Hiwaga ng Pagibig · Balbino B. Nanong

Chapter 8: Kabanata 8

Sa piling ng isang Leoning ay lalong dumakila ang isang Eduardo. Lalong naging maningning ang kanyang pagasa. Kay buti nga namang idinulot ng pagkakataong yaon! Sa harap ni Leoning ay naging isa siyang dakila, isang bayani na pinuputungan sa ulo ng masaganang laurel. Purihin siya sa harap ng kanyang paraluman, ay anong tamis sa isang kalooban ng binata! Sa pakiwari niya ay walang kasing halaga, walang kasing uri,--nasa tampok siya ng gintong tagumpay at pagkadakila,--dangal ng kanyang sarili at kapurihan sa harap ng sino mang tao.

At, ngayon sa harap ni Leoning ay siya'y isang bayani. Isang bayani siya na sa pakikidigma ay nagwagi na taglay ang laurel ng tagumpay.... Sa harap ni Leoning ay naging mahalaga siya; lalong naging dakila sa puso ng kanyang paraluman. Si Eduardo, ngayon, ay siyang pagasa at dangal ng kanyang irog: ni Leoning. Siya ang pagasa, ang pagibig, ang buhay....

Samantalang sa kabilang dako naman, si Leoning ay siyang sulo sa piling ni Eduardo, siyang liwanag at tanging aliw ng puso. Para kay Eduardo ay isang maulap na langit ang titiisin niya kung wala si Leoning. Kung maglalaho si Leoning ay isang libingan, isang yungib na di man lamang inaabot ng sikat ng liwanag, isang langit na wala kahit isang bituin.

Kaya mauulit ngang magbalik ang lahat! Sila ay magkakangitian, magkakatitigan ng mga mata, magkakabatiran ng mga lihim ng puso!

At, makalipas ang ilang sandaling makapagpaalam ang panauhin ay napagisa na lamang silang dalawa. Nang mga sandaling yaong kanilang sinasarili na ang pagsasalitaan ay waring ang naguumapaw sa kanilang puso ay ang pagkalugod ng isa't isa. Nagkakahiyaan noong una datapuwa't ilang saglit lamang ay nagiba na ang kanilang damdamin: waring naguusap ng kusa ng tapatan. Nawala ang mga sandaling kanilang kanina ay pinapaghaharing katahimikan. Waring nangapipi ng hindi naman. Ang naghahari sa kanilang puso ay ang pagirog, ang pagibig na malinis. Magkapiling ngayon ang kanilang mga damdamin na waring mga dati'y nabilanggo. Ang kanilang mga pusong malaong nagkasabikan, nagkalayong ngayon ay mapalad na pamuling nagkatagpo.

--Leoning—ang panibukas ng binata—anong hiwaga at ang magusot na siudad ay kinawilihan mong tunguhin?

--Nang una nga ay ni sa pangarap ay di man lamang sumagi sa aking gunita na ito ay aking maabot, datapuwa't sadyang ganito lamang ang panahon.

--Ni hindi ko rin nga akalain.

--Ang sarili ko man, nguni't....

--Leoning, ano ang paraan at naparito ka—ang agaw agad ni Eduardo.

--Upang ipagtapat ko agad sa iyo ang lahat at lahat ay ito: Isang umaga, ang kapatid ni aling Rita, na, si mang Alejandro ay nagpunta sa ating bayan at di ko nga akalain ay inanyayahan kami na sumama sa kanya. At, matapos mapagusapan nilang dalawa ang lahat at lahat, lalo na sa kabutihan ng paninirahan sa siudad ay siyang nagbigay daan kung kaya't sa madali ring panahon ay iniwan namin ang sarili.

--Kaya kita tinanong ng ganito ay lubos at gayon na lamang ang pagtataka ko sa inyong pagkaparito.

--Magtataka ka nga marahil nguni't maliwanag na ngayon sa iyo ang lahat.

--Oo, nga Leoning, maliwanag na ngayon ang lahat, hind ko na dapat ipagtaka.

--At, saka hindi mo na naman dapat pang pagtakhan ang ganitong pagkaparito ko sa siudad.

--Nguni't masasabi kong lalong napabuti naman.

--At bakit, nang sa anong dahilan?

--Sapagka't si Leoning ko ay hindi na malalayong paris ng dati sa aking paningin.

--Ah, Eduardo, at hanggang sa ngayon pa ba'y sariwa pa sa puso mo ang lahat ng iyan?

--Bakit iyong hihinalaing malanta ang lalong sumasariwang pagibig ko sa iyo?

--Hindi ba siyang katotohanan na limot mo na ang lahat?

--Leoning, bakit mangyayari naman ang gayon?

--At hindi ka ba nagsisinungaling sa iyong mga pangungusap?

--Kausap mo yaring puso.

