Si Matrena ay nakipagsalitaan sa babaing yaon, na nanalaysay ng ganito;
--May anim na taon nang ulila sila. Ang ama ay namatay ng martes at ang ina ay ng biyernes. Sila'y naulila sa ama bago naipanganak at ang kanilang ina ay hindi nabuhay ng isang araw man lamang pagkapanganak sa kanila. Nuon nga ay nakatira kami ng aking asawa sa nayong yaon, at sila'y aming kakapit-bahay. Ang ama'y gumagawa sa gubatan, at nabuwalan ng isang punong-kahoy; nasaktan ng di kawasa na anupa't pag-dating sa bahay ay inihandog ang kanyang kaluluwa sa Diyos. Ang kanyang asawa'y nanganak pagkaraan ng tatlong araw, na ang mga ito ang naging anak. Mga kaawa-awa at walang mag-andukha. Sa palibot ng kanilang higaan, ay walang hilot o alila; nanganak na mag-isa. Dinalaw ko kinaumagahan, ako'y pumasok at aking natagpuang patay na ang abang babae. Pagkamatay ay nadaganan ang munti at napilay ang paa nito. Dinaluhan ng mga tao, inayos ang bangkay, isinilid sa kabaong at ibinaon sa lupa. Ang mga kapitbahay ay mabubuting tao, nguni't ang mga sanggol ay naulila at walang mag-andukha. Ako nga ang tanging nag-alaga sa kanila; nagpapasuso ako ng aking panganay at ipinakisuso ko sila. Ang mga mujik ay nagtitipon, nagsalitaan, nagsanggunian kung ano ang marapat gawin sa kanila, at ito ang sinabi sa akin:
--Ikaw na ang bahalang mag-alaga sa mga sanggol na ito, iyong pasusuhin at mapagiisip-isip mo ang lalong magaling. Napasuso ko na ang una, nguni't ang isa, ang abang pilay ay hindi pa, hindi ko akalaing mabuhay, nguni't agad iniwaksi ko ang aking katigasang-loob; dumadaing at aking kinahabagan. Bakit maghihirap iyang kaluluwang anghel? Aking pinasuso at inalagaan ang tatlo, ang aking anak at ang mga ulila, ako nuo'y bata at malakas, kumain akong mabuti at nagkaroon ako ng saganang gatas, at ako'y pinagpala ng di kawasa ng Panginoon. Pinasususo ko ang dalawahg bata at naghihintay ang ikatlo, pagkabusog ng dalawa, ay saka ko pinasususo ang ikatlo at ipinagkaloob sa akin ng Diyos na sila'y aking mabuhay. Ang aking anak ay namatay pagkaraan ng dalawang taon, at hindi na ako pinagkalooban, pa uli ng Diyos ng anak. Habang ito'y nangyayari ay bumubuti ang aming pamumuhay, ngayo'y natitira kami sa isang alilisan, sa bahay ng isang may tindahan. Binabayarang kaming mabuti at ang aming buhay ay tiwasay, nguni't wala akong anak. Sinu pang aking lilingapin kung wala ang mga batang ito? Wala nga akong mga kasama. Bakit ko nga di ibigin at mahalin sila? Sila ang mga anino ng aking mata at ligaya ng aking buhay.
Niyakap ng babae ang mga bata, hinagkan ang pilay at naglaro ang luha sa kanyang mga mata.
Nabubuhay ang walang ama at walang ina; hindi nabubuhay ang walang Diyos, anang kawikaan.
Gayon nagsalitaan at humanda na ng pag-alis ang babae. Sa paghahatid sa kanya nina Semel ay nalingunan si Mikhail na nakayakap ang mga kamay sa mga tuhod, ang mga mata'y nakatirik sa langit at nakangiti.