Minamahal, na ualang casing mahal na capatid cong Pili. Ayon sa pañgaco co sa iyo, ay sumusulat aco ñgayon sa iyo, nang matalastas mo ang aquing calagayan, at ang paquiquiramdam co dini sa Maynila.
Bagay sa calagayan co,i, maiguing-maigui ang aquing lagay. Tatlo caming magcacasamang estudiante ang natitira dito sa bahay na ito: ang isa,i, taga Paco, ang isa nama,i, taga Bulacan, at saca aco; na cung pagmasdan mo cami ay tila cami mañga tunay na magcacapatid. Cung ano ang gusto nang isa,i, siyang gusto naming lahat, na sa macatouid: ayon-ayonan cami sa lahat nang bagay.
Pangagáling namin sa clase, ay lumalayao-layao cami nang caunting oras sa mañga calzada at sa mañga paseo; at cung minsan ay napaparoon cami sa mañga pagsasayauang bahay, na dito sa Maynila,i, marami.
Ang aming casera,i, mabait na mabait, at maamong-maamo, at bihirang-bihirang nagagalit. Umaayon siyang palagui sa cagustuhan naming tatlo, at cung sacali,t, cami ay cagalitan nang caniyang santulon na asaua, ay siya ang aming tagapagtangol.
Bagay naman sa aquing paquiquiramdam dito, ¡ay caguilio-guilio cong capatid! Ang masasabi co sa iyo, na ang damdam co,i, aco ay isang pobreng bulag, na ñgayon, ngayon lamang nacamulat nang mata.
Caya, nang aco,i, bago pa dito sa Maynila,i, pinagtatauanan acong parati nang aquing mañga casama, sapagca,t, palaguing aco,i, namamañga sa aquing paglacad. ¡Uala acong di pinagtatachan, uala acong di quinatitilihan! ¡Ang mañga almacen, ang mañga tindahan; ang mañga castila, na sari-sari ang soot at pañguñgusap; at sa catagang uica, ang lahat-lahat na mañga bagay-bagay, na naquiquita co,t, napapanood co dito,i, para-parang pinagtatac-han co!
Datapoua,t, ñgayon, ay iba na ang aquing caisipan, at iba naman ang calagayan nang aquing loob. Ñgayo,i, naquiquita co, na dito sa Maynila,i, naririto ang civilizacion. Ñgayo,i, naquiquilala co, na ang ating mañga ugali diyan sa ating bayan, ay malayong-malayo sa mañga ugali nang tauong civilizado. Caya ang pananamit, ang pañguñgusap, ang paqiquipagcapouatauo, ang mañga quilos, at ang iba,t, iba pang asal nang mañga tagarito,i, malayong-malayo sa naquiquita nati,t, inaasal diyan sa canitang bayan. Ano, pa,t, cung sa aquing pagcatalastas ñgayon, ay añgat na añgat tayo sa mañga dapat asalin nang tauo dito sa lupa.
Houag cang magalit, Pili, dahilan dito mañga sinasalita co sa iyo. Cung icao sana,i, macaluluas, at macapagmamasid ca nang mañga asal nang mañga tauong taga rito sa Maynila, ay segurong-segurong sasabihin mo, na ang lahat na ipinamamalita co sa iyo, at catotohanan at hindi casinoñgaliñgan.
Inaantay co ang casagutan mo. Cung sa ganang aquin, ay ipinañgañgaco co sa iyo na maalaman mo rin sa mañga sulat co, ang aquing isinasaloob na lahat.
Comusta nang maraming-marami si tatay at si nanay, pati ibang mañga camag-anac natin. Ipagpacomusta mo aco naman cay Doni anac ni Capitang Valer, at mag-utos ca nang balang maguing calooban mo dito sa cababa-babaan mong capatid, na si Prospero Baticot.
Malaquing-malaqui; malaqui, na di ganoon lamang, ang toua,t, saya nang mag-asaua ni cabezang Dales, nang mariñgig nila ang napapalaman sa sulat nang canilang anac na si Próspero. Minamariquit nilang totoo ang mga sinasalita roon ni Proper; at ang isip nila baga,i, nacarating na ang canilang anac sa cataluctucan nang carunuñgan. Caya, habang binabasa ni Felicitas ang naturang sulat, ay ualang lagot ang agos nang canilang luha at ang tulo nang canilang lauay, gaua nang malaquing toua nang canilang puso, at lalong-lalong lumaqui ang buhos nang canilang luha at lauay, nang basahin ni Pili yaong mañga uicang civilizacion, civilizado at iba pang mañga uicang castilang nahahalo roon sa sulat.
Tumutulo ring di hamac ang luha ni Felicitas habang binabasa niya ang sulat nang caniyang capatid; datapoua,t, itong luha ni Pili ay hindi galing sa toua, cundi sa malaquing calumbaya,t, capighatian nang caniyang loob.
