Ang una ay hindi lubos na paniwalaan ni Eduardo ang mga balitang kumakalat sa mga lalong matataas na lipunan sa Maynila, ang nauukol sa lalong madaling panahon na pagiisang palad ni Leonora at ni Daniel Perez.
Datapwa't nang mga sandaling yaon na kanyang pinanununghayan ang hawak na pahayagan ay siyang pagkapako ng kanyang paningin sa ikatlong dahon, na, nabasa niya ang maliwanag na titik ng mga ganitong sumusunod:
"PAGIISAHING PUSO"
Hindi na malulwatan at gaganapin sa malaking simbahang S ... dito sa Maynila ang pagiisang dibdib ng dalawang mapalad na malaon ng nanabik at nangangarap sa kandungan ng pagibig. Ang pagiisahing palad nilang ito ay malaon nang binabalak nguni't ngayon lamang sa mga hinaharap na araw isasagawa. Ang dalaga ay lubhang kilala ng marami dito sa siudad at siya ay nanirahan sa masayang bayan ng Tundo, na tumutugon sa pangalang Leonora Flores at ang makakaisang palad niya'y isang kilalang mangangalakal at mayamang taga Iloilo.
Sa dalawang pusong papasok sa panibagong baytang ng kabuhayan ay ngayon pa'y ipinaabot namin sa pamamagitan ng malaganap na pahayagang ito ang aming mataos na bati at hangad namin ang kanilang maligayang pagsasalo sa kaligayahan hanggang magpakailanman.--ANG MGA KAIBIGAN.
--Diyata at totoo nga? Kay saklapsaklap na kapalaran!
At, ang binata ay waring nawalan ng diwa, hindi niya akalain na mababasa niya ang gayong balita. Kay sungit na palad nga naman ng kanya ngayon!
Diyata at wala na nga ang lahat? Totoo nga pala ang mga balitang yaong kanyang nangarinig. Makikipagisang puso si Leonora.
Kay pait na dilidilihin ng mga balitang ito!
Kay saklap nga naman, wala na, wala na siyang pagasa, sadyang natapos na ang lahat. Wala, wala na, nauwi na lamang sa pangarap ang kanyang maligayang kahapon. Oo, ang lahat ay parang maitim na lamang na ulap para sa kanyang palad. Naglaho na ang kanyang langit, naglaho na si Leoning at nilimot ang sumpa.
Naglahong lahat!
Oo, naglaho ng lahat, at wala ng kapagapagasang pamuli pang manumbalik ang kanilang masayang kahapon. Wala na, oo wala na at natulad na lamang sa araw na nilamon ng ulap. Ang kanyang pagasa ay naglaho rin, kinain ng laho, sinakmal ng dilim.
Ay! Eduardo!
Tapos ng lahat ang kaligayahan ng iyong puso. Wala na si Leoning at hinding hindi mo na makakaulayaw. Ang mga ngiti niya, ang kanyang mga titig, ang kanyang mga sulyap na dating iniuukol sa iyo, ay kinain nang lahat ng laho, sinakmal ng ulap at tinangay ng hangin sa alapaap.
Ay!
Walang palad na binata! Di akalaing si Leoning ay lilimot. Walang malay, walang malay na binatang ngayon ay sinisiklot ng bagabag, at nagpupuyos ang damdamin sa mga dalamhati.
Kaawaawang binata!
Samantalang sa kabilang dako si Leoning ay mapapasa ibang kandungan na siyang lahat ang naging dahilan ng kanyang mga paghihirap. Si Leoning ay mapapasapalad ng isang mangangalakal na mariwasa. Hindi niya naging palad si Leoning, oh! Eduardong walang palad!
Nilimot nga naman siya ng hindi niya namamalayan. Hindi niya sukat akalain ang magkagayon. Ngayon ay waring madilim na lahat at sinasakmal ng ulap ang kanyang magandang pagasang pinapangarap.
Wala na si Leoning, na siyang pinagkukunan niya ng dating sigla sa buhay. Wala na ang kanyang irog na siyang dating laging nagaalaala sa kanya, na, pagaaalaalang yaon ay siyang nagiging daan ng kanyang pagsisikap sa lalong mga dakilang bagay na gawain.
Oh! wala na nga siya, wala na!
Parang pangarap lamang ang lahat. Oo, pangarap, pangarap lamang ang maligayang kahapong kanyang ipinagduyan sa kandungan ni Leoning. Pangarap lamang na hindi na pamuling mangyayari pa. Wala na, at wala na siyang tanging pagasa kundi limutin ang lahat. Oo, limutin na lamang at siyang tanging magiging lunas ng kanyang pusong sawing palad.
Datapwa't anong hirap gawin ng lumimot! Lalo at lalo ba waring sa puso niya ay nagsisidhi ang maalab na nasa na hwag limutin ang kanilang kahapon ni Leoning na di makatkat sa kanyang puso at alaala.
Makailan nang tangkain ng ating binata ang gawang lumimot datapwa't lalo at lalong sa damdamin niya ay hindi malimutan. Hindi malimutan ang lahat, bagkus nananariwa sa kanyang puso na ang mga nakalipas ay gunitain.
Bagkus lalong naaalaala niya at sa kaibuturan ng kanyang puso ay tila nakatitik ng ginto ang ngalang Leoning na hindi niya malimutlimutan.
Datapwa't wala ring mangyayari, hanggang sa limutin nga lamang, ang sa wakas ay mabuting magawang paraan. Oo, limutin na lamang sapagka't hindi na niya maaaring ibigin si Leoning, dahilang ang kanyang pakikipagisang puso ay di na malalaon at isasagawa na. Ilang saglit na lamang.
Ngayon ay hindi na mangyayaring maidaing pa niya ang kanyang tinataglay na kahirapan sapagka't hindi niya maaaring si Leoning, sa harap ng magiging kabiyak ng puso, ay kanyang tawagan upang ang mga tiisin niya ay damayan.
Oo, ang lahat ay hindi maaari. Kung si Leoning ay nasa ilalim na ng kandungan ng bagong irog ay ni sino man dito sa sanglupalop ay walang makaaagaw sa kanya.
Hindi na mangyayaring si Leoning ay makipagngitian sa ibang binata, mga pangiting may ibig sabihin. Hindi na siya maaaring kaulayawin ng sino pa mang bagong tao sapagka't iyan ang walang salang pagmumulan ng malaking sigalot ng dalawang puso: Ni Leoning at ng kanyang kabiyak ng dibdib.
Sadyang dumating na ang tadhanang wala nang maaasahang ano pa mang pagdamay ng ukol sa suliranin ng puso ang isang Eduardong dumaraing ng hirap ng damdamin.
Paglimot ang tanging lunas ng isang damdaming pinagpupuyusan ng hinanakit. Limutin ng isang pusong sinawi ng kapalaran sa pagibig ang kanyang kinamtang palad.
Iyan nga lamang ang mabisang lunas: limutin niya ang lahat.
Kaya sa pagiisa ni Eduardo ay walang nagawa kundi ang pahayagang kanyang kinabasahan ng ukol sa pagiisang dibdib ni Leoning at ni Daniel ay tila halos kuyumusin.
Subali't parang niwalang ano man na lamang niya. Ang hawak na pahayagan ay ipinatong sa ibabaw ng kanyang mesa at sa masidhing paghihimutok ng kanyang damdamin ay napasubasob na lamang ang kanyang mukhang mistulang larawan ng pighati.
Wala na siyang pagasa! Kay saklap na kapalaran!
Ang kanyang pagasa ay natulad na lamang sa layak na tinangay ng hanging inilipad sa alapaap na di niya maalaman kung saan hahantong.
Natulad siya sa isang liriong nalanta sa pagmamaramot ng patak ng hamog ng gabi, tulad ng batisang natuyo't sukat, tulad ng talang maningning nguni't hindi kumikislap.
Walang sa sarili ay nasasabi maminsanminsan, kundi:
--¡Ay! Leoning, nang dahil sa sumpa mong nilimot!...
At, dahil sa sumpang nilimot ni Leoning ay naglahong lahat ang pagasa niya at lugod sa buhay. Sinakmal ng papawirin na di malaman kung saang bahagi ng kapuluan hahantong.
Waring isang libingang mapanglaw, isang libingang sawi at ni bulaklak man lamang ay di tumubo't manariwa dahil sa tigang na lupang sadlakan ng mga sawi: iyan si Eduardo. Kay saklap ng gunitain!
Iyan ang naging palad ng ating binata...!
Magtiis ng hirap, magbata ng mga dalamhati. Kaya sa pagkasubasob ng mukha niya sa mesang sulatan ay sarisaring gunita ang nagsasalinbayan sa kanyang guniguni; mga gunitang parang pawang kasawian ng kanyang palad dahil sa sumpang nilimot.
Kulang palad na binata!
At, makalipas ang ilang sandali na hindi niya hinihintay ay may kumatog sa kanyang pintuan ng silid at sinabing:
--Sulat po.
Kaya, pagkaalam niyang may sulat para sa kanya ay dagling tumindig at inabot sa may dala. Kaninong liham kaya iyon? Kay Leoning kaya? Sinulatan pa kaya siya ni Leoning gayong hindi na siya ang magiging kaisangpuso?
At kanyang binuksan.
--Kay Leoning buhat—ang kanyang nawika.
Kaya ang liham na iyon ay binasa na ganito ang mga natititik:
Eduardo:
Dumating ang mga sandaling tila isang pagkukulang ko sa iyo kundi ibalita ang nauukol sa ating naging palad.
_Kay lungkot gunitain! Sa puso ko ay walang namamahay ngayon kundi ang mga pighati. Hindi ko man nababatid ang kalagayan mo sa ngayon ay waring napapangarap kong gayon din. Paris din ng puso kong hindi na nakakakita ng liwayway ng kaligayahan. Oo, waring napakapait ang lahat ngayon para sa ating damdamin_.
_Eduardo, natapos nga sa atin ang lahat, na, nang mga unang sandali ay di ko man lamang napangarap ang ganito. Natapos sa atin ang lahat at marahil ay magpakailan man ay di na mangyayaring magbalik pa ang ating maligayang kahapon. Hindi ko na dapat pang dito ay ilahad ang lahat_.
_At, dahil sa ating pagiibigan at pinagsumpaanan ay sinisisi ko ang aking sarili; nagkasala ako at ang pagkakasala kong yaon ay inihihingi ko sa iyo ng patawad. Nguni't ang paghingi ko sa iyo ng patawad ay hwag mong hinalaing ako ay kaya humihingi ay dahil sa pagkakasala ko sa iyo dahil sa sumpang nilimot. Hindi, hindi Eduardo, sa puso ko ay di ka nalilimot, laging sariwa sa kaibuturan ng aking puso ang ngalan mo. Nguni't ako ay kulangpalad at sa kandungan mo ay di doon makapagpasasa ng kaligayahan ng puso gayon ang aking buhay na kagaya nang napapangarap ko noong una_.
Ay! Eduardo, sa aba ko ay talagang hindi mo nga ako palad at ikaw naman sa akin ay gayon din. Hindi kita naging palad na gaya ng aking pagasa.
_Ang mga ganitong bagay ay hwag mo ng hihintin ko pang isalaysay sa iyo. Anopa't ikaw na ang bahalang magtanong sa sarili mong gunita kung ano ang kahulugan ng sinabi ko: hindi kita palad at ako naman sa iyo ay gayon din._
_Nalalaman mo Eduardo, na, ni kahit saglit ay hindi na kita maaaring magkausap pa. Kaya ginawi ko na lamang ang ganitong kita'y lihaman, na, ang pagliham ko pang ito ay parang isang napakabuting pagkakataon lamang at nanakaw ko sa maramot na si Panahon. Oo, kung mangyayari lamang kitang magkausap ay mababatid mo ang boong linaw na sanhi ng ipinagkaganito ko. Oo, hindi ako lumilimot sa ating sumpa, mahal ka sa akin, mahal ka sa puso. Hindi na nga lamang kita maaring magkausap pa disin sana ay maipahiwatig ko sa iyo ang lahat: ang aking kalagayan ay tila ba napakaselan at laging may nakabantay sa akin; parang bilanggo na di makakatakas sa kulungan. Mahigpit na mahigpit sa akin ang mang Alejandro, oh! na kung malalaman mo lamang Eduardo, siya ang dapat hampulan ng sisi ng lahat kong ipinagkaganito sa iyo._
_Eduardo, kung nalalaman mo lamang ang kalagayan ko, marahil ay mapapahabag ka rin sa iyong dating kasuyuan ngayong abangaba at may sugat ang puso. Oo, Eduardo, kung nasa piling lamang kita! nguni't wala na nga lamang pagkakaari pa ang lahat. Huli na ang lahat. Oo, huli na Eduardo...._
_At marahil sa pagtanggap mo nitong liham at pagkatapos mong mabasa ay ilang oras na lamang ang darating at oh! Eduardo, hindi na, ako si Leoning, hindi na, na dating malaya, hindi na, mangyayaring tawagin pang ako ay dalaga: May asawa na at na sa ibang kandungan na siya kong susundin. Kay pait ng lahat_.
Oo, Eduardo kay saklap ng lahat nang ito para sa akin!
At, wala na nga, hindi na ako dalaga, kundi isang babaing may kabyak na ng puso at hindi na sarili.
¡Ay! Eduardo, natapos sa atin ang lahat, nguni't alamin mong hindi kita nililimot. Wala nga lamang palad kita. Hindi kita naging akin na gaya ng pagasa ko at ako naman ay di naging iyo.
Natapos na nga sa ating dalawa ang lahat nguni't ipinaaabot ko rin sa iyong hindi ako ang kusang lumimot. Talaga lamang ng panahong hindi kita ang mapalad na magkakasama hanggang sa libingan.
_At, gayon di hwag mo na sanang kasisihin ang aba kong palad at alalahanin mong mahal ka sa puso ko. Datapwa't ano naman kaya ang ipalalagay mo sa akin? Baka kaya may hinanakit pa rin ikaw Eduardo? oh! hwag sana...._
At, ngayon, marahil ay buongbuo ang pagasa at pananalig mo na ang simula ng iyong paghihinanakit na iyan ay dahil sa sumpa kong nilimot. Hindi ba?
Dahil sa sumpa mong nilimot!
_Oh! ang ganyang pangungusap ay maanong hwag mo nang masasambit! Sa ngayon man ay kinakaulayaw mo ang hinagpis ay hwag mo nang sambitin sana ang "dahil sa sumpa mong nilimot" kung kaya ka luksa ang puso_.
Alalahanin mo lamang na ako'y isang bulaklak na nasa kasariwaan nguni't mangungulutding sa isang matinik na tangkay....
Eduardo, sa hanggang dito na lamang at sa iyo ay paalam, malungkot ako sapagka't hindi kita palad at malungkot ka sapagka't ang hinala mo ay dahil sa sumpa kong nilimot.
Paalam,
LEONING.
At, matapos mabasa ni Eduardo ang liham ay halos mapaluha na lamang at sa puso ay waring walang ibang nagsisidhi kundi ang pighati. Ang kanyang mukha ay mistulang larawan ng lungkot, ang kanyang mga paningin ay binubukalan ng saganang luha, luha ng pananahimik sa kawalang-pagasa.
Hindi na nga kaya niya palad si Leoning!
Ilang mga sandali na lamang at ang kanyang Leoning ay haharap na sa dambana, na, magiging palad ni Daniel Perez, na siyang umagaw ng kanyang kapalaran.
Wala nang pagasang ano pa man: si Leoning ay hindi niya palad, hindi kanya.
Oh! pusong balot ng kasawian!
--Aay, palad!--ang nawika ni Eduardo sa kanyang pagiisa. Diyata at natapos na ang lahat!
Sa kanyang mga pangdinig ay waring nanunuot ang tunog ng batingaw ng simbahan: Oras na ng pagkakasal kay Leoning at kay Daniel.
Ang batingaw ay walang tigil ng pagtunog. Kahit na yata ang kanyang mga taynga ay takpan ng sapinsapin ay waring naririnig din niya ang tinig ng kampana.
--Kay saklap; Kinasal na si Leoning! Kinasal na ang nagi niyang irog.
At habang ang tunog ng batingaw ay kanyang naririnig ay halos ang kanyang boong katawan ay nababalot ng dalamhati, ang puso niya ay sinasasal ng malakas na pagtibok. Si Leoning ay hindi na kanya, kasal na.
Tiningala niya ang langit; nguni't ang pagdadapithapong yaon ay waring isang kimpal ng ulap. Para bang ang kanyang palad ay makikisama na sa pagtatakip-silim. Waring ang kanyang pagasa ay nagtutumuling lulubog sa matinding dagok ng kasawian.
Baka kaya ang susunod namang pagtugtog ng batingaw mamaya ay isang plegaria naman? Baka kaya ang isinunod naman doon ay ang malulungkot na tinig na nagpapahiwatig ng pagyao ng pusong sawi...?
Kaya't walang nasabi ang ating binata nang matapos na ang maligayang tunog ng batingaw na tanda ng pagkakasal ni Leoning at ni Daniel kundi isang salitang waring napakapait na kanyang binigkas:
¡Ay Leoning! dahil sa sumpa mong nilimot....
At walang waring nagugunita si Eduardo kundi ang malulungkot na kapalaran ng kanyang palad. Waring isang libingang sakdal saklap ang kumuwakaway sa kanyang palad!
Oh! kay saklap na dilidilihin ng lahat.
Kay pakla at ngayon ay si Leoning ay kasal na, samantalang sa kabilang dako ay naiwanan si Eduardong nangungulila at walang naging palad kundi ang makaulayaw ay mga madlang dalamhati ng puso, ang kanyang pusong waring isang libingan na lamang ang siyang tanging pagasa at hahantungan.