Noli Me Tangere · José Rizal (translated by Pascual Hicaro Poblete)

Chapter 7: Mairog Na Salitaan Sa Isang "Azotea"

Maagang nan~gagsimbá n~g umagang iyón si tía Isabel at si María Clara: mainam na totoo ang pananamít nitó at may tan~gang isáng cuintás na azúl ang m~ga butil, na inaarì niyáng parang brazalete,[147] at may salamín sa matá si tía Isabel, upang mabasa ang daláng "Ancora de Salvación"[148], samantalang nagmimisa.

Bahagyâ pa lamang nacaaalís sa altar ang sacerdote, nagsabi ang dalagang ibig na niyáng omowî, bagay na totoong ipinangguilalás at isinamâ n~g loob n~g mabaít na tíang waláng boong acalà cung dî ang canyáng pamangking babae'y mápagbanal at madasaling tulad sa isáng monja man lamang. Nagbubulóng, at pagcatapos na macapagcucrûz ay nagtindíg ang mabaít na matandáng babae.--¡Bah! patatawarin na acó n~g mabaít na Dios na dapat macakilala n~g púso n~g m~ga dalaga cay sa inyó pô tía Isabel—Ang sasabihin sana ni María Clara sa canyá upang putlín ang canyáng matitindí, n~guni't sa cawacasa'y m~ga pagsesermóng-ná.

N~gayó'y nacapag-agahan na tila at nilílibang ni María Clara ang canyáng pagcainíp sa paggawâ n~g isáng sutláng "bolsillo", samantalang ibig pawìin n~g tía ang m~ga bacás n~g nagdaang fiesta sa pagpapasimulâ n~g paggamit n~g isáng plumero. Sinisiyasat at inuusisa ni Capitang Tiago ang m~ga iláng casulatan.

Bawa't lagunlóng sa daan, bawa't cocheng dumaraan ay nan~gagpápacaba sa dibdib n~g vírgen at siya'y pinan~gin~gilabot. ¡Ah, n~gayó'y ibig niyáng maparoon ulî sa beaterio, sa casamahán n~g canyáng m~ga caibigang babae! ¡Doo'y matitingnan niyá "siyáng" hindî man~gín~ginig, hindî magugulumihanan! Datapowa't ¿hindî bagá, siyá ang iyóng caibigan n~g panahóng musmus ca pa? ¿hindî bâ cayó'y nan~gaglálaro n~g laróng halíng at hanggáng sa cayó'y nag-aaway na manacànacâ? Ang dahil n~g m~ga bagay na itó'y hindî co sasabihin; cung icáw na bumabasa'y umibig ay mapagkikilala mo, at cung hindî namán ay sayang na sa iyó'y aking sabihin; hindî mapag-uunawa ang m~ga talinghagang itó n~g hindî na casisinta cailán man.

--"Sa acalà co María'y may catowiran ang médico—ani Capitang Tiago. Dapat cang pasalalawigan, namumutlâ ca n~g mainam at nagcacailan~gan ca n~g m~ga mabubuting han~gin. Anó bang acalà mo: ¿sa Malabón ... ó sa San Diego?

Namulá si Maríang tulad sa "amapola"[149] pagcárinig niyá nitóng hulíng pan~galan, at hindî nacasagót.

--"N~gayó'y páparoon cayó ni Isabel at icáw sa beaterio, at n~g cunin ninyó roon ang iyóng m~ga damít, at macapagpaalam ca sa iyóng m~ga caibigan; hindî ca na papasoc ulî roon.

Dinamdam ni María Clara iyáng hindî malírip na calungcutang bumabalot sa cálolowa, pagcâ iniiwan ang isáng kinatirahang pinatamuhán natin n~g caligayahán; n~guni't nagpagaang n~g canyáng pighatî ang pagcaalaala n~g isáng bagay.

--At sa loob n~g apat ó limáng araw, pagcâ may damít ca nang bágo'y paparoon tayo sa Malabón.... Walâ na sa San Diego ang iyóng ináama; ang curang nakita mo rito cagabí, iyóng paring bátà ay siyáng bagong cura natin doón n~gayón; siyá'y isáng santo.