--Na, sinungaling!

--Nagtatapat ng boong puso Leoning.

--Kasinungalingan!

--Kasinungalingan daw.

--Eduardo, diyata kaya't hindi?

--Nang sa anong paraan Leoning? Huwag mong pahirapan ang puso kong malaong nangulila sa iyong harapan.

--Pahirapan Eduardo, pahirapan pa ang iyong sasabihin matapos mong paglaruan ang aking palad na....

At di naituloy ni Leoning ang sasabihin.

--Paglalarong ano Leoning?

--Oh! di nakita mo na at ikaw pa'y magkukungwari.

--Leoning, nagtatapat ako sa iyo, ngayon ay tapatin mo naman ako.

--Eduardo, tinatapat kita.

--Na, ano?

--Dito nga naman sa siudad...!--na, waring di madugtungan ni Leoning ang sasabihin.

--Na, ano Leoning? Huwag mong pahirapan ang aking pusong matapat sa iyo.

--Eduardo, na di nga nagkamali ang pangarap ko noong una, ang hinagap ko sa iyo nang ako ay nasa lalawigan pa.

--Ipagtapat mo Leoning ang lahat ng iyon.

--Na, nagkatotoo nga ang lahat na, ako'y iyong lilimutin.

--Diyata Leoning at ako pa ang pararatangan mong lumimot.

--Katotohanan Eduardo ang lahat kong sinabi.

--Leoning, pinahihirapan mo ang aking damdamin.

--Eduardo, ang sinasabi mong hirap na iyan ay wala pang ika isang libo, paris ng ginawi mo sa aba kong palad.

--Leoning, liwanagin mo ang lahat.

--Oo, maliwanag Eduardo, ang lahat: hindi ba maliwanag pa sa sikat ng araw ang iyong paglimot?

--Leoning, walang sangdaling nawaglit man lamang sa alaala ko, ikaw.

--At di nakita mo na nga ang iyong kasinungalingan?

--Hindi ako nagsisinungaling; huwag mong paratangan ang sarili ng ganyan, malinis ang tibukin ng aking puso.

--Na, hindi ka nagsisinungalin?

--Leoning, isinusumpa ko!

--Isinusumpa raw!

--Tunay.

--Na, apat kong liham sa iyong ni isang kasagutan ay di man lamang ako nagtamong tugunin kahit minsan. Hindi ba maliwanag pang higit sa sikat ng araw? Talagang hindi nga naman nagkabula ang pangarap ko Eduardo, na, pagdating mo na ng Maynila ay limot mo ang isang sumisinta ng tapat.

--Leoning may katuwiran ka, nguni't hindi mo naliliwanagan ang lahat.

--Na ako pa ang malalabuan sa iyong pagsisinungaling.

--Hindi Leoning.

--Hindi, ang ako ay pahirapan?

--Leoning, oo, hindi mo nga lamang nababatid ang lahat. Kung nang mga sandaling tinatanggap ko ang iyong liham ay makikita mo lamang ang aba kong kalagayan, ay mapatak din marahil ang luha mo kung may habag ka sa abang Eduardong ngayon ay kausap mo. Leoning, salamat at ako ay hindi sadyang kulang palad pa at kung nagkataon sana ay hindi na ako si Eduardo ngayon.

--At ano ang nangyari sa iyo Eduardo?

--Leoning, napapasalamat ako sapagka't ako ay naaalaala mo marahil nang panahong yaon. At kung nasaksihan mo lamang nang mga sandaling mangyari sa katawan ko ang sakuna at kung hindi ko nga nailagan marahil ay ni isang "ay" o isang "Diyos Ko" ay hindi man ako nakapangusap.

--At napaano ka Eduardo?

--"Nang isang hapon ay ako ay inanyayahan ng mga kakilala ko't kaibigan sa isang sayawan sa masayang Malate. Ang sayawang yaon ay parangal sa pagsapit ng ikalabing siyam ni Bbg. Anita Fernandez, datapuwa't ang naging wakas nga ng kasayahan ay ang kasakunaang nangyari naman sa akin. Hindi ko na kailangang sabihin pa sa iyo ang mahahabang salaysaying ukol dito. At, nang kasalukuyang naghahari ang kaligayahan ay biglangbiglang nagkagulo ang marami sa paguunahang manaog dahilan sa isang sunog ang naging simula.

Maraming mga binibini ang nasaktan at ako nga ay inabot ng isang malubhang sakuna. Hindi sa isang pagmamalaking loob ay tinangka ko ang makatulong sa pagliligtas ng ilang mga mahahalagang kasangkapan ng mga nasunugan, datapuwa't sa isang masamang pagkakataon ay isang sing bilis ng kidlat na biglang pumatak mula sa itaas na tumama sa kamay ko ang mabigat na pirasong kahoy, saka isang kahon, na di ko nailagan na siya ko ring ikinalugmok agad noon din.

