Nang Bata Pa Kami · Pura Medrano

Chapter 5: Kabanata 5

Baga ma't ang masasaya mong ngiti'y iyong ipinagkait sa akin, ay maligaya rin ako; oo, maligaya rin ako sapagka't nahalata kong tumutugon ka sa tibok ng aking puso. Nguni't ang aking kaligayahan ay naparam na animo'y aso sa bahagiang simoy ng hangin, sapagka't nalipat kami ng bahay at may nagsabi sa amin ng ako'y palaging nakakagalitan ng aking guro sa dahilan daw na ako'y madalas na hindi makalisyon, at, sukat bang ang tatay ko'y maniwala at ipinagbawal pa sa akin ang pagpapasyal...?

¡Oh! anong lungkot ko noon! ... Kung nakilala ko ang dalahirang naghatid sa amin ng balitang iyon ay ... aywan: marahil ay inaway ko; oo, pagka't ng mga araw na iyon ay naghahari pa sa akin ang kainitan ng ulo.

Ang paghihigpit sa akin ng tatay ko'y hindi naman nag-tagal; ilang linggo lamang at ako'y pinahintulutan nang makapagpasyal na gaya ng dati.

Ako'y natuwa sapagka't madadalaw na namang kita; nguni't ¡naku! hindi naglao't nakita ko na ang katapal na dusang walang kasing laki ng aking katuwaan sapagka't nang ako'y paroon sa bahay na inyong tinirhan ay nakita kong naka-dikit sa nakalapat na pintuan ang isang papel na kinababasahan ng SE ALQUILA.

Ipinagtanong ko kayo sa mga kakilala; datapwa't walang nakapagsabi kung saan kayo nalipat. Ako'y bumalik sa amin at itinanong ko sa aking tatay kung saan kayo nakatira.

--Aywan ko—aniya—nagsi-alis ng hindi man lamang nakapagpaalam sa atin, sapagka't ang ama daw ni Edeng; ay dinapuan ng sakit, na pinakikialaman ng mga sanitario.

Ako'y nalungkot, hindi lamang nalungkot, nagtiis pa ako ng hirap sapagka't hindi ko maalaman kung saan kayo naparoon. Hindi ko maalaman kung saan kita susulatan.

At buhat noon ang puso ko'y naging laruan ng hirap. Natulad sa isang putol ng kahoy sa gitna ng dagat na sunodsunuran saan man dalhin ng alon.

At sa mga bayo ng sakit ay hindi ko naikubli ang akin pagtitiis. Nahalata ng aking mga kaklase sa Ateneo at sa isa sa kanila na nagngangalang Pedro Batobalani ay naipagtapat ko ang aking dinaramdam.

--¡...!

--Madalas ba rito ngayon at noon mo pang araw nakikilala?...

Ang binatang iya'y isa sa mabubuti kong kaibigan, siya ang umaliw sa akin at dahil sa kanya'y nagbawas ang aking pamimighati. Datapwa't hindi nagbago ang aking pag-ibig sa iyo at bagkus pang lumago at sa twing magugunita ko ang aking pagiisa, ay lalo pa akong nagsusumigasig sa pag-aaral sapagka't hindi nawalay sa akin ang paguusap na tayo'y magkikitang uli at maidudulot ko sa iyo ang aking napagaralan.