Ay baquit caya ganoon?, ang itatanong sa aquin marahil nang mañga bumabasa nitong casulatan. Baquit caya ang iquinatotoua nang magulang ni Próspero, ay siyang icalulumbay nang caniyang capatid?
Sasaysayin co, sa aquing macacayanan, itong mañga bagay na ito.
Ang mag-asaua ni cabezang Dales, baga man mababait na tauo, at mabubuting cristiano, na parang sinasabi co sa itaas, ay capagsabata nila,i, ualang ibang guinaua, cundi magsimba nang madalas; magcompisal sa panahon nang Santong cuaresma, magrosario na gabi-gabi sa canilang pamamahay; at ang ibang oras at arao ay tinutucoy nila,t, sinasamantala sa pagtatrabajo at sa paghanap nang pagcabuhay. At liban dito,i, uala na.
Hindi sila bumabasa-basa nang mañga libro; hindi sila palamasid sa tauo; hindi sila marurunong na maghihinala sa capoua tauo: at paniualain silang totoo. Ano pa,t, hindi marunong na cumutcot at humanap sa ilalim nang manga salita nang tunay na cahulugang natatago sa licod nang manga paimbabaong uica. Ang balat lamang ang canilang tinitingnan, at hindi nila inuusisa ang nasacailaliman. At nang sabihin co sa catagang uica: ang mag-asaua ni cabezang Andrés ay sila ang tunay na cahalimbaua nang tinatauag naming manga tagalog na manga tauosa una.
Caya, nang mariñgig nila ang laman nang sulat ni Próspero, ay lubos na lubos ang canilang paniniuala, na ang canilang anac ay nacapag-aral na nang marami sa Maynila, at hindi mandin dumaan sa canilang pag-iisip ang paghihinala ó ang pagdidili-dili man lamang, na maca sacali,t, sumama ang asal ni Próspero doon sa Maynila.
Subali,t, si Felicitas, na bucod sa cabanalan, ay pinagcalooban din nang Pañginoon Dios nang isang matouid at matalinong isip, at nang isang matalas na pag-iisip, ay naquilala niyang capagcaraca, at hinañgo niyang agad doon sa mañga salisalita ni Próspero sa caniyang sulat, na ang caniyang capatid ay lumilihis na sa matouid na daan, ó cung sana sa lumalacad, ay tumutungtong sa mañga lanay ó cumanoy. At baga man pinaglalabanan ni Pili at iniuauacsi itong masamang cutog nang caniyang loob, ay hindi rin mapagpag-pagpag niya.
Dahilan dito,i, umiiyac siyang palagui, at hindi macacain nang mahusay, at hindi macatulog nang mahimbing, caya yumayat siya,t, namutla nang di hamac; at sa di matiis na niya itong gulo nang caniyang isip at loob, ay naparoon siya sa aming Padre Cura.
Itong si Felicitas ay mahal na totoo sa aming Cura, hindi alang-alang sa cagandahan nang catauoan ni Pili, (si Felicitas ay hindi maganda, bagcus may capañgitan), at hindi naman alang-alang sa ano pa mang bagay, na may cahalong paquinabang, cundi alang-alang lamang sa cabutiha,t, cagaliñgan nang caniyang caloloua. Caya, nang matanao nang aming Cura si Felicitas, at nang mapagmasdan ang caniyang catuang anyo, ay sinalubong siya sa cabahayan nang convento, at binati nang gayon:
--Ano, baga, iyan, Pili? Ano,t, icao,i, namumutla at nañgañgalumata? Icao baga,i, nagcasaquit?
--Uala, pó; ang sagot ni Felicitas uala, pó, acong anomang caramdaman, aua nang Pañginoon Dios; at cung caya, pó, aco,i, naparito sa inyo, sapagca,t, mayroon, pó, acong ipaquiquita sa inyong isang sulat ni Próspero.
--Sumulat na pala sa inyo iyan layas na iyan? ang masayang tanong nang Cura.
--Oo, pó.
--At ano ang laman nang sulat?
--Iba,t, iba, pó; at cung caya ipinaquiquita co po, sa inyo,i, nang maalaman co sa inyo póng mahal na labi ang totoong cahulugan nang mañga sinasalita ni Próspero. Ito, pó, ang sulat; inyo, pong básahin.
Dinampot nang aming Cura ang sulat sa iniabot sa caniya ni Felicitas, binuclat niyang tuloy, binasa nang dahandahan at tiniclop uli; at bago siya macapag-uica nang anoman, ay tinanong siya ni Felicitas nang gayon.
