Caibig-ibig cong capatid na si Felicitas. Natatanto co ang lamán nang iyong mahal na sulat, at susundin co, na aquing macacayanan, ang mañga aral at bilin mo sa aquin subali,t, aco,i, napatacang totoo doon sa mañga salita mo, na ang uica mo baga; na tila aco,i, iba na ñgayon sa dati; na di umano, ang sabi mo pa, ay minamaigui co ñgayon ang dati cong minamasama, at minamasama co ñgayon ang dati cong minamamaigui: na acala mo,i, tumutungtong aco ñgayon sa madulas na tungtuñgan.
Saan di aco,i, magcacaganito, capatid cong guilio? Di baga sinabi co sa iyo sa nauna cong sulat, na, cung sana sa bulag, ay ñgayon lamang nacamulat aco, nang mata, at nacaquiquita nang maliuanang? Caya houag cang magalit sa aquin, Pili, cung iba ñgayon sa dati ang mañga catouiran at caugalian co, sapagca,t, ñgayong lamang luminao ang aquing pagtiñgin, na dati-dati ay malabo.
At cung ipahahayag co sa iyo ang totoong-totoong nasasacalooban co ñgayong oras na ito,i, sasabihin co sa iyo na hindi lamang hindi aco tumutongtong sa madulas na tungtuñgan, cundi bagcus uiuicain co sa iyo, na aco,i, nasasacatuoiran, at icao,i, uala.
Acala co,i, cung caya gayon ang salita mo ay sapagca,t, hindi icao,i, nacaaalis-alis diyan sa ating bayan; hindi icao,i, nacaquita-quita nang asal nang caramihang tauo; hindi icao,i, nacariñgig diñgig nang mañga bali-balita nang mañga bagay-bagay na nangyayari dito sa mundong ito. Caya minamasama mo ang mañga tauong hindi nagsisimba arao-arao, at hindi nagdadasal nang marami, ó hindi caya gumagaua nang mañga devosiong inuugali mong gauin; ñguni,t, hindi mo iniisip, na ang tauo,i, namamatay sa capighatian nang loob, cundi siya,i, lumayao-layao na miminsan-minsan sa mañga catouaan at casayahan.
Cung sa iyo, ay ituloy mo,t, ituloy ang iyong dating caugalian, datapoua,t, houag mo acong paghihinalaan sa anomang bagay, at marunong na acong cumilala ñgayon nang magaling at nang masama.
Houag mong masamain, Pili, itong aquing mañga salita, na hindi ñga masasama, baga man hindi mo pa rin natatalastas na maigui, gaua nang caquitiran at caiclian nang mañga itinuturo sa atin diyan sa canitang bayan.
Ibig co sanang dumating agad ang panahon nang pagvavacasion namin, nang aco,i, macapagsaysay sa iyo, nang maliuanag na maliuanag, nitong mañga bagay na ito, na, segurong-seguro,i, minamasama mong totoo ñgayon.
Cung may aua ang Pañginoon Dios, ay darating din ang tadhanang arao na ninanasang totoo nang loob co at saca tayo,i, macapagsasalita, at macapag-uusap nang balang nasasaloob natin.
Ipagcumusta mo aco cay tatay at cay nanay at sa lahat na, at sabihin mo cay nanay, na malacas ang pagtaba co,t, palagui dito sa Maynila. Ipagcomusta mo naman aco cay Doni, at mag-utos ca nang balang macacayanan nang mababa mong capatid na si, Próspero Baticot.
¡Sabihin pa ninyo, mañga bumabasa nitong historiang ito, ang pagnanañgis ni Felicitas, nang matanto niya ang napapalaman dini sa sulat na ito! Dibdib niya,i, ibig pumutoc sa malaquing capighatiang nasisilid doon; ang luha niya,i, ualang lagot; ang caniyang hicbi ay suson-suson; at uala siyang ibang sucat busan nang loob, cundi ang caniyang Cura at Confesor, ay doon ñga naparoon nang quinabucasan niyong pagtangap niya nang sulat ni Próspero.
