Bulalakaw ng Pag-asa · Ismael A. Amado

Chapter 5: Sa Likód Ng Kasalukúyan

"Aba, mang Julio", ang bigkás ng binatà; "lumuhód po kayó at nárito na ang ating Czar!"

Si Julio'y napabulalás ng tawa.

"Angkáp na angkáp nga sa kanyá ang ngalang iyan!"

Hindi lumawig ang pagtatawá ni Julio; humalili sa kanya ang isang pagkamanghâ, pagkatapos na maibáling ang paningin sa dákong hagdánan. Pati si Gerardo ay nápa-abá!...

Katakátaká nga nama't lubhâng mahiwagà ang mapapansín ng isang nagmamasíd sa pinamagatáng Czar na sa sandalíng iyón ay kapapanhík pa lamang.

Pagkákitang pagkákita sa amerikánong isasakdál (na noó'y nagkátaong nakatalíkod at kasalukúyang nawiwíli sa pagtingin sa isang nakasábit na magandang laráwan ng nunò ng mga Federál,) ang presidente ay natigilan nang biglâng biglâ; túlos na túlos sa púnò ng hagdanan; ang mga matá ay pinanáwan ng panglilisik at kúsang napakò sa likod ng amerikáno. Tumindíg sina Julio at nagbigáy ng "magandang araw", dapwa't ni tangô, ni tingin man lang, ni ano pa mang tandâ ng paggantí, ay dí sila nagkamít.

Papaáno'y ang boông pag-iisip ni Kápitang Memò ay nabubuntón sa isásakdál na mulâ, nang tamáan ng kanyáng matá ay pinasikdósikdó ang loob niyá nang gayón na lang. ¡Kanyá mandín natatandâan ang húbog ng pangangatawán ng amerikánong itó!... Túnay nga kayáng ito'y si ... si ... si Stag?

Habang nagtatagál ang kanyang pagmamasíd ay lalò at lalòng nakikilála ang pinagmamasdán.

Isang matinding tikím na kinaugalían, at isáng magasláw na kilos ng nakatalíkod, at ... ¡biglang namutlâ ang natutúlos sa punò ng hagdán!

Ang tikím at kilos na iyón ay kilaláng-kilalá niya; wala kundi si Stag lang ang marunong kumílos at tumikím ng ganoon.

"At bakit itó'y nápaparíto ngayón?..."--ang kahi't di sinasadya'y naibulong sa sarilí ng namumutlâng pinunò--"Akó kayâ ang talagáng hanap?... Alam kayáng presidente na ako ngayón?... Maánong huwag ng maalaála...!"

Hindî man ibig ni Kápitang Memò ay kusang ipinadpád siya ng kanyang gunitâ sa panahóng nagdáan—sa taóng 189...--sa isang háting-gabíng madilím nang silang dalawá ng amerikánong itó, ay magkasámang lumanság sa isang pintóng nakalápat sa lalawigang Tarlak.

Sariwàng sariwà pa sa kanyáng alaála ang mga nangyari noón! Hindi, oh hindî niya malilimutan ang pagkaparoól ng isang amá, isang amáng tagalog, na noo'y walang malay na naligò sa sariling dugô--dugông pinaágos ng kanyang kamay, kamay niya—ni Kápitang Memò!

Hindi pa rin nakakatkát sa kanyang gunitâ ang mga himutók, at pananambítan ng dalágang anák ng amáng iyon—anák na sa isang sandalî ay inagáwan ng magúlang, at pinagnakáwan ng tánging kayamánan ng isang dalága: ang saríling púri. At ang nagnákaw, ang naglubálob sa lusák sa púring iyón ay siyá rin, siya—si Kápitang Memò!

At lalong hindî pa rin nalilingíd sa kanyáng guniguni ang kináng at dámi ng pilak na sa bahay ding iyon ay kanyáng nalíkom. Ang pílak na itó ay umabót sa halagáng -P-10,000—salapîng pinagkayariang hatiin nilang dalawá ni Stag na lubhang malaki ang pagod na ginugol sa kapangahasa't katampalasánang iyon. Ang paghaháting ito, sapagka't hindí maáring gawin noon din, ay ipinagpaliban sa umága ng kinabukasan at sa bahay ni Kápitang Memò sa Tarlák.

Dapwa't ang paghahatì ay di natupad: noon ding gabing iyon, ang makisig at túsong kápitan ay nakalipád sa ibang lupálop. Tagláy niya ang -P-10,000 piso at isang sariwàng katawán. Sa minsang sabi, si Stag ay nàlinlang niya, ni Kápitang Memò!....

Ang Kápitan ay papanáog na sána at ang tangka'y umuwî noón din upang siya'y makapagtágò sa pinangingilágan.

Dapwa't, ¡hulí na! Hindi pa man lang nakatátalikod ay hinaló na siya nang sunódsunód ng dati niyang kasákasama.

Kun sa pagbatì sa Kápitan ang bibig ni Stag ay nakangitî ang kaluluwá naman niya'y nagngingitngit sa pagsigáw ng: "Háyop, di ka na muling makawawalâ sa akin!"

Ang kaawà-awàng presidente ay hindî na nakatulóy ng pagpanáog. Anó ang dápat niyáng gawin ngayón? Wala, kundî ang maglakás loob. Hinaráp ang kanyang dáting kaibígan at bumigkás ng ganitóng mga pangungúsap:

"¡Oh, si Mr. Stag! Kayo palâ! Hindi ko kayó nákilala! Ipagpatáwad ninyo! Saán kayó gáling? Ang akalá ko'y umuwî na kayó sa Amérika. Nguni't magtulóy, magtulóy kayó!"

Binuksán ang pintô ng tanggapan ng presidente at silang dalawá ay nagsipások.

Maláwig ang kaniláng salitàan. Tuwâng tuwâ, si Stag nang maaláman na itong kaibígan niyá ay "umasénso" na palâ. At laló pa mandíng nag-ibáyo ang kanyáng pagkatuwâ nang maalámang ang batà niya'y siya palâng huhukóm sa usapín niláng dalawá ni Julio. Si Kápitang Memò namán ay punông punô ng salitáng "patáwad!" Bawa't pangungúsap niyá ay may kalákip na isang "patáwad!" Walang magasláw na salitâ si Stag na di niya tinugón ng isang malambíng na "patáwad!"...

Natápos ang kaniláng lihim na pagpapanáyam pagkaráan ng isang óras at kalahatì.

Binuksán ng presidente ang pintò ng kanyáng opisina at sinigawán ang sargento ng mga pulís. Ang tináwag ay hálos mag-kandarapà sa pagmamadalî nang pagharáp sa kanyang pinunò.

"Papasukin dito iyang mga táong may ihaharáp na sakdál", ang utos ng presidente.

"Opó, señor!"--ang tugón naman ng sargento.