang magulang si Próspero na mangaling sa Maynila, at nang maipagbili na nila ang canilang pag-aari, sa pagbabayad nang mañga utang niyong palamarang anac at capatid.
Nang naririto na sa bayan si Próspero, at natantong uli ni Felicitas ang caniyang asal at ugali, ay sumaquit na lalo ang caniyang loob, caya baga man pinagticahan niya, na hindi na siya quiquibo; ay hindi rin matiis, palibhasa,i, inaari niyang malaquing casalanan ang di pagsasabi nang totoo sa caniyang capatid; at dahilan dito,i, sinira niya ang caniyang dating pagtitica, at pinañgaralan niya si Próspero, (cung macailan), sa mañga lihim, at sa mañga banayad na banayad at mahusay na pañguñgusap. Datapoua,t, sa di siya,i, paquingan ni Proper, cundi siya pa ang quinagagalitan at pinag-uiuicaan nang masama, ay itinicom niya ang bibig, at hindi na siya umimic nang munti man. Pinagsisipagan niya lamang ang paggaua, nang siya,i, macatulong-tulong sa caniyang magulang sa paghanap nang pagcabuhay; guinaganap niyang ualang sala ang caniyang mañga dating devosion, at hindi na siya naquiquialam sa ano pa mang bagay.
¡Naca-aaua mandin si Felicitas, cung pagmasdan ninyo ang caniyang casipagan at panoorin ninyo ang caniyang muc-hang payat, putlain at malumbayin pa!
Ito, inuulit cong sabihin, ang calagayan nang loob at catauoan ni Felicitas doon sa panahong yaon, at nang mamatay ang caniyang amba.
Ñgayo,i, itutuloy co na ang pinutol cong salita.
Nang mautas na si cabezang Andrés at malibing na sa panteon, at natapos ang pagsisiam, naugaling gauin naming mañga tagalog, ay tinauag ni cabezang Angi ang caniyang anac na si Próspero at pinañgusapan nang ganito:
Proper, anac co, talastas mo na ang pagmamahal namin sa iyo, caya ipinamamanhic namin sa iyo, na icao,i, magbait na, at pañgasiuaan mo ang caunting pag-aaring itinira sa ating nang nasira mong amba. Naalaman mo rin, na ualang ibang sucat nating asahan pagcabuhay, cundi ang ating sariling hanap, caya gumaua tayong para-para, at hindi tayo mauaualan nang macacain sa tulong at aua nang ating Pañginoon Dios.
Pagcatapos nitong salita ni cabezang Angi, ay ipinañgaco ni Próspero sa caniyang inda at capatid, na siya,i, magbabait na, at hahalili sa caniyang nasirang ama, sa pañgañgasiua nang canilang pag-aari; at ang uica pa:--Nanay, houag, po, ninyong alaalahanin ang ano pa mang bagay sa ating pamamahay; at acong bahala sa lahat.
Naniuala si cabezang Angi sa pañgaco nang caniyang anac, at naniuala naman si Felicitas; subali,t, iba ang nangyari.
Naalaman na nang mañga bumabasa nitong aquing casulatan, na si Próspero,i, ualang cacusa-cusa sa trabajo, naalaman din nila, na cung caya,i, gumagaua-gaua si Proper nang daco noong arao,i, alang-alang lamang sa catacutan niya sa caniyang namatay na ama; at natatanto naman nila, na si Proper ay ualang caisipisip at ualang catiñgintiñgin sa caniyang pamamahay. At nang ipahayag co ang totoong nasasacalooban co,i, sasabihin co pa ñgayon, na ang pagcamatay ni cabezang Dales, ay iquinalumbay ni cabezang Angi nang di hamac, at iquinabacla nang loob ni Felicitas; datapoua,t, bagay cay Próspero,i, ang damdam co,i, siya,i, natotoua, nang malaquing toua, baga man nagcucunouari siya,i, nalulungcot.
Dito sa mañga susunod na salita,i, maquiquilala ang pagcatotoo nitong aquing paghihinala.