Napasigaw na lamang ako at sa pagsaklolo sa akin ng ilan, ay tinulungan ako sa paguwi ng tahanan, na, ang kamay ko ay gayong nagsisidhi ang sakit na di ko maikilos at namaga na tuloy.

Mahigit na isang buwang ang kamay ko ay may putpot at nakasabit sa leeg ko sa pamamagitan ng damit na nakapulupot. At, sa awa ng mga manggagamot ay mabuti na lamang at ang butong nabali ay napasauli sa dati at lumakas.

Makalilibo kong ninais na ang ganito ay ibalita sa iyo datapuwa't ang kamay ko'y ni hindi makahawak ng panulat. Ninais kong magpasulat sa iba, nguni't ang budhi ko na rin ang nagpakatanggitanggi sa dahilang hindi ko nais mabatid ng iba ang lihim ng ating puso. At, hindi ba ikaw rin Leoning ang may sabing hangga't maililihim natin sa madla ang malinis na pagiibigan ay di natin ipamamalay?"

--Oo, Eduardo.

--Kaya't wala akong maging paraang gawin upang ibalita sa iyo ang gayong nangyari sa akin at saka mababatid mo na, naito ang kadahilanan kung bakit ang mga liham mo ay di ko nasagot. At, salamat at hindi sa ibang panig ng katawang maselan ako inabot ng gayong sakuna at kung nagkataon sana ay hindi na ako Eduardo ngayon. Wala na ngayong Eduardo at mababalita mong namayapa na.

At napairap at ngumiti si Leoning sa pagkasabing gayon ang kanya sanang naging palad.

At nagpatuloy si Eduardo nang makitang ang binibini ay umirap ng bahagya sa kanya at ngumiti.

--Maluha ka rin kaya Leoning, maluha ka rin kaya kung ako'y tinanghal na bangkay?

--¡............!

--Leoning, maluha ka rin kaya?

--Eduardo, hindi ako ang maluluha, kundi ang paralumang noo'y sumaklolo sa iyo.

--Nguni't kulang palad nga ako at walang paraluman noong lumapit man lamang sa akin ... Wala akong tinatawag sa sarili kundi: Leoning! Leoning! Nguni't ang tinatawag kong yaong ngalan ay di man lamang nagmakaawang lumapit. Oo, wala, walang walang lumapit. Kung hindi pa lumapit ang....

At hinadlang ni Leoning.

--Kundi ibang Leoning.

--Kundi ang mga kaibigan kong mga binata.

--At, nang ikaw ay gumaling ni balita ay di ka naman lamang nag....

--Leoning, anim na liham na paraparang ibinalik ni Bbg. Leonora.

--Na, kahit isa ay wala akong tinanggap.

--Pagka't marahil ay narito ka na sa siudad.

--Na, sa makatwid ay sinisisi mo si Leoning?

--Hindi, at naliwanagan ko ang lahat.

--Maliwanag na iyong nilimot.

--Leoning hindi mo na kailangang pahirapan ang aking puso.

--Dinaramdam mo ang hirap ng iyong puso nguni't ang abang palad ko ay di mo namamalayang ang titiitiis ng dahil sa pagaalaaala sa iyo.

--Leoning tunay kaya?

--Asahan mong ako'y di marunong lumimot sa sinanglaan ng pagibig.

--Leoning, salamat.--At hinawakan ang kamay ng binibini na dahilan sa galak ng kanyang puso....

Datapuwa't ang kanilang maligayang paguusap ay nahinto. Ang masaya nilang paguusap ay nabulabog. Ang kanilang pagngingitian ay natigil, kapwa nagulat ang dalawa. Bakit? Ano ang kahulugan noon? Isang putok ng rebolber ang kanilang narinig. Ano ang nangyayari? At dinunghal ni Eduardo ang bintana ay maraming taong nagkakagulo. Bakit ano ang nangyari? Ano ang nangyaring yaong gulo na sa tapat pa naman ng bahay nina Leoning? At, nang makita ni Eduardo ang pinagkakaguluhan ay nakita niyang isang bisig ang inaaugusan ng dugo: sino iyon?

Subali't sa kanyang pagkakapako ng tingin sa taong yaong may sugat ay siya namang pagkabaling ng tingin sa kanya at nang siya ay makita ay biglang ngalan niya ay tinawag na napapahabag.

--Eduardo, tulungan mo ako halika.

Ganyang pangungusap ang kanyang narinig nang siya ay makita ng may sugat ang bisig. Sino ang lalaking yaon; at ano ang kapahamakang yaon nangyari? Sino ang may diwang masama na nagpatama sa bisig niya ng punglo?

Alamin natin!