Totoo ñga, na si Pili ay may ama at ina, subali,t, itong caniyang magulang, ay parang baliu ang tayo. Namamañga sila sa paquiquinig nang mañga minamariquit nilang salita ni Próspero sa caniyang mañga sulat, at hindi lamang hindi nila masabi, cung yaong mañga salitang yao,i, mabuti ó masama, cundi, ang masid ni Felicitas, ay minamaigui nila ang lahat, at doon ang quiling nang canilang loob, caya hindi siya sumanguni sa caniyang magulang.
Naparoon, anaquin, si Felicitas sa convento, at halos hindi pa nagbigay siya nang magandang arao sa aming mahal na Padre Cura, ay napaiyac siya at napasigao nang catacot-tacot.
Nagulat ang aming Cura, at agad-agad inusisa niya cay Pili ang bagay at dahilan nang caniyang pag-iiyac at pagsigao; at sa di macasagot at macapañgusap itong si Felicitas, gaua nang pananaghoy, na ga nacahahalang at nacasasara nang caniyang lalamunan, ay iniabut niya sa Cura ang sulat ni Próspero, na taglay niya.
Dinampot nang Cura ang naturang sulat, binuclat niya,t, binasa, at capagcaraca,i, naquita niya ang mabisang camandag na nagtatago sa ilalim nang mañga salita ni Próspero sa caniyang sulat; at tuloy nag-uica cay Felicitas nang ganito:
--Itiguil mo iyang pag-iiyac mo, Pili, at sinabi co na sa iyo, na, uala cang ibang masasapit diyan sa pag-iiyac mo, cundi isang mabigat na saquit.
Talastas co ñga, na ang lagay nang capatid mo,i, sucat icasindac at icaiyac mo, sapagca,t, masamang totoo ang caniyang tayo. Subali,t, pacacatantoiun mo naman, na ang gamot na quinacailañgan ni Próspero, ay hindi mo macucuha sa pag-iiyac.
Ang cahalimbaua nang capatid mo, ay isang puno nang cahuy, ó isang macetas caya, na itinatanim sa masama,t, pacat na lupa, na diliguin mo ma,t, diliguin maya,t, maya, ay hindi lumalago, at di man nanariua, cundi bagcus nalalanta, at tila,i, naghihimatay, at camatayan ding ualang sala ang caniyang casasapitan, cundi mo isalin, ang naturang cahoy ó macetas, sa ibang matabang lupa, na cahiyang niya.
Iyan din, pó, ang imic ni Felicitas, iyang din, pó, ang nasasaaquing calooban; subali,t, pó,i, mahirap na mahirap ipatalastas sa magulang co itong bagay na ito; palibhasa,i, ang boong acala at ang boong asa nila,i, si Próspero ay umiigui,t, umiigui, at hindi sumasama sa caniyang dating lagay nang caloloua,t, catauoan. Caya, pó, ipinamamanhic co sa inyo, na, cung baga,i, mangyayari sa inyo póng loob, ay pañgaralan, pó ninyo ang tatay at ang nanay co, at sabihin, pó, ninyo sa canila, paouiin na nila dito si Próspero.
--Oo, ang sagot nang Cura, oo, gagauin co,t, sasabihin co sa magulang mo iyang lahat nang iyan; ñguni,t, hindi co maipañgaco sa iyo, na macacamtan natin ang ating hinahabol, sapagca,t, ang damdam co,i, matigas na totoo ang loob nang tatay mo tungcol sa bagay na ito.
--Ang damdam co, pó,i, ang lalong mahirap na pabaliquin loob ñgayon, ay si nanay; at caya, pó, ganoon ang aquing salita,i, sapagca,t, ang pagmamasid co, po,i, natotoua nang labis na toua ang aquing nanay, nang basahin co ang mañga sulat ni Próspero, na iniñgatan niya, at pinababasa sa aquin nang madalas.
--Ating atuhan, ang uica nang Cura, ating atuhan. Ñgayo,i, umoui ca na, at houag cang umiyac, at houag mo namang alalahanin itong mañga bagay na ito. Sundin mo lamang ang una cong hatol sa iyo, na sa macatouid: ipanalañgin mo sa ating Pañginoon Dios ang capatid mong si Próspero nang siya,i, iadiya,t, iligtas sa dilang masasama, at ang Panginoon Dios na ang bahala.
