Sa Ano Nabubuhay Ang Tao · Leo Tolstoy (translated by Sofronio G. Calderón)

Chapter 1: Kabanata 1

Isang magsasapatos ay nananahanan sa isang nayon na kasama ang kanyang asawa't anak. Sila'y nakatira sa bahay ng isang mujik (may pagawaan ng sapatos), sapagka't sila'y walang bahay o lupa man at bahagya nang makakita ng kanilang maipagtatawid-buhay. Ang tinapay ay mahal, at may kahirapan ang panahon; kung gaano ang makita niya ay kanilang pinagkakasiya, siya'y walang anumang tinatangkilik at ang kanyang asawa'y wala kundi iisang chuba[1] na totoong luma na. May ilan nang taong naghahanap ng salapi ang magsasapatos upang maibili ng mga balat ng tupa at ng kanyang magawang bagong chuba o pambalabal.

Ng panahong tagulan ay nakatipon ng kaunti, ng tatlong rublo na kanyang naingatan sa sisidlan ng kanyang baba (asawa). Sa kapit nayon ay may nagkakautang sa kanya ng limang rublo at dalawang pung kopek [3].

Isang umaga ay pinasiyahan ng magsasapatos na maghanap ng mga katad. Nagbihis, nagkubong sa ulo ng isang panyo, isinilid sa bulsa ang tatlong rublo, kinuha ang kanyang tungkod at pagkatapos na makapag-agahan ay yumaon.

Sisingilin ko sa muhik ang limang rublo,--aniya,--idaragdag ko rito sa tatlo, saka ko ibibili ng mga katad na magagawang chuba.

Pagsapit sa kanyang sinadyang nayon ay tinungo ang bahay ng muhik. Ang muhik ay nakaalis na: at ipinangako na lamang ng baba na sa linggo ring yaon ay dadalhin ng kanyang asawa ang kuwarta, nguni't walang ibinigay.

Sa ibang bahay ay ipinagtapat sa kanya na walang maibabayad, kundi dalawang kopek muna. Iniisip ng magsasapatos na siya'y makauutang ng mga katad; datapwa't di siya pinagkatiwalaan ng maytinda.

Bayaran mo ako,--ang sabi sa kanya,--at pumili ka ng iyong ibig, sapagka't alam na namin kung gaano kahirap ang maningil.

Hindi nga nangyari ang panukala ng mag-sasapatos; wala naman siyang dala, liban na sa dalawampung kopek na kanyang nasingil sa pagtatagpi ng isang valenki[1] na sa kanya'y ipinagawa.

Sa sama ng kanyang loob ay napasa isang tindahan ng alak at iniinom ang kanyang dalawampung kopek saka yumaong walang dalang katad. Ng umagang yaon ay di siya nakaramdam ng ginaw at subali ay nainitan pa, dahil sa pagkainom ng alak. Sa kalasingan ay tignan ninyo at pinaiikot ang tungkod at isinasaksak sa mga dakong pinamumuuan ng tubig; natutuwa at pinapipihitpihit sa kanyang mga kamay ang mga valenki; at nagsasalita ng ganito:

Wala man akong chuba o balabal ay naiinitan ako, sapagka't tumungga ako ng kaunting alak; ang tiyan ko'y busog sa alak; anupang ipangangailangang ko ng isang balabal na pampainit? Nilimot ko ang aking karalitaan; ako'y isang tao lamang; walang kabuluhan sa akin ang lahat. Ako'y makapamumuhay na maigi ng walang balabal; hindi na ako gagamit niyan kailanman. Ngunit totoong daramdamin ng aking asawa at may matwid. Ipinaghahanap-buhay namin ang mga mujik, pakinabangan nawa nila ang aming kapaguran. ¡Teka! Di mo ako dinalhan ng kuwarta. ¡Maraming salamat! ¡May Diyos! Sulong ..." Ganyan ang pagbabayad ng dalawampung kopek lamang. Anong mapapakinabang sa dalawampung kopek? Itungga ng alak at wala na. Saka sasabihing "¡Ang hirap!" ¡Aha, aha! ¿Ang hirap ko nga? Ikaw ay may bahay, may hayop at lahat ng kailangan, at ako'y walang anuman. Ikaw ay may kinakaing bunga ng iyong lupa, at ako upang kumain ay kailangang bumili; kailangan ko'y tatlong rublo sa bawa't sanlinggo; kung dumating ako sa bahay ay wala nang pagkain at maggugugol pa ako uli ng isang rublo't kalahati. Pagbayaran mo nga ako ng iyong utang.

Papaganito ang kanyang anyo hanggang sa nakarating sa tabi ng isang simbahan, at may namataan sa likuran nuon na wari maputi. Gumagabi na at ang magsasapatos ay nagkantitignan.

Anong naroon? Wala namang batong maputi. Baka ba kaya, yaon? Hindi, hindi mandin baka. Ayon sa ulo ay tila isang tao; nguni't bakit maputi? At bakit magkakatao rito?

Lumapit si Semel at lubos nalinawan! Katakataka! Tao nga; buhay o patay? Nakaupo, na hubad; nakasandig sa pader ng simbahan, hindi gumagalaw. Ang magsasapatos ay sinidlan ng takot at nasabi sa sarili:

--Pinatay; hinubdan ng damit at inihagis dito; kung lapitan ko ay baka ako pa ang mapahamak.

Kanyang linagpasan, tinalikdan na sa kanyang paningin ang taong yaon. Makaraan ang sandali, ay lumingon siya at nakita niyang ang tao'y lumayo sa pader at gumalaw na wari tinititigan siya. Sa tuwi-tuwi na ay lalu siyang nahihintakutan, nag-antanda ang magsasapatos at tinaya ang kanyang kalooban kung uurong o tatakas.

Kung siya'y lapitan ko,--dinidilidili niya—di malayong ako'y mapahamak. Ano kayang tao ito? Tila mandin masama; dadaluhungin ako at ako'y hindi maliligtas. Kung hindi man ako patayin ay hahalayin ako. Gayunman, hindi ako makapaghuhubad upang bihisan ko siya, upang ipagkaloob ko sa kanya iring tanging suot. Magtutumulin ako.

At dinalas ang hakbang. Pagdaka'y napatigil sa daan,--Anong inaasal mo sa sarili. Anong gagawin mo? Namamatay ang isang tao at iyong kinatatakutan at nilalayuan. Mayaman ka na ba kaya? Natatakot ka bang mawalan ng kayamanan? Ano, Semel, ito'y hindi magaling.