Isa Pang Bayani · Juan Lauro Arsciwals

Chapter 2: Kabanata 2

At, ang malaki at maaliwalas na dulaang Rizal, sa kapahintulutan n~g m~ga may-ari, ay kaunti nang mapuno sa dami n~g tao.

Halos dalawa sa ikatlong bahagi n~g m~ga butaka ay may m~ga tao; bukod pa ang m~ga nagtayo sa paligidligid n~g palko at "entrada general."

Sa harap n~g lahat, at sa ibabaw n~g "escenario," ay nan~gakaupo sa palibid n~g isang lamesa ang Lupong sinugo, at ang ilán pa rin sa m~ga bumubuo n~g lupong pamunuan n~g Kapisanang Manggagawa sa loob n~g pagawaan.

Samantalang ang m~ga na sa itaas n~g "escenario," ay nan~gaguúsap pa muna bago pasimulan ang pulong, ang m~ga nan~gasasaibaba nama'y walang tigil sa m~ga pagsasalitaan, pagsasalitaang nauukol na lahat sa mangyayaring labanan n~g m~ga manggagawa at mamumuhunan.

Ang alin~gawn~gaw n~g salitaan ay gayon na lamang, at halos ang iba'y hindi na magkarinigan.

--¡Ituloy ang aklasan!--ang walang ano-ano ay narinig na isinigaw n~g isá.

--¡¡Ituloy!!...--ang tugóng pasigaw din n~g karamihan.

--At lalo nang hindi magkamayaw sa in~gay ang lahat.

Isang tinig, ang mula sa ibabaw n~g "escenario," ay narinig.

At ang tinig na ito'y siyang pumutol sa masiglang paguúsap n~g lahat.

At ang lahat ay napatahimik, at ang m~ga panin~gin ay tun~gong lahat sa magsasalita.

Si Gervasio ay siyang nakatayo sa harap n~g madla. Sa lahat ay ipinabatid, na ang pulong ay bukás na.

At pagkuwan ay sunod na isinalaysay ang m~ga pinangyarihan at kinahangganan n~g paguúsap n~g Lupon at n~g m~ga mamumuhunan.

Ipinakilala at isinakabatiran n~g lahat, na ang pagbababa n~g úpa ay ipagpapatuloy din, at ang anomang matwid na iniúlat n~g Lupon ay ayaw dinggin n~g m~ga namamahala sa pagawaan at bagkus na nagpakatigástigás sa kanilang nasa.

--Ang m~ga mamumuhunan—ang patuloy pa n~g nagsasalita—ay nagsabi pa, na kung sino raw ang ayaw tumanggap n~g mababang úpa ay maaaring huwag pumasok. Kayó--anyá--ang masusunod n~gayon: ang ibig tumanggap ay makapapasok at ang ayaw nama'y huwag. Sa harap n~g ganitong pagmamatwid, kayo, m~ga kasamang anák-pawis, ang siyang magpasya; sabihin ninyo n~gayon dito kung ano ang minamarapat ninyong gawin.

At pagkatapos na mapahiran ang mukhang pawisán n~g nagsasalita ay ipinatuloy:

--M~ga kapatid: ¿ibig bagá ninyong tanggapin ang pagbababa n~g úpa?

--¡¡Ayaw kami!!--ang sigawang napakalakás n~g lahat.

--Kung gayon—anang pan~gulo pa rin--¿ano ang ibig ninyong gawin?

--¡Magsiaklás!...

Itó ang sagutan n~g lahat.

At ang alin~gawn~gaw ay lumaganap na naman.

Untiunting nagkakain~gay; at hanggang sa pagkailang sandali ay hindi na halos magkamayaw.

Sa haráp n~g gayong mainit na kilusán, si Mauro, ang bagama't bata sa tanang m~ga kasama sa paggawa ay kina-aalang-alan~ganan n~g marami sanhi sa taglay na maran~gal na ugali at iniiwing kaunting talino, sa harap n~ga n~g gayong pagkakagulo, ay boong siglang tumayo at sa madla'y sinabi:

--Mga kapatid; kayo'y pumayapa.

