Isa Pang Bayani · Juan Lauro Arsciwals

Chapter 4: Kabanata 4

=Tatlong= araw ang lumipas buhat sa huling m~ga pangyayari.

Ang aklasan ay patuloy, at ang pagawaan ay hindi pa rin pinapasukan n~g sino mang manggagawang tabakero.

Ang matalinong pagsisikap n~g Kawanihan n~g Paggawa sa ipagkakasundo n~g dalawang pangkat na naglalaban ay walang napala; nabigo ang lahat n~g pag-asa n~g Tagapamahala n~g "Bureau del Trabajo" sa ikahuhusay n~g sigalot sanhi sa pagmamatigas n~g m~ga mamumuhunan sa Pagawaang pinagaklasan.

Makaitlong nagpabalikbalik sa Pagawaan ang Tagapamahala sa Kawanihang nasabi, subali't yaon at yaon din ang sagót n~g m~ga mamumuhunan. Hindi na nila mababago ang ipinasyá ... Ganito ang laging panagót.

Noon, ay umaga rin, at ang Lupon n~g m~ga manggagawa ay nakipagkitang muli sa Tagapamahala n~g Kawanihan n~g Paggawa, upang alamin dito ang tayo n~g salitaan; datapwa't walang natamong tugon dito kundi ang salitaang nabibitin ay patuloy sa dating lagay. Hindi nagbabago at lalong nagpapakatigás ang m~ga kalaban.

Tiyaga at pagtitiis, ang tan~ging inihahatol n~g Kawanihan sa m~ga nagsiaklas, yayamang liban dito ay wala nang magagawang iba.

--Inaasahan ko—ang patuloy pa n~ga n~g nasabing Tagapamahala—na sa huli ay mahuhusay din ang lahat nang sigalot sa ikasisiyang loob n~g dalawang panig. Sapagka't alamin ninyong kung malaki man ang nawawala sa inyo ay lalo namang malaki ang napipinsala at nawawala sa m~ga mamumuhunan; kaya't ito ay hindi rin naman makikipagtagalan sa paglalaban. At huwag lamang na sawíng palad na pasukan n~g m~ga kamanggagawa ninyo ang pagawaang iyan ay inaasahan ko at maaasahan din naman ninyo na kayo'y magtatagumpáy, kung di man sa lahat n~g inyong m~ga kahilin~gan ay sa marami niyang m~ga bahagi.

At ang Lupong manggagawa ay bumalik noón din sa pinagtitipunan n~g m~ga nagsiaklás.

Sinabi sa m~ga kasama nila ang pinangyarihan n~g kanilang huling lakad na yaon, at gayon din, isinakabatiran n~g madla ang tayo n~g kanilang salitaan at gayon ang hatol naman n~g Tagapamahala ng Kawanihan.

Malalalim na buntonghinin~gang makadurog puso ang sa dibdib n~g m~ga kaawaawang manggagawang yaon ay pumulas; m~ga buntonghinin~gang nagpapakilala n~g tinitiis nilang hirap sa iilang araw pa lamang na itinatagal n~g aklasan.

¡Gaano pa kaya, kung ang aklasan ay magtagal n~g isang buwan man lamang!

At si Mauro, sa haráp n~g gayong namamalas ay lihim na nagtitiis.

--¡Umasa tayo at maghintay!--ang ipinanglulunas na lamang niyang hatol sa lahat.

--Oó; umasa tayo at maghintay ...--ang ikinasisiyang tugón naman n~g marami.

Subali't ... ¡bigong pagasa! at ¡sayang na paghihintay!

Sapagka't sa kinahapunan noón, si Pablo ay boong tápang na pumasok sa maluwang na pinto n~g Pagawaan, na kasama n~g may labing isá pa, buhat sa ibang ginagawan.

¡Labing-isang manggagawa sila na nahikayat n~g makamandag na dila ni Pablo!

¡Labing-isang bibig na may kinakain na ang umagaw pa sa dapat kanin n~g ibá!