Ayon sa pañgaco ni Próspero sa caniyang ina at capatid, na siya baga,i, mañgañgasiua na lahat, na para nang guinagaua nang caniyang tatay, ay ipinagcatiuala sa caniya ni cabezang Angi ang pamamahala sa mañga hayop, at sa mañga lupang bubuquiring natitira pa sa canila.
Nang magcagayon, ay isip ninyo,i, tototoohanin ni Próspero ang caniyang pañgaco. Uala siyang catiguil-tiguil. Mamaya,i, pinaliligoan niya ang canilang tatlong calabao; mamaya,i, nangdadamo siya, ó nañgañgahoy caya; ñgayo,i, pinag-iigui niya ang bacuran nang canilang bahay, ó linilinis ang canilang looban; ó cung dili caya,i, naghuhusay-husay siya nang mañga casangcapan sa pamamahay. At ang lalong caguila-guilalas dito,i, hindi na siya nagsasalual sa mañga gauang ito, cundi mañga putol lamang. ¡Subali,t, itong casipagang ito,i, hindi natagal!
¿At sa di gayon? ¡Uala na siyang quinatatacutang ama! ¡Ang caniyang ina at capatid ay hindi niya quina-aalang-alañganan nang munti man! At ang lumalalo sa lahat: ¡ay ualang-uala sa caniyang calooban, ang pagbabalic loob sa Pañginoon Dios! Caya,i, nanariua nang panibago sa caniyang puso, ang quinararatihan niyang masasamang ugali, at nagsauli rin sa dati.
Dahilan dito,i, uala pang sangbuan siya sa caniyang bagong pagcalagay ó catungculan, ay namatay sa gutom ang isang calabao nila, gaua nang capabayaan ni Próspero.
Sumapit ang panahon nang pagtatanim, at ang caunting palayan nila,i, hindi natamnan, dahilan sa capabayaan ni Próspero.
Pagcamaya-maya,i, nauala, rao, ang uica ni Próspero, ang isa pa nilang calabao, bago-bago,i, nang usisain ni cabezang Angi ay nabalitaan niya, na di umano,i, ipinagbili ni Proper sa pagbabayad nang ibang mañga utang niya.
Sa catagang uica: hindi pa naboo ang sangtaong arao magmula nang pagcamatay ni cabezang Andrés, ay dinaquip si Próspero nang justicia at piniit sa tribunal, dahilan sa paghahabla sa caniya nang maraming tauo.
Humarap si cabezang Angi sa Tribunal at inusisa niya doon itong nangyaring ito sa caniyang anac, at ipinahayag sa caniya nang Maguinoong Capitan, na cung caya napepreso doon si Proper, ay dahilan sa cacapalan nang caniyang utang, na hindi binabayaran, at dahilan naman sa mañga reclamo ni Capitang Juan Gavi, bagay sa caniyang anac na dalaga, at mañga habla ni cabezang Teo Mauiling tungcol sa caniyang asaua, at cung ano-ano pang sinabi nang Maguinoong Capitan.
Nang mariñgig ni cabezang Angi ang mañga sinasalita sa caniya nang aming Capitan, ay namutla siya,t, nasindac na totoo, na hindi macaquibo, at hindi macapag-uica, at hindi man macaiyac; tila mandin nahahalañgan ang caniyang lalamunan, at natutuyo ang luha nang caniyang mata caya nang pagmasdan nang Maguinoong Capitan ang masamang tayo ni cabezang Angi, ay pinaoui siya, at ang uica sa caniya:
--Cayo, pó,i, umoui muna, cabezang Angi, at mapalagay-lagay, pó, cayo nang loob, at bucas, pó, nang umaga, cung may aua ang Panginoon Dios, at tayo,i, nabubuhay pa, ay pumarito cayo, at atin pong husain itong mañga bagay na ito.
Umoui ñga si cabezang Angi, at sinamahan nang isang oficiales na camag-anac niya, na baca cung mapaano siya sa daan, at nang dumating sa bahay, ay sinalubong siya ni Felicitas sa catapusan nang hagdan. Pumanhic si cabezang Angi, at biglang bigla,i, niyapus niyang totoo itong si Felicitas, at napaiyac nang catacottacot. Naghimatay tuloy si Pili nang maquita ang anyo nang caniyang inda, at cundañgan ang officiales na casama ni Angi, ay naboual at napagulong sa hagdan ang mag-ina.
Nang magcaganito,i, sumigao ang oficiales, at dinaluhan sila tuloy nang mañga capitbahay, at nang manga camag-anac, at malaquing totoo ang nangyaring ligalig doon, gaua nang caramihan nang tauo.
Ang iba,i, gumagamot-gamot cay Pili.
Ang iba,i, umaalio, alio cay cabezang Angi.
Ang iba,i, humahanap nang mediquillo, at ang iba nama,i, cumacaon nang confesion.
Gulong-gulo silang lahat, na ualang ibang naquiquita,t, naririñgig, cundi utos dito, utos doon, tauag sa magcabi-cabila, at tacbuhan nang lahat.
Subali,t, nang dumating ang aming mahal na Padre Cura,i, tumahimic nang caunti ang mañga tauo, dahilan sa malaquing pag-ibig at caalang-alañgan nila sa caniya.
Pagcapanhic nang aming Cura sa bahay ay inusisa agad sa mañga tauong caharap ang bagay ó dahilan nang pagcacasaquit at paghihimatay ni Felicitas, at capagcaraca,t, sinaysay nang oficiales ang caniyang naquita,t, naalaman.
Nilapitan tuloy nang Cura ang maysaquit: pinulsuhan: tiningnan ang lagay nang muc-ha; tinauag pa niya nang malacas si Felicitas; at sa di cumiquilos-quilos ang maysaquit, ay agad-agad nagsoot ang Cura nang roquete at estola, pinagcalooban niya ang nanghihimatay nang caniyang mahal na absolución, at tuloy pinahiran nang Santong Lana.
Hindi namatay si Felicitas doon sa pagcacasaquit na yaon, datapoua,t, naguing sampuong oras bago siya,i, masaulan nang pag-iisip; at nang siya,i, pagsaulan nang ganoon, ay nagcataong naroroon ang aming Padre Cura.
Pinagmamasdan siyang maigui nang aming Cura, pati nang ibang mañga caharap doon, na lubhang marami, at naramdaman nila, na madalas na madalas ang paghibic ni Felicitas, at malacas ang tulo nang luha sa caniyang mata, caya lumapit ang Cura, at quinausap si Pili nang ganito:
--¡Felicitas, Felicitas!
--Pó, ang sagot ni Pili.
--¿Naquiquilala mo aco?
--Oo pó.
--¿Sino baga aco?
--Cayo, po, ang aming Cura at aquing Confesor.
--¿Ay anong nararamdaman mo? sabihin mo sa aquin baca mayroon acong naalaman gamot.
--Uala, pó, acong nararamdamang anomang saquit.
--¿At ano,t, icao,i, umiiyac?
--Ay auan co, pó, cung baquit hindi co, pó, mapiguil-piguil itong aquing luha.
--Houag mong piguilin ang uica nang Cura, houag mong piguilin, Felicitas, iyang luha mo: pabayaan mong tumulo at umagos, at siyang macaguiguinhaua sa iyo.
Itinanong tuloy nang Cura sa caniya cung ibig niyang magcompisal, at ang sagot ni Pili ay ganoon:
--Houag pó, muna, Amo, at tila,i, hindi pa mahusay ang aquing pag-iisip. Sa iba pong oras ay ipasusundo co cayo cung baga hindi pó ninyo minamasama.
--¿Baquit mamasamain co iyan? ang uica nang Cura; magpasabi ca lamang sa Convento, at aco,i, paririto agad.
--¡Salamat, pó, Amo, ang Pañginoon Dios ang gumanti sa inyo!
Tumindig na ang aming Cura sa quinauupuang bangquillo, at nagpaalam na, subali,t, bago siya,i, umalis, ay nagbilin cay cabezang Angi nang mañga gamot, na dapat niyang gauin sa maysaquit.
Dalauang arao lamang nacahiga si Felicitas sa banig; at nang siya,i, malacas-malacas na, at nacapagbañgon, ay isinanguni sa caniya ni cabezang Angi, cung ano-ano caya ang mabuting gauin sa pagbabayad nang mañga utang ni Próspero; at ang sagot ni Felicitas ay ganito:
--Cayo póng bahala, nanay. Gauin pó, ninyo ang balang minamatapat nang inyong calooban, at aco po,i, sunod-sunoran sa inyo, at tutuluñgan co po, cayo, sa boong macacayanan co, sa paghanap nang macacain natin.
Alinsunod dito sa mabuting paquiquiayon ni Felicitas sa caniyang ina, ay ipinagbili ni cabezang Angi ang canilang calabao na isang natitira; isinanla niya ang canilang mañga palayan, at naparoon siyang tuloy sa Tribunal; at doon sa harap nang Maguinoong Capitan, at nang ibang mañga sacsi, ay nagbayad siya nang mañga utang ni Próspero.
Datapoua,t, hindi rin natapos ang gulo at paghahablahan, sapagca,t, ang mañga naturan co, na si Capitang Juan at si cabezang Teo,i, hindi pumayag sa capamanhican ni cabezang Angi at sa cahatulan nang aming Maguinoong Capitan, cundi itinuloy nila ang canilang usap sa Juzagado, sa Maynila, at dahilan dito,i, tinauag si Próspero nang isang órden nang Señor Alcalde mayor at inihatid sa Maynila, at doon piniit siyang uli sa bilanguan.
Marami sana ang masasabi co tungcol dito sa bagong nangyaring ito; subali,t, nang houag baga,i, mapacahaba ang aquing salita, ay lalactauan co ang marami at malamán na mañga bagay-bagay, at sasabihin co lamang itong mañga susunod:
Sa malaquing pag-ibig ni cabezang Angi, na macaligtas at macalabas sa carcel ang caniyang anac, na si Próspero, at macaoui dito sa bayan, ay ipinagbili niya ang lahat-lahat nang pag-aari nila; pati bahay, pati solar, pati alhajas, na ualang-ualang natira sa canilang mag-ina ni Felicitas, cundi ang canilang damit lamang.
Iniluas ni cabezang Angi ang salaping inipon niya; at ang iba,i, ibinayad niya sa abogado ni Próspero; ang iba,i, ibinigay sa alcaide sa carcel, nang siya baga,i, pahintulutang dumalao sa caniyang anac; ang iba,i, guinugol niya sa caniyang pagcain; at ang iba,i, isinabog niya cung saan-saan, mangyari lamang siya,i, tuluñgan sa pagtatangol cay Próspero.
Bucod dito,i, napaampon siya sa lahat nang mañga caquilala at di caquilala niya, at nang sabihin co sa madaling salita; ay ualang di guinaua niyang capamanhican sa pagcacaliñga sa caniyang anac.
Datapoua,t, naubos ang salaping dala niya, napagod siya nang di hamac, nang calalacad dito,t, doon, at hindi lamang hindi pinaquingan ang caniyang pag-iiyac, at ang mañga caraiñgan nang caniyang mañga caquilala at camag-anac, na pinintacasi niya, cundi bagcus ay nanaog ang isang mahigpit na hatol at sentencia, na ang iniuutos doon, ay:--ipadala agad sa Balabac si Próspero "Baticot anac ni don Andrés Baticot at ni doña María Dimaniuala, na taga Tanay; dahilan sa caniyang masasamang caugalian at antecedentes at dahilan sa mañga perjuiciong guinaua at guinagaua niya sa caniyang capoua tauo."
Ayon dito sa utos na ito,i, dinala ñga si Próspero doon sa Balabac, at doon dao,i, namatay, ang balita nang tauo.
Sa uala nang magaua si cabezang Angi sa Maynila, ay umoui rito; datapoua,t, bago siya,i, macarating dini, ay nagpalimos sa mañga bayan-bayang dinadaanan niya, palibhasa,i, uala siyang bauon, at uala namang cuartang ibibili nang cacanin. Caya, gaua nang malaquing cahihiyan, capagura,t, calumbayan niya,i, bangcay na mistula ang caniyang anyo, nang siya,i, dumating dito sa bayan.
