Pagkaráan ng dalawáng áraw, ang isang malagánap na páhayagáng pilipino ay kinábasáhan ng mga ganitóng balità:
"MGA PUNONG MAKIKISIG
"Isang amerikanong nagngangálang John Stag na nabilanggô sa báyan ng Libis, ay nakatákas noóng gabí ng ika 7 ng kasalukúyan. Hanggá ngayon ay di pa naaaláman kung saan nagtatagò ang umalpás.
"Hindî lang itó ang nangyayári sa Libís. Ang báyang iyán ay isá pa mandin sa mga matitíbay na kutà at matalinghágang púgad ng Bisyo sa Pilipinas. Nagkakatusak doon ang nagkikisígang mga sabungán. Sa báwa't súlok, magíng áraw at magíng gabí, ay may mónte, túpada, hweteng at kung anóanó pang mga laróng báwal.
"Ang mainam nitó, ay kundî pa dumayo dóon ang mga sekrétang-Maynilà, ang mga iya'y di matututóp!
"At ang maginoong Presidente? at ang mga pulés?
"Nangaghihilíkan bang lahat."
Ang balítang tumutukoy sa pagtataanán ni Stag ay inámin ni Kápitang Memò; nguni't lubhâng malakí ang pagkapoót niyá sa tumutúkoy sa sugál at sábong. Ito'y kanyang tinutulang mahigpít kahimá't di nalilihis sa katotohánan; datapwa't tútol bibíg lamang naman, pagtutol na kung kayâ lang ganapin ay pag násasa haráp ng matitinong tao...
Talagáng gayón si Kápitang Memò.
Kaaway kunwâ ng bisyo, dapwa't siya ang nagpalagò sa kanyang bayan ng sugal at sabong—iyang mga laróng walang tumatangkilik kundi ang lahat ng mga tamad, ang lahát nang ibig mabuhay nang nakangangá, ang mga nanghihináyang na gamítin ang útak, magpatulò ng páwis at batákin ang butó, ang mga ulól at mga duwág na natatákot yumápak sa mga baitang ng hagdánang matarík na patúngo sa karangálan at katinuán ng táo sa pamumúhay...
Nguni't hindî ang mahálay na pagkagúmong sa mga hilig na iyang karápatdápat pakásumpâin, ang siyang tanging maibabalità ng mga páhayagan tungkól sa báyan ng Libis. Mayroón pang ibá na lalong mahalagá.
Kung suriìng mabúti ang pamunúan ni Kápitang Memò, ay mapagkikítang ang mga pangákò nitó sa bayan, mga pangákong sagana sa hángin at pulótpukyutan, ay untiuntíng nangaunsiyámì. Ang mga tungkúling mabibigát na ikinápit sa kanyá ng kautusán ay maíngat na iniwásan hanggáng maaárì. Kung alin yaong kanyang napagtutubúan ng walang págod, kung alin ang di nararápat gawín ay siyang pinag-ubusan ng kaya.
Sa maiksing sábi, ang pamahaláang umiral ay isáng pamahaláang kailán ma'y hindî nakasunód sa tunay na niloloób ng bayan, sa itinatadhanà ng mga utos-pamahaláang waláng nakapangyári kundi ang isáng Kápitang Memò.
Na ito'y di maaarì sapagka't may Konsého Munisipal? Kabulaánan!
