Nagdaan ang araw at araw, linggo at linggo hanggang sa umabot ng isang taon. Si Mikhail ay patuloy pa rin ng pagtulong sa bantog na kay Semel; walang ibang nakagagawa ng magagaling at matitibay na bota na makahihigit pa kay Semel. Sa tanaw lamang ay kilala na siya at unti-unting yumaman si Semel.
Isang araw ng tag-inaw, na gumagawang magkatulong ang dalawang magpanginoon, ay sa darating ang isang voyok o karwahing hila ng tatlong magagaling na kabayo, na nagtutunugang masaya ang mga kampanilyang nakakuwintas, at sa titigil sa harap ng pintuan nila. Bumaba sa piskante ang isang alila na nagbukas ng pinto, at ang sakay na isang barini o isang maharlika ay bumaba na nababalot ng isang magaling na balabal. Nanhik sa hagdanan. Binuksan ni Matrena ang pintuan. Ang barini ay yumuko na nasok at tumayong matuwid; ang ulo ay halos masukdol sa kisame at nalalaganapan niyang mag-isa ang isang sulok ng kabahayan. Si Semel ay bumating may pagkamangha sa barini. Kailanman ay di siya nakakita ng taong gaya niyaon. Si Semel ay natigilan, si Mikhail ay walang imik; si Matrena ay naging parang isang tuyong punong kahoy. Ang taong yaon ay masasabing parang galing sa ibang mundo; ang kanyang pagmumukhang malaki at mabilog at ang kanyang leeg-toro ay nakapaglalarawan sa kanya ng isang kakaibang taba.
Pagkahinga ng buong lakas ay nag-alis ng balabal ang barini, naupo sa bangko at nagsabing:
--Sino sa inyo ang maestro sapatero?
Si Semel ay lumapit.
--Ako po, Kagalang-galang.
Tinawag ng barini ang kanyang alila; iabot mo sa akin ang katad, Fedka.
Dinala ng alila ang isang balutan, inilapag sa hapag (mesa).
--Buksan mo ang balutan.
Ang alila ay sumunod.
Itinuro ng barini kay Semel ang katad.
--Nakikita mo bang maigi, magsasapatos?
--Opo, Kagalang-galang.
--Nakikilala mo ba kung anong uri iyan?
Pinitik ni Semel ang katad at nagsabing:
--Iyan po ay pinakamabuting uri.
--Oo nga, iya'y pinakamabuting uri, tulig; kailanman ay hindi ka nakakita ng gaya niyan; iyan ay katad na galing sa Alemanya, nalaman mo ba? Ang halaga ng katad na iyan ay dalawampung rublo.
Si Semel ay natatakot-takot na tumugon:
--Paanong ibig ninyong kilalaning ko?
--Mabuti. Maigagawa mo ba kaya ako ng mga bota sa katad na ito?
--Opo, Kagalang-galang.
Ang barini ay nagbigkas.
--Mangyari! Tignan mong mabuti ang tao na nagpapagawa sa iyo niyan at pati ng kainaman ng katad na iyan; igawa mo ako ng mga bota na magluluwat ng isang taon; na isang taon kong magagamit na hindi man lamang masisira o mapapahiwid. Kung magagawa mo ay tanggapin mo ang katad na ito at iyong tabasin; kung hindi naman ay iyong tanggihan. Aking ipinagpapauna sa iyo, na kung ang mga botang iyan ay masira bago mag-isang taon ay ipapasok kita sa bilangguan, kung magtagal sa akin ng isang taon ay pagkakalooban kita ng sampung rublo.
Si Semel ay nagitla, nagdili-dili, hindi niya malaman ang gagawin. Tinignan niya si Mikhail, kanyang siniko at itinanong kung maaaring tanggapin o hindi.
Tinanguan siya ni Mikhail, at tinanggap ni Semel na nangako na kanyang gagawing mga bota na hindi masisira o mapapahiwid man lamang sa loob ng isang taon.
Tinawag ng barini ang alila. Iniunat ang kanyang paa, at nagsabing kung gayon ay sukatan mo ako, ang paa ng barini ay napakalaki na nangailangang gumupit pa ng ibang papel bagaman ang una ay napakalaki na. Sinukat ni Semel ang talampakan, ang ibabaw ng paa at saka sinukat ang binti; nguni't ang papel ay hindi nag-abot na maigi, ang binti ay napakataba. Habang kinukunan ng sukat ni Semel, ay lilingap-lingap ang barini sa lahat ng dako. Namataan si Mikhail.
--Sino ito?--ang tanong.
--Siya kong manggagawa—ang sabi ni Semel.
--Magpakaingat ka! Dapat magluwat ng isang taon.
Tinignan ni Semel ang pagkatungo ni Mikhail at kanyang nahalata na wala sa loob nito ang barini, kundi nakatingala siya sa ulunan ng barini na parang may nakikita siya. Si Mikhail ay tingin ng tingin. Agad napangiting masaya.
--Anong ikinatatawa mo?--ang tanong ng barini. Pag-ingatan mo, na ang mga bota ay iyong mayari sa takdang panahon.
Si Mikhail ay sumagot:
--Mangyari, kailanman at kailanganin.
--Mangyari,--ang bigkas ng barini na sabay isinuot ang balabal. Tumungo sa may dakong pinto; nguni't nakalimot yumuko, at naumpog ang ulo sa halang, na anupa't nagbubulong sa galit. Agad lumamig ang ulo, kinuskos ang noo at sumampa sa vosok.
Pagkaalis ng barini ay sinabi ni Semel.
--Ito nga ang matibay na parang puno ng kahoy; nasira ang halang at bahagya nang naramdaman.
At sinabi ni Matrenang:
--Sa taglay niyang pamumuhay ay mabuting tao kaya? Parang bakal mandin at di madadaig ng kamatayan ng gayun-gayon lamang.