Hiwaga ng Pagibig · Balbino B. Nanong

Chapter 7: Kabanata 7

Kinararangal kong ipakilala sa iyo ang kinatawan sa lalawigang C ... ang kagalanggalang na kinatawang Velarde.

--Eduardo de la Rosa po.

--Maraming pong salamat.

--Ang binata pong iyan ay aking kababayan—ang patulo'y ni Leoning. Siya ay isang nagaaral dito sa Maynila at di magluluwat at makatatatapos na sa kanyang pagaaral,--ilang araw pa't siya'y isa nang manananggol na tatawagin.

--Ah, samakatuwid nga pala ay di nagkamali ang aking sarili sa pagpapalagay na sila—sabay turo sa kaharap—iyan ay nakilala ko na. Ang ngalang iyan Bbg. Leoning ay nakilala ko na noon pang mga buwang nakaraan.

--Nakilala na ng kinatawan? At, kayo po pala ay nagkatagpo nang minsan nila?

--Oo, lamang, ang pagkakakilala kong yaon ay di paris ng sa ngayong kami ay nagkaabutan ng kamay.

--At, sa ano pong paraan?

--Nakilala ko siya sa isang pagkakataon.

Samantalang sa kabilang dako ay ni kaputok na salita ay di man lamang makabigkas ang ating binata dahilan sa kanyang pagkamangha sa mga pangungusap ng kinatawan. Bakit sinabing siya ay nakakilala ng kinatawang yaon? Bakit nga naman ay sa ngangayon lamang sila nagkatagpo? Sa paanong paraan siya nakilala ng kinatawang ito? Kaya't kanyang naitanong sa sarili:

Datapuwa't ang sumagot ay ang kanya na ring sarili;

--Nakatagpo ko na kaya ang kinatawang ito?

Sinagot ng kanya na ring budhi: hindi, hindi, hindi. Hindi pa niya namumukhaan ang kinatawang yaon.

Gayon na lamang ang kanyang pagkamangha: isang kinatawan pa ang nakakilalang mauna sa kanya. Nagtataka siya nang gayon na lamang.

At pagkuwa'y naibulong pa rin niya sa sarili.

--Aywan ko sa kinatawang iyan kung bakit sinabi niyang ako ay kanya nang nakilala noong pang una.

At, ang katotohanan nga naman ay sadyang hindi pa nakakatagpo ni Eduardo ang kinatawang ito. Para kay Eduardo, hindi man lamang sila nagkakatama ng mata kundi ng mga sandaling yaon lamang. Ang katotohanan ay talagang hindi. Hindi pa sila nagkakatagpo ni minsan. Nguni't sa paanong paraan nga naman at nakilala siya ng kinatawan?

Nang boong liwanag na marinig ni Eduardo ang mga huling salitang yaon ay halos nais na niyang mangusap. Nguni't para bang ang kanyang dila ay nadikit sa ngalangala: ni hindi makapangusap. Pinagsusuri niyang mabuti ang kalooban ng kinatawan na baka ang gayong ginagawi ng ginoo ay isang paghamak lamang sa kanyang pagkatao. Baka isang pagalipusta nga lamang pagka't, sino nga ba naman siya sa harap ng isang kinatawan gayong siya ay isa lamang hindi kilala sa mga lubhang matataas na lipunan. Sino nga ba naman si Eduardo sa harap ng isang marangal na tao? Sino siya?

Datapuwa't hindi, si Eduardo ay isang may magandang bukas. Hindi pa lamang dumarating ang kanyang araw, hindi pa lamang ganap na sumisikat ang magandang liwayway ng kanyang palad ... Oo, si Eduardo ay hindi rin naman lubhang kaabaabaan sa harap ng kinatawang ito. May maningning siyang bukas na hinihintay. Siya ay may maningning na pagasang kasing uri ng lantay na ginto. Higit pa marahil sa ginto!

Kaya't, palibhasa'y taglay ng kanyang kalooban ang mapayapa at ang malamig na pagmumunimuni ay hinintay na muna niyang pamuling magsalita ang kinatawan.

--Malaon ko na nga iyang nakilala, Bbg. Leoning—ang patuloy ng kinatawan—nguni't gaya ng sinabi ko na sa inyo, lamang ang pagkakilala ko diyan ay di paris ng lubos kong pagkakakilala sa ngayon na kami ay nagkamay.

--At, sa ano nga pong paraan?--ang agad ay agaw ni Leoning.

--Ang pagkakakilala ko ay dahilan sa kanyang kagitingang kapuripuri para sa kanyang mga kababayan. Siya ay may maningning na pagasa sa kinabukasan ng ating lahi.

Namula at lalong napamangha ang ating binata dahilan sa kanyang pagaakala na sadyang siya nga yata'y nais lamang alipustain ng kinatawang yaon. Ang ating binata ay anyung dinalaw ng poot ang loob at sasagutin na sana niya ang marangal na kinatawan—akala niya ay hinahamak ang kanyang pagkatao,--nguni't hinadlangan agad siya ng ating kinatawang Velarde at sinabing:

--Hindi naman ito sa pagpuri ng harapan—ang dugtong ng kinatawan at saka nagpatuloy.

--Ang pagkakilala ko sa inyo ay ipagtataka nga ng inyong sarili. Hindi ba ginoong Eduardo de la Rosa?

--At sa ano pong paraan mahal na kinatawan?--ang pagdaka ay naisagot ng tinanong.

--Karangalan ninyo at karangalan ko ang ipagtapat ang lahat. At, masasabi ko pa ring hindi karangalan lamang natin kundi ng inyong bayan at mga kababayan.

Gayon na lamang ang pagkamangha ng dalawang kaharap, sa kinatawang nagsasalita at kung bakit nga nama't ayaw pang ipagtapat agad ng lubusan ang kanyang sasabihin.

--Nang kayo ay unang makilala ko, G. de la Rosa, ay buhat pa noong kayo ay magtamo ng First Prize sa ginanap na talumpatian ng mga nagtatapos sa kolegio ng pagkamanananggol sa maaliwalas na Grand Opera House.

Nang mabigkas ang ganitong mga pangungusap ng kinatawan ay saka pa lamang nagluwag ang dibdib ni Eduardo at halos ang humalili sa kanyang pusong kanikanina ay waring may poot ay gayon na lamang kasiyahang loob. Totoo nga ang sinabi ng kinatawan.

--Kaya Bbg. Leoning, hindi sa pagpuri ng harapan ay masasabi ko sa inyong si G. de la Rosa ay isang mapagwagi sa katalinuhan na siyang karapatdapat putungan ng laurel ng tagumpay.

At pagkasabi nito ng kinatawan ay tinapunan ng isang tingin ng ating binibini ang binatang pinapurihan. Ang tinging yaon na may kahalong ngiti ay nangahulugan para kay Eduardo ng isang pangarap na puno ng pagasa at buhay. Isang kinatawan ang pumupuri sa kanyang pagkamatalino sa harap pa naman ng isang paraluman. Gaanong lugod at kagalakan sa puso ang gayon!

Purihin ng isang kinatawan? Kay palad na pagkakataon!

--Kaya gining Leoning, kung hindi sila magagalit sa aking pagpuring ito ay ipagpapatuloy ko.

--Mahal na kinatawan, wala kayong dapat alalahanin sa isang abang lingkod ninyo—ang sagot ng binata.

--Sila gining Leoning, ay maningning na pagasa ng ating lahi. Nasa kanya ang dangal at pagasa ng Inang Bayan. At, upang aking mapatutuhanan sa inyo ng boong pagtatapat ay kung narinig lamang ninyo ang kanyang binigkas ay sukat ng magdulot sa inyong puso ng isang alaala sa ginoong iyan, na, ang ginoong iyan ay marahil ay masusulat sa inyong puso ang ginintuang mga habilin na malalalim at may kahulugang mga pangungusap.

Opo, ang bawat taong mga naroon na nakikinig, nang mga sandaling yaon na binigkas niya ang talumpati ay naghabilin sa lahat ng diwa ng mga dakilang aral at mga may kahulugan at ginintuang kaisipan na namulas sa kanyang mga labi. Hindi ito isang pagkutya sa inyo G. de la Rosa. Ako'y nagtatapat sa inyong pagkatao sa mga sandaling ito, wala nga akong ibang nais at hangad kundi kayo ay aking makilala, maging matalik na kasama at kaibigan. Hindi kaya pangit sa loob ninyo G. de la Rosa?

--Maraming salamat po kung gayong ang abang palad ko ay mabibilang ninyong isang lingkod.

--Sakaling kayo ay nangangailangan ng tulong, ay nalalaan ako kung makakakaya.

--Gayon din po naman.

--Bb. Leoning, kaya marahil, ang lahat ay nabatid na ninyo.

--Maliwanag kung gayon ang lahat.

Para kay Eduardo ay isang karangalan niyang hindi malilimot ang gayong pagkakatagpo nila ng kinatawan. Isang karangalan ng kanyang sarili ang gayong pagpuri pa naman sa harap ng kanyang paraluman. Kay inam na pagkakataon!

Samantalang para kay Leoning ay isang karangalan sa sarili ang gayong pagkabatid niya sa mga ginintuang damdamin ng kanyang Eduardo. Karangalan niya ang isang Eduardo kung gayon. Nasa kanya ang pagasa at maningning na tagumpay ng bayan at lahi.

--Ako'y naroon G. de la Rosa sa loob ng Opera nang kayo ay magtamo ng unang ganting pala ng tagumpay ninyo. Iyan ang paraan kung bakit ko nakilala ang inyong pangalan. Kaya hindi na ninyo ipagtataka kung bakit sinabi kong nakilala nga kitang malaon na ay di paris ng pagkikilala nating ngayon na pinagabot ang mga kamay. At, kung bakit hindi napapawi sa akin gunita ang inyong pangalan? Naito: ang talumpating yaong inyong inilaban, na, puno ng maraming kahulugan at palaisipan ay nalathala pa sa isang pahayagang malaganap.

At nang mabatid ni Leoning ang ganito ay dagliang kinamayan ang kanyang irog: si Eduardo at sinabing:

--Binabati kita sa iyong tagumpay na kinamtan.

--Salamat ng marami Leoning.

Na, ang pagkamay na iyan ni Leoning ay anong kahulugan na naman? Ang puso ni Eduardo ay waring nasa tunay na tampok ng kanyang kadakilaan. Nalulugod siya ng gayon na lamang. Lalo at lalong nagkakaroon ng kahulugan sa puso ni Eduardo ang gayon. Tagumpay ... Tagumpay nga ang lahat sa kanya! Halos lihim na napalundag ang kanyang puso sa galak.

Kay buting palad nga naman!

May maningning na pagasa at ginintuang pangarap ang ating binata!

Sa harap ni Leoning ay isang kinatawan ang pumuri, isang mataas na tao.

Datapuwa't pagkalipas ng ilang saglit ay dinukot ng kinatawan sa kanyang bulsa ang taglay na orasan at nang makitang ikaanim na pala at kalahati ng hapon ay nagtindig siya at sinabing:

--Magpapaalam na po ako sa inyo. Saka na muli akong dadalaw rito pagka't hindi ko na mahihintay ngayon si G. Alejandro, may mga pagkakataon akong dadaluhan.

--At hindi na po kayo maghihintay?

--Hindi na, paalam sa inyo G. De la Rosa—at ito ay kinamayan.

--Adios po.

At kinamayan din ang binibini at pagkakuwa'y nagpaalam din kay aling Rita, na, noon ay nasa labas.

At, tuloy tuloy nang nagpaalam ang ating kinatawan.