Túnay ngâ na ang konsého, sa pagkakinatawán niya ng bayan, ay di nararápat bumálak ó umáyon sa alin mang bálak na salungát sa ikagiginháwa ng mga mámamayán; na ang mga konsehal ay kailángang magpakatalíno, mamuhúnan ng sipag at pagiingat sa paglikhâ ng mga kautusán; na sila'y dápat gumálang, sumunód at ipagmalasákit ang mga damdamin at náis ng báyang sa kanila'y naghalál. Tunay ang lahat ng iyán dapwa't sa kasaliwâang palad ay di siyáng nangyari. Sa loob ng konsého sa Libis ay dádaladalawá ang mga konsehal na natutong gumámit ng talíno, dádaladalawá ang nagkaloób na tumútol, at kailan ma'y di napatangáy sa mga lisya't walang wastông panukala ni Kápitang Memò. Datapwa't anó ang kaniláng magagawâ sa sila'y dádaladalawá? ¿Paánong magkakabisà ang matwíd niláng pagtútol sa haráp ng ánim na kalábang bingí sa sigáw ng Katwíran? Anim na konsehal na sunudsunúran saan man batákin ni Kápitang Memò; ánim na konsehal na tuwíng magpupúlong ay harì ng tamád sa pakikitunggalì sa mga bagay na tumutúkoy sa báyan; anim na konsehal na kung kaya lamang gumising nang gisíng na gisíng ay kung ang pag-uusápa'y ang pagpapahintúlot sa malayang pagsambá kay "San Sabong" at "San Sugal", nguni't pag ibá nang bagay na may kahirápang suriin, ay daig pa ang ipinatdâ ang mga dilà sa ngalangála!
Iyán ang mga táong may mga matá ay di makakita, may mga taynga ay di makadiníg. Kapag hiningán ng pasiyá sa isang panukálang binálak ó inayunan ni Kápitang Memò, siláng lahat ay pawang mga áyon; nguni't hindi silá sangáyon kapag nákitang iilíng-ilíng ang kanilang panginóon, ang kanilang Diyos! Maánong magisip-isip; maánong harapín at kilalanin ang Matwíd!... Oh, alíping asal na ulirán sa kahaláyan! Oh, mga táong walâng sariling damdámin! Salámat at ang mga konséhong gaya ng inyóng kinaaníban ay iilán-ilán lamang. At kung hindi, anóng talas na sandátang makakalaság ng mga káaway ng Pagsasarilíng pinakamimithî ng Báyan!
Malinaw ngang lumálabas na dahil sa pagkauring busábos ng konsého ay patúloy pa rin si Kápitang Memò sa kanyáng ugáling paghahariharian; na dahil din diya'y ang bawa't ibígin niyá, matwid ó baluktot, ay siyáng nangyári.
Dapwa't salámat at sa mabúting kapaláran ay di na ang lahat doo'y natutúlog, gaya ng panahóng nagdaan; hindi na ngayón ang lahát ay kampon nila "Talagá ng Diyos;" hindî na ngayón pawang pipi ang madlâ.
Sa bayang iyon ay mayroón nang naglitaw na ilang káwal ng Bágong Panahon. Si Gerardo ay isa sa kanila. Sa haráp nang gayong pagdáyà ng isáng pinunò sa kanyang mga nasasakóp, ay siya ang kaunáunáhang gumamit ng karapatan; sa kanya unang nádinig ang makapangyaríhang sigáw ng katwírang niyuyurákan. Si Gerardo ay di nagalinlángan munti man. Sa isang malaking papúlong ng kanyáng mga kapanálig ay maáyos na tinuligsâ ang kabulukán ng pamunúan. Bumanggit siyá ng mga nangyári, inihayág ang mga tiwalîng gawâ ni Kapitang Memò, ang mga palákad nito na pawàng salungát sa mga kautusán. Ipinakilala niya sa madlâ ang túnay na Kápitang Memò, isinalaysáy ang boóng kabuháyan nito, na pinagarálang maíngat ni Gerardo mulâ sa punò hanggáng dulo. Inalaráwan niyá ang pagkawalâng-káya, ang pagkatamád, ang pagkawalâng-malasákit sa pinamumunúan, ang pagka-di-dapat na mamunò, ang pagkamagnanákaw, ang pagkamámamátay—anó pa't sa minsáng sabi, ang boóng lihim at túnay na kataúhan ni Kápitang Memò, na, sapagka't natutong magbalat kayô, ay nangingibabaw ngayón sa kanilang lahát.