--¡Lalong nacagágaling sa canyáng catawán ang San Diego, pinsan!--ang ipinaalaala ni tía Isabel;--bucód sa roo'y lalong mabuti ang bahay natin doón, at sacâ malapit na ang fiesta.

Ibig sanang yacapin ni María Clara ang canyáng tía; n~guni't narinig niyáng tumiguil ang isáng coche ay siyá'y namutlâ.

--¡Ah, siyá n~gâ!--ang isinagót ni Capitang Tiago, at nagbago n~g pananalitâ at idinagdág:--¡Don Crisóstomo!

Nalaglág sa m~ga camáy ni María Clara ang tan~gang canyáng guinágawà; nag-acalà siyáng cumilos ay hindî nangyari: isáng pan~gin~gilabot ang siyáng tumátacbo sa canyáng catawán. Nárinig ang yabág n~g paa sa hagdanan at pagcatapos ay ang sariwà at voces lalaki. Tulad sa cung ang voces, na itó'y may capangyarihang hiwágà, iniwacsí n~g dalaga ang laguím at nagtatacbó at nagtágò sa panalan~ginang kinálalagyan n~g m~ga santo. Nagtawanan ang dalawáng magpinsan, at nárinig ni Ibarra ang in~gay n~g sinásarhang pintuan.

Namúmutlà, humíhin~ga n~g madalás, tinutóp n~g dalaga ang cumácabang dibdíb at nag-acalang makiníg. Náriníg ang voces, yaóng voces na pinacasísinta't sa panag-ínip lamang niyá náririnig: ipinagtátanong siyá ni Ibarra. Sa pagcahibáng sa towâ ay hinagcán niyá ang santóng sa canyá'y nálalapit, si San Antonio Abad; santong mapalad n~g nabubuhay at n~gayóng siyá'y cahoy; láguì n~g may magagandáng m~ga tucsó! Pagcatapos ay humanap n~g isáng bútas n~g susîan, upang makita niya si Ibarra; mapagsiyasat ang canyáng anyô; n~gumín~gitî si María Clara at n~g cunin siyá n~g canyáng tía sa gayóng panonood, sumabit sa líig n~g matandáng babae at sinisì itó n~g halíc na paulit-ulit.

--N~guni't halíng, ¿anó ang nangyayari sa iyó?--ang sa cawacasa'y nasabi n~g matandáng babae, na pinapahid ang isáng lúhà sa m~ga matá niyáng lantá na.

Nahiyâ si María Clara at tinacpán ang m~ga matá, n~g canyáng mabibilog na m~ga brazo.

--¡Halá, maghusay ca, halica!--ang sabi n~g matandáng babae n~g boong pag-irog.--Samantalang nakikipag-usap siyá sa iyóng amá n~g iyóng ... ¡halica at huwag cang magpahintay!

Napadalá ang dalagang tulad sa isáng musmós, at doon silá nagculóng sa canyáng "aposento."

Masayá ang salitaan ni Capitang Tiago at ni Ibarra n~g sumipót si tía Isabel na halos kinacaladcad ang canyáng pamangkíng babae, na nagpapalin~gàlin~gà cung saansaan, datapuwa't hindî tumítin~gin sa canino mang táo....

