Isa Pang Bayani · Juan Lauro Arsciwals

Chapter 8: IIX

Sumapit ang kinabukasan.

Ang pagawaang pinagaklasán, nang umagang yaón ay pinapasukan na n~g maraming manggagawa.

Ang lahat halos n~g m~ga manggagawang ito ay pawang nan~gahikayat ni Pablo sa ibang m~ga pagawaan.

At siya, si Pablo, na pinan~gakuan n~g m~ga mamumuhunan n~g kung anoanong katan~gian, ay lalong napamahal sa m~ga ito, dahil sa kanyang ginugol na sipag at tiyaga sa paghahanap n~g m~ga tao; sipag na nakatulong nang malaki upang silang m~ga mamumuhunan ay magwagi sa ibabaw n~g m~ga nagsiaklás.

At, ang m~ga pulés, na buhat pa sa unang araw n~g aklasan ay tumatanod sa pagawaan, sa kahilin~gan n~g m~ga may-ari, ay naroón pa rin at di nagsisialis.

Sa may dulaang Rizal, pook na pinagtitipunan, ay nan~garoon ang m~ga nagsiaklás.

Ang lahat ay nakatin~gin sa maluwang na pinto n~g pagawaan, at pinagmamasdan ang m~ga lumalabas at pumapasok.

At ang ilan sa kanila ay boong n~gitn~git na sumasaksi sa gayong pagkapariwara n~g aklasan, dahil sa pagtataksil n~g m~ga kapatid din nila; subali't ang lalong marami ay waring nan~gaiinggit na sa nagsisipasok.

Sa lipunang ito n~g lalong marami ay pinaguusapan ang pagbabalik na sa pagawaan, yayamang wala na rin lamang magagawa, sa dahilang pinapasok na n~g marami ang pinagaklasan nila, at dahil dito ay nagaalaalang baka kung sila'y magpapaumatumat ay hindi na tanggapin n~g m~ga, mamumuhunan, at sila naman ay wala nang iba pang mapapasukan dahil sa ang karamihan n~g m~ga pagawaan n~g tabako ay inaabot n~g malaking panghihina sa kalakal.

Nang m~ga unang sandali pa ay ibig na n~g ilan ang pumasok; subali't walang makapan~gahas na man~guna; ang kaunti pang karan~galang nalalabi sa bawa't isa sa kanila ay siyang pumipigil, lubha na't magunita nilang ang ilan sa m~ga kasama ay mahigpit na tumututol.

Itó ang sanhi n~g di matuloytuloy nilang pagsasagawa n~g m~ga binabalak na panunumbalik sa Pagawaan.

Subali't sadya manding masasawi ang aklasang yaon, sapagka't noón, ay nagsilabas sa Pagawaan sila Pablo at Gervasio, at sa pinagtitipunan n~g marami ay nagsitun~go.

Pagdating n~g dalawa ay niligid na n~g marami, at kay Gervasio ay tinanong ang nararapat na gawin.

Ipinabatid n~g tinanong, na siya'y umayon na sa pagbabalik sa pagawaan, sapagka't sa ganang kanya, ay wala na rin lamang mapapala ang pagmamatigás laban sa mamumuhunan; at kasabay na rin ang paghikayat sa marami upang magsipasok na.

Pagkatapos n~g ilang sandaling pagpapaliwanagan, ang lipunang yaón na binubuo n~g marami ay sumang-ayon na rin sa hikayat n~g dalawa, bagama't ang lipunan n~g ilan, na binubuo lamang yata n~g anim ó walo katao, ay nagmamatigás at ayaw sumang-áyon.

Magsisialis na sana ang maraming yaón upang magsisama sa dalawa, nang dumating si Mauro at siyang ikinahinto muna.

Inantabayanan nilang makalapit.

--M~ga kasama:--ang unang bati ni Mauro pagkalapit.--¿Saan ang inyong tun~go?

--Sa Pagawaan—ang sagutan n~g marami.

--¿Magbabalik kayo? ¿at bakit?--ang may malaking panggigilalas na tanong pa ni Mauro.

--Pagka't wala na rin lamang magagawa ang ating aklasan—anang ilan pa rin.

--Kung gayon, m~ga kasama, ang aklasan ay tinatapos na ninyo?

Oó;--ang sigawan n~g marami.

--M~ga kapatid: ¡Kayo ang masusunod! Kung ibig na ninyong magbalik ay hindi ko kayo pinipigilan: hari kayo n~g inyong loob. Subali't alalahanin lamang ninyo na kayo ay may malaking sagutin na dapat taglayin sa m~ga darating na araw, sa harap n~g bayan, sa harap n~g Diyos at sa haráp n~g inyong sariling budhi. ¡Gawin n~g sino man ang maibigan! Datapwa't, ¡bumagsák sa ulo n~g m~ga may sala ang sumpa!...

--¡Ulól! ¡Ulól!--ang sigaw n~g isang tinig.

Si Mauro ay napalin~gon. Sa poók na pinagbuhatan n~g gayong sigaw ay pinagalagala ang m~ga matá niya.

Isang bagay ang kanyang namalas.

Si Gervasio at si Pablo ay ligíd n~g ilang lalaki, at ang ilang itó ay nakilala niyang m~ga kaibigan, at siyang m~ga sumusunod sa madlang simulaing pinananaligan niya.

Hawak n~g ilan, sa m~ga bisig ang dalawa, at anyong nagkakainitan sa paguusap.

Si Mauro ay lumapit, at sa gitna ay tumayo.

--Ang m~ga taong ito po ay siyang sumigaw sa inyó n~g ulól—ang wika n~g isang may hawak sa bisig ni Pablo, sabay n~g pagbibitiw dito.

--¿Totoó n~ga ba, kaibigang Pablo, na ikaw ang sumigaw?--ang nakan~giti pa ring tanóng ni Mauro.

--Oó; ¿anó ang ibig mong gawin?--ang may pangdidilat pang tugón ni Pablo.

--Wala—ani Mauro pa rin n~g boong kalamigan.--Subali't, ¿anó ang dahil at ako'y tinawag mong ulól?

--Sapagka't ibig namin—ang tugón naman ni Gervasio

--Ulól ka n~ga at sampu n~g iyong m~ga kasama—ang sigaw pang muli ni Pablo.

Sukat itó, upang ang higing n~g isang malakas na suntók na lumagpag sa mukha n~g isang tao, ay marinig n~g lahat.

Nagkagulo; at ang munting lipunang yaon ay nagpanuntukan. Subali't ilang sandali pa at ang panuntukang yaon ay naging panglahat.

Ang pangkat n~g iilán, na kinabibilan~gan ni Mauro, ay nagigitna sa pangkat n~g karamihan na kinabibilan~gan naman nina Pablo at Gervasio.

Sigawan at panakbuhan n~g m~ga babai at in~gay n~g m~ga nagaaway ang siyang sa m~ga pulés na bantay sa Pagawaan ay nakapagpadalo.

At ang lahat ay ibig na magpulasan; subali't hindi nagawa, sanhi sa pagbabala n~g m~ga tanod n~g kapayapaan.

Nang magkahiwahiwalay ang dalawang pangkat, ay dalawa ang may sugat sa bisig at dalawa naman ang nakatimbuwang na naliligo sa sarili nilang dugo ang nakita n~g lahat.

Si Mauro at isa pang kasama nitó ay siyang may m~ga sugat sa bisig at ang dalawa namang nakatimbuwang ay dili iba't sila Gervasio at Pablo, na kapwa may sugat sa dibdib at sa mukha....

Sa gitna n~g gayong paglalaban ay si Mauro ang siyang unang tumanggap n~g isang saksak na sa dibdib sana niya umabot kundi natutuhang salagin n~g bisig na kaliwa, kaya't ito ang nasaktan din naman n~g malaki.

May sugat na si Mauro; subali't gayon man, ay hindi rin nasira ang loob; kaya't nang makita niyang ang may patalim na kanang kamay ni Pablo'y babagsak na muli sa kanyang katawan ay maliksi at kasingliksi mandin n~g lintik na sinagupa ang kamay na mamamátay at mahigpit na hinawakan.

Nagpan~gagawan sila sa patalim, at sa kabutihang palad naman ni Mauro ay nakuha sa kamay ni Pablo ang kortapluma.

Ang dugong umaagos halos sa sugatang bisig niya ay siyang nakapagpadilim sa m~ga panin~gin ni Mauro; umakyat halos sa kanyang ulo ang dugo at siyang nakapagpasubo sa malamig niyang puso ... Kinakailan~gan na niya ang magtanggol, upang mailigtas ang sariling buhay na sa m~ga sandaling yao'y sumasapan~ganib.

Kaya't pagkapasakamay niya n~g patalim na hawak ni Pablo ay maliksi na rin sanang itatarak dito; subali't isa pa ring bisig na may patalim ang namalas niyang lalagpak sa katawan niya, kaya't itó na ang hinaráp; si Gervasio naman ang kanyang pinakipagtunggalian.

Sa pagsasagupaan nila, sa unang saksak na ibinigay in Gervasio, si Mauro ay nakailag; kaya't lumihis ang saksak na yaon. At pagkatapos, si Mauro naman ang gumanti.

Sa dibdib ni Gervasio, at sa dakong susong kanan, ay doon tumarak ang patalim ni Mauro.

At sabay sa pagbagsak n~g duguang katawan ni Gervasio ay lumagpak din naman ang katawan ni Pablo sa isang saksak na ibinigay n~g isang di nakilala.

At ang lahat ay naganap sa loob n~g isang kisapmatá lamang.

At nang ang m~ga pulés ay dumating, nakita pang hawak ni Mauro ang naagaw na kortapluma at puno n~g dugo.

Pinabitiwan sa kanya n~g pulés ang hawak at siya ang unaunang binantayan.

At sunod sa kanya ay ang lima pang kaayon ni Mauro, na ipinagturo n~g m~ga kasama at kapanalig nila Gervasio, nang ang m~ga ito'y ligid na rin n~g ibang pulés na gumibik.

Dalawang "ambulancia" ang dumating na maliksing tinawag n~g isang detective at sa isang laan sa m~ga may sugat ay doon isinakay ang m~ga ito, at sa isá pa ay ang m~ga malalakas naman ...

¡¡Kakilakilabot na bun~ga n~g di pagkakaunawaan n~g m~ga manggagawa sa kapwa manggagawa...!!