Hinarap ni Semel si Mikhail.
--Tinanggap natin ang biling ito,--aniya,--baka tayo'y mapahamak. Ang katad ay mahal, ang barini ay magagalitin; huwag lamang tayong magkamali ay ... Ang iyong mata ay malinaw kaysa akin; ang iyong kamay ay lalong tumpak; naito ang sukat, tabasin mo ang katad at samantala ay gagawing ko ang iyong ginagawa.
Sumunod si Mikhail, tinagnan ang katad, iniladlad at pinasimulang tinabas.
Tinitignan ni Matrena, na hirati sa gayong gawain, at ikinamangha na tinabas ni Mikhail ang katad sa isang anyo na hindi magagamit na pambota. Ibig niyang magsalita, nguni't kanyang naisip:
--Marahil ay hindi ko naulinigan kung anong anyo ng bota ang kailangan ng barini; nalalaman ni Mikhail ang ginagawa, at hindi ko siya pakikialaman.
Ginawa ni Mikhail na isang susuutin sa paa at tinahing parang sandalyas. Namangha si Matrena, nguni't hindi siya pinakialaman, at ipinagpatuloy ni Mikhail ang pagtahi. Dumating ang oras ng pagkain. Tumindig si Semel at kanyang napuna na ginawang sandalyas ni Mikhail ang katad at hindi ginawang bota, bagay na nakapagtataka sa isang tao na kailanman ay hindi nagkamali. Si Semel ay nakapagbigkas tuloy ng isang badyang pamangha.
--Ating nasira ang katad; ano kayang sasabihin ko sa barini? Saan kaya ako makakasumpong ng ganyang katad?
At sinabi kay Mikhail.
--Anong ginawa mo. Ako'y iyong ipinahamak, katoto. Hinihingan ako ng barini ng bota. Nasaan?
Noon nga ay may tumuktok sa pintuan. Sa dungawan ay nakita ang alila ng barini, na nagtatali ng kanyang kabayo sa pintuan. Pinagbuksan ni Semel at ang alila ay patang-pata sa pagod.
--Magandang gabi po, suki.
--Magandang gabi rin pu naman. Anong nangyayari?
--Inutusan pu ako ng asawa ng barini upang kunin ang mga bota.
--Ang mga bota?
--Opo, hindi na pu kailangan ng barini; hindi na pu niya maisusuot. Nais sa inyo ng asawa ng barini na humaba nawa ang inyong buhay.
--Hindi pu nagawing dumating na buhay sa bahay. Namatay sa vozok o karwahe. Dumating kami, aking pinagbuksan at nakita kong nakatimbuwang at bangkay. Pinaghirapan namin ng paglalabas sa vozok. Inutusan ako sa inyo ng asawa ng barini, na sinabing:--Pumaroon kang sabihin mo sa magsasapatos, na ang gawin ay sandalyas na pansuot sa bangkay at huwag bota na gaya ng ipinasadya ng barini. Sabihin mong ipagmadalian. Ikaw ay maghintay at dalhin mo ang mga sandalyas.
Dinampot ni Mikhail ang sandalyas at pati ng pinagputulang katad, binalot na lahat at iniabot ang balutan sa alila, na naghihintay:
--Adiyos mga kapatid, tulungan nawa kayo ng Maykapal.