¿Anóng pinag-usapan n~g dalawáng cálolowang iyón, anó ang canicaniláng sinabi diyán sa salitaan n~g m~ga matá, na lalong lubós ang galíng cay sa salitaan n~g bibíg, salitaang ipinagcaloob sa cálolowa at n~g huwag macaguló ang in~gay sa pagtatamóng timyás n~g damdamin? Sa m~ga sandalíng yaón, pagca nagcacawatasán ang dalawáng linikháng sumasaligaya sa kilos n~g m~ga balintataóng natatabin~gan n~g m~ga pilíc-matáng pinaglalampasanan n~g pag-iísip, ang pananalita'y mabagal, magaspáng, mahinà, wan~gis sa ugong n~g culóg na nan~gan~galagcag at waláng tuos cung isusumag sa nacasisilaw na liwanag at mabilís n~g kidlát: nagsasaysay n~g isáng damdaming kilala na, isáng isipang napag-uunawà, na, at cayâ lamang guinagamit itó'y sa pagcá't ang mithî n~g púsò'y siyáng nacapangyayari sa boong cataohang saganang saganà sa galác, íbig na ang boong catawán niyáng casama ang lahát n~g sancáp na lamán, butó at dugô at ang boong caisipán ay magsaysáy n~g hiwagang m~ga catowâang inaawit n~g espíritu. Sa tanóng n~g pagsintá sa isáng sulyáp na numíningning ó lumálamlam, waláng m~ga sagót ang salitâ: tumútugon ang n~gitî, ang halíc ó ang buntóng hinin~gá.

At pagcatapos, sa pagtacas n~g dalawáng nagsisintahan sa "plumero" n~g tía Isabel na nagpapaban~gon sa alicabóc, silá'y pumaroon sa azotea upang silá'y macapag-usap n~g boong calayâan sa silong n~g m~ga bálag; ¿anó ang caniláng pinag-usapan n~g marahan at nan~gín~ginig cayó, m~ga maliliit na bulaclác n~g "cabello-de-ángel"? Cayó ang magsabi't may ban~gó cayó sa inyóng hinin~gá at may m~ga cúlay cayò sa inyóng m~ga labì; icáw, "cefiro"[150] ang magsabi yamang nag-aral ca n~g di caraniwang m~ga tínig sa líhim n~g gabíng madilim at sa talinghagà n~g aming m~ga cagubatang virgen; sabihin ninyó, m~ga sinag n~g áraw, maningníng na tagapagpakilala sa lúpà n~g Walang Hanggán, tan~ging hindî nahahawacan sa daîgdig n~g m~ga natátangnan: cayó ang man~gagsabi, sa pagca't walâ acóng nalalamang isaysáy cung dî m~ga cahalin~gáng hindî mainam dingguín.

N~guni't yamang áayaw ninyóng sabihin, aking títingnan cung aking maisásaysay.

Ang lan~git ay azul: nagpápagalaw n~g m~ga dáhon at n~g m~ga bulaclac n~g halamang gumagapang ang isáng malamig na amihang hindî amóy rosa,--dahil dito'y nan~gagsisipan~ginig ang m~ga cabello—de--ángel—ang m~ga halamang nacabitin, ang m~ga tuyúng isdâ at ang m~ga lámparang galing sa China. Ang in~gay n~g sagwáng humahalò n~g malabong tubig n~g ílog, ang dagundong n~g pagdaan n~g m~ga coche at m~ga carretón sa tuláy n~g Binundóc ay maliwanag na dumárating hanggang sa canilá; n~guni't hindî ang m~ga ipinagbúbubulong n~g tía.

--Lalong magalíng—ang wicà nitó--diyá'y ang boong bayan ang siyáng bábantay sa inyó.

Nang magpasimulá'y walâ siláng pinagsalitaanan cung di pawang m~ga cahalin~gan—iyáng m~ga cahalin~gáng totoong nacacawan~gis niyáng m~ga cayaban~gan n~g m~ga nación sa Europa: masasarap at lásang pulót sa m~ga magcacanación, datapuwa't nacapagtátawa ó nacapagpapacunót sa kilay n~g m~ga taga ibang lupaín.

Ang babae, palibhasa'y capatíd ni Cain ay panibughuin, caya't dahil dito'y tumanong sa nan~gin~gibig sa canyá:

--¿Laguì bang isinaisip mo acó? ¿hindi mo ba acó linimot sa gayóng caraming m~ga paglalacbá'y mo? ¡Pagcaramiraming malalakíng m~ga ciudad na may pagcaramiraming magagandang m~ga babae!...

