Si Tandang Basio Macunat · M. Lucio y Bustamante

Chapter 6: Sulat Ni Felicitas

Caguilio-guilio cong capatid: tinanggap co ang minamahal cong sulat mo, ay cung baquit, pagcabasa co,i, napaiyac acong totoo.

Hindi co masaysay nang maigui ang dahilan nitong aquing pag-iiyac, subali,t, tila aco,i, nagcagayon, sapagca,t, ang sapantaha co sa aquing loob na mag-isa, ay icao,i, iba na ñgayon sa dati.... At acala co,i, may catotoohanan itong aquing sinasapantaha, palibhasa,i, ang hinuhugot cong lamán sa sulat mo, ay maraming bagay-bagay ang minamasama mo ñgayon, na dati-dati ay minamaigui mo, at balictad, marami ang minamaigui mo ñgayon, na dati-dati ay hindi minamagaling mo.

Dahilan dito,i, nagugulong totoo ang aquing bait, na ang uica co baga sa aquing loob na sarili ay ganito: cung si Próspero,i, nasacatouiran, aco,i, uala, at cung aco,i, siyang nasacatouiran, si Próspero,i, malayo.

Caya aco,i, nagtanong at nagtanong sa mañga nacacaalam, at inosisa co pa, sa mañga sucat cong paniualaan, itong bagay na ito, at ayon sa canilang aral sa aquin, ay masasabi co sa iyo, na tila icao, ñga,i, siyang nagcacamali, at tumutongtong sa madulas na tungtuñgan, gaua, yata, nang cahañgalan mo.

Houag cang magalit sa aquin, Proper, dahilan dito sa mañga sinasalita co, at uala acong ibang hinahañgad dito sa mañga sabi cong ito, cundi ang cagaliñgan nang caloloua mo. Caya mayroon pa acong itatanong sa iyo.

Baquit icao,i, mauiuili ñgayon sa mañga sayauan, at naalaman mong dati na ito,i, baual na baual sa atin nang ating cagalang-galang na Padre Cura? Ano,t, pinupuri mo ñgayon ang mañga quilos-quilos, at ang mañga pananamit na dati-dati ay pinipintasan mo? Ano,t, minamasama mo ñgayon ang mañga mapapayapang ugali natin dito sa bayan, at minamabuti mo ang mañga maliligalig na asal nang taga riyan sa Maynila?

¡Ay caibig-ibig cong capatid! ¡Houag cang maparaya sa demonio, na cung saan-saan iniuumang niya ang mañga silo, at binabalutan pa niya nang sari-saring maririquit, nang macahuli siyang madali nang mañga caloloua nang tauo, at maihatid niya sa infierno!

Houag cang mauili, Proper; houag cang mauili, at houag cang maniuala sa mañga iba,t, ibinabalita sa iyo, cundi mo natatanto muna, na ang nagbabalita,i, mabait na tauo, at ang ibinabalita,i, totoo at magaling.

Alalahanin mong palagui, na, cung minsa,i, sa ilalim nang mababañgong bulaclac, at maririquit na damo, ay may nagtatagong ahas, na mabisa ang camandag.

Icao,t, icao,i, siyang inaalaala cong palagui, baca gaua nang cabataan mo,i, icao ay mapahamac.

Si tatay at si nanay, at gayon din ang mañga camag-anac natin ay nagpapacumusta sa iyo nang maraming-marami. Aua nang Pañginoon Dios, ay mabuti at ualang saquit caming lahat.

Ipinagtatagubilin cong totoo sa iyo, Proper, ang pagdarasal nang Santo Rosario gabi-gabi, nang icao,i, tuluñgan at ampunin nang mahal na Virgen sa lahat na mañga pañganib.

Ang Pañginoon Dios ang mag-iñgat sa iyo at sa ating lahat, at mag-utos ca, nang balang maguing calooban mo, sa iyong caauaauang capatid, na si, Felicitas Baticot.

Tinangap ni Próspero itong sulat nang caniyang capatid, at baga man minamahal niyang totoo, sa caniyang loob na sarili, ang mañga pañgañgaral ni Felicitas sa caniya; subali,t, palibhasa,i, iba na sa dati ang carunuñga,t, caasalang umuusbong at tumutubo sa caniyang bait at calooban, ay ipinaquita niya ang sulat ni Felicitas sa caniyang dalauang casamang estudiante, na ang uica niya baga:

--Tingnan ninyo itong sulat nang capatid cong dalaga; inyong basahin, at cung mangyayari sa inyong loob, ay sabihin ninyo sa aquin, cung ano cayang mabuting isagot co riyan.

Binuclat at binasa nang taga Paco, na ang ñgala,i, Julio, at nang taga Bulacan, na ang ñgala,i, Francisco, ang naturang sulat, at sabi ni Julio cay Próspero sa uicang parian ay ganito:

--Seguro este hermana de Vd. demasiado beata tambien.

At ang uica naman nang taga Bulacan na si Francisco:

--Tila,i, santulon na totoo ang capatid mo.

--Siya ñga, ang sagot ni Próspero.

--Maano,i, punitin mo, Proper, iyang sulat na iyan, ang sigao nang estudianteng taga Paco. Ganoon, ang tuloy na uica niya, ganoon ang ugali nang mañga beata-beatang taga rito man, at taga bundoc. Cundi mo sila,i, parisan sa pagdadasal nang marami; cundi mo sila,i, gayahan sa pagsosoot nang carmin, nang correa, nang cordon; cundi mo gauin ang ibang mañga cabaliuang guinagaua nila,i, masama ca nang tauo. Sabihin mo riyan sa capatid mo iyan, na siya,i, magdasal nang marami; magcolacion arao-arao; magsoot nang cilisiong mula sa paa, na hangang sa ulo, at houag maquialam siya sa iyo....

--Houag naman, Proper, ang biglang uica ni Francisco; houag cang sumagot nang ganoon sa capatid mo. ¡Ito naman si Julio,i, labis na magsasalita! Sumulat ca sa capatid mo, at sabihin mo lamang natanto mo ang láman nang caniyang sulat, at susundin mo nang lubos na pagsunod. Cung ganito ang sagot mo; acala co,i, matotoua siya, at hindi ica,i, paghihinalaan nang ano pa man.

Ito at ibang mañga ganito ang pinag-uusapan niyong tatlong magcacasamang estudiante; at baga man masaquit sa loob ni Próspero ang mañga salita nang caniyang mañga casama, lalong-lalo ang mañga uinica ni Julio; at cahima,t, pinaglalabanan pa nang caniyang bait ang pagtangap niyong mañga bucang bibig na yaon, ay tinangap din niya, at umayon sa masasamang sumbong sa caniya nang caniyang mañga casunong estudiante, at alinsunod sa gayong sumbong, ay gumanti siya sa sulat ni Felicitas nang ganito: