Isa Pang Bayani · Juan Lauro Arsciwals

Chapter 6: Kabanata 6

Sa haráp n~g kanyang susulatán, si Mauro ay payapang nakaupo kinagabihan din n~g araw ring yaong ipinaghiwahiwalay nilang magkakasama.

Nakapatong sa ibabaw n~g lamesa ang dalawang bisig at sa m~ga palad ay nakakatang naman ang dalawang pisn~gi.

Malungkot ang kanyang anyo; at sa pagmumukha ay nababakás ang isang napakalaking damdaming kinakabaka n~g puso, damdaming nakapagpapapulás sa dibdib n~g malalalim na buntonghinin~ga.

Sadyang nang m~ga sandaling yaon, ay may isang malaking suliraning pinagaaralan ...

Kinukuro at dinuduklay sa isip ang sanhi at kung bakit may m~ga manggagawang sa kilusang tun~go sa pagtatanggol n~g karapatan na pinagsisikapang itaguyod n~g iba nilang kamanggagawa ay nagkakatápang na siyang sumira sa kilusán sa pamamagitan n~g pagtataksil.

Hindi niya lubos maisip ang sanhi n~g kung bakit samantalang ang ilang magigiting na kawal n~g pawis ay nagpapakasákit sa pagtataguyod n~g aping karapatan n~g m~ga manggagawa upang pagkatapos ay kilalanin n~g m~ga mapaniil na puhunan, ay marami rin naman sa m~ga manggagawa ang walang sinasamantala kundi ang gayong m~ga kilusan upang makasunod sa masamang nasa at kinamihasnan n~g puso na pagpapasasa sa m~ga tungkulin at gawain n~g m~ga nagsisiaklás, sa kapakinaban~gan at kagalin~gan nilang sarili.

Lumuluha ang kanyang puso. At nagdaramdam sampu n~g kanyang kaluluwa, sa m~ga katiwaliang namamalas.

Hindi miminsan, at sa gayon niyang pagbubulaybulay, ay ikapit ang malaki at lalong mabibigat na pagsisi, doón sa m~ga unang humawak n~g kapalaran n~g m~ga manggagawang pilipino at sa ilang humahawak pa rin at nagsisipagtaguyod kunwa sa mga anák-pawis, bago'y ang kadalasang mangyari ay sila na rin ang unaunang nagbibili at kumakalakal sa m~ga itó sa maraming kilusang nangyari.

At lalong malaki at napakalaking sala ang ibinibigay niya sa haráp n~g m~ga napapariwarang kilusan n~g m~ga anák-pawis, sa m~ga nagbabansag na tagapagtanggol n~g malalayang karapatan n~g m~ga manggagawa at sa m~ga nagkukunwaring umaákay sa m~ga ito, sa landas n~g pagkakaisá, sapagka't maliwanag na nakikita at nadadamá sa m~ga pangyayari, na, marami pa ang panahong ginugugol nila sa pagpapalaganap n~g isang lihim na pagiimbót sa isang tungkuling inaadhika, kay sa panahong dapat gugulin sa pagiisip at paghanap n~g wastong paraan, upang ang marami at malalaking suliraning manggagawa sa Pilipinas ay malunasan.

Anopa't sa ganang kanya, sa ganang kay Maurong nagdaramdam sa namamalas na kaapihan n~g madlang kilusang manggagawa, ang m~ga ito ay malimit lamang na gawing hagdanan n~g ilang mapagimbot at nagkukunwaring tagaakay nila at upang makaakyat sa tugatog n~g dan~gal at katungkulan, dan~gal at katungkulang gagamitin lamang sa sariling kapakanan at kagalin~gan.

Sa gayong malungkot na pagmumunimuni ni Mauro, ang asawa niyang si Serafina Halili, babaing puspos hinhin, maran~gal at matalino, na di lamang karapatdapat na iná n~g tatlo nilang maliliit na anák, kundi isá rin namang katulong at katuwang niya sa malaking pagbabaka sa buhay, na mula pa nang m~ga unang sandali'y nagmamalasmalas na sa anyo at kilos n~g asawa, ay di na nakabatang di lumapit at magusisa:

--¿Bakit ka nalulungkot?--¿Ano ang nangyayari sa inyó? ¿May malubhang bagay bagang sinasapit ang inyong kilusan?--ang sunodsunod na tanong ni Serafina.

--Serafina ... Serafina ...--ang naitugon ni Mauro na hinawakan ang kamay n~g asawa--¡Sawing palad...! ¡Sawingsawi ang kapalarang sinasapit n~g m~ga manggagawa!

--¿Bakit? ¿Hindi ba't ang kilusan ninyo ay nagkakaisá?

--¡Nagkakaisa! Oó; datapwa't ang m~ga taksil, ang m~ga Hudas, ay siyang nagwasak at magwawasak pa n~g nalalabing pagkakaisa n~g m~ga nagsiaklas sa pamamagitan n~g ...--at si Mauro, sa laki mandin n~g pagdaramdam na sa puso niya'y tumitiim, ay napasuntok sa ibabaw n~g kanyang sulatán at tuloy na napayukayok.

Si Serafina, babaing kailan ma'y di pinagmamaliwan n~g pagmamahal sa kanyang asawa, at babaing nakakikilala at nakababatid n~g tungkulin niya, sa m~ga sandaling yaón ay biglang napayakap kay Mauro at ito'y pinagbiyayaan n~g matatamis na halik.