Ang lalaki namán, palibhasa'y isá pa ring capatíd ni Caín ay marunong umiwas sa m~ga tanóng at may caunting pagca sinun~galing, cayâ n~ga:

[Larawan:--Laguì bang isinaísip mo acó? ¿Hindî mo ba acó linimot?...--Imp de M. Fernandez, Paz 442 Sta.Cruz]

--¿Mangyayari bagáng catá'y limutin?--ang sagót na nan~gan~gaanino n~g boong ligaya sa m~ga maiitím na balíngtatao n~g dalaga;--¿mangyayari bagáng magculang acó sa panunumpâ, sa isáng panunumpang dakila? Natátandaan mo ba ang gabíng yaon, ang gabíng yaóng sumísigwa, na icáw, n~g makita mo acóng nag-íisang tumatan~gis sa siping n~g bangcáy n~g aking iná'y lumapit ca sa akin, ilinagáy mo ang iyong camáy sa aking balícat, ang camáy mong malaon nang ayaw mong ipahintulot na aking mátangnan, at iyong sinabi sa akin: "Nan~gulila ca sa iyong iná, acó'y hindî nagcainá cailán man.": at dumamay ca sa akin n~g pag-iyác. Iniirog mo ang aking iná at icáw ay pinacaibig niyáng tulad sa isáng anác. Sa dacong labás ay umúulan at cumíkidlat; n~guni't sa acalà co'y nacárinig acó n~g música, at nakita cong n~gumín~gitî ang maputláng mukhâ n~g bangcáy ... ¡oh, cung buháy sana ang aking m~ga magulang at mapanood nila icáw! Nang magcagayó'y tinangnán co ang iyóng camáy at ang camáy n~g aking iná, nanumpâ acóng sísintahin catá, catá'y paliligayahin, anó man ang capalarang sa aki'y ipagcaloob n~g Lan~git, at sa pagca't hindî nacapagbigáy pighati cailán man sa akin ang sumpáng itó; n~gayó'y mulíng inuulit co sa iyó. ¿Mangyayari bagáng limutin co icáw? Laguing casamasama co ang pag-aalaala co sa iyo; iniligtás acó sa m~ga pan~ganib n~g paglalacad maguíng caaliwan co sa pag-iisá n~g aking cálolowa sa m~ga ibáng lupain; ¡ang pag-aalaala sa iyo ang pumawì n~g bísà n~g "loto" n~g Europa na cumacatcat n~g m~ga pag-asa at n~g casaliwaang palad n~g kinaguisnang lúpà sa caisipán n~g maraming m~ga cababayan! Sa m~ga panaguimpan co'y nakikita co icáw na nacatindig sa tabíng dagat n~g Maynilà, nacatanaw sa malayong abót n~g panin~gíng nababalot sa malamlam na liwanag n~g maagang pagbubucang liwayway; aking náririnig ang isáng aaying-aying at malungcot na awit na sa aki'y pumupucaw n~g nagugulaylay n~g m~ga damdamin, at tinatawag co sa alaala n~g aking púsò ang m~ga unang taón n~g aking camusmusán, ang ating m~ga catuwâan, ang ating m~ga paglalarô, ang boong nacaraang maligayang panahóng binigyán mong casayahan, samantalang doroon ca sa bayan. Sa aking sapantaha'y icáw ang "hada"[151], ang espíritu, ang caayaayang kinácatawan n~g aking Bayang kináguisnan, magandá, mahinhín, masintahin, lubós calinisan, anác n~g Filipinas, niyáng cagandagandahang lupang bucód sa m~ga dakilang cagalin~gan n~g Inang Españang[152] tagláy rin niyá'y may maririkít pang m~ga hiyas n~g isáng bayang bátà, tulad sa pagcacapisan sa iyong cataohan n~g lahát n~g cagandahan at carikitang nacapagpapaningning sa dalawang láhì; cayâ n~ga't nabubuò lamang sa isá ang pagsinta co sa iyo't ang pagsinta co sa aking tinubuang lúpà ... ¿Maaari ba catáng limutin? Macáilang ang boong ísip co'y aking náririnig ang m~ga tunóg n~g iyóng piano at ang m~ga tínig n~g iyong voces, at cailán mang tinatawag co ang iyóng pan~galan n~g acó'y na sa Alemania, sa dacong hápon, pagca naglalacad acó sa m~ga caparan~gang napúpuspos n~g m~ga talinghagang likhâ n~g m~ga poeta roon at ang m~ga cahimahimalang salitsaling sabi n~g m~ga táong nan~gáunang nabuhay, nakikinikinita co icáw sa úlap na sumisilang at napaiimbulóg sa dúyo n~g capatagan, wárì náririn~gig co ang iyong voces sa pagaspás n~g m~ga dahon, at pagcâ umuuwî na ang m~ga tagabukid na galing sa caniláng sinasacang lúpà at caniláng ipinarírin~gig buhat sa maláyò ang caniláng caraniwang m~ga awit, sa aking acala'y pawang nakikisaliw silá sa m~ga voces n~g caibuturan n~g aking dibdib, na nag-aalay na lahat sa iyo n~g awit at siyáng nagbíbigay catotohanan sa aking m~ga nais at m~ga panaguimpán. Cung minsa'y náliligaw acó sa m~ga landás n~g m~ga cabunducan, at ang gabíng doo'y untîuntì ang pagdatíng ay naráratnan acóng naglácad pa't hinahanap co ang aking daan sa guitnâ n~g m~ga "pino," n~g m~ga "haya"[153] at ang m~ga "encina"[154]; cung nagcácagayón, cung nacalúlusot ang iláng m~ga sínag n~g buwán sa m~ga puáng n~g masinsíng m~ga san~gá, wari'y nakikinikinita co icáw sa sinapupunan n~g gubat, tulad sa isáng nagpapagalagalang aninong gágalawgaláw at nagpapacabicabilâ sa liwanag at sa m~ga carilimán n~g malagóng caparan~gan, at sacâ ipinarírinig n~g "ruiseñor"[155] ang canyáng ibá't ibáng cawiliwiling huni, inaacálà cong dahil sa icáw ay nakikita't icáw ang siyáng sa canyá'y nacaaakit. ¡Cung inalaala co icáw! ¡Hindî lamang pinasásaya sa aking m~ga matá n~g lagabláb n~g sa iyó'y pagsinta ang úlap at pinapamúmula ang hielo[156]! Sa Italia, ang magandáng lan~git n~g Italia, sa canyáng cadalisaya't cataasa'y nagsasálitâ sa akin n~g iyong m~ga matá; ang canyáng masayáng pánoorin ay nagsasaysay sa akin n~g iyong n~gitî, wan~gis n~g m~ga halamanan sa Andalucíang nalalaganapan n~g han~ging may kipkíp na ban~gó, puspós n~g m~ga pangdilidiling casilan~ganan, saganà sa hiwagà at sa calugodlugód na m~ga tanghalin, pawang nan~gagsasalita sa akin n~g sa iyó'y pagsintá! Sa m~ga gabíng may bowán, yaóng bowang wari'y nagtútucà, sa aking sinagwánsagwáng nacalulan acó sa isáng sasakyáng malíit sa ilog Rhin, itinátanong co sa aking sarili cung dî cayâ marayà acó n~g aking guníguní upang makita co icáw sa, guitnâ n~g m~ga álamong[157] na sa pampang, sa bató n~g Lorelay ó sa guitnâ n~g m~ga alon at icáw ay umaawit sa catahimican n~g gabí, tulad sa dalagang hadang mápang-aliw, upang bigyáng casayahan ang pag-iisá at ang calungcutan n~g m~ga guibáng castillong iyón.

--Hindî acó naglacbáy-bayang gaya mo, walâ acóng nakikita cung dî ang iyóng bayan, ang Maynila't Antipolo—ang sagót ni María Clarang n~gumín~gitî, palibhasa'y naniniwalà sa lahát n~g sinasabi ni Ibarra,--n~guni't mulâ n~g sabihin co sa iyóng ¡paalam! at pumasoc acó sa beaterio, láguì nang naaalaala catá at hindî co icáw nilimot, bagá man ipinag-utos sa akin n~g confesor at pinarusahan acó n~g maraming m~ga pahírap. Nagúgunitâ, co ang ating m~ga paglalarô, ang ating m~ga pag-aaway n~g tayo'y m~ga musmós pa. Hinihirang mo ang lalong magagandáng sigay at n~g tayo'y macapaglarô n~g siclót, humahanap ca sa ílog n~g lalong mabibilog at makikinis na batóng maliliit na may iba't ibang cúlay at n~g macapaglarô tayo n~g sintác; icáw ay nápacawaláng tuto, láguì cang natatalo, at ang parusa'y binábantilan catá n~g pálad n~g aking camáy, n~guni't dî co inilálacas, sa pagca't naaawà acó sa iyo. Napacamagdarayà, icáw sa laróng chongca't dináraig mo pa ang pagcamagdarayà co, at caraniwang agawán ang naguiguing catapusán. ¿Natátandaan mo bâ n~g icáw ay magalit n~g totohanan? Niyó'y pinapagpighatî mo acó; n~guni't n~g matapos, pagcâ naaalaala co iyón sa beaterio, acó'y n~gumín~gtì dinaramdam cong icáw ay walâ, at n~g macapag-away ulî catá ... at n~g pagdaca'y mágawà natin ang pagcacásundô. Niyó'y m~ga musmós pa tayo, naparoon tayong naligong casama ang iyóng iná sa batis na iyóng nalililiman n~g m~ga cawayanan. Sa m~ga pampáng ay may m~ga sumisibol na m~ga bulaclác at m~ga halamang sinasabi mo sa akin sa wicang latín at wicang castilà ang canícanilang m~ga cacaibáng pan~galan, sa pagca't niyó'y nag-aaral ca na sa Ateneo. Hindî catá pinápansin; naglílibang acó sa panghahagad n~g m~ga paroparó at n~g m~ga tutubí, na sa canyáng catawáng maliit na tulad sa alfiler ay tagláy ang lahát n~g m~ga culay n~g bahagharì at ang lahát n~g m~ga kintáb n~g gáring, m~ga tutubíng gumágalaw at nan~gagháhagaran sa magcabicabilang m~ga bulaclác; cung minsa'y ibig cong masubucan at hulihin n~g camáy ang maliliit na isdáng matuling nan~gagtatacbuhan sa m~ga lumot at sa m~ga batuhán sa pampáng. Caguinsaguinsa'y nawalâ ca, at n~g icáw ay bumalíc, may dalá cang coronang m~ga dahon at m~ga bulaclác n~g dalandáng ipinutong mo sa aking úlo, at tinatawag mo acóng "Cloe"[158], at gumawâ ca namán n~g coronang damóng gumagapang. N~guni't kinuha n~g iyóng nanay ang aking corona, pinucpóc n~g isáng bató at sacâ inihalò sa gugò na ipinaglilinis n~g ating úlo; tumulò ang m~ga luhà sa iyóng m~ga matá, at sinabi mong hindî nacaaalam ang iyóng iná n~g "mitología"[159].--¡"Halíng!--ang isinagót n~g nanay mo—makikita mo't mababan~gó pagcatapos ang inyóng m~ga buhóc."--Nagtawá acó, naghinanakít icáw, at ayaw mo na acóng causapin, at sa boong maghapo'y nagpakita ca n~g poot, na siyang ikìnaibig co namang umiyác.

N~g bumalíc tayo sa bayan, at sa pagca't mainit na totoo ang araw, nuha acó n~g m~ga dahon n~g sambóng nasumísibol sa m~ga tabíng daan, ibinigáy co sa iyó't n~g ilagáy mo sa loob n~g iyóng sombrero, at n~g di sumakít ang iyóng ulo. N~gumitî icáw n~g magcágayo'y tinangnán co ang camáy mo at nagcásundô na catá.

N~gumitî n~g boong ligaya si Ibarra, binucsán ang canyang cartera, kinuha sa loob niyón ang isáng papel at sa loob nito'y may nababalot na m~ga dahong nan~gin~gitim, tuyô at mababan~gó.

--¡Ang iyóng m~ga dahon n~g sambóng!--ang isinagót ni Ibarra sa titig ni María Clara,--itó lamang ang naibigáy mo sa akin.

Dalidalí namáng kinuha ni María Clara sa canyáng dibdíb ang isáng bolsitang rasong maputî.

--¡Ps!--ani María Clara at tinampál ang camáy ni Ibarra;--hindî ipinahihintulot ang paghípò: ito'y isáng sulat n~g pagpapaalam.

--¿Iyán bâ ang isinulat co sa iyo bago acó pumanaw?

--¿At sumulat pó bâ cayó sa akin n~g ibá pa, aking guinoo?

--¿At anó bâ ang sinasabi co sa iyo n~g panahóng iyón?

--¡Maraming cabulastugan! ¡m~ga dahilan n~g masamáng mán~gun~gutang—ang isinagót ni María Clarang n~gumín~gitì, na ipinakikilalang totoong ikinasásaya n~g canyáng loob ang gayóng m~ga cabulaanan.--¡Howág cang malicot! ¡babasahin co sa iyo ang sulat na ito! ¡n~guni't ilílin~gid co ang iyóng m~ga pagpuri at n~g dî ca magdalità!

At itinaás ang papel sa tapát n~g canyang m~ga matá at n~g huwag makita n~g binatà ang canyáng mukhâ, at nagpasimulâ:

--"Aking ..." ¡hindî co babasahin sa iyo ang sumúsunod, sa pagca't isáng cabulastugán!--at pinaraanan n~g m~ga matá ang iláng talatà.--"Ibig n~g aking amá, ang acó'y yumao, bagá man ipinamamanhic cong huwag"--"Icáw ay lalaki"--ang sabi sa akin, dapat mong isipin ang panahóng dárating at ang iyong m~ga lacás. Dapat mong pag-aralan ang dunong sa pamumuhay, ang dî maibibígay sa iyo n~g iyong kinamulatang lúpà, at n~g balang araw ay makapaglingcod ca sa canyá. Cung mananatili ca sa aking tabí, sa aking lilim, sa impapawíd na ito n~g m~ga hínalâan, hindî ca matututong tumanáw sa malayò, at sa araw na cata'y maiwan sa ibabaw n~g lupa'y maitutulad ca sa halamang sinasalitâ n~g ating poetang si Baltazar;

"Para n~g halamang lumakí sa tubig, daho'y nalálanta muntíng dî madilig, ikinalolooy ang sandalíng init...."

--¡Nakita mo na! binatà ca na halos ay tumatan~gis ca pa!--"Nacapagpasakit sa aking loob ang ganitóng pag-wiwicà, caya't ipinahayag co sa canyáng icáw ay aking sinísinta. Hindî umimíc ang aking amá, nagliníng-lining, ilinagáy sa aking balicat, ang canyáng camáy at nagsalitâ sa aking nan~gín~ginig ang voces:--Ang ísip mo ba'y icáw lamang ang marunong umibig at hindî ca iniibig n~g iyóng amá at hindî dináramdam ang sa iyó'y paghiwaláy?" Hindî pa nalalaong nan~gulila tayo sa iyóng iná; tumutun~go acó sa catandàan, diyán sa gulang na ang hinahanap ay ang tulong at pagbibigay alíw n~g cabatâan, at gayón ma'y tinatanggap co ang pag-iisá at dî co talós cung catá'y makikita pa ulì. N~guni't dapat cong isipin ang m~ga ibáng bágay na lalong malalakí.... Bumúbucas sa iyo ang panahóng sasapit, samantalang sumásara sa akin; sumisilang sa iyo ang m~ga pagsinta, ang m~ga pag-ibig co'y nan~gamámatay; cumúculô ang apóy sa iyóng m~ga ugát sa aki'y nagsisimulá, ang calamigán, at gayón ma'y icáw ay umíiyac at hindî ca marunong maghandóg n~g n~gayón, at n~g sa búcas ay makinabang ca at pakinaban~gan icáw n~g iyóng kinaguisnang lúpà."--Napunô n~g lúhà ang m~ga matá n~g aking amá, naluhód acó sa canyáng paanan, siyá'y aking niyacap at sinabi co sa canyáng acó'y nahahandáng yumao".

