Hiwaga ng Pagibig · Balbino B. Nanong

Chapter 9: Kabanata 9

Ang gulong yaon ay nakabulahaw ng gayon na lamang karaming tao. Sino nga naman ang may kagagawan noon? Isang bisig ang inaagusan ng dugong hindi maampat ang pagtulo. Waring lalong naghuhumapdi habang nagtatagal. Ang ibang nakamalas sa anyong kaawaawa ng may sugat ay halos dinalaw rin ng habag ang mga damdamin, kinaaawaan ang binatang sawing naghihirap.

Kaya't di naglipat saglit at ang naruong nakamalas sa kalagayan ng binata ay kaagad na tumawag ng karo-ambulansia ng pagamutang bayan (Heneral Hospital). Ang kaawaawang kulang palad na binata ay halos nalugmok na lamang sa lansangan. Kaawaawang binata! Ang binatang yaon ay dili iba't ang matalik na kasama't kaibigan ni Eduardo: si Pako, ang binatang nakatira sa tapat nila Leoning.

--Eduardo, mangyaring tumawag ka sa maykapangyarihan upang pagusigin ang may masamang hangad na iyon sa akin.

--Pako, na paano ka? Ano ang ginawa mo at ikaw ay sinaktan ng kung sino?

--Mapayapa akong naglalakad nang hindi ko hinihintay ay nangyari ito sa akin.

--Sino ang may kagagawan kaya?

--Wala akong malay.

--Diyata?

--Oo, narinig ko na lamang ang putok at naging parang kidlat na biglang tumagos sa bisig ko ang punglo.

--Pako, wala kang nakita kahit na sino?

--Walang wala nga.

Samantalang walang makaimik sa mga taong nangaroon, na, nakasaksi sa kalagayan ng kaawaawang binata. Salamat na lamang at dinaluhan agad ng may kapangyarihan: dalawang pulis ang madaling lumapit upang siyasatin ang pangyayaring yaon.

Datapwa't sa pagdalo kayang yaon ay matiyak din agad nila kung sino ang may kasalanan? Sino kaya roon ang kanilang paguusigin?

Paglapit ng dalawang pulis na magsisiyasat ay paraparang natahimik ang lahat. Naghari ang mga sandaling walang nagsasalita man lamang. Ano kaya at sino ang tatanungin doon? Wala namang matiyak ang tinamaan kung sino ang may gawa ng kasakunaan umabot sa kanyang katawan.

At, ang dalawang pulis ang siyang nagtatanong ng mga bagaybagay sa pangyayari kay Pako, kung sino ang may kagagawan noon ay walang matiyak naman ang ating binata, sa katotohanan, hindi niya nakita ang may masamang hangad na iyong napoot sa kanya.

Makalipas ang ilang sandali, ay dalawang malaking lalaki naman ang lumapit, na, waring humawi sa salipunpon ng mga tao. Ang dalawang ito ay kapwa makisig: mga sekreta pala. Sila naman ang nagkuha ng tanong sa tinamaan, nguni't ni hindi rin matiyak kung sino ang may kagagawan.

--Sino ang may kagagawan ng ganito?

--Hindi ko po maalaman.

--Bakit pinatamaan ka ng punglo?

--Wala po akong malay; papauwi na lamang ako nang hindi ko hinihintay ay nangyari nga ang sakunang ito.

--Mayroon ka bang kaalit?

--Wala po akong nalalaman.

--Wala ka bang nakakasamaang loob dito?

--Wala po.

--Hindi mo na matiyak kung saan nagbuhat ang punglo?

Datapwa't ang tanong na ito ay hindi nasagot ng binata. Nakatalikod siya ng tamaan. Samakatwid ay sa kanyang likod nagmula. Nguni't hindi rin naman niya matiyak ng lubusan. Hindi nga naman nakita niya at sa katotohanan ay wala siyang matitiyak na sino man sapagka't nang siya ay pauwi na ay tahimik ang kanyang loob na hindi niya hinihintay ang gayong mangyayari. Kung nalalaman lamang niya, di sana ay nakahandang umilag. Wala ni sino mang nasa harap niya na nakita na may maghahangad ng gayon. Ano nga naman ang mabuti? Sino ang may pananagutan sa gayong sakuna?

Sino nga kaya ang mananagot?

Wala, wala sapagka't ang may masamang budhi ay di nakita. Wala sapagkat walang matiyak ang mga maykapangyarihan, kung sino ang may kagagawan ng pangyayaring yaon. Wala, sapagka't hindi matiyak nino man at ni hindi rin matiyak ng tunay na tinamaan. Wala, sapagka't walang matukoy ang tinamaan: wala siyang kaalit, walang kasamaang loob at walang nalalamang may nagmamasamang loob sa kanya.

Datapwa't hindi, kailangan ang may sala ay madakip. Hindi maaaring walang gagawang sino man sa may kalapit din ng pook na iyon ng pinangyarihan. Hindi mawawala roon ang nagbigay-bulahaw sa mamamayan ng gulong yaon.

Walang salang naroroon!

Kailangan lamang ang isang mahigpit na pagsusuri at mahigpit na pagsisiyasat. Kailangang makuha sa mga pook ding malapit doon. Kailangang paghanaping mabuti, kailangan ang mahigpit na paguusig sa may kasalanan. Kailangang pagusigin, ang nakapagbigay gulong yaon sa katahimikan ng mga tao. Kailangan ang lahat ng ito.

At, hindi maaring ipaggayon gayon lamang ang pangyayaring ito. Kailangan paghabulin ng isang kaawaawang binata ang kanyang kinamtang kasawian. Diyata ba't kanyang pababayaan na lamang ang gayon? Oh! hindi! Hindi niya maaaring pabayaan. Mayroon tayong pamahalaang matatag at malaya. Na, ang isang tao, ang isang individual ay malaya at di maaring upasalain ng maling pananalig. Ang isang tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga batas, na, ang mga batas na iyan ay siyang matibay na saligan at pinagbabatayan ng mga matwid ng isang mamamayan.

Na, ang isang tao ay di dapat upasalain kung sino man siya. Na, ngayon ay di na paris ng mga nagdaang panahon na ang nakapaghahari ay ang lakas sa hina. Malaya ngayon ang lahat; walang busabus, walang alipin. Lahat ay may kanyang matwid na gumamit ng karapatan sa harap ng batas na kailan ma't ang batas na ito ay matuwid at siyang umiiral.

Na, ang mga taong lumabag sa ipinaguutos ng batas ay mapaparusahan.

Kaya't kinakailangan ng isang tao ay sumunod at sumubaybay sa ipinaguutos ng kapangyarihan kailan ma't nababatay sa batas. At, ang pagsunod ng isang tao, o ng bawa't individual sa batas na pinagbabatayan ay isang paraang magiging daan ng pagkakaroon ng isang bayang payapa, ng isang bayang dakila, ng isang bayang sa sangsinukob ay walang nakapaghahari kundi ang batas ni Bathala at ang batas na ito ay ang pagkakapantaypantay.

Kaya kailangan ang madaling pagkilos ng maykapangyarihan. Kailangan ang paghanap sa dapat na pag-usigin. Oo, kailangan ang lahat ng ito sapagka't kung ipagpapaliban pa ay baka makalayo, baka lalong mawalang bisa ang lahat ng mga paraan sa ikadadakip ng may masamang budhing yaon. Oo, kailangan sapagka't baka ang may kagagawan noong may diwang "Bolsibismo" ay minsan pang maulit. Baka maulit pa ang pangyayaring yaon na di dapat mangyari sa isang bayang payapa.

At, sa pangyayaring yaon ay di nagpabaya ang mga maykapangyarihan. Pipiliting hanapin ang may kagagawan noon. Kaya kailangan ang sila ay magsikilos. Kailangan liksihan ang paguusig sa ikatatagpo ng nanakit na yaong ngayon ay nawawala sa mata ng madla.

Nguni't ang lahat ng pagkakasala ay dapat pagbayaran. Alin mang may utang ay nagbabayad. Mahuhuling walang sala, kundi man ngayon ay bukas o dili kaya'y darating ang tadhanang araw na kanyang magiging sukdulan upang isigaw ang lahat ng kanyang mga ginawa at masasamang hangarin.

Kailangan paghanapin ang lahat ng ito upang ang matuwid ay siyang lumitaw sa harap ng katiwalian. Kailangan sapagka't ang matuwid ay kailan man ay matuwid na dapat paghabulin ng isang tao ang kanyang sinusubaybayan.

At, ang masasama ay may kanyang kalalagayan. Ang masama ay masama. Kaya kailangan ang masama ay mabukod sa mabuti at ang mabuti ay mabukod sa masama. Sa sangdaigdig ay sadyang may ganito, na ang masasama ay sa masama at ang mabuti ay sa mabuti.

Sino nga naman ang magkakapasasabi ng gayong pinagmulan ng pangyayaring muntik ng ikinasawi ng isang binatang tahimik ang loob at walang malay?

Nguni't ang lahat ng bagay ay mayroong wakas. Ang lahat dito sa mundo ay natatapos. Ang kaligayahan ay di namamalagi. Paris ng langit na kung minsan ay maulap at kung minsan ay maaliwalas.

Ang may kagagawan nito ay nagkaroon din ng takot, kaya hindi maaaring ilihim niya sa mata ng tao ang kanyang kasalanang nagawa. Hindi maaaring ilihim niya sa harap ng tao ang kanyang kasalanan. Nagkasala siya, siya ay namaril. Samakatuwid ay isang kasalanan ang ganito.

Sa pagkakabaril niya ay nagkasala ang kanyang sarili sapagka't ang pinatatamaan niya ay nakailag. Nang makita niyang ang tinamaan ay ang kulang palad na binata, pagdaka'y iniurong ang rebolber at parang walang ano man. Datapuwa't kailangang siya ay magsabi ng totoo.

Kailangan!

Kailangan nga sapagka't ang mga maykapangyarihan ay nagsikilos. Bagama't ang kanyang budhing nagkasala ay nanahimik na sandali ay muli ba waring pinagharian din ng poot pa ang loob. At bakit? Sino ang taong iyon? Sino itong ngayo'y waring isisigaw ang kanyang nagawang pagkakasala?

At, nagsalita na waring inubos ang lakas:

--Sukab! Sukab!

Na, ang salitang itong malakas ang waring nanoot sa mga pandinig ng ilan. Narinig ng dalawang sekreta, kaya't sa bahaging pinanggalingan ng hiyaw ay daglian agad na pinatunguhan ng dalawang kawal ng maykapangyarihan.

--Sukab na asawa! Oo, pinugayan mo ang aking karangalan, dahil dito ay muntik tuloy ikasawi ng mga tahimik na budhi. Oo, ang pangyayaring iyan ay, isang bagay na dapat mong pagaralan. Ikaw ang asawang dapat sumpain.

Sino ang asawang yaong pinagngitngitan ng galit?

Ano ang ginawa niya na naging daan ng pagalimura sa asawa namang humihikbi?

Samantalang ang asawang nagwalang bahala sa karangalan ng nagsasalita ay waring napahibik na lamang at ni kaputok na pangungusap ay di nakasagot.

Taksil! Kaya ngayon ay maaaring hindi ka na pakita sa aking pangmalas. Magagawa mo na ngayon ang iyong ibig at ako'y napopoot ng tumingin sa iyo.

--Ikaw ang magwawasak ng karangalan ko at magpuputong sa ulo ko ng kawalang hiyaang pagsusukab?

Samantalang ang nagngingitgit na iyon sa galit ay dagling tumalikod at sinabayan ng panaog. Mabuti na lamang at nakalamig ang kanyang loob na sana ay bibigwasan pa noong unang mangyari ang pagpapaputok, subali't nang kanyang makitang iba ang tinamaan ay nagbago ang kanyang nagdilim na isip.

Nakakalabas pa lamang siya ng pintuan ay hinarang na agad siya ng dalawang sekreta at sinabing:

--Mahal na ginoo, hindi kaya sakaling maging pangit sa kalooban ninyo ang kami ay magtanong ng nauukol sa pangyayaring itong muntik ng ikasawi ng isang tao?

--Opo, maaaring ipaliwanag ko sa inyo ang lahat.

At, hindi na nakapagtanong pa ang dalawang kawal ng maykapangyarihan at sila ay tuloy nagsilakad sa kinatatayuan ng sawing palad na si Pako.

--Pako—ang wika ng taong kasama ng dalawang sekreta—muntik na palang nasawi ikaw sa pangyayaring ito?

--Mang Pepe, sino ang may kagagawan nito, hindi mo po ba nalalaman?

--Pako, ako ang may sala ng lahat, oo, ako ang mananagot sa pangyayaring iyan.

--Mang Pepe, nang sa ano pong paraan, bakit akong iyong isang pamangkin ay ginanito?

--Saka ko ilalahad sa iyo ang lahat. Hindi ko kinusa ang pangyayaring iyan kaya malalaman mo ang simula.

--Mang Pepe, ano ang sumadiwa ninyo?

--Hayaan mo't saka na.

--Oh, maano pong sabihin na ninyo ang lahat ng mahiwagang pangyayaring ito!

--Ano po ang inyong ginawa?

--Oo, malalaman mo ang lahat, ipadadala mo na kita sa pagamutan at upang mabigyang lunas agad iyang sugat.

--Sumama na po kayo sa akin at ilahad ninyo ang lahat at lahat.

--Oh! hwag na, sumakay ka na sa iyong auto at ako ay hahanap ng ibang magpapalakad pagka't ang kamay mo ay hindi makakilos.

--Sumama po kayo.

--Hwag na at ako ang bahalang maglahad sa maykapangyarihan nitong mahiwagang gulong ito.

--Sasama kayo sa maykapangyarihan at bakit?

--Sasama ako upang malaman ang lahat ng hiwaga ng pangyayaring ito na nagbigay ligalig sa maraming tao.

--Kung ikaw rin po lamang ang may kagagawan ng lahat kong itong sinapit, ay hwag na, hindi na kailangan.

--Ipinagsasama nila akong pilit upang kunan ng tanong—na sabay turo sa dalawang sekreta—hala magpunta ka agad sa pagamutan upang iyan ay malunasan.

At di na nagsalita pa ang binata. Sa mga pangungusap ng matandang Pepe ay hindi na siya kumibo. Ano nga namang kung pinipilit ng maykapangyarihan na siya ay ipagsama?

At hustong dumating naman ang karo-ambulansia. Sumakay siya at ang matandang Pepe naman ay ipinagsama ng dalawang sekreta sa Bagong Bayan upang kunan ng ilang tanong sapagka't walang iba kundi ito ang may kinalaman sa pangyayaring yaong gulo.

Kaya't gayon na lamang ang nagharing bulungbulungan! Ano nga naman ang naging sanhi nang pangyayaring yaon at ang isang Pako pa na pamangkin ni mang Pepe ang tinamaan?

Sino kaya ang nakababatid ng lihim na iyon?

Sino nga kaya? Ang lahat ay parang namangha na lamang. Kaya't ang maraming taong nakasaksi sa kaunting ligalig na nangyari ay nagkahiwahiwalay na ang mga pagkukuro ay nagtatalo sa kung ano anong hiwaga ang pinagmulan ng gulo.

Ang lahat ay parapara ng nagsipagalisan. Nilisan ang pook na yaong hindi naman nila man lamang nabatid ang tunay na naging simula.

Si Eduardo ay muling nanhik kina Leoning at sana'y pamuli pa niyang kakausapin ang binibini at ipagpatuloy ang naputol nilang masayang paguusap datapwa't ang gayon ay di na nangyari sapagka't maraming nagtatanong sa puno't dahilan ng gayon at pati si aling Rita ay nakihalo na sa kanilang paguusap sa kahiwagaan ng nangyari.

Kaya't gayon din lamang ang naghaharing bulungbulungan ay tinangka na niya ang magpaalam. At, isa pa ay itatanong sa kanya kung ano ang kahulugan ng mga hiwagang yaon datapwa't hindi naman niya masagot kaya't nagtindig na siya at sinabing:

--Leoning, hanggang sa muli.

--Hwag mo sanang limutin ang muli mong pagdalaw dito.

At si aling Rita pati ay nakilahok na sa usapan nila at sinabing:

--Hwag ka sanang makalilimot ng pagparito.

--Hindi po.

At nanaog na ang ating binata. Sa durungawan ay muli pang nagdulot si Leoning ng isang ngiting puno ng pagasa para kay Eduardo na habang natatanaw at naaabot ng kanyang titig ang binata ay di naaalis ang pagkakapako ng kanyang paningin. Para kay Eduardo ay naging ilaw naman niya sa paglakad ang gayong mga ginawi ng binibini.