Nagpaalam na si Felicitas, at nang dacong hapon niyong ding arao na yao,i, nagpasial ang aming Cura, at naparaan sa tapat nang bahay nina cabezang Dales.
Nang magdaan ang aming Cura sa calzada ni cabezang Andrés, ay nagcatong gumagaua-gaua ang mag-asaua ni cabezang Angi sa silong nang canilang bahay, at pagcatanao nila sa Cura, ay lumabas ang mag-asaua sa calzada, sinalubong ang Cura, hinalican nang camay, at pinaraan pa siya sa canilang bahay. Pinasalamatan sila nang Cura, at nagdahilan, na siya,i, maglalacad-lacad pa; subali,t, tumiguil siya, at nagcocono-conouari siya,i, nanonood nang mañga bulaclac na tumutubo sa loob nang bacuran nang canilang solar, at nagtanong sa naturang mag-asaua nang iba,t, ibang tungcol sa mañga bulaclac at ibang mañga pananim, na natanao doon; at caalam-alam nila,i, ang uica nang aming Cura:
--¡Seguro,i, si Próspero ang nagtanim niyang mga halaman na iyan!
--Siya ñga, pó, ang sagot ni cabezang Angi, siya ñga pó; sila póng dalauang magcapatid ni Pili ang nagtanim niyang lahat na mañga halaman na iyan.
--At ano caya, ang malamán na tanong nang Cura, ano caya ang lagay ni Próspero sa Maynila?
--Mabuti, pó, ang bigla,t, sabay na sagot nang mag-asaua ni Dales, mabuti, pó, aua nang Pañginoon Dios.
--¿Ay ano baga, hindi caya sumamá roon ang caniyang dating mabuting ugali?
--Ang damdam, pó, namin, ang sagot ni cabezang Angi, ang damdam, pó, namin, ay hindi siya sumasamá, cundi umiigui pa, pó, sa dati.
--Salamat, cung ganoon, ang uica nang Cura, salamat, cung ganoon, subali,t, iba ang aquing balita.
--¿Ano, pó, ang iyong balita? ang tanong nang mag-asaua.
--Ang balita co,i, masama na ñgayon ang caniyang ugali.
--¡Segurong-seguro, pó, ang sigao ni cabezang Angi, segurong-seguro, pó,i, ang nagbalita sa inyo niyan ay ang amin pong Felicitas!
--Masasabi co, ang tugon nang Cura, masasabi co ang mañga nariñgig cong balita; datapoua,t, hindi co dapat ituro, cung sino-sino ang aquing quinaringgan. At nang sabihin co sa inyo ang totoo, ay pacatantoin ninyo, na masamang-masama ang tayo ni Próspero. Narahio siya capagdaca sa mañga hibo nang mundo at nang Demonio, at cundi ninyo paalisin, pacatalastasin ninyong maigui, cundi ninyo paalisin agad-agad siya sa Maynila, at paouiin dito, ay masama ang casasapitan niya, at masama naman ang casasapitan ninyo. Hindi aco manhuhula; subali,t, tila,i, hindi aco nagcacamali sa panghuhula cong ito.
Nang nariñgig nang mag-asaua ni Dales itong salita nang aming Cura, ay napaiyac sila capoua, at pagcamayamaya,i, nag-uica si cabezang Andrés nang ganito:
--Maca, pó amo, iyang mañga balitang iyang dumating sa inyo,i, hindi totoo; at talastas, pó, ninyo, na, cung minsan, ang gangabutil nang palay, ay ginagaua nang mañga bibigang tauo na casinglaqui nang latore nang ating Simbahan.
--Totoo iyang sinasabi mo, Andrés, at siya ñga ang caraniua,t, cadalasang nangyayari dito sa mundong ito: subali,t, cung sa ganang aquing, ay masasabi co sa inyo, na ang lahat na mañga ibinabalita co sa inyong tungcol cay Próspero, ay hinañgo co,t, sinimot sa mistula,t, tunay na bucal. Caya, cayo nang bahalang sumunod ó sumuay sa hatol co sa inyo, na paouiin ninyo baga, at patirahin dito sa bayan ang inyong anac.
