Isa Pang Bayani · Juan Lauro Arsciwals

Chapter 7: Kabanata 7

Sa haráp din n~g sulatan ni Mauro, pagkatapos n~g m~ga kailan~gang batian ay nagkaibayo sila n~g upo.

Si Serafina, pagsunod sa isang anyaya ni Mauro, ay naupo rin sa piling nito.

--¿Anó, kumusta, m~ga kasama...?--ang unang bati ni Mauro na nakan~giti--¿Anó ang inyong layon...?

Nagkatin~ginan muna ang dalawang panauhin at pagkatapos ay ibinaling ang m~ga matá kay Serafina.

Ang gayon ay di nalin~gid sa kaalaman ni Mauro, at nahulaan mandin ang pagaatubili n~g dalawa, kaya't muling sinabi:

--Sabihin ninyo, m~ga kasama, ang sanhi n~g inyong ipinarito; huwag kayong magalinlan~gan at sa haráp n~g aking asawa ay makapagsasalitaan tayo; huwag kayong magalaala ... siya nama'y mapagkakatiwalaan ...

--¡Oh, hindi naman sa gayon!--ang sambót agad ni Gervasio.

--Kung gayon ay sabihin na ninyo.

At si Pablo ang nagpasimula.

--Kami ay naparito, kaibigang Mauro, upang kausapin ka sa isang mahalagang bagay.

--Siya n~ga:--ang ayon ni Gervasio.

--Ipatuloy ninyo—ani Mauro naman.

--Ang sanhi,--ani Pablo—ay upang amukiin kang sumama na sa amin sa pagpasok.

--¿Saan?--ang nabiglang tanong ni Mauro na kumabakaba ang dibdib.

--Sa ating Pagawaan—ang tugon ni Gervasio.

--¿Sa Pagawaan natin?

--Oó,--ani Pablo naman.

Isang matunog mang "bomba" ang lumagpak sa harapan ni Mauro ay di pa marahil ikagugulat nito na gaya nang marinig ang katatapos na sabi n~g dalawa.

Napatindig sa kinauupán; at noo'y ibig na sanang daluhun~gin ang dalawang panauhin upang maipakilala sa kanila ang bigát n~g sinabi; subali't nakapagpigil din sanhi sa pagaalaala sa m~ga pangyayaring di pamumun~gahan n~g anomang buti at sa pagaalaala rin naman na siya'y nasa kanyang sariling tahanan, at di nararapat na gumawa n~g anomang malalabag sa magandang kaugalian; kaya't namayapa pa rin at ang wikang kasabay n~g pagupong muli.

--Mga kasama: ¿sa inyo bagang sinabi at iniaamuki sa akin ay nalalaman ninyong may isang mahalagang bagay na napapagitna?

--Oó, nalaláman namin—ani Pablo.

--¿Alin?

--Ang aklasan.

--Kung gayo't nalaláman ninyo, ay ¿anong m~ga matwid ang mailalahad ninyo sa akin upang kayo'y ayunan ko?

--Ang sarili mo ring kagalin~gan—ang nakan~giting tugón pa ni Pablo.

--Salamat, kasamang Pablo; pinasasalamatan ko n~g marami ang iyong mabuting han~gad; subali't ipahintulot mo, na sabihin kong hindi ko matatanggap kailan man ang anomang han~garing makapagpapabuti lamang sa aking sarili, n~guni't sa kapan~ganyayaan naman n~g marami.

--¿Bakit mo iisipin at aalalahanin ang kapakanan n~g iba? Sukat mong alamin, kasamang Mauro, na ang inyong aklasan ay di magtatagumpay. Walang pangyayarihan kundi ang pagkabigo at pagkasayang lamang n~g panahon; kaya't ¡bayaan mo na sila't harapin mo ang sarili mong kagalin~gan, yayamang isang pagkakataóng dapat mong samantalahin ang pan~gakong binitiwan n~g may Pagawaan!

--Siya n~ga naman—ang paayon ni Gervasio.

--¿At ikaw ba, kasamang Gervasio, ay umáyon na?--ang tanong ni Mauro dito.

--Oó;--ang tugóng may kasiglahan n~g tinanong.--ako'y umayon na, sapagka't nakikita kong wala rin lamang pangyayarihan ang ating pagmamatigás; tayo, sa ating kahirapan, ay walang magagawa.