Napatiguil ang pagbasa, dahil sa pagcaligalig ni Ibarra: namumutlâ ang binatà at naglálacad n~g paroo't parito sa magcabicabilang dúlo n~g azotea.

--¿Anó ang iyóng damdám? ¿anó ba ang nangyayari sa iyo?--ang tanóng ni María Clara cay Ibarra.

--¡Dahil sa iyó'y nalimutan co ang aking m~ga catungculan; dapat acóng pumaroon n~gayón din sa aking bayan! Búcas ang fiesta n~g m~ga namatáy.

Hindî umimíc si María Clara, itinitig niyáng iláng sandalî ang canyáng malalaki't mapupun~gay na m~ga matá cay Ibarra, cumuha n~g ilang bulaclác at sinabi sa canyáng nababagbag ang loob:

--Lumacad ca, hindî na catá pinipiguil; magkikita ulî tayo sa loob n~g iláng áraw! ¡Ilagáy mo itóng bulaclac sa ibabaw n~g libin~gan n~g iyong m~ga magulang!

Nang macarâan ang iláng minuto, ang binata'y nananaog na sa hagdanang casabay si Capitang Tiago at si tía Isabel, samantalang nagcuculong sa pánalan~ginan si María Clara.

--¡Ipakisabi n~ga pô ninyó cay Andéng na canyáng ihandâ ang bahay at man~gagsisirating si María at si Isabel!--¡Dumatíng nawâ cayóng maluwalhati!--ani Capitang Tiago, samantalang sumásacay si Ibarra sa coche, na yumaong ang tun~go'y sa plaza n~g San Gabriel.

At sinabi pagcatapos ni Capitang Tiago cay María Clara na umíiyac sa tabí n~g larawan n~g isáng Vírgen:

--Halá, magsindí ca n~g dalawáng candilang man~gahatì, ang isáy sa Señor San Rafael, pintacasi n~g m~ga naglálacbay. Isindi mo ang lámpara n~g Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje. ¡Lalong magalíng ang magcagugol n~g isáng salapî sa pagkít at anim na cuarta sa lan~gís, cay sa magbayad pagcatapos n~g isáng mahalagáng tubós.

TALABABA:

[147] Hiyas na pinacasingsíng sa camau-o.

[148] Libritong ganito ang pan~galan.--"Pangligtas sa sacunà."

[149] Isáng halamang ang caraniwang bulaclac ay puláng-pulá.

[150] Mahinhin ó mahinang han~gin.

[151] Ipinan~gun~gusap n~g "ada".--Isáng hiwagang babaeng may cahimahimalang m~ga capangyarihan, anáng m~ga di binyagan.

[152] Unawaing hindî tinatawag ni Rizal na Inang Bayan, cung dî Inang España, dalawang pan~galang totoong nan~gagcacaiba.

[153] Isáng malaki't mataas na cahoy, matibay at macúnat. Ang tawag sa bun~ga n~g cahoy na ito'y "hayuco".--Aya, ang pagbasa.

[154] Cahoy na masan~gá, may m~ga n~gipin-n~gipín ang m~ga dahon. "Bellota" ang tawag sa bun~ga n~g cahoy na itó.

[155] Ibong mainam humuni. Sa Europa'y marami n~g ibong itó.

[156] Tubig na tumítigas na halos parang bató dahil sa totoong calamigàn.

[157] Alamo: cahoy na tumataas n~g mainam: may tatlóng bagay na álamo: ang álamong putî na ang m~ga daho'y verde ang isang mukhâ at ang cabiláng mukha'y putîan—Ang álamong itím, na verde ang magcabicabilà n~g dahon.--At ang "amo altemblón" na ang m~ga daho'y waláng tiguil n~g paggaláw.

[158] Isá sa magagandáng diosa.

[159] Casaysayan n~g m~ga kinikilalang m~ga Dios n~g m~ga dî binyagan.