--Baquit, pó, hindi, ang sagot ni cabezang Andrés, baquit, pó, hindi namin susundin ang inyong hatol? Asahan, pó, ninyo, na cung totoo ang ipinamalita, pó, ninyo sa amin, ay agad-agad cucunin co si Próspero sa Maynila, at ipagsasama co, pó, rito.
Nagpaalam na ang Cura, at ang uica,i, siya,i, maglalacad-lacad pa. Humalic uli nang camay si Dales at si Angi, at yumaon na ang Cura....
Dito, pó, ang uica ni tandang Basio sa aquin, dito, pó, sa binabasa co ñgayon, ay mayroong isang nota.
--Inyo póng basahin, ang sagot co.
--Ang nota pong sinulat nang tatay co,i, ganito:
Marami ang sucat cong ipagpuri sa tinuran cong Padre Cura namin; ñguni,t, ang iquinatotoua cong totoo sa nasabing Padre, ay ang caniyang ugali, na magsabi sa sangnaliuanag, at ualang palico-licong salita, nang totoong nasasacalooban niya, ó inaabot nang caniyang pag-iisip, na ualang binubucod siyang tauo.
Cunan ninyo siya nang sanguni sa ano pa mang bagay, at capagcaraca,i, sasabihin niya sa inyo, na yaong isinasanguni ninyo sa caniya,i, mabuti ó masama, ó cung dili caya, ay uiuicain sa inyo, na hindi quinacaya nang caniyang pagiisip ang paghatol sa inyo nang mabuti at matouid, tungcol doon sa bagay na isinasanguni ninyo sa caniya. At dito sa mañga paghatol niyang ito,i, hindi inaalumana niya, cung yao,i, icagagalit ninyo, ó icasasama nang loob ninyo sa caniya. Na sa macatouid; ang totoo at tapat ang inihahatol niya sa inyo, na ualang caalang-alañganan ni sa inyo, ni sa ca niya ni sa canino man.
--Hangan dito, pó, ang nota, ang sabi ni tandang Basio. Ñgayon, pó, aniya, ñgayon, po,i, cung gusto ninyo, ay itutuloy co, pó, ang aquing binabasang salita nang tatay co.
--Ituloy, pó, ninyo, ang aquing sagot.
Nang umalis ang aming Cura, at maiuan nang mag-isa ang naturang mag-asaua, ay nag-uica si cabezang Angi sa caniyang asaua nang ganito:
--¿Ano baga, Dales? Totoo caya ang ipinamalita sa atin nang ating Cura?
--Ayauan co baga; subali,t, ang ating Cura ay hindi nagpapatotoo nang hindi natatanto niyang totoo. Ito lamang ang masasabi co sa iyo.
--¿Ay ano caya ang mabuti nating gauin, dito sa ating lagay?
--Ayauan co, ang sagot ni cabezang Andrés, ayauan co sa iyo. Icao ang bahalang mag-isip, cung ano caya ang mabuti diyan.
--Ang naisipan co, ang uica ni cabezang Angi, ang naisipan co,i, sumulat sa lihim cay Proper, at mag-usisa sa caniya, cung totoo, ó hindi totoo itong balitang dumating sa atin, at doon sa caniyang sagot, ay mahahañgo na natin ang dapat nating paniualaa,t, gauin.
--Ay siya, ang sagot ni Dales, ay siya, magpasulat ca na cay Pili, nang matanto nating madali itong mañga bagay na ito.
--¡E, é!, ang sigao ni Angi, ¡é, é!, hindi co ipagagaua cay Pili ang sulat na naisipan co.
--¿At ano?, ang tanong ni Andrés.
--Sapagca,t, ang damdam co,i, ang ating Pili ay caayon nang Cura, at ang Cura,i, caayon ni Pili, tungcol dito sa mañga locong balitang ito.
--Cung ganoon, ay icao ang bahalang magpagaua sa canino man niyang sulat na iyan.
--Aco na ñga ang bahala, ang sagot ni Angi; houag cang mag-alaala.
Hindi co inusisa, at hindi co rin nabalitaan, cung sino caya ang sinuyo ni cabezang Angi, ó inupahan niya baga, sa paggaua nang caniyang sulat; datapoua,t, naalaman co, palibhasa,i, binasa co rin, naalaman co, anaquin, na ang laman nang nasabing sulat ay ganito: