Si Tandang Basio Macunat · M. Lucio y Bustamante

Chapter 8: Sulat Ni Cabezang Angi

Caibig-ibig na ualang casing ibig cong anac. Cahimanauari datnan ca nitong aquing sulat, na ualang sacunang anoman sa caloloua,t, catauoan; cami naman dito, aua nang Pañginoon Dios, ay mabuti caming lahat.

Ang bagay at dahilan nang pagsulat co sa iyo, iniirog cong anac, ay nang maalaman co sa iyo rin, cung totoo, ó dili caya ang balitang dumating sa amin nang tatay mo; na di umano,i, icao ay panoo,t paganoon; na icao ay iba na sa dati; na ang ugali mo ñgayon ay malayong-malayo sa inuugali mo rito, at iba,t, iba pa.

Houag mong ilihim sa aquin, anac cong guilio, ang totoong asal at tayo mo riyan. Ipaquita mo, at ipahayag mo sa aquin ang balang iniisip mo, ang balang nasasacalooban mo, ang balang ginagaua mo, nang maalaman co ang totoong calagayan nang caloloua,t, catauoan mo, nang cata,i, gamutin ó hatulan nang matouid, cung baga,i, quinacailañgan mo ang hatol ó gamot.

Inaasahan namin nang tatay mo ang casagutan mo dito sa aquing sulat; subali,t, houag mong ilagay sa taquip nang sulat mo ang pañgalan ni Pili, cundi ang pañgalan co, ó ang pañgalan nang tatay mo.

Y no mas. Ang ating Pañginoon Dios,ang mag-iñgat sa iyo. Sumagot ca nang madali sa masintahin mong ina, na si Maria Dimaniuala.

Hindi aco marunong; hindi aco nag-aaral sa Maynila nang anoman; uala acong naalaman cundi bumasa at sumulat nang caunti; ang calabao ay siya ang aquing quinacasamang palagui; ñguni,t, gayon man, ay sa inaabot lamang nang aquing caunting pag-iisip, ay talastas co na cung ang tauong may casalanan, ay siya mong tanuñgin tungcol sa caniyang casalanan, ay itatatua niyang agad, (at siyang caraniuang naquiquita natin); ó cung dili caya, ay babauasan niyang ualang sala ang caniyang caculañgan.

At ito ñga ang nangyari cay Próspero. Inoosisa ni cabezang Angi sa caniya ring anac, cung totoo ó hindi totoo, na siya,i, (si Próspero baga), macasalanang tauo, at ang sagot ni Próspero, na siya,i, hindi macasalanang tauo.

¡Pagcalaqui-laquing camalian nina cabezang Angi dito sa pag-uusisang ito!

Ang pagcaalam co,i, na cung dito sa mañga cataonang ito,i, hindi dapat tanuñgin ang may catauoan, cundi ang ibang tauong may tapat na loob.

Itutuloy co uli ang pagsasalita nang mañga nangyari sa mag-anac ni cabezang Dales.

Tinanggap ni Próspero ang sulat nang caniyang ina; binasa niyang minsan, macalaua, macaitlo pa; guinunamgunam niyang maigui ang nañgapapalaman doon; at natulig siyang tuloy. At sa di maisip niya, cung ano cayá mabuting sagot sa caniyang ina, ay isinanguni naman niya itong bagay na ito sa caniyang mañga casamang estudiante.

Binasa ni estudianteng Francisco ang sulat ni cabezang Angi, at inabot niyang tuloy cay Julio, at pagcabasa nitong si Julio ang naturang sulat, ay nagtauataua siya, at ang uica cay Próspero.

--¡Mahirap ang tayo mo Proper!

--¿At ano? ang tanong ni Próspero.

--Sapagca,t, ang damdam co,i, marami ang nanunuboc at nagbabantay sa iyo. Subali,t, cung ibig mong sundin ang ihahatol co sa iyo, ay....

--Susundin co, ang biglang uica ni Próspero susundin co nang lubos na pagsunod, cung baga,i, matouid at tapat ang hatol mo sa aquin.

--Cung ganoon, ang ulit ni Julio, cung ganoon ay ito na,t, paquingan mo ang talaga cong sasabihin sa iyo. Ang pagcatalastas co, aniya diyan sa mga sulat nang nanay mo at nang capatid mong dalaga, ay ang sila,i, mañga beata-beatahan na hindi nila naalaman cung alin caya ang canilang canang camay, at para-parang natatacot sila, na maca icao,i, mapahamac dito sa Maynila, sapagca,t, ica,i, malayo sa canila, at hindi icao,i, naqui-quita nila. Dahilan dito,i, ang ano-anomang balitang dumarating sa canila tungcol sa iyo, ay cahima,t, gangabutil nang bigas lamang, ay guinagaua nilang ganga calabao nang laqui....

--¿Ay ano, ang tanong ni Próspero, ay ano caya ang dapat cong isagot sa canila?

--¡Apurado ca naman! ang sigao nang taga Pacong estudiante, ¡apurado ca naman!, hindi pa tapos ang aquing sinasalita, at nagtatanong ca na. Paquingan mo, hombre, ang tuloy na salita ni Julio; paquingan mo, hombre. Diyan sa mañga sulat nang nanay mo, at nang capatid mo, ay hinahañgo co,t, ga naquiquita co, na sila,i, ualang malisia at paniualaing totoo, caya ang hatol co sa iyo,i, ganito:--Sumulat ca sa canila, at sabihin mo lamang, na ang ugali mo ñgayo,i, mabuti at mabuting-mabuti pa sa dati; at asahan mo, na sila,i, maniniuala sa iyong sabi, at matutoua pa sila nang di biro-biro.

¡Tusong-tuso, ang uica nang estudianteng taga-Bulacan, tusong-tuso itong si Julio! Sundin mo ñga, Proper, ang caniyang hatol, na acala co,i, maigui; at bucod dito,i, cung ganoon ang sagot mo sa canila, ay hindi icao,i, paghihinalaan nang mañga nanay mo.

Umayon mandin si Prósper sa hatol nang mañga casama niya; at sumulat cay cabezang Angi nang ganito: