Gayón na lang ang pagmamahal ni aling Tinay sa kanyáng anák, gayón na lang ang pagkabúlag ng kanyang pag-ibig, na kahì ma't alam niyáng siyá'y sasalansáng sa isáng mahigpit na utos, kahì ma't alam niyang siya'y pilit na uusigin, at magdurusa sa bilangguan, ay hindî nangyáring huwag pagbigyán-loób ang kahulíhulihang bilin ng tánging bulaklák ng kanyáng pag-ibig, ang katapustapusang hibík ng isáng pusòng bayáni—ng isang pusòng makabayan, ang pahimakás na hilíng ng pinaglagakán ng boô niyang pag-ása, ang kahulíhulíhang tibók ng búhay niyaóng masunurin, masipag, mabaít, at magalang na anák, na sa gitnâ ng gayóng katandáan, ay siyáng ligaya ng kanyáng matá, paraluman ng mga pangarap, at dangál ng kanyáng pagka-iná.
Lahát halos ng mga kamag-ának at mga kaibigan ni aling Tinay ay nagkakaisang di mabuti ang kanyang inaakalàng pagsunod sa bilin ni Florante.
--"Alalahánin mo, Tinay"--anilá--"na tayo'y nasásakóp ng ibáng kapangyarihan. Ang gagawin mo ay isang malinaw na paglapastangan, isang talampákang paghamon sa pamunúang amerikano!"
--"Ay anó sa ákin?"--ang tugon namán ni aling Tinay sa gitnâ ng pagpipighatî--"Anó sa ákin ang kapangyaríhang iyan, anó ang lakás ng pamunúan, anó ang bisà ng isáng mabangís na útos, anóng kailangang magdúsa sa harap ng tagubilin ng mahal kong anák?"
--"Tinay, maghúnos dilì ka; ikaw ay nabubulágan."
--"Masasábi ninyó iyán sapagka't siya ay di ninyó anák, sapagká't kayó ay di naghírap sa kanyá, sapagka't di ninyo alám ang halagá ng aking Florante!"
Si aling Tinay ay humagulhól ng iyák kagáya ng isáng batàng musmos.
--"Ang nakakahirap sa iyó, Tinay"--anang isáng matandâng lalaki--"ay napadádaig ka sa mga udyók ng pusò: áyaw kang mangatwíran nang mahináhon. Makiníg ka sumandalî. Si Florante ay naghihingalô ná nang hilingin ang tungkol sa bandilà, hindî ba?... Kung gayo'y dápat mong tantuin na kapag ang tao ay naghihingalô, ang pag-íisip niya'y humihinà, lumalabò, nakalilimot, at..."
--"Siyana ná, tio Kulás"--ang biglâng pútol ni áling Tinay--"Masasáyang lang ang inyóng mga salitâ sa ákin. Dapat ninyóng matalastás na nóon pa mang araw, ay nabanggit na rin sa akin ng anak ko, ang kanyang náis na kapag siya'y namatay, ay huwag papalamutihan ang kanyáng ataúl ng anó pa man maliban na ngâ lang sa isáng bandilàng pilipino...
"Ah, magpahingá kayó, mga pusòng mahihinà! Di ninyó batid ang linaláyon ni Florante!... Ibig ipakíta ng anák ko na walâng bandilà siyáng iginagálang, at walâng kapangyarihan siyang niyuyukûan kundî ang bandilà't kapangyaríhan ng Tinubúang Lupà!
"Ibig niyáng ipahiwatig na di ang lahat ng utos ng pamunúan ay dápat sundín; na kapág