¡Oh! Ang m~ga gahamang ito ay siyang dapat managót sa napakaraming aklasang natalo sa Pilipinas, at sa libolibong bibig na walang makain n~g m~ga asawa't anák n~g nagsisiaklás.

¡Lubha n~gang kanaisnais na ang m~ga ito'y mawala at malipol agad!

Simula n~ga sa hapong yaon, ang Pagawaan ay untiunti nang nagkakaroon n~g buhay, at wala pang isang linggo, ang datihang linggal at manakánakang pukpukan at tawanan ay naririnig.

At samantala'y ...

¡Ang m~ga kahabaghabag na nagsiaklás ay lalong nagsisipagtiis!

Sa m~ga mukha nila ay nababakás ang isang malaking poót, nabábadha sa pawisang noó n~g bawa't isá, ang pagkasuklam sa m~ga gahaman at taksil na yaon na siyang sumira sa magiting na kilusan nilang m~ga nagsiaklás.

Di miminsan, at sa init n~g nagpupuyos nilang loob, ay balakin n~g ilan ang maghiganti; parusahan ang isa ó ilan man sa m~ga taksil na yaón.

Datapwa't ang lahat nang itó, ang lahat nang balak at naiisip gawin, ay napipigilan, sanhi sa m~ga pan~gun~gusap at hatol na ibinibigay ni Mauro.

Sa pamamagitan n~g maaayos at maliliwanag na pagmamatwid ay nakukuhang payapain ni Mauro ang mapupusok na kalooban n~g kanyang m~ga kasama sa haráp n~g namamalas na nalalapit na pagkabigo n~g aklasan.

--Huwag—anya—huwag. Huwag nating isipin n~gayon ang pagpapadának n~g kahi't iisang patak na dugo n~g ating m~ga kapatid din; hindi natin kailan~gan, at kailan~gan man natin ang gayon, ay hindi natin magagawa nang may kapakinaban~gan tayong tatamuhin. ¡Para sa m~ga manggagawang pilipino, ang araw na iyan ay hindi pa dumarating; hindi pa n~ga, at lubhang napakalayo pa! Kung magkaminsan n~ga ay kinakailan~gan din ang pagpapadanak n~g dugo upang maipakilala sa m~ga taksil, ang kasamaang ibinubun~ga n~g kanilang m~ga gawain at ang kahiduwaang pumapatay sa magagandang simulain, sa pamamagitan n~g kanilang m~ga inaasal; datapwa't ang gayon ay ginagawa at nagagawa lamang sang-ayon sa m~ga pagkakataon, at sang-ayon sa uri at hugis n~g sosyalismong umiiral at nalalaman ó kinikilala at pinamamantun~ganan n~g m~ga manggagawang gagamit n~g gayong sandata ... Kayo na ang magsabi. ¿Ano ang kapakinaban~gang mahihintay natin pagkatapos n~g pagpapadanak n~g dugo? Wala, kundi maghari ang lakás n~g m~ga batás sa ibabaw n~g sawing-palad na tumupad sa atas n~g isang dakilang mithi ... at pagkatapos, ay maging dahil pa n~g m~ga pagpula sa gumawa; maging sadlakan n~g paguyám at tagurian pa n~g mamamatay, unang-una na noong m~ga makikinabang sa huli sa mabuting bun~ga n~g gayong pagpatáy. Makikita rin natin, na ang magiting na ito, ay bukod sa di na kahahabagan man lamang sa kinasapitang palad ay aalimurahin pa; itatakwil at pawawalang kabuluhan sa haráp man n~g marami. Kaya n~ga m~ga kapatid; ¡saka ná! ¡Saka ná, kung makilala n~g m~ga manggagawang pilipino ang tunay niyang karapatan!

Ang ganitong pan~gan~gatwiran ni Mauro ay siya lamang ikinapayapa at ikinalamig ng puso n~g m~ga kasama.

At ... ang lahat ay naghiwahiwalay ...