Upang mapatunáyan ang lahat ng ito, si Gerardo ay nagharáp sa papúlong na iyón ng maráming saksí. Natatangì sa mga itó ang isang babáeng may ápat na púng taón na maráhil. Dukhâng-dukhâ ang kanyang pananamit na bukód sa nanglilimahid na, ay punít punít pa. Sa haráp ng mga táong doo'y natitípon, ay isinalaysay ng babáeng ito ang napakalungkót niyáng kabuháyan.
"Bihirà sa inyó"--anyá--"ang di nakakakilála sa ákin. Dapwa't lahát kayó ay pawàng di nakababatid sa napakaabáng pálad na ikinapadpád ko sa ganitóng kalagáyan.
"Akó'y inaanák sa isáng malayong bayan—doón sa gitnâ ng lalawígang Tarlák. Ang áking mga magúlang ay mga táong payapa't mararangál.
"Mayayáman silá, dapwa't noong nangabubúhay, ay mga kaibigang tapát ng báyang maralitâ.
"Walâ pa akóng sampúng taón nang ako'y maulila sa iná. Palibhasa't nangamatáy ang lahat ng áking kapatíd, nagtamasá ako ng boong láyaw at kasaganáan sa piling ni amá.
"Hindî namán ako pángit noóng mga áraw na iyón, kayá't sabihin pa ba, hindì kakauntî ang mga binátang nagnasang maglingkód sa ákin.
"Dumatíng ang sandalî na ako'y natútong umíbig.
"Dapwa't ¡ay! Pagkatápos na áking maihandóg ang iisa kong pag-irog sa náhirang ni Bathalang panginoónin niyaring pusò, pagkatápos na áking maasámasám ang ligáyang pílit kong lalasapín sa kanyáng kandúngan, ay saka ako sinikíl ng pagkálupítlupít kong kapaláran!.....
"Isáng háting gabí, noong panahón ng paghihimagsik, ako ay nágulangtáng sa áking pagtúlog. Sa mga únang sandalî, áking hininalang yaon marahil ay bangúngot lang. Nguni't ¡sa aba ko! Nang mamúlat ang aking mga matá, nang luminaw ang aking pag-iisip, ay napagmalas kong yao'y di pala bangúngot kundî isang túnay na kataksilán!... Isang lílo, isang tampalásan, isang púsong háyop, ang noo'y pumipígil sa sawîng pálad kong katawan sa pagkagupíling! Ako'y mahinà at siyá ay malakás! Tinawágan ko ang Diyos; dapwá't ang Diyós na iyón ay di ako dininig! Ang Diyos na iyón ay di tumúlong! Ako'y nasawî! ¡Nadungisan ang áking puri! Ang háyop ay nagtagumpáy!......
"Nagbangon akó at hinánap ang aking magulang. Pinások ko ang kanyáng silíd. Dapwa't ¡oh! ¡Mahabagíng Langit! Ang áking pinakaiirog na amá, ang pinagkakuutángan ko niríng buhay, ang tangi kong kasákasáma araw at gabí, ay naroon sa kanyáng hígaan, nakababád sa dugô, putól ang úlo!
"Ako'y nálugmok at nawalán ng diwà.
"Nang másaulì ang aking pagkatáo, ako'y nasa saloob ng ibáng bahay.
"Yaon ang tahanan ng tampalasang sumukáb sa aming mag-amá. Ibig kong tumákas, dapwa't ako'y nakúkulong. Ibig kong magpatiwakál dapwa't may nakabantay sa akin áraw at gabi. Anó ang minarapat kong gawín?... Ang Diyós ay di ko na tinawágan! Hindî ko na siya hiningán ng abuloy!... Ako'y nádalâ na!... Walâ akong túlong na inaasáhan noón kundî ang kabayanihan ng kasumpàan ko sa pag-irog. Dapwa't ¡ay! si Fidél na aking minahál higit sa buhay, ay hindi ko na nákita hanggáng sa sandalíng ito! Siyá man yata'y tinikís na ang magwaláng bahalà sa aking pagtángis! Siyá man yata'y nawalán din ng habág sa mapait na pagdadalamhatì niyaring kálulwa!...
"Sa haráp ng mga ganitóng kalagáyan anó pa ang sa áki'y nalalabing gawin? Walâ nang iba kundî ang makibágay sa áking pálad. Yaring pusò ay dahandáhang tumigás, untîuntîng nasabík sa kaputíkan, untîuntîng natútong umíbig sa isáng lilo, sa pumatáy sa ákin ding amá!
"Malaon din na kami'y nagsáma ng tampalásan.
"Datapwa't pagkatápos na masalantâ niya ang áking katawán, pagkatápos na mabusog sa akin ang kanyáng kahayúpan, pagkatápos na makapagpasasà sa aking lamán, ang ganid na iyon ay di na nakitungo sa akin; ginútom na ako, ipinagbilí ang mahuhúsay kong damit, binawì ang mga aláhas na bigay niyá sa akin, at di nagkásiya sa ganitó, akó'y ipinagtulákan sa kusinà ng báhay upang doon gumawâ, doon kumain, at matúlog sa ibabaw ng mga panggátong na kahoy, kahalubilo ng mga pusa't áso! Sa minsán sabi, ginawâ akong isang alípin, isang busabos!
"Ganitó ang áking lagáy ng kami ay málipat sa báyang ito.
"Pagdatíng na pagdatíng namin, ako'y sinumbatán ng tampalásan kong panginóon. Ipapapatáy daw niyá ako kapag di ko iningátan ang líhim ng pagkasawî naming mag-amá.
"Sapagka't púsong-babáe, ako'y malaong nadalá ng tákot at kahinàan: iningátan ko ngâ ang lihim.
"Dapwa't ngayón, ngayón ay sumápit na ang sandalî na sa láot ng aking pagkaabâ ay di na akó napangingilábot ng kamatáyan; ang kahináan ay walâ na sa ákin!... Tuparín kung ibig ng panginóon ko ang kanyang sumbát!... Ang kanyáng líhim ay nasisiwalat na!...
"Nguni't, bágo ko wakasán ang áking salitâ, ay ipahintulot na aking maitanóng:
"Alám ba ninyó, mga táong báyan, alam ba ninyó kung síno ang napakabúti kong panginóong iyan, kung sino ang tumaksíl sa kaawà-awà kong magúlang, nagnákaw sa puri ko't dangál at nagbulíd sa akin sa bangín ng pagkabusábos?
"¡¡Kilabútan kayóng lahat, oh mga taong walâng málay!!...
"Siyá ay yaong sa inyó ngayo'y namumunò ang pinagkatiwaláan ninyo ng mga kautusán, dangál at kabuháyan ng isang bayan!!..."
Ang mga pinagtahî-tahî at pinagarálang kabulaánan, ay madalíng makikilala ng isang maálam magmasíd. Nguni't sa kabuhayang isinalaysáy ng babáeng iyón, ay walâng nakádama nang kahi't gabáhid na kasinungalingan.
Bawa't anyô ng kanyáng mukhâ, bawa't galáw ng mga matá, bawa't salitâ ng maáyos niyang salaysáy, ay isang taták ng katotohánan, isang matibay na panghikayat sa lálong dì mapaniwalaing kálulwa.
Kaya't napangilabot ngâ ng babáeng iyón ang madlâng sa kanya'y nakikinig!...
Nang sa wakás ay imungkáhì ni Gerardo ang paghingi kay Kápitang Memò na magbitiw ng tungkól, lahát ng nangaróon ay kumatig sa kanya; lahat, hanggáng ang mga dating kapanalig ni Kápitang Memò, ay naniwalang sila'y nálinlang. Gayón na lang ang kanilang pagsisísi!