--Ano, pó, ang inyong tiñgin diyan? Ano, pó, ang inyong sapantaha diyan sa sulat na iyan? Ipinamanhic co, pó, at ipinag-aamo-amo co póng totoo sa inyo; na cung mangyayari sa inyo póng mahal na calooban, ay sabihin, pó, ninyo sa aquin ang tunay na cahulugan nang laman niyang sulat na iyan, na nacagugulong totoo sa aquing loob at bait, buhat nang dumating sa aquing camay at basahin co.
--Umupo ca muna, ang uica nang Cura, umopo ca muna, Pili, dini sa banco, sasabihin co sa iyo ang aquing sinasapantaha dito sa sulat na ito.
Naupo na si Felicitas sa bancong itinuro sa caniya, at tuloy nag-uica ang aming Cura nang ganoon:
--Itong sulat na ito nang capatid mong si Próspero, ay cung basahin nang paimbabao; ó basahin caya nang mañga hindi nacacaalam nang mañga ugali ninyong mag-ama at magcapatid; ó basahin baga nang mañga hindi nacapagmasid nang asal nang mañga tagalog; ó basahin caya nang mañga tauong ualang sariling pag-iisip; ay segurong-segurong sasabihin nila, na itong sulat na ito,i, mariquit at matino, at ualang ibang cahulogan cundi ang magbalita si Próspero sa inyo nang caniyang calagayan sa Maynila. Datapoua,t, cung sa canita ay iba na ang cahulogan, at malayong-malayo sa sucat acalain nang ibang tauo.
Cung sa ganang aquing, ang tuloy na uica nang Cura; cung sa ganang aquing, ay sasabihin co sa iyo, na malaquing-malaqui, at masamang-masama ang cahulogan nitong sulat na ito. Gaya, sumamá man ang loob mo, ay di co ililihim sa iyo, Pili, ang napasaloob co nang basahin co; at cung caya, gayon ang aquing gaua, ay maca sacali,t, bucas ó macalaua,i, sisihin aco nang ating Pañginoon Dios, dahilan sa di co pagsasabi sa iyo nang totoong nasasacalooban co, nang icao,i, cumucuhang tanong sa aquin.
Ang hinahañgo cong lamán sa ilalim nang mañga salisalita nang capatid mo dito sa caniyang sulat, ay ang siya,i, nahuli capagdaca sa silong iniumang sa caniya nang demonio, at caya, ang dating minamaitim niya, ay minamaputi niya ñgayon; at ang dating minamaputi niya,i, minamaitim niya ñgayon... ¡Cahimanauari, magcamali aco dito sa aquing sapantaha ó paghihinala! ñguni,t, acala co,i, hindi aco lumalayo sa catotoohanan.
Habang nagsasalita nang ganito ang aming mahal na Padre Cura, ay uma-agos ang luha sa mata ni Felicitas, caya inosisa nang Cura sa caniya ang bagay at dahilan nang caniyang pag-iiyac, at ang sagot ni Felicitas ay ganoon:
--Paano, pó, hindi aco iiyac, at iyang din, póng sinasalita ninyo, ay siyang cumacalicot na palagui sa loob co?
--Itiguil mo iyang pag-iiyac mo, Pili, at uala cang ibang macacamtan sa pag-iiyac, cundi saquit lamang nang catauoan. Ipanalañgin mo si Próspero sa Pañginoon Dios, nang siya,i, amponin at iligtas sa dilang masasama....
--Siya, pó, ang aquing guinagauang parati: datapoua,t, ibig co pong maalaman sa inyo, cung ano cayang mabuting isagot co cay Próspero diyan sa caniyang sulat.
--Cung sa natuturang pagsagot, ay marami ang maisasagot mo sa caniya; subali,t, dito sa lagay nang capatid mo, tila,i, mauaualang halaga ang lahat nang casagutan mo, maguing ano ang iyong sabihin sa caniya.
--Baquit, pó, amo,i, gayon ang inyong uica?
--Caya gayon ang aquing salita, sapagca,t, ang lagay ni Próspero sa Maynila, ay siyang-siya nang lagay nang isang olila sa ama,t, ina, at capatid at camag anac pa, na ualang macapipiguil sa caniya, at uala naman siyang quinaaalang-alañganan. Ganoon man, ay sabihin mo sa caniya, na houag baga limutin niya ang mañga pagtuturo nang magulang mo sa caniya; nahouag mauili sa mañga lamang bayan at sa maririquit na salita nang mañga quinacasama niya; na houag maparahio sa mañga cagandahan nang mundo; at iba,t, iba pang ganito, na mamatapatin mong isagot.
Napaiyac nang panibago si Felicitas nang mariñgig itong sagot at hatol nang aming Cura, at pagcamaya-maya,i, nagpasalamat siya sa Cura, humalic-nang camay at nagpaalam na. Nang dumating siya sa caniyang bahay, ay sumulat cay Próspero nang ganito: