Sa tapat ng isa sa mga restaurant sa daang Juan Luna, sa pook ng Tundo, ay nagsilunsad mula sa isang auto ang tatlong binata at doo'y nagsitungga ng serbesa. Sila ay sina Jose, Pako at Eduardo.
Sa harap ng isang mesa ay maligaya silang nagsisipagusap:
--Pako, bakit mo nakilala ang dalagang yaon?
--Kilala ko siya, nguni't hindi ko lamang kabatian. Hindi ko pati nalalaman kung ano ang kanyang pangalan.
--Kailan mo pa siya nakita?
--Hindi na marahil ngayon kukulangin sa isang buwan.
--Eduardo—ang sabad naman ni Jose—tila may ibig sabihin ang mga pagkikita ninyong yaon. Hindi ba?
--Iyan ang dalagang sinabi ko sa iyo kaninang tayo ay magkausap sa tabi ng dagat.
--Ah! iyan ba?--at kinamayan ang kausap ng boong galak—Sadyang may suerte ka kaibigan.
--Ah, Eduardo—ang sambot naman ni Pako—sadyang ang ganda lamang ng dalagang yaon ay sukat na. Buhat pa ng unang makita ko siya dito sa Maynila ay lubos na akong humanga sa kanyang pagkamabining kumilos. Talagang may suerte ka nga naman kaibigan.
--Nguni't ako'y walang malay na siya ay naririto.
--Kung nalaman ko ba lamang agad—ang—tugon ni Pako—naibalita ko agad sa iyo.
--Sana nga; sayang na sayang.
--Bakit naman siya naparito sa Maynila?
--Iyan nga ang di ko maalaman.
--Pako, hindi mo ba alam kung saan nakatira?
--Ang matandang may-ari ng kanyang kinatitirahan ay kilala sa tawag na Don Alejandro. Siya ay isang mayamang sa Tundo.
--At, sa akala mo kaya ay talagang mariwasa?
--Sa palagay ko, sukat na ang sa kanyang kilos ay makilala. Ang autong kihalululanan ng binibining ating nakita ay pagaari niya bukod pa sa ang matandang yaon ay madalas kong makitang kasama ng mga matataas na taong nabibilang sa mga lalong kilalang lipunan na kadalasan ay mga kilalang abogado at kinatawang bayan.
--Nguni't sa akala mo naman kaya ay di tayo kaabaan na makayapak sa kanilang tahanan?
--Nasa iyo iyan kaibigan.
--Kabatian ko ang binibini, isa pa ay tunay ko siyang kababayan. Marahil ay hindi naman tayo mahihiya.
--Kung gayon ay may pagasa tayong makapanhik; nguni't aywan ko lamang ... hindi ko pa rin lubhang natataho ang kaugalian ng matanda.
--Kung gayon ay anong mabuting paraan upang sila ay ating makatagpo ngayon?
--Tumungo tayo sa amin—ang anyaya ni Pako sa dalawa.
At makatapos makapagbayad ay nagtindigan na sila at nagsisakay na pamuli sa auto.
Sumapit sila sa tahanan nina Pako, sa may Liwasang Moriones, Tundo. At, palad! gayon na lamang ang pagkagalak ni Eduardo pagka't ang tahanang yaon ay katapat ng tahanang kinatitirahan ng kanyang irog: ni Leoning.
--Pako, at tapat pala nitong inyo ang kanila?
--Oo, malasin mo ang ganda ng pagkakaayos ng tahanang iyan.
--Oo, nga kay ganda!
At bagama't hindi pa napapanhik ni Eduardo ang kinatitirahang yaon ni Leoning ay gayon na lamang ang kanyang paghanga sa pagkakaayos.
Palibhasa'y ang mga bintana ay nakabukas na lahat kaya't ang ganda ng pagkakaayos ng ilang bahagi ng loob ay di naging kaila sa paningin ng ating binata.
At, dumating na ang ikawalo ng gabi. Di pa nagsisidating ang hinihintay nina Eduardo: ang paguwi nila Leoning. Inip na inip na si Eduardo. Sa mga gayong oras ay dapat nang magsiuwi sila sana, sapagka't matagal nang tapos ang tugtugan sa Luneta. Lahat ng mga taong nabuhat doon ay paraparang nasa kanila ng pamamahay.
Nguni't walang ano ano'y sa darating ang isang auto. Anong galak ni Eduardo! Halos mapalundag sa tuwa pagka't sila ay magkakatagpo.
--Halina at salubugin natin sina Leoning.
At, sila ay sabaysabay na nagsipanaog dahilan sa pagasang sa pagibis ng sakay ay aanyayahan sila ni Leoning, na pumanhik muna, sa kanilang tahanan. Hindi maaaring sila ay mapahiya sapagka't si Eduardo ay kilala ni Leoning at bukod pa sa rito'y kilala rin siya ni aling Rita.
Datapwa't kay laking kasamaang palad! Nabigo ang kanilang pagasa. Bakit? Ang autong tumigil ay walang sakay kundi ang Tsuper. Saan naroon sina Leoning, ang ali at ang matandang lalaki na kasama nito kanina sa pagliliwaliw sa Luneta, na pinagkatagpuan nila ni Leoning, na daglian?
Kay samang pagkakataon!
Isang pagkabigo na naman ang naging palad ng ating binata.