Isa Pang Bayani · Juan Lauro Arsciwals

Chapter 5: Kabanata 5

At ... ¿si Gervasio ay saan naroron? ¿Ano't sa m~ga huling pangyayari ay di man lamang nakita gayong siya ang pan~gulo...?

Alamin natin.

Gaya nang nalalaman natin, si Pablo, nang makalabas sa pintuan n~g pagawaan, ay nagisip n~g m~ga paraang gagamitin sa paghimok kay Gervasio, upang ito ay magbalik sa Pagawaan. Sa gabi rin n~g araw na yaong makausap siya n~g may Pagawaan ay nagsadya na siya sa bahay n~g hihikayatin, at taglay sa puso ang malaking pagasa sa tagumpay ay walang kimi ni pagaalinlan~gan ipinabatid kay Gervasio ang kanyang layon, sa pamamagitan n~g m~ga tiyakang pan~gun~gusap at hindi maligoy na pagsasalaysay. Sinabi ang pagkakapatawag sa kanya n~g Tagapamahala n~g Pagawaan, at gayon din ang m~ga pan~gakong ibinigay at n~g sampung pisong kaloob.

Si Gervasio, sa haráp n~g gayong salaysay at panghihikayat ni Pablo, ay natilihan muna at di agad nakasagót; pinagbulaybulay sa isip niya ang m~ga pangyayari at dapat pang mangyari sakali't tanggapin ang amuki n~g kaibigang humihikayat.

Nang mamalas ni Pablo ang gayong di pagtugon n~g kanyang kausap ay nagpatuloy:

--Tingnan mo—anya--¿ano ang mapapala mo sakali't magpatuloy ka sa kalagayang taglay mo n~gayon? ¿Inaasahan mo baga, na kayo'y magtatagumpay sa aklasan? Inaakala kong hindi, at nasabi ko na n~ga sa iyo ang sinabi sa akin n~g Tagapamahala sa Pagawaan. Titikisin daw niya at susubukan kung hanggang saan aabot ang inyong lakás. At tan~gi sa rito, ¿ano't makikiloko ka sa kanila? ¿Kung wala ka pa bang makain at sampu n~g iyong pamilya ay mayroong magbibigay sa iyo?

--Iyan din n~ga ba ang sinasabi ko sa taong iyan—ang halos ay nangdididilat ang mata n~g asawa ni Gervasiong humalo sa salitaan—sa hirap naming ito ay hindi ko n~ga malaman sa taong iyan kung ano't hahalohalo sa m~ga kaululan at "chismes;" tila baga kung napipisanan na siya at sampu n~g kanyang pamilya ay may tutulong man lamang at makaaalaalang siya'y lapitan. ¡Sús ... aywan ko n~ga ba!--at sabay sa m~ga huling pan~gun~gusap na ito ay nangdudura pa man din.

Wala na; para sa mahinang puso ni Gervasio, ang ano mang pan~gan~gatwiran ay di na maibuka sa bibig.

Marinig sa bibig n~g asawa niya ang isang pagsisi sa kanyang ginawa at ginagawa sa kapakinaban~gan n~g marami, bakit ay naisurot pa nito na kung ano at kung bakit hahalohalo sa m~ga "chismes," ay doon na pinanglupaypay na lalo ang kanyang marupok na puso sa haráp n~g m~ga nakahahalinang amuki ni Pablo.

Kaya't pagkalipas n~g ilang sandali ay napilitang magsalita.

--¿Paano ang iba kong kasamahan?

--¿Ang iba mong kasamahan?--ang wari'y sagot na tanong din ni Pablo.--¿Bakit mo sila iintindihin? ¡Di bayaan mo sila! Ang bawa't isa ay dapat humanap n~g kanyang sariling kagalin~gan; kanikanyang hanap at pagsisikap ...

--¿At ang aming sumpaan? ¿At ang aming ...?

--Walin mong kabuluhan—ang saló agad ni Pablo.

--Aywan ko sa taong itó--ang sabad na naman n~g babai—tila ibig mag Kristong papako sa krus sa kagalin~gan n~g marami at ibig yatang matawag na manunubos.

--Siya n~ga naman—ang sambot pa ni Pablo—isipisipin mong mabuti. Ang iniaamuki ko sa iyo ay kagalin~gan mong sarili at n~g iyong pamilya. ¡Siya na iyang makámakabayan!

At si Gervasio ay pilit na sumuko; sa haráp n~g dalawang tuksó ay wala na siyang magagawa. At saka naaalaala n~ga rin niya ang gipit nilang kalagayan sa pamumuhay, sa gitna n~g malawak na dagat n~g buhay at sa gitna n~g naglalakihang daluyong n~g kasaliwaang palad.

At siya, si Gervasio, ay walang tápang na makahaharap sa malalaking pagbabaka maging ang pagbabakang ito ay magbun~ga sa huli n~g tagumpay n~g isang dakilang simulain at kalasapan n~g di gaanong kagalin~gan n~g marami.

Maligtas lamang ang sarili ay mamatay na ang lahat. Ito, ang simulaing naghari at pinapaghari ni Gervasio sa kanyang puso; kaya't sa wakás ay sinabi n~g boong siglá.

--Ako ay umaáyon.

At ang pan~gulong Gervasio, mula sa m~ga sandaling yaon na bigkasin niya ang pag-ayon, ay isa na sa maraming taksil na naglipana sa Pilipinas.

--Kung gayon,--ang may malaking kagalakang sabi ni Pablo—búkas n~g hápon ay sasama ka na sa akin. Tayo ay gagawa nang kasama n~g ilan pang manggagawa na kinuha ko sa ibang pagawaan.

--Huwag; huwag muna. Kailan~gan nating hikayatin si Mauro.

--Siya n~ga; lalong mabuti kung pati na siya ay makasama natin.

--Inaasahan ko rin, na gayon ang mangyayari. Siya nama'y dukha ring kamukha ko ... wala rin siyang itatagal sa malaong aklasan.

--Kung gayon, bukas na n~g hapon tayo pumaroon, at sa hapon ko na rin dadalhin sa Pagawaan ang m~ga magsisigawa, at pagkapanggaling ko roon ay saka na tayo magkita. Sa gabi na tayo pumaroón.

--Lalong mabuti n~ga—ang tugon ni Gervasio—kita'y hihintayin.

--Oó, darating akong walang sala.

At noon din si Pablo ay nagpaalam.

Nariyan ang dahil, kung kaya't si Gervasio, sa poók na pinagtitipunan n~g m~ga nagsiaklás ay di man lamang nakita.