Isa Pang Bayani · Juan Lauro Arsciwals

Chapter 3: Kabanata 3

Umaga n~g kinabukasan.

Sa malaking pagawaan n~g tabako sa daang Ilaya, bagama't nakabukas maluwang niyang pinto, ay wala namang makikitang isa mang manggagawa.

Tahimik, at ang datidating yabag n~g m~ga paang lumalakad sa pagyayao't dito n~g m~ga tabakero, sa pagkuha n~g m~ga "material" na gagamitin, at ang pagpupukpukan sa m~ga "tapadera" nila n~g m~ga pangbuling gamit, saka ang mataginting na tunóg n~g m~ga "chaveta" na ipinangdadapa n~g m~ga nag-alimbutod na "butó" n~g dahon n~g tabako, at sampu na n~g malalakas na awitan n~g m~ga tabakera, noon ay pawang di na naririnig.

Sa loob ng pagawaan, (at sapagka't sa Pilipinas ay di pa naghahari ang ganap na pagdadamayan n~g m~ga manggagawa) ay tan~ging makikita ang ilang manggagawa n~g kahong maliliit n~g tabako at saka ilang "embasador."

Ang m~ga ito n~ga ay siya lamang makikita, sapagka't sa ganang kanila, ang kilusan n~g m~ga kapatid nilang tabakero ay di nila nararapat sundan at katigan, sanhi sa pangyayaring ang gawin nila ay naiibá sa gawain n~g m~ga yuon.

Ang kawikaang: Ang sakit ng kalingkingan ay damdamin ng boong katawan sa kanila ay walang kakabukabuluhan, alangalang na n~ga sa paniniwala nilang iba sila.

¡Anong laking pagkakaiba n~g ugali at kilos n~g m~ga manggagawa sa ibang lupain, sa ating m~ga manggagawa...!

Sapagka't, samantalang doón, sa boong kaeorupahan at sa iba pang dako n~g Sangdaigdig, ang kilusan at pagdadamayan n~g m~ga anak-pawis ay hindi kumikilala ni pumipili n~g uri n~g m~ga manggagawang dadamayan, kundi sukat na ang pangyayaring kumilos ang isang pangkat na manggagawa sa pagtatanggol n~g matwid, upang ang iba namang pangkat ay kumilos, umabuloy at dumamay at kumatig sa madlang gawain n~g m~ga yaon, at kadalasan pa, lubha na kung nagaapóy na halos ang labanan n~g Puhunan at Paggawa, sampu na n~g lahat n~g m~ga manggagawang may iba't ibang uri at kalagayan ay sumunód naman sa m~ga ginawa n~g m~ga dinadamayan; samantalang ang pagtutulun~gan at pagaabuluyan n~g m~ga manggagawa roon ay ganáp na ganáp, dito naman sa atin ay hindi, kundi ang kadalasan pa'y hindi maabuluyan n~g anoman ang m~ga nagsiaklás hanggang sa huli, sa pagtatanggol n~g matwid at karapatan.

At ... tayo'y magpatuloy....

Nang umaga n~gang yaon, samantalang ang karamihan n~g m~ga nagsiaklás, ay nan~gawiwili sa paguusap sa "Cuartel General" nila, isang tao naman ang pumasok sa maluwang na pinto n~g Pagawaan.

Pagkapasok ay ang tanggapan n~g Tagapamahala ang tinun~go.

Sa loob n~g nasabing tanggapan at sa haráp n~g isang lamesang marmol ay nan~gakaupo ang tatlo katao at kaukausap n~g nasabi nang Tagapamahala.

Ang tatlong yaon ay siyang m~ga may-ari n~g pagawaan.

--Magtuloy ka, Pablo, magtuloy ka—ang anyaya n~g Tagapamahala sa taong pumasok, nang makita itong nakatayo sa may pintuan.

At si Pablo (tawagin na natin n~g ganitó yamang siyang itinawag sa kanya) ay nagtuloy at sa isang silya ay umupo.

--Ipinatatawag daw po ninyo akó--ang simulang wika ni Pablo nang maupo na.

--Oo;--anang Tagapamahala—ipinatawag kita, sapagka't may isang bagay na mahalaga akong sasabihin sa iyó.

--¿Ano po yaon?--ang may malaking pananabik na tugón n~g kinakausap.

--Isang mahalagang bagay na kapapalooban n~g iyong ikagiginhawa, at hindi lamang ikaw, kundi sampu pa n~g iyong "familia," kung aáyon ka sa aking sasabihin.

--Sabihin mo na po.

--Nalalaman mo na marahil, na mula pa kahapon, ang m~ga "orgulloso" kong manggagawa ay nagsipagaklas. Ayaw na tanggapin ang pagbababa n~g kaunti sa kaupahan sa bawa't "vitola." Sila'y nagsiaklas at ang akala marahil n~g m~ga walang utang na loob na iyan ay susuko kaming m~ga mamumuhunan. Susubukan namin kung hanggang saan aabot ang kanilang pagmamatigás; magpatuloy sila sa kanilang aklasan at tingnan ko lamang kung di sila mamatay sa gutom. Dahil sa bagay na iyan ay ipinatawag kita, at ang ibig ko, sampu rin naman nila, na pawang m~ga mamumuhunan sa pagawaang ito—at sabay na itinuro ang m~ga kaharap—ay gumawa ka rito, at tuloy humanap ka n~g ibang magiging kasama.

--Ako po'y ...

--Nalalaman ko—ang putol agad n~g Namamahala—na ikaw ay may pinapasukan; datapwa't nalalaman ko rin, na ang iyong kinikita roon ay hindi makasasapát sa iyo at sa iyong asawa't m~ga anák. Dito, kung papayag kang gumawa, at man~gan~gako pang hahanap n~g ibang magsisigawa rin ay bíbigyan kita n~g katan~giang makagawa n~g hanggang ibig mo; alalaong baga'y hindi ka tatasahan sa m~ga "material" na gagamitin, at sa gayo'y kikita ka n~g higit sa lahat, higit sa dating kaupahang ibinibigay dito at higit pa rin sa kinikita mo sa kasalukuyang ginagawán mo. ¿Anó, nanayag ka ba?

Si Pablo ay hindi magkantututo n~g isa-sagot; napipigilan siyang umayon, hindi sapagka't ang "conciencia" niya ang tumututol, kundi sa takot sa m~ga nagsiaklás.

Hindi naman niya matanggihan ang gayong pagaalók, sapagka't naiisip niya na yaon ay isang magandang pagkakataon na dapat niyang samantalahin upang ikita n~g malaki.

Uulik-ulik ang kanyang isip at walang malamang isagót; kaya't nang mamalas n~g m~ga kaharap ang gayon niyang pagaatubili ay nagkindatan muna at pagkatapos na sumun~gaw sa kanilang m~ga labi ang isang n~giti ay winika n~g Tagapamahala.

--Anó ang iyong sagót?

At si Pablo, sa tanóng na itó ay parang nabuhayan n~g loob; kaya't ang tugón:

--Ako po'y pumapayag; n~guni't nag-aalaala po ako na baka ...

--Huwag kang matakot ... Ikaw ay hindi maaano ... Tatangkilikin ka n~g Pagawaan sa pamamagitan n~g m~ga batás ... Upang matangkilik ka at gayon din ang ibang kasamahan mong dadalhin dito ay magpapadala kami rito n~g ilang pulis na tatanod.

--Kung gayon po'y ...

--Asahan mo—ang hadlang n~g kausap. Huwag kang matakot; gawin mo ang lahat nang magagawa upang sa loob n~g linggong ito ay makapagpasimula na kayo.

--Ang naiisip ko po ay si Gervasio ang unang hikayatin, yayamang siya po ang nan~gun~gulo sa kilusán; at inaasahan ko po, na kung ito ang makukuha natin ay lalong madadali ang pagsunod n~g iba.

--Ikaw ang masusunod; at lalong mabuti, kung mahimok mo siya ... Ipan~gako mo rin ang m~ga bagay na ipinan~gako namin sa iyo.

--Ako na po ang bahala—at sabay na nagtindig sa kinauupán at pagkatapos ay ang patuloy:--Ako po'y aalis na.

--Oó--ang tugon n~g Tagapamahala, at pagkatapos na makadukot sa bulsá, ay ang patuloy:--Tanggapin mo ito, upang may magugol ka man lamang sa m~ga pagyayao't dito—at sa kamay ni Pablo ay iniyabót ang dalawang tiglilimang pisong papel.

--Salamat po—ang nakatawang tugon n~g pinagbigyan at sabay na isinabulsa ang sampung piso.--Ako po'y aalis na,--ang dugtong pa.

--¡Adyos!--ang tugon sa kanya n~g kausap.

Isang malakás na halakhakan ang isinunod n~g m~ga naiwan nang makalabas sa pinto si Pablo.

--¡Nakabili na tayo! ¡nakabili na tayo...!--ang sunodsunod na wika pa n~g m~ga mamumuhunan na lalong pinakalakás ang pagtawa.

Samantala naman, si Pablo, ang bagong Hudas, ang walang puso at kaluluwang manggagawa, ay nagpatuloy sa kanyang paglakad, at binabalangkas sa mahina niyang pag-iisip ang kung ano at paano ang mabuting paraang dapat niyang gawin upang si Gervasio ay mahimok, at sa pamamamagitan naman nitó, ay makaipon n~g m~ga taong dapat na ipasok sa Pagawaang inaklasan.

M~ga manggagawang gaya ni Pablo ay marami pa at di hamak na malilipol sa Pilipinas.