Máximo San Jórge de los Santos ang túnay na ngalan ni Kápitang Memò, ulo ng yaman at presidente municipal sa Libís. Siya ay isang lalaking may matáas na tindig, mukhâng bilóg na kinabábanaagan ng ilang paták ng dugông diláw, úlong tihabâ na napapalamutíhan ng mapuputing buhók, mga matáng busóg na animo'y ipinaglihí sa mga matá ni Mutsu-Hito, ilóng na hinirám kay San Mateo, bibig na inihawig sa bibig—Limahóng at tiyang kauri ng tiyang—Taft.
Ang máginoong itó ay isá riyán sa mga nábantog na kápitan noong mga araw na ang Pilipinas ay kasalukúyang iniinís ng kakastilàan; siya'y nábantog, sapagka't tangì sa masalapî, ay lubhâng malupít sa mga táong bayan, mapagbalák ng mga masasagwâng útos na pawàng udyók ng kasakimán, mapagparátang at mapagparusa ng mga parúsang háyop sa mga binúbuhátang nagkásala. Walang tumutol sa mga hidwâ niyáng kagagawán na di niyá sinumbatán ó pinangakùan ng ganitó ó gayóng pagkapahámak.
Ibig supilin ang lahát; paáno'y walâ siyáng pinakamimithî kundî ang sambahín, kilalánin at tawaging harì--harì sa lahat ng bagay, harì ng lahát ng táò, kung mangyayári, ng kanilang mga pag-aarì, katawán at damdamin... Iyan ang kanyang adhikà sa gitnâ ng gayóng mga nagyukòng masunúrin, mga tikóm na bibig, mga dilàng alípin.
Iyán ang kanyáng pinangápangárap, ang boô niyáng hangad mulâ sa sandalîng mapasakanyà ang tungkód ng kápitan—ang mahiwagà't makapangyarihang tungkód na siyáng lálong pinagkakautangan ng kanyáng pagkamasalapî, pagkamalupain, at pagkamapalalò.
Sa haráp ng ganyáng mga adhikà, katakátaká kayâ na nang mabágo ang pámahalaan, pagkalagánap dito ng kautusáng nagpapahintúlot sa mga bayán-bayán ng maláyang pagpilì sa kanikanilang pinunò; katakátaká kayâ na maisipan ni Kápitang Memò na samantalahin ang pagkakátaon sa pagbabakásakáling siya ang máhalal na presidente sa kanyang bayan?
Alám ni Kápitang Memò na lubhâng marami ang kanyáng kaáway; na ang kanyáng kabangisán ng panahóng lumípas ay di pa nalilimot ng mga manghahalál; na ang tákot at pangingilag sa kanyá ay di pa nakakatkát sa mga apdó ng karamíhan; na ang kanyáng kalupitán sa pamumunò ay sariwàng-sariwà sa kanilang alaala. Batid ni Kapitang Memò ang lahát ng iyan. At iyan ang mga dahil kung bakit siya'y maláon ding nabalisa at nagalinlangan, bago natuluyang magharáp ng kanyang kandidatura sa nálalapit na halalán.
Dápwa't hindî ang isang Kápitang Memò ang uúrong. Bakit ba hindî niyá titikmán? Ay anó kun sakálì ma't siyá'y mátalo? Hindî ba siyá datihan sa pagkatálo ... sa mga templo ng San Jórge at mga titiláok?
--"Walâ! walâng úrong-úrong!" ang matigás niyáng sábi sa kanyá rin.
At hindî nga namán umúrong.
Sinimulan na ang pangatawanang paglákad.
Nagkatúsak ang kanyang mga leaders na walâng humpáy ng talumpatì dini at talumpatì doón.
Nagpagawâ sa Maynilà ng libo-libong carteles na kinatítitikan ng mga salitang:
VOTAD POR
Sr. D. Maximo San Jorge de los Santos.
CANDIDATO para PRESIDENTE.
Libertad, Igualdad, Fraternidad.
Sa di kawasà'y dumatíng ang áraw ng halalán. Dumatíng ang oras ng pagbílang ng mga boto.
Nápagaláman sa wakás na tatlong-daan at limá ang bilang ng boto kay Kápitang Memò; samantalang dádalawang-dáan at ánim ang tinanggap ng kaniyang kapáligsahan.
¡Talinghagà ng mga pangakong matatamis!
¡Talinghagà ng mga gantíng-palang makalansing!
¡Talínghagà ng mga mukhâng-hudas na nakangitî!...
Tigás na tuwâ ng Kápitan.
Sa tatlong araw na sumunod sa halalán, si Kápitang Memò tuwing magiisá, maging sa pagkain, maging sa paghigâ hanggang sa pagtulog, ay wálang nábibigkas kundî ang gayari:
--"Sa makatwid, ako ay presidente na ngayón ha! ha! ha! At sa makatwid, akó ay makapangyarihan na namán! ha! ha! ha!... Ganitó, ganitó ang mabubuhay ... láging nasa itáas, láging tinitingalâ at hindî nasusuwáy! ha! ha! ha!"
Iyán ang si Kápitang Memò.