Nang Bata Pa Kami · Pura Medrano

Chapter 7: Mga Ala-Ala Ni Edeng Kay Manuel.

--Manuel, salamat sa pagpa-paalaala mo't nanariwa sa aking gunita ang ating kahapon: ang maligaya nating kahapon.

Naaalaala ko ngayon na isang araw ng linggong kulimlim ang araw ay naligo tayo sa dagat. Marami tayo, kasama natin pati mga pinsan kong babae na kababata rin natin.

Noo'y palaki ang tubig, ang pulo'y hindi natatanaw at upang marating natin nang walang sagabal ay nanghiram tayo ng isang malaking bangkang lunday.

--Sa bangka'y masaya tayong lahat, lalong lalo na ikaw at habang tayo'y nagpapaligid-ligid sa may pulo sa paghanap ng lugar na mababaw, ay itinuturó mo sa akin ang mga ibong nagliliparan sa kalawakan at ang mga isdang tulad nating malalaya't masasayang naglulundagan sa ibabaw ng tubig.

¡Kay saya saya natin! nguni't walang ano ano'y tumaob ang bangka; ikaw ay nagulat at kaming mga babae'y napatili ng malakas at makasandali'y naghalakhakan ang iba nating mga kasama. Ikaw ay nayamot sapagka't nahalata mong sinadya nila ang pagtataob ng bangka upang tayo'y pagalitin.

Ang tubig ay hanggang dibdib lamang, at makaraan ang ilang saglit, ang mga babae'y nagsamasama't ang mga lalaki nama'y nagtulong-tulong sa paglimas ng bangka; datapwa't ikaw ay hindi kumilos sa iyong kinatatayuan at waring galit ka pa.

Matapos nilang limasin ang bangka ay sila'y nagsipaglanguyan at kaming mga babae'y nagtimbulan at ikaw ay nagpakunwaring marunong lumangoy ng hampas tikin; datapwa't naino naming nakasayad ang iyong mga paa, at dahil dito'y pinagtuksuhanan ka't pinagsabuyanan ka namin ng tubig.

Nang may kalahati ng oras na tayo'y naliligo, ang mga pinsan ko'y nagyayang umahon.

Tayo'y lumulan sa bangka; n~guni't hindi ang pangpang ang ating tinungo, kundi ang libis at nang makita mong tayo'y nalalapit na sa baklaran ay nanginig ka; buhat sa ulo hanggang paa, sa takot mong baka doon ilubog ang bangka ay hindi maaari, ang langoy mong nalalaman.

--Ilubog natin ang bangka, isa, dalawa, tatlo.--Ang sabay halos na sigawan ng ating mga kasama.

--¡Ina ko! ang sigaw mong halos paiyak--¡Ina ko, ayoko, huwag!

Palibhasa'y patuloy ang pagbibiro ng ating mga kasama, ay nagsabi ka ng totoo, na hindi ka marunong lumangoy.

Makaraan ang ilang saglit ay nagyaya akong umuwi upang huwag malubos ang sa iyo'y pagtakot nila. At nang tayo'y nasa pampang na'y ibinalita sa atin ng isa ninyong alila na ang tatay mo'y nagagalit sa iyo.

Ikaw ay namutla pagka't ipinagbabawal sa iyo ang paliligo sa dagat ay sumama ka pa sa amin.

Sa inanyo mong kalunuslunos ay nahabag ako at nawika ko sa sarili:

"Kaawaawa naman, nagtiis na ng takot sa gitna ng dagat ay makakagalitan pa" At nang tayo'y papauwi na, ay sinabi ko sa iyong:

--Huwag ka nang maliligo sa dagat, sapagka't ipinagbabawal pala sa iyo ng iyong tatay.

--Oo, kung hindi ka na rin maliligo—ang sagot mo.

--Aba—ang salo ko naman--¿maaari bang huwag akong maligo sa ako'y may sakit at ang pagpaligo sa dagat ay nakagagaling sa akin?

--A, sa makatwid ay maliligo rin ako.

--Huwag, sundin mo ang iyong tatay.

--Oo, susundin ko siya kung sa inyong bahay ka maliligo.

--¿Bakit,--ayaw ka bang gumaling ako?

--¿Bakit ayaw?

--Gayon pala'y....

--Gagaling ka hindi man sa pagpaligo sa dagat. Pagkatapos ko ng "segunda enseñanza" ay magaaral ako ng "medicina" at ako ang magpapagaling sa iyo.

At samantala'y dumating tayo sa harap ng ating bahay. Ikaw ay nagtuloy sa inyo at ako nama'y sa amin. Ikaw ay sinalubong ng galit ng iyong tatay at ako nama'y ng maligayang ngiti ng minamahal kong ina.