At ang lahat ay natahimik. Narinig nila, na ang nagsasalita ay si Mauro; si Maurong tuwituwina'y kanilang iginagalang.

Ang pagkakagulo ay nahusay at ang lahat ay humandang makinig.

At si Mauro, sa harap n~g gayong katahimikan ay nagsalita:

--M~ga kamanggagawa:--anya sa buháy na tinig.--Sa haráp n~g napakalaking suliranin na sa n~gayon ay ating kinasusuun~gan ay kinakailan~gan natin ang isang lalong malinaw na pagiisip upang ang bigát n~g suliraning ito ay mapagpasyahan natin n~g boong liwanag at huwag tayong malihis sa landas n~g matwid. Kinakailan~gan natin n~gayon, at higit kailan man, ang isang malamig na kalooban, upang ang kalamigang ito ay siyang maghatid sa atin sa wasto at makatwirang pagkilos at pagpapasyá. Kailan man, ang kapusukan at init n~g loob, sa anomang bagay na gagawin, ay malimit humantong sa pagsisisi; pagsisising sa lahat nang sandali ay dapat nating ilagang sumapit, lubha na sa m~ga bagay na dakila't mahalaga, na gaya na n~ga n~g hinaharap natin n~gayon, na pagtatanggol sa matwid at karapatan nating m~ga manggagawa. Matwid at karapatan nating m~ga manggagawa, ang wika ko, sapagka't ang matwid at karapatang ito, ang sa pagbababang iyan n~g úpa sa paggawa ay siyang niwawalang kabuluhan at ibig yurakan. Karapatan natin sa haráp n~g sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán n~g sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma't ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga't maaabót n~g kaya ... sukdang ikamatay.

Naputol sumandali ang pagsasalita ni Mauro, sanhi sa maugong na palakpakang isinunód n~g madlang nakikinig sa huli niyang m~ga pan~gun~gusap.

Pagkatapos n~g palakpakan, si Mauro ay nagpatuloy:

--Sa m~ga nangyayari sa atin n~gayon ay maliwanag na nakikita natin, na ang karapatan at matwid nating ito ay ayaw kilalanin. Sa pamamagitan n~g ipinan~gan~gahás nilang lakás, ang alin mang daing natin ay ayaw na dinggin. Nagbibin~gibin~gihan sila at sa kahinaan natin ay malalakas at maugong na halakhakan ang itinutumbas. Sa haráp n~ga n~g ganitong m~ga pangyayari ¿ay ano ang kailan~gan nating gawin? ¡Ah, m~ga kapatid! Kinakailan~gan natin ang lakas ... at upang ang lakas na ito'y tamuhin natin ay kailan~gang lubha ang pagiisá, pagka't tan~ging naririto ang ganáp na tagumpay. Sa ganito n~ga ¿ay ano ang ibig ninyong gawin?

--¡¡Masiaklás...!! ¡¡Magsiaklas!!--ang sigawan n~g lahat.

--Kayó ang masusunod—ang patuloy pa ni Mauro—Ibig ninyong sa pagpapakilala n~g ating matwid ay gamitin ang aklasán, ¡gamitin n~ga natin! datapwa't ipahintulot muna ninyong, ako, na kapatid ninyo at kaisang-palad ay magpaalaala n~g isang bagay. Ang aklasan, para sa m~ga anák-pawis na gaya natin, para sa m~ga nabubuhay sa lanran~gan n~g paggawa sa Pilipinas, ay gaya rin naman n~g sa m~ga manggagawa sa Pransia, sa Amérika sa Espanya at sa iba pa mang lupain, na ginagamit na sandata laban sa paghahari n~g lupit n~g Puhunan sa ibabaw n~g matwid at karapatan n~g m~ga manggagawa. Ang aklasan, ay ginagamit kung ang makatwirang daing at kahilin~gan n~g m~ga anák-pawis ay ayaw na dinggin n~g Puhunan; at sa m~ga nangyayaring ito sa atin ay maliwanag na namamalas na tayo'y ayaw pakinggan sa makatwirang pagtutol. Upang kilalanin n~g Puhunan ang ating matwid, kayo rin ang nagsusumigaw n~gayon, na gamitin natin ang aklasan; kung gayon, ¡tayo'y magsiaklás...! Subali't sa paglalabanang kasusuun~gan natin ay kinakailan~gan, na n~gayon pa man ay humanda na tayo sa pagtitiis n~g hirap. Ilaan natin ang katawan sa m~ga sakit na karaniwang dinaranas sa alin mang pagbabaka bago sumapit ang tagumpay, at hindi lamang ang m~ga sarili natin ang ilaan sa pagbabaka at pagtitiis, kundi pati rin naman n~g sa ating m~ga asawa't anák, magulang at kapatid, na pawang magsisipagtiis n~g gutom, kung sakali't kakailan~ganin ang mahahabang araw sa pagbubungguan n~g dalawang lakás. ¡Pagtitiis at pagtitiis...! Ito ang kailan~gan natin upang maitaguyod n~g boong dan~gal ang aklasang gagawin ... At, kung kayo, m~ga magigiting na anák-pawis ay hindi nahahanda sa gayon, makalilibo pang mabuti na tayong lahat n~gayon ay mamayapa na at sumailalim n~g bawa't maibigan n~g m~ga mamumuhunan.

--¡¡Magtiis tayong lahat!!--ang sigaw n~g lalong marami.

--Salamat, m~ga kapatid:--ang patuloy pa ni Mauro—Kung gayon mula sa araw na ito, buhat sa m~ga sandaling ito, ang sandata nating m~ga manggagawa na dili iba't ang aklasan, ay gagamitin, upang huwag na muling isalong kundi kung tamuhin na ang ganap na tagumpay. ¡Magpakatatag tayong lahat! At huwag nawang samakanino man sa atin ang pagtataksil. Ang sariling kapakanan at kagalin~gan n~g bawa't isa sa atin ay kailan~gang isailalim sa kapakanan at kagalin~gan n~g marami upang ang kabusabusan ay mawala at lumiwayway sa Silan~ganan n~g bayang manggagawa ang mabiyayang araw n~g Katubusan. M~ga kamanggagawa: Isigaw nating: ¡Mabuhay ang aklasan!

--¡¡Mabuhay!! ¡¡¡Mabuhay!!!--ang sigawan n~g lahat.

--Sino man ay walang magtataksil.

--¡Wala ni sino man!

At ang aklasan mula noon ay napagtibay.

Ang Lupong sinugo sa pakikipagusap sa m~ga mamumuhunan ay siya na ring pinagkaisahang maging palaging Lupon sa aklasan.

Masisiglang gayon na lamang ang lahat na noon ay naghiwahiwalay, na taglay sa puso n~g bawa't isá, ang malaking pananalig sa kadakilaan n~g kanilang ipakikipaglaban.

Sa kapahintulutan n~g may-ari n~g dulaang Rizal, ito ay siyang pinagkayarian ding maging "Cuartel General" n~g m~ga nagsiaklas.

Ang Lupon sa aklasan, noon din ay napatun~go sa Kawanihan n~g Paggawa, upang ipagbigay alam ang m~ga nangyari.

Pagkatapos n~g ilang pagtatanóng na ginawa n~g matalinong Tagapamahala, ukol sa pinagbuhatan n~g aklasang ipinasya n~g lahat, ang Kawanihan ay nan~gakong gagawin niya ang lahat nang magagawa upang sa lalong madali ay malutas ang salitaan sa ikasisiyang loob n~g bawa't panig.