¡Caunting namatay na patuluyan si Felicitas, nang maquita niya ang caaua-auang lagay nang caniyang inda! Nguni,t, nagpacalacas siya nang loob; inaliu pa ang caniyang ina; binihisan niya; pinacain; pinahiga sa banig, at ang lahat na,i, guinaua niya, nang macatulong at macapagbigay guinahaua sa caniyang iniibig na ina. ¡Pati catauouan niya,i, nalimutan, dahilan sa pag-aalila,t, pamimintuho sa caniyang ina!
Nang mahusay-husay na si cabezang Angi, ay inusisa sa caniya ni Felicitas ang lagay ni Próspero. Sinaysay ni cabezang Angi ang lahat, na ualang inilihim, at nang mabalitaan ni Pili ang nangyari sa caniyang capatid, ¡ay ina co! parang natangal ang lahat nang litid nang caniyang cataouan, caya magpacalacas-lacas man siya,t, magpacatibay-tibay man nang loob, ay nahapay rin siya.
Sinabi co cañgina, na ang catauoan ni Felicitas doon sa panahong yaon, ay buto,t, balat lamang. Subali,t, gayon man, ay sapagca,t, ang caniyang cabanala,i, malaqui, at caniyang caloloua,i, buhay na buhay, ay pinipilit nang pinipilit niya ang caniyang catauoan sa pagtatrabajo, at nacagagaua-gaua rin siya nang icatutulong sa canilang paghahanap buhay. Datapoua,t, nang mariñgig niya sa caniyang ina, ang quinasapitan ni Próspero, ay naualan siya nang dating catibayan nang loob, at napahiga na sa banig, na hindi na siya nacapagbañgon.
Nang magcaganito,i, ipinatauag ni Felicitas na agad-agad ang aming Cura at caniyang confesor, at doo,i, nagcompisal siya nang mahusay, at nang quinabucasan niyo,i, dinalhan siya nang Santo Viático, at pinahiran siyang tuloy nang Santo Oleo.
Nang dacong hapon niyon ding arao na yaon, ay dinalao si Pili nang aming cagalang-galang na Padre Cura, at inusap ang maysaquit nang ganoon:
--¿Felicitas, baca mayroon cang caramdaman sa catauoan mong iquinahihiya mong sabihin?
--Ualang-uala, pó, ang banayad na sagot ni Felicitas, ualang-uala, pó, Among nararamdaman acong saquit sa aquing catauoan cundi isang malaquing cahinaan lamang.
--¿Baca caya, ang ulit nang Cura, sa bulong lamang, at sa lihim na salita, baca caya may nacasusucal nang calooban mo? Cung baga mayroon, ay houag mong ilihim sa aquin, cundi sabihin mo,t, ibulong sa aquin, nang cata,i, gamuti,t, hatulan.
--Ualang-uala, pó, Among nacasusucal nang loob co ñgayong oras na ito, cundi ang pag-aalaala co lamang sa aquing ina at sa aquing capatid, na baca, po,i, cung mapaano sila dito sa mundo.
--¿Masama, baga, ang bagong tanong nang Cura cay Pili, masama baga ang loob mo sa capatid mong si Próspero?
--Uala, pó, ang sagot ni Felicitas, uala, pó; hindi aco nagagalit sa aquing capatid, at uala naman acong masamang loob sa caniya, cundi bagcus, ay quinacaauaan co, pó, siyang totoo, at ipinanalañgin co siyang oras-oras sa Pañginoon Dios, nang siya po,i, biguian nang Pañginoon Dios nang buhay at gracia. Datapoua,t, mayroon pó, acong ipagcocompisal sa inyo ang ibang bagay, tungcol din dito sa itinatanong pó, ninyo sa aquin, na baca sacali,t, aco,i, nagcasala sa harap nang ating Pañginoong Dios.
