Sa Ano Nabubuhay Ang Tao · Leo Tolstoy (translated by Sofronio G. Calderón)

Chapter 10: Kabanata 10

Siya'y nilapitan ni Semel at pinagsabihan.

--Anong ginagawa mo, Mikhail?

Tumindig si Mikhail, iniwan ang ginagawa, nag-alis ng tapi, yumukod sa mag-asawang panginoon niya at nagsabi sa kanilang:

--Patawarin ninyo ako, mga panginoon, pinatawad na ako ng Diyos. Patawarin naman ninyo ako.

Napagkita nina Semel, na si Mikhail ay nagliwanag. Tumindig si Semel, yumukod sa kanya at nagsabing:

--Napagkikita ko, Mikhail, na ikaw ay isang taong di gaya ng iba, at hindi kita mapipigil sa aking piling o matatanong man. Sabihin mo lamang sa akin: Bakit ikaw ay napakawalang-imik, at totoong gitla ng ikaw ay aking matagpuan at ipagsama sa aking bahay?

--Bakit ka pinagsaulian ng loob, ng hainan ka ng aking asawa ng pagkain? Nuon nga'y napangiti ka at sumigla ang iyong kalooban.

Saka ng pumarito ang barini, na magpasadya ng mga bota ay napangiti kang muli at lalong sumigla ang iyong kalooban, at ngayong dalhin dito ng babaing ito ang mga bata ay napangiti kang makaitlo at nagliwanag ang iyong mukha. Sabihin mo sa akin, Mikhail. Bakit sumisilang sa iyo itong dalisay na liwanag at bakit ka ngumiting makaitlo?

At sumagot si Mikhail.

--Sumisilang sa akin ang liwanag, sapagka't ako'y naparusahan; hinatulan ako ng Diyos at ngayo'y pinatawad na ako; ako'y napangiting makatatlo sapagka't dapat akong makarinig nga ng tatlong salita ng Diyos at aking nangarinig. Narinig ko ang una ng mahabag ang iyong asawa sa aking kaabaan, yaon nga'y una kong ikinangiti. Napangiti akong muli ng pumarito ang barini, sapagka't naihayag sa akin ang ikalawang salita; at ngayon, pagkakita ko sa mga bata ay ikinangiti kong pangatlo sa pagkarinig ko ng ikatlong salita ng Diyos.

Tinanong siya ni Semel: sabihin mo sa akin, Mikhail kung bakit ka pinarusahan ng Diyos at kung anong mga salita ito upang malaman ko naman.

Si Mikhail ay sumagot:

Pinarusahan ako ng Diyos dahil, sa aking paglabag. Sa langit ay isang anghel ako, at siya ay aking sinuway. Nuon ay isa ako sa mga anghel sa langit at sinugo ako ng Diyos sa isang kaluluwa, sa kaluluwa ng isang babae. Bumaba ako sa lupa at nakita ko ang isang babae na nakalugmok sa higaan, may sakit at kapanganganak lamang sa dalawang batang babae. Ang mga ito ay nangagsisihibik sa tabi ng ina, at siya'y napakahina na di niya mapasuso sila. Pagkakita sa akin ay nataho na kailangan ng Diyos ang kanyang kaluluwa; tumangis at nagsabi sa aking namamanhik:

Anghel ng Diyos, ang aking asawa ay namatay, na nabuwalan ng isang punong-kahoy sa gubat; ako'y walang ina, o kapatid, o ali: ang aking mga ulila ay walang inaasahan, liban sa aking abang kaluluwa: pabayaan mo akong mapalaki ko ang aking mga anak; ipagpaubaya mong sila'y makalaki sapagka't ang mga bata ay hindi maaaring mabuhay ng walang ama o ina.

Sinunod ko ang babae, ipinatong ko ang isang anak sa kandungan at ang isa'y sa kanyang bisig; muli akong napailanlang sa langit, at pagharap ko sa Panginoon ay sinabi kong: Hindi ko nagawing dalhin ang kaluluwa ng nanganak. Ang ama'y namatay, siya'y may dalawang anak na kambal at ipinamanhik sa akin na siya'y pabayaan kong mabuhay hanggang sa mapalaki niya ang kanyang mga anak na hindi mangyayaring mabuhay ng walang ama o ina. Hindi ko nga dala ang kaluluwang iyan.

Sinagot ako ng Diyos:

Ikaw ay yumaon at dalhin mo sa akin ang kaluluwa ng inang iyan, at mapagkikilala mo ang tatlong salita ng Diyos; iyong malalaman ang sumasa mga tao, ang hindi ipinabatid sa tao at ang bumubuhay sa tao. Pagkakilala mo ng tatlong salitang ito ay babalik ka sa langit.

Nagbalik ako sa lupa at dinala ko ang kaluluwa ng abang ina. Ang mga bata ay nagsibitiw sa sinapupunan ng ina at ang bangkay, sa pagkabuwal sa tagilirang kaliwa, ay nadaganan ang paa ng isa sa mga bata. Ng ako'y nakatayo sa may dakong itaas ng nayon upang dalhin ang kaluluwa sa Maykapal ay hinadlangan ako ng isang buhawi, nanghina ang aking pakpak at nangatikom: Ang kaluluwa ay naipalanlang sa langit, at ako'y napalugmok sa lupa sa tabi ng lansangan.