--Gervasio, Gervasio ...--ang ulitulit na tawag na may kahalong pagiring ni Mauro.--Hindi ko akalain, na ikaw, ikaw na inaasahan pa naman n~g marami mong m~ga kapatid at kamanggagawa sa pagtatanggol, ang siya ngayong unaunang magpapawalang kabuluhan sa lakas n~g pagiisá; ikaw na pinagkatiwalaan nila n~g lahat nilang pagasa ay siya n~gayong maglalagpak sa karan~galang malinis na dapat sanang dalhin at tamuhin nating lahat sa aklasang ito. Hindi ko hinihintay, oó; hinding hindi n~ga, na sa iyo'y mamugad ang isang pusong may tiwali at di wastong paniniwala. ¡Sayang! Oó; hindi ko inaasahan, na ikaw pala ay may isang puso at damdaming marupok, upang huwag kong sabihing imbi.

--Mauro; hindi rin naman lubos na gaya n~g paniniwala mo ...--ang nakan~giti pa ring tugon n~g kinakausap.

--¿At ano ang maitatawag sa iyong inaasal?

--Pagliligtas sa isang bagay na di katatamuhan n~g tagumpay—ang salo naman ni Pablo.

--M~ga kasama; ipahintulot ninyo, na ako pa rin ay tumugon. Sa ganang akin, kailan man ay di ko magagawa ang magtaksil sa aking m~ga pananalig. Pinanaligan kong ang kilusan namin ay nararapat kong katigan at ipagtanggol, kaya naririto ako't hangga n~gayon ay nananalig pa rin, kung hindi man sa tagumpay ay sa kadakilaan n~g layon at simulaing ipinakikipaglaban.

--Oó na n~ga—ang putol pa ni Gervasio sa nagsasalita—datapwa't ang lahat nang iyan ay kailan~gang in~gatan kung nakikitang may tagumpay na inaasahan sa huli ...

--¿At paanong ibig ninyong makaasa sa tagumpay, kung may m~ga taksil at walang kaluluwang nagbibili sa pamamagitan n~g isang pan~gako n~g lalong dakila at mahalagang kilusan? ¿Paanong ibig ninyo, na ang alin mang aklasan ay magwagí, kung ang m~ga nan~gun~gulo at nagsisipan~gasiwa sa kapalaran at buhay n~g libolibong m~ga kapatid ay siyang unang nagsisipagtaksil sa dakilang pagiisa n~g m~ga manggagawa? ¡Oh! hindi, makalilibong hindi.

--¡Mauro! ¡Mauro!--ang nagkapanabay n~g dalawa.

--Ipatawad ninyo—ani Mauro—ang kaunting kabigatan n~g aking sinabi; subali't ang puso ko ang siyang naguutos; kaya't ...

--Huwag kang magalaala n~g anoman—ang tugon ni Pablo.--Kung sa bagay ay dapat na sana naming ipagdamdam ang iyong m~ga binitiwang pan~gungusap; n~guni't ipinagpapaumanhin na namin, sa paniniwalang makukuha pa rin namin na ikaw ay maliwanagan, at sa huli ay makikilala mo ang kahalagahan n~g aming layon.

--¡Salamat! Subali't, huwag na kayong magpagod—ang matigas ding tugon ni Mauro.

--Alalahanin mo, na ang sarili mong kapakanan ang siyang dapat unahin.

--Lalong hindi ko matatanggap ang sinabi ninyong iyan; sapagka't nananalig pa rin ako, na samantalang ang pagmamahal sa sariling kapakanan at kagalin~gan n~g m~ga manggagawa sa Pilipinas ay di isinasailalim n~g kapakanan at kagalin~gan n~g marami, ang kabusabusan ay di mawawala at ang liwayway n~g katubusan ay di mamamanaág ...

--¿At ikaw ba ang babago sa kapalakarang iyán?--ang nakatawang tugón agad ni Gervasio.

--Kung hindi man gayon ang mangyari ay maging pasimulang hakbang man lamang sa pagbabagong buhay n~g m~ga manggagawa sa Pilipinas.

--¡Ha, ha, ha, ha,...!--ang halakhakang nagkapanabay n~g dalawa, at saka ang sabi ni Pablo:

--Alalahanin mong may asawa ka at m~ga anák, na madadamay sa paghihikahos.

Ang sandaling yaon, para kay Serafinang nakikinig at malaon na ring ibig na sumagót sa paguusap n~g tatlo; ang sandali n~gang yaon ay inakala niyang isa nang pagkakataóng dapat samantalahin upang maipakilala sa dalawa ang kaniyang linoloob; kaya't pagkatapos na matingnan si Mauro ay boong siglang sinabi:

--M~ga ginoo: Dumating ang sandali, na sa kapahintulutan ninyo at ni Mauro ay kinakailan~gan kong magsalita, yayamang nabanggit na rin lamang ninyo sa inyong m~ga pan~gan~gatwiran ang kanyang asawa't m~ga anak. Dinaramdam ko nang labis, na sabihin sa inyo n~gayon, na sa pan~galan din n~g inyong m~ga nabanggit na asawa't anák ni Mauro, ay siya'y hindi maaaring magtaksil sa kanyang m~ga pananalig. Makalilibong nanasain kong dumating ang hinuhulaan ninyong paghihikahós, huwag lamang ang sandaling siya'y matawag na taksil at mamamátay sa m~ga dakilang kilusan n~g m~ga manggagawa. Hindi namin kinakailan~gan ang anomang ginhawa, kung ang ginhawang iyan ay magiging kapalit n~g karan~galang malinis na dapat ipamana sa aming m~ga anák. Si Mauro ay hindi makagagawa n~g gayon. Ang karan~galan muna, bago ang lahat, m~ga ginoo. At ang lalaki ó amáng hindi marunong magtanggol sa karan~galang naaapi, magpakailan ma'y busabos, alipin at apiapihan.

Ang m~ga huling pan~gun~gusap na ito ni Serafina ay parang m~ga palasong tumímo sa puso n~g dalawa; hindi nan~gakakibo at mandin ay nan~gatubigan sa pagkakaupo.

Hindi nila inaantabayanang marinig sa asawa ni Mauro ang gayong m~ga pan~gun~gusap; m~ga pangungusap na labis n~g sakláp at paít.

Sa pagkabanggit nila sa asawa't m~ga anák ni Mauro ay inaasahan nilang sila'y matutulun~gan n~g babai sa paglalahad n~g m~ga katwirang sukat makapagpabago n~g loob sa hinihikayat at kailan ma'y hindi nila inakala, na si Serafina ay magkaroón n~g tápang at sigla n~g puso sa paghahayag n~g m~ga damdaming pangbihira sa m~ga babaing pilipina.

--Kayo po ang bahala ...--ang naitugón na lamang ni Pablo, pagkatapos n~g pagsasalita n~g babai.

--Ginagawa po lamang namin ang lahat nang magagawa, upang kayo'y mailigtas sa paghihikahós—ang naisagót naman ni Gervasio.

--Salamat sa inyong nasa, m~ga kasama:--ang tugon ni Mauro.--Datapwa't narinig na ninyo ang m~ga katwirang pinanghahawakan ni Serafina; at m~ga pan~gan~gatwirang lubos kong sinasangayunan sapagka't nasasalig sa aking m~ga paniwala at sa m~ga simulaing pinanghahawakan; kaya't ipatawad ninyong tapusin ko na ang paguusap na itó.

--Kami'y sadyang magpapaalam na naman—ang nagkapanabay na tugón n~g dalawa sabay n~g pagtitindigan.

Nagkamayan at parang walang anomang nangyari sa kanila, ay malugod ding inihandog ni Mauro at ni Serafina ang kanilang tulong sa bawa't bagay na makakaya.

Liban sa m~ga pusong walang anomang karan~galan, na gaya n~g taglay na n~ga n~g dalawang magkakasama, ay wala ni sinomang makalalasap sa m~ga pananalitang binitiwan ni Serafina sa pagtatanggol sa napapan~ganib na karan~galan ni Mauro, na di tatablán n~g isang malaking kahihiyán.

Pagkaalis na pagkaalis n~g dalawa, si Serafina ay lumapit sa asawa; inaloalo n~g matatamis na pan~gun~gusap na sukat bagang makapagpatibay sa loob ni Mauro sa m~ga nangyayari, at sabay sa m~ga pagsasalita niya'y pinagbibiyayaan n~g matutunog na halik, halik na ginaganti naman n~g lalaki n~g gayon ding tanda n~g walang maliw na pagiibigan.

¡Mapalad na lalaki ang magkaasawa n~g ganitong m~ga babai!

At m~ga babaing gaya ni Serafina, ay bihira nating makikita.