Tila, pó,i, aco,i, mamamatay na, subalit, ang pagcatalastas co, po,i, hindi ang anomang saquit nang catauoan co ang iquinamamatay co, cundi ang malaquing capighatiang dinamdam nang aquing loob, dahilan sa mañga guinaua ni Proper magmula niyong siya,i, nag-aaral sa Maynila, na hangan ñgayong panahong ito. Caya, pó, cung itong di co pagtitiis nang mañga caculañgan nang aquing capatid, ay naguing casalanan co sa harap nang ating Pañginoon Dios, ay iquinucumpisal co, pó, sa inyo itong aquing casalanan, at inihihiñgi cong tauad sa Pañginoon Dios at sa inyo, at inaantay co, pó, ang inyong mahal na absolucion dito sa aquing casalanan, na pinagsisisihan cong totoo.
Pagcapagcompisal nang ganito ni Felicitas, ay binuloñgan siya nang aming Cura nang caunting oras at binendicionan niyang tuloy.
Pagcatapos na pagcatapos nito,i, biglang sumigao si Felicitas nang gayon:--Amo, ina, Proper at cayo pong lahat, ay patauarin, pó, ninyo aco, at aco,i, tinatauag na nang ating Dios at Pañginoon.--At nang macasigao nang ganoon, ay napatid ang caniyang hiniñga.
Uala acong naquita, at uala rin acong nabalitaang libing na para nang guinaua sa bangcay ni Pili.
At caya,i, nagcaganito,i, sapagca,t, si Felicitas ay naquiquilala nang boong bayan; naalaman din nang bayan ang caniyang ugali at cabanalan; at napagtatalastas naman nang lahat ang mañga hirap nang catauoan at loob na dinaanan niya; at cung caya, sa isang cusa nang loob, na ualang nagtutulac sinoman, ay pinagcaisahan nang lahat nang mañga dalaga dito sa bayan, na mag-ambag sila nang macacayanan, nang magaua cay Felicitas ang isang mahal na libing.
Ayon dito sa pinagcasundoan nang mañga dalaga, ay nagsidalo silang lahat sa bahay nang patay, at ang iba,i, nagdala nang candila, ang iba,i, nagdala nang damit na igagaua nang sapot, at iba,i, may taglay na mañga puntas-puntas at mañga listong igagayac sa saplot at sa ataul, (cabaon), at lahat-lahat na para-para,i, nananahi at tumutulong sa anomang gagauin, at nag-abut pa cay cabezang Angi nang ambag na salaping canilang nacayanan.
Ang mañga campana sa Simbahan ay ualang tiguil magmula nang mamatay si Pili. Maya,t, maya,i, nagpeplegaria.
Nang sumapit ang oras nang paglilibing, ay nagsiparoon sa quinamatayang bahay ang lahat nang mañga dalaga, na pare-parejo ang canilang mañga soot, at pauang may dalang candila, at nag-aagauan sila nang paglalabit nang ataul.
¡Matotoua ang sino mang macapanood sa calzada niyong libing na yaon, at segurong-seguro,i, hindi aacalain niya, na yao,i, isang libing, cundi ang sasabihin niya, na yao,i, isang procesion nang mahal na arao!
Ang soot naman nang aming Cura at nang mañga sacristan, at ang mañga gayac sa Simbahan, ay pulos na primera clase.
¿Ano pa? Ang canta nang mañga cantores, ay tila mandin maririquit sa dating quinacanta nila sa mañga libing. Caya ang uica co cañgina, na uala acong naquita, at uala acong nabalitaan libing, na para nang guinaua cay Pili....
Natapos na ang libing, at ibinaon sa panteon ang bangcay ni Felicitas, at nagsioui na sa cani-canilang bahay ang mañga naquiquipaglibing sa caniya.
Naiuan nang mag-isa si cabezang Angi dito sa mundo, at sa uala siyang pag-aari, at sa ualang macacain, at sa ualang pagtitirhang bahay, ay naquisuno siya sa isang camag-anac niya, na maigui-igui ang pagcabuhay. At baga man mabuti ang pagtiñgin at pag-aalaga sa caniya nitong caniyang camag-anac, ay hindi gumagaling-galing ang loob ni cabezang Angi. Caya palaguing nalulumbay siya,i, nalulungcot, at hindi natutuyo-tuyo ang luha sa caniyang mata, gaua nang malaquing pighati, at hindi nalauo,i, naratay sa banig at namatay rin....