Ang tatay ko'y lumakas.
Kami'y naparito sa Maynila, at ang una kong nabalitaan ay ang paglililo sa iyo ni Enchay na pinaglalaanan mo ng iyong karrera.... Huwag kang magkaila, huwag; may katunayan akong walang kasing laking kasinungalingan ang sinasabi mong hindi ako nawawalay sa iyong isipan. Huwag mong nasaing maikubli ang isang katotohanan.
--¡...!
--¿Sumusumpa kang totoo ang sinabi mo at ako lamang ang iyong iniibig? Ito nga namang mga lalaki, pag-ibig magsinungaling ¡inaku! hindi mo ako mapaniniwala ... Huwag kang magpumilit, huwag; at baka sabihin ko pang kaalam ka ni Enchay nang ako'y padalhan ng sulat....
At ... namula ka. May katwiran yata ako, ha, ha, ha.
--¡...!
--¿Wala? ¿Bakit ka namula? Talagang may sala ka.
--¡...!
--¿Namamali ako at iniibig mo pa ako hanggang ngayon?
--¡...!
--Sagutin ko kung may maasahan ka pa sa akin? Oo, sasagutin kita; datapwa't tugunin mo muna ako:
Ngayon ba't tinalikdan ka na ng pinaglalaanan mo ng iyong karrera ay akong ihinabilin mo na sa limot ang iyong pamamanhikan, akong pinagtangkaan mong malugmok sa hirap, sa pamamagitan ng dalawang liham na ipinahatid sa akin ni Enchay?
--¡...!
--¿Isinusumpa mong hindi ka kaalam? ¿Bakit niya naalamang lumigaw ka sa akin?
--¡...!
--¿Aywan? Wala kang pinag-iwan sa ilang taga bukid na nakikilala namin; huli na'y nagkakaila pa. At hindi ako nagtataka, sapagka't ang taong nagkukubli ng katotohanan ay talagang ganyan at matapang pa kung minsan, hindi yata?
¡Naku! kung gaya ng dati na tayo'y mga musmos, ay tatawagin ko ang ating mga kaibigan at sasabihin kong: narito ang bulaan, ang sinungaling, narito ¡itignan ninyo!
Nguni't napapalayo ako. Pagbalikan natin ang iyong tanong.
Manuel, tanggapin ang tungkos ng mga liham na ito at sa mga iya'y mababasa mo ang aking sagot ... Huwag mong buklatin dito, sa inyong bahay mo na basahin ... ¡Ah! Huwag sana, at kung may tutol ka'y sa ibang araw ka na parito....
Hindi kita itinataboy. Ibig kong umuwi ka na, sapagka't baka hindi ka magkapanahon sa pag-aaral ng ililisyon mo bukas.
--¡...!
--Itinigil mo ang pag-aaral buhat nang mamatay ang iyong ama at ang kapatid mong Juan na lamang ang pumapasok sa Sto. Tomas?
Sinayang mo ang panahon; nguni't may katwiran ka, may asawa na si Enchay ay ¿bakit ka pa magaaral, sa siya lamang ang pinaglalaanan mo ng iyong karrera?
--¡...!
--Ako raw at hindi si Enchay! Oy, manong matahan ka....
--¡...!
Uuwi kana? Mabuti nga't nang maalaman mo ang laman ng mga liham na iyan....
--¡...!
--Oo hanggang bukas.