Hiwaga ng Pagibig · Balbino B. Nanong

Chapter 14: Kabanata 14

Kasalukuyan noong idinaraos ang masiglang sayawan sa maaliwalas na auditorium ng karnabal sa Maynila.

Sa sayawang yaon ay waring walang mababakas na ano mang kalungkutan sa bawa't mga naroroong mga nagsisipagsayaw. Waring ang mga puso ay naghehele sa katamisan ng kaligayahan sa kandungan yaong naging isang langitlangitan dito sa lupa na puno ng maraming mga bituing nagkislapkislap.

Ano pa't ang auditurium na yaon ay ganap na pugad ng tuwa at kaligayahan ng puso. Isang pugad na pinaghaharian ng tuwang walang kahulilip. Ang lahat ay ngumingiti at mayroon pang maririnig na malakas na halakhakan.

Datapwa't sa kabilang dako noon ay may isang puso ring bagama't gayong nasa kandungan ng katuwaan at kaluwalhatian ay paminsanminsan ding dinadalaw ng himutok. Sino kaya siya? Bakit sa harap ng halakhakang yaon ay hindi siya makipagngitian?

Kaya sa ganyang anyu ng binata ay may isang kaibigang lumapit sa kanya at sinabing:

--Eduardo, waring ang loob mo ngayon ay nagiging matamlay? Bakit, bakit ang mga sandaling paris nito ay iyong pinararaang tila ba walang kabuluhan?

--Pako, hwag mong pagaalahanin ang ganito para sa akin. Walang anoman Pako.

--Hindi ka sana dapat magkaganyan, halika at magsayaw ka.

--Hwag na, salamat, ikaw na lamang.

--Hindi, hindi Eduardo, halika—at binatak sa kamay ang kausap.

--Pako, sukat na huwag na....

Hindi nakatanggi ang ating binata at sumama rin. Masama nga namang malasin ang sila ay magbatakan pa sa karamihang yaon ng mga tao. Sukat na ang isa ay umayon.

--Pako, wala pati akong pareha.

--Eduardo hindi ka maaaring mawalan, halika na—na tuloy hila pa rin ang kamay ni Eduardo ni Pako.

At makalipas ang isang saglit ay siyang paglapit nila sa harap ng isang binibini na sa isang tanging luklukan at pagkaharap nila sa dinatnan ay sinabi ni Pakong:

--Ikinararangal kong ipakilala si G. de la Rosa.

--Fely Ester po.

--Eduardo dela Rosa po naman.

--Maraming salamat po.

--Gayon din po naman.

--Fely—ang wika ni Pako samahan mo nga silang magsayaw.

At ang dalaga ay walang naitugon kundi isang matamis na ngiti lamang na nagpapahayag ng pagayon.

Kaya sa tugtog ng isang malambing na "Waltz" ay sinaliwan nilang boong ayos. Waring sa mga bisig ni Eduardo ay naghehele sa katamisan ng pagindak si Fely, datapwa't gaano nga naman sanang lugod kung ang makakasayaw ni Eduardo ay ang dati niyang irog?

Para kay Eduardo ay naliligayahan man siya nang mga sandaling yaon ay isang kaligayahang pangkaraniwan lamang at di paris sana kung kasayaw ang dating kasuyuan, si Leoning, nalubos sana ang kagalakan ng kanyang puso.

Datapwa't hindi hinihintay ni Eduardo na sa pagsasayaw nilang yaon, ang binibini pa ang nangunang mangusap at sinabi sa kasayaw na:

--Kayo na po lamang ang magpaumanhin at ako ay hindi gasinong sanay.

At, ang gayong pangungusap ni Fely ay waring nagkaroon ng kahulugan para sa binata. Hindi niya akalaing si Fely ay magsasalita ng gayon. Alam niyang ang dalaga ay sadyang sanay at mabuti na lamang at sila ay kapuwa bihasa. Ang pagindak nila ay ayos na ayos at talagang mahusay.

Kaya ang gayong pangungusap ni Fely ay wari ba yatang isang pagkutya lamang sa binata. Datapwa't hindi, ang dalaga ay ibig lamang may mapagusapan.

Kapawa sila mabuti at nagkakaayos sa pagsayaw.

At, sa paghihinalang yaon ni Eduardo ang pananalita lamang na yaon ni Fely Ester ay isang paraan lamang na sila ay may mabuksang usapan ay kanya namang sinagot ng ganito:

Kaya Bbg. Ester, kayo nga po ang magpapaumanhin sa akin dahil sa di ko kasanayang paris ninyo.

--Hindi po sa gayon, talaga pong sanay kayo.

--Hindi nga po lamang tulad ninyo.

--Katotohanan po ang sinasabi ko sa inyo, mabuti kayo.

--Bbg. Ester huwag na naman kayong kapalibhasa sa isa ninyong bagong kakilala.

--Hindi po isang pagpalibhasa ang gayon.

--Kung gayon po ay maraming salamat sa inyo.

--Wala po naman kayong dapat na alalahanin.

--At maiba ko po naman ang ating usapan—ang patuloy ni Fely—hindi po ba kayo ang G. de la Rosang nagtagumpay sa nakaraang oratorical contest ng Philippine Law School noong araw na gininap sa Grand Opera House?

--Kung may ipaguutos po.

--Samakatuwid nga pala ay di nagkamali ang aking hinala.

--Nang sa ano pong bagay?

--Na kayo nga ang G. de la Rosang mapagwagi at mapagtagumpay.

--Tila po naman lampas ang inyong papuri Bbg. Ester.

--Hindi po ikinararangal ko nga at ang kaibigan kong Pako ay nagkaroon ng isang matalik na kasamang matalino. Na, inyo pong alam na G. de la Rosa.

--Na sino po siya—ang tila pakunwari ni Eduardo.

--Alam na po ninyo.

--Hindi ko po siya kilala.

--Kilala po ninyo.

--Hindi kaya ninyo maaring pakisabihin lamang ang ngalan sapagka't nais ko lamang siyang makilala at kung sakali at mangailangan siya ng tulong at aking makakaya ay nalalaan naman akong abang lingkod.

--Siya po ay isang binata.

--Nguni't hindi ko po siya kilala; inyo nga pong turan na.

--Isa po siyang nagaaral at malapit ng magtapos sa pagkamanananggol.

--Bbg. Ester, tila po may ibig sabihin ang lahat ng pangungusap ninyo ah!

--Wala po at siyang katotohanan.

--Katotohanan daw? hindi po yata. Na sino kaya siya?

--Wala pong iba kundi si....

--Sino po?

--Si G. de la Rosa.

--At si G. Dela Rosa po pala? Kay laking kahiwagaan ng ginawa ninyong pagtataka para sa akin.

--Hindi ninyo dapat ipagtaka.

--Kung gayon po ay maraming salamat at nagi niyang isang kahulihulihang kaibigan na, gayon na lamang ang pagkagalak ko.

--Bakit po at lubos ang inyong pasasalamat?

--Sapagka't kundi sa kanya ay di ko kayo makakakilala.

--Oh! kayo naman.

--Siya nga po.

Datapwa't ang kanilang paguusap ay nagambala sa dahilang isang bati sa binibini ang narinig ng dalawang magkasayaw. Sino yaon?

--Ester—ang kanilang narinig.

Datapwa't nang una ay hindi mahulaan ni Ester kung sino ang tumawag na iyon, hindi niya makilala dahil sa ang tinig ng pangungusap ay binago at pinakaliitliit na pakinggan. Kaya hindi makikilala ni Ester kung hindi makilala ang kilos ng tumawag.

At pamuling inulit ang tawag.--

--Ester, nakikilala mo na ba ako?--na waring nasulyapan ni Ester ang mukhang ngumiti ng tumawag.

--Ah, oo, kilala na kita.

--Leoning, Leonora.

Sa pagkarinig na gayon ni Eduardo sa ngalang Leonora ay kanyang nawikang sino kaya ang Leonorang yaon? sino ang Leonorang iyon, baka kaya si Leoning ah?

At, mahirap nga naman ang pangyayaring yaon dahilan sa hindi sila magkakilala sa may mga takip ang kanilang mga mukha. Isang napakahiwaga ang gayon para kay Eduardo, baka nga kaya si Leoning?

Kaya't ang kanyang kalooban ay waring napakaba na lamang dahil sa pagsasalawahan ng loob. Hindi niya akalain ang gayon pagkakataon kung si Leoning nga iyon na kanyang irog na ngayon ay kausap ng kasayaw.

Hindi naman agad siya makaharap sa tumawag na yaon kay Ester sapagka't baka siya ay makilala ang ayos bagama't nakadespras din. Dangan nga lamang naman ay hindi pa rin niya mapaniwalaan pagka't ang tinig ng pangungusap ay iba at hindi tila boses ni Leoning. Nguni't aywan din natin. Maaaring sa mga gayong pagkakataon ng halakhakan ay magbalat-kayo ang lahat: pati tinig ay maaring magbalat-kayo.

Nguni't si Leoning nga kaya yaon?

Mabuti na lamang at si Eduardo noon ay may takip ang mukha nakadespras siya, kaya hindi na siya nagalinglangang humarap sa binibining tumawag sa kanyang kasayaw.

At palad si Leoning nga! Si Leoning na noon ay kasayaw ng kaagaw ni Eduardo: ni Daniel Perez.

At mabuti na lamang at hindi agad siya nakilala. Ang akala ni Leoning ay kung sinong kaibigan lamang iyon ni Fely Ester, kaya parang walang ano man sa kanya.

Datapwa't napatotohanan ni Eduardo na siya ay talagang hindi nagkakamali sapagka't tunay na pangangatawan yaon ni Leoning at saka ang takip sa mukha ni Leoning ay kaunti lamang at nakalitaw ang mga labing sinusungawan ng ngiti na ang ngiting yaon ay kilala agad ni Eduardo kahi't na yata na sa malayo.

Nguni't napamangha rin si Eduardo at nang upa lamang huwag mahalata ay nagiba ang kilos, sa pagsasayaw.

At huminto ang pagtugtug ng orkesta. At palad nagkataon naman sila noon ay nagkalapitlapit. Ano kaya ang mangyayari, baka sila magkalinlan kaya? Waring mangingilag ang ating binata dapwa't hindi niya magawa ang gayon, kaya nakiharap na nga naman.

At, oh! palad, di pa nga naglilipat saglit ay nangusap na si Fely Ester sa kaibigan niyang Leonora at sinabing:

--Leonora, ipinakikilala ko sa iyo si G. de la Rosa, ang batangbatang magiging manananggol na mapagwagi.

Halos mahimatay ba wari si Leoning. G. de la Rosa? oh! ang ngalang ito ay nakatitik ng ginto sa kaibuturan ng kanyang puso.

--Si Eduardo pala—ang naibulong sa sarili ni Leoning.

At nagkamayan ding mahigpit ang dalawang magkaagaw kay Leoning: si Eduardo at si Daniel Perez palibhasa'y ang gayon ay kaugalian na ng lahat.

Datapwa't ang ginawi ni Leoning upang hwag mahalata ng kanyang kaibigang Ester at saka ng bago niyang kasuyuan ay iniabot ang kanyang kamay sa binata at nagbigay-galang:

--Eduardo de la Rosa, ang aba ninyong lingkod na mapaguutusan ng kaya.

--Maraming salamat po—na waring ang pagsasabi ni Leoning ng ngalan ay ipinakahinahina ang boses.

Nguni't parang walang ano man yaon. Hindi namalayan ng dalawang hindi nakababatid ng lihim ng puso ni Leoning at ni Eduardo.

At pamuli na namang tumugtog: isang foxtrot naman. At salamat na lamang sa pagkakataong yaon. Ginawa ni Leoning ay ipinakilala naman kay Fely Ester ang kanyang dating kasayaw na si Daniel Perez.

Kaya sa pangyayaring yaon ay nagkapalit ng makakasayaw ang bawa't isa sa kanila: si Leoning ay makakasayaw ni Eduardo at si Ester naman ay makakasayaw ni Daniel Perez. Ano kaya ang kahulugan ng mga pangyayarin yaon...? Sadya kayang ipinakilala ni Leoning si Daniel Perez kay Ester upang kasayawin at makasayaw naman niya si Eduardo? Aywan natin. Ang pagkakataon nga naman!

At ngayon ay minsan pang nagkatagpo ang dalawang pusong waring nagkalayong maluwat.

Datapwa't ang lahat nga para kay Eduardo ay waring nagiiba. Ang kanyang kasayaw, ay waring ang mga mukha ay laging tungo sa kanya, tila nahihiya. Bakit?

At ang binibini, waring pipi at hindi sumasagot sa ilan nang mga tanong at pangungusap ng binata.

Kaya pamuling nangusap si Eduardo.

--Leoning, ang kahapon kaya natin ay ni minsan man ay di mo na magunita pa?

--Eduardo nalalaman ko ang lahat ng iyon—na sumagot na waring naghihirap ang damdamin ng binibini.

--Leoning, waring may hirap ang loob mo sa akin? Siya nga ba?

--Wala Eduardo—ang lalo pang tila paos na tinig na sagot.

--Bakit?

--Wala.

--Wala raw.

--Wala nga Eduardo.

--Leoning, nalalaman mo kaya ang kalagayan ng palad ko ngayon, na, dahil sa iyong paglimot sa sumpa ay walang oras, walang mga sandaling hindi sinisiklot ng bagabag at dusa ang aking puso?

--Eduardo, hindi ako lumilimot.

--Leoning diyata?

--Eduardo, hindi.....

--Leoning, tapatin mo sana ang puso ko.

--Eduardo, hindi nga kita nililimot, mahal ka sa puso ko—na waring ang damdamin ni Leoning ay pinagpupuyusan ng lungkot.

--Leoning, maliwanag ang pagiisip ko, hwag ka sanang magsinungaling.

--Eduardo, hanggang libingan, hindi magbabago ang dati kong pagmamahal sa iyo.

--Leoning, tapatin mo nga sana ako, kausap mo yaring puso.

--Laging tapat Eduardo, nguni nga lamang ...

--Leoning, ano ang kahulugan ng lahat mong pangungusap na iyan?

Datapwa't ang luha ni Leoning ay biglang natak sa kanyang mukhang tila garing. At sa gayon ay waring napaawa si Eduardo sa nakita niyang anyo ni Leoning.

Kaya pamuling nangusap si Eduardo.

--Leoning, bakit ano ang nangyari sa pagtingin mo sa akin sa ngayon; lason na ba ako sa puso mo.

--Eduardo hwag mong pahirapan ang aking puso, mahal kita sa lahat.

--Leoning, ano ang kahulugan ng lahat ng ito?

--Wala Eduardo, hindi nagbabago ako sa iyo, datapwa nga lamang ...--at di naituloy ang sasabihin.

--Na ano Leoning?

--- Eduardo, iniibig kita at tanging ikaw lamang datapwa't hindi yata kita palad.

At sa pangungusap na iyon ni Leoning na narinig ni Eduardo ng boong liwanag—hindi nga yata kita palad—ay waring naging subyang na mahapding tumarak sa kaibuturan ng kanyang puso.

Ano ang kahulugan ng mga pangungusap na iyon ni Leoning...?

--Hindi raw palad....

Ang ganito ay may ibig sabihin ang lahat. Wala halos naibigkag si Eduardo kundi:

--¡Ay! Leoning!

At iyan na lamang, iyan na lamang at pamuli na namang nagkahiwalay sila pagkatapos ng ilang saglit, natapos na ang tugtugan at sila ay natapos din ang pagkakabatiran ng lihim ng puso kapwa lumuluha.

At hindi na nagkausap si Eduardo't si Leoning dahilan sa ang dalaga ay waring naghihirap ang loob sa pagsagot at hihikbihikbi, na, mabuti na lamang at hanggang sa matapos ang sayaw na hindi nahalata ng mga ibang kasama.

Ano ang kahulugan ng gayon?

Kaya hanggang sa paguwi na lamang ng tahanan ni Eduardo ay waring nagbigay ng malaking isipin at suliranin ang mga pangungusap ng kanyang irog.

Bakit? Ano nga naman ang kahulugan ng pagluhang yaon ni Leoning na kinahabagan na tuloy ni Eduardo. Ayon sa napakinggang mga kataga ni Eduardo kay Leoning ay hindi nagbabago, hindi lumilimot at dati rin ang pagmamahal sa kanya ng binibini datapwa't ano ang kahulugan ng lahat ng iyon: Hindi lamang siya palad....

Lumuluha ang binibini dahilan sa isang Eduardo.

Lumuluha ang isang Eduardo dahil sa sumpang nilimot ni Leoning.

Mga pusong nagsisitangis.