--Mauro: husayin ang iyong loob; pumayapa ka, at mangyaring sabihin sa akin ang sanhi n~g iyong malaking pagdaramdam ... Titingnan ko, kung ano ang magagawa ko ... At kung, sakali mang ako sa aking pagkababai ay walang magagawang anomang tulong upang sa kasawian n~g m~ga kamanggagawa mo'y makabawasbawas, ay matulun~gan man lamang kita sa paghahanap n~g lunas.

--¡Salamat, Serafina, salamat: at nalalaman mo na naman marahil, na ako'y walang lihim para sa iyo, kaya't makinig ka at aking isasalaysay ang lahat. Umupo ka.

Si Serafina ay umupo.

At si Mauro ay nagsimula.

--Kaninang hapon, samantalang ang lahat at bawa't isa sa m~ga manggagawang nagsiaklás ay nagkakapulong at pinaguusapan namin ang m~ga pangyayaring hinaharáp, at samantalang inaasahan namin ang tagumpay na di malalaon n~g m~ga adhika namin, ay naririto, at sa pagawaan, ay nagsipasok ang ilán, sa ilalim n~g pan~gun~gulo naman ni Pablo, isang manggagawang may kinalalagyang pagawaan, na nahikayat mandin n~g Tagapamahala n~g pagawaán, at ito naman ang siyang humikayat sa iba. Sa ganitong pangyayari, kaming nagsiaklás ay wala nang nalalabing pag-asa munti man sa pagtatagumpay; sapagka't nakikinikinita ko, na sa likod n~g taksil na si Pablo at sa likod pa n~g ilan pang nahikayat niya, ay susunod naman ang ilan pa; at sa wakas ... sa wakas n~ga, ay marahil ang lahat na ¡Sukatin mo, Serafina, kung sa lahat nang itó ay may puso akong itatagal!

--Huminahon ka, Mauro, at ikaw, sa m~ga nangyayaring iyan, munti man ay walang sala; hindi ka masisisi n~g sinoman, pagka't ikaw sa iyong sarili ay walang magagawa.

--Kung sa bagay, Serafina; datapwa't di ko lubos na dinaramdam ang magiging palad n~g aklasan namin n~gayon kung matalo man, kundi ang magiging palad n~g m~ga darating na kilusán.

--Iya'y katotohanan; subali't taglayin n~g m~ga may sala ang parusa, subali't ikaw ay hindi; sapagka't napariwara man ang iyong magagandang layon at adhika ay paano't paano ma'y dadalhin mo sa harap n~g iyong sariling budhi ang kasiyahang loob, sa, pagkatupad mo sa inaakala mong tungkulin; at sa isang dako, ako namang asawa mo, ay lalasap n~g lalong malaking ligaya sanhi sa ang pan~galang taglay ko na ipinagkaloob mo sa akin, ay malinis at hindi nalalahiran n~g bahagya mang pagtataksil; at ang m~ga batang anák natin ay maiiwanan mo naman n~g isang karan~galang di matutumbasan n~g pilak ni n~g anomang kayamanan. Magbalik na silang lahat sa pagawaan n~g di natatamo ang tagumpay kundi ang kahiyahiyang pagkatalo; datapwa't, ikaw na asawa ko, ay hindi ko inaasahang gagawa n~g gayon, alangalang man lamang sa malinis na karan~galan na dapat mong ipamana sa ating m~ga anák. Dumating na ang hirap; dumagsa na sa atin ang lahat n~g sákit at paghihikahós sa buhay kung wala ka mang pagkakitaan ay nakan~giti kong tatanggapin at ituturong tanggaping maluwag sa puso n~g ating m~ga anák. Sa gayon ay maipakikilala natin sa haráp n~g kahit sino, na kung sakali mang may m~ga manggagawang pilipino na walang hinaharap ni sinisikap kundi ang kagalin~gan at kapakanang sarili, ay mayroon din namang hindi, at isinasailalim ang m~ga kagalin~gang sarili sa kagalin~gan na marami; kaya, Mauro, paghusayin ang iyong loob ...

--Salamat, Serafina ... at tantuin mo, na sa haráp n~g m~ga kasawiang laging inaabot n~g maraming aklasan at n~g ano mang kilusang manggagawa, ang m~ga hatol mo at pasyang binitiwan ay siya kong gagawing kalasag ...

Isang tinig ang mula sa lupa ay siyang pumutol sa gayong mahalagang paguusap n~g mag-asawa.

Dinun~gaw ni Serafina, at nang makita at makilalang si Gervasio at si Pablo ang tumawag ay agad na sinabi kay Mauro.

Natigilan si Mauro at hindi agad nakakibo. Inisip niyang huwag tanggapin ang pagdalaw n~g dalawa, pagka't mandi'y nasusuklam siyang makiharáp sa kasama ni Gervasio ...

Datapwa't madali siyang nagbago n~g akala. Nararapat niyang tanggapin ang pagdalaw n~g dalawa, upang huwag siyang mapintasan sa pakikipagkapwa, at upang mabatid tuloy ang sadya, at malaman kung ano't kung bakit si Gervasio ay kasama ni Pablo.

Sa pamamagitan ni Serafina, ang dalawa'y ipinatuloy.

At nagsipanhik.