Hiwaga ng Pagibig · Balbino B. Nanong

Chapter 3: Kabanata 3

Bulaklak na uhaw sa patak ng hamog sa kaumagahan at anyung nalalanta; kampupot na ang kabanguhan ay humahalimuyak nguni't ang kasariwaan ay waring naluluoy na,--katulad ng isang talang untiunting tinatakasan ng liwanag,--ganyan, ganyan ngayon ang kaparis ni Leoning.

Ang kanyang puso ay waring may subyang. Nangungulilang lubos sa mga kaaliwan sa buhay. Sa kanyang pagiisa ay madalas na pumapatak na lamang ang masasaklap na butil ng luha—luhang tila perlas na dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Kay pait ng mga sandaling mangulila sa kasuyuan!

Apat na liham na ang kanyang ipinadala kay Eduardo, nguni't kahit isang kasagutan ay di siya nagtatamo man lamang. Nasaan nga naman ang dating paglingap ng ating binata? Bakit parang kasing bilis ng kidlat na naglaho? Nasaan ang kanyang dating paglingap kay Leoning? Nilimot na kaya niyang lahat?

Datidati nga naman agad siyang sinasagot ni Eduardo. Datapuwa't ngayon? Oh! parang ulap ang pagasang siya'y makatanggap ng sulat mula kay Eduardo. Bakit sa apat niyang liham ay wala siyang natatamong kahit isang sagot? Kahabaghabag na Leoning!

Si Leoning ay napapaluha na lamang halos sa bawa't sandali. Ang kanyang puso'y lihim na tumatangis. Si Eduardo nga nama'y kay daling lumimot!

At, ngayon ay boo na sa kalooban ni Leoning na sadyang siya ay nilimot ni Eduardo. Aling puso nga namang tulad ni Leoning ang hindi tumangis? Aling kaluluwa ang hindi dalawin ng lungkot kung gayong maulila sa kanyang kasuyuan?

Aling bagay pa kaya ang kalungkotlungkot gunitain sa isang damdamin paris ng maulila sa pagiibigan? May masakit pa kaya sa isang pusong may malinis na pagibig paris ng limutin ng kasintahan? May puso kayang makapagtitiis na hindi lumuha dahil sa paglimot ng isang sinanglaan ng wagas na pagibig? Aling puso ng babai na may malinis na pagibig ang hindi maghimutok sa paglimot ng isang irog?

Eduardo, diyata't ang sumpa mo'y napatulad na lamang sa asong matapos tangayin ng hangi'y napauwi sa wala? Napatulad na lamang kaya sa paglubog ng araw sa pagdadapit hapon na hindi na muling sisikat? Ay! alalahanin mo ang aking palad! Sa aba ko! Diyata't papagtitiisin mo ng hirap ang isang pusong umiibig ng tapat? Oo, hindi kumukupas sa puso ko ang banal kong pangako: iniibig kita, iniibig kita! Nguni't, oh palad!

Naghihimutok ang kanyang damdamin sapagka't buo na ang kanyang pananalig na siya ay nilimot ng kanyang irog, ng kanyang minamahal ng higit sa buhay: si Eduardo.

Sadyang si Leoning ay isang dalagang uliran sa pagibig. Minsan lamang kung sumumpa sapagka't siya ay may dangal at may puri. Ngayon ay nadadama niya ang hirap ng isang umiibig na nalalayo sa piling ng kanyang kasintahan.

Sa tabi ng bintana ay madalas mapatigil ang kanyang pagbuburda na malayo ang titig at waring may malalim na iniisip.


Noo'y isang masayang umaga.

Walang anoano'y isang autong "Buick" ang huminto sa tapat ng kanilang bahay. Ang autong ito ay galing sa Maynila. Sino ang lalaking sakay? Ang kasintahan kaya ni Leoning? Si Eduardo kaya? Kaya't matamang pinagmasdan ni Leoning ang sakay samantalang umiibis sa sasakyan.

Nguni't ang hinalang yaon ni Leoning ay nabigo. Yao'y isang lalaking matanda na: ang kapatid ng ali ni Leoning, si mang Alejandro.

--Tuloy po kayo—ang pagdaka ay nawika ni Leoning—Bah! si mang Andoy—at tuloy tinawag ni Leoning si aling Rita, na, noo'y na sa silid ng tahanan at nagaayosayos ng ilang mga damit na tahiin.

--Aba, si Andoy—ang boong galak na nawika ni aling Rita—ano kumusta ang dalawang bata na ipinadala ko sa iyo? Kumusta sila roon?

--Mabuti naman sa awa ng Diyos—ang sagot ng kausap—pinapagaaral ko sila sa "Tondo Primary School" na siyang pinakamalapit na eskuelahan sa bahay.

--Di mabuti kung gayon.

--Rita, kaya ako naparito ngayon, ay, upang sabihin ko sa iyo kung maaari ay ikaw na sana ang aking maging taong bahay sapagka't lubhang napakahirap sa akin ang walang kasama dahil sa ako'y nagyayaot-dito sa mga kalapit na lalawigan. Napakahirap ang magnegocio! At, upang ikaw na tuloy ang mamahala sa dalawang bata.

--At pasa sa Maynila ako? Di kung gayon ay ipagsasama ko na pati ang batang ito—sabay turo kay Leoning—pagka't wala iyang kasama rito.

--Mangyari pa.

--Nguni't anong magagawa niyan doon Alejandro, ay sa narito ang kanyang pinagkakakitaan: ang manahi at magburda ng damit.

--Ah, at marunong ba siya?

--Oh! tingnan mo ang kanyang mga gawa—at ipinakita noon ang niyayaring burda ni Leoning.

--Sa Maynila ay malaking higit sa rito ang makikita ng batang iyan. Oo, ipagsama na natin, ¿bakit hindi mo agad ibinalita sa akin, di sana'y nakasahod na iyan ng malakilaki? Oo, ako ang bahala, ipapasok ko agad siya sa pagawaan riyan sa Maynila.

--Kung gayon ang lahat ay maaari.

Anong galak ang tinamo ni Leonora! Oh Maynila! Gayon na lamang ang pagkatuwa niya dahilan sa sasapiting walang pagsala ang pook ng aliw ... ang Maynila! Sasapiting walang pagsala ang laging napapangarap—ang kinalalagyan ng kanyang irog: ni Eduardo.

Anong ligaya nga naman ng gayon sa puso ni Leoning! Nananariwang tulad ng sampagitang humahalimuyak ang naging malulungkutin niyang kalooban pagka't makikita niyang walang pagsala si Eduardo.

Ang lahat ay wala ng pagkaurong. Ang mga daladalahan nina Leoning at aling Rita ay handa ng lahat. Ang lahat ay ayos na.

Kay palad na pusong magkakaisang bayan at di na paris ng dating ang kanilang pagkakalayo ay napapagitanan ng malalawak na kaparangan, matatarik na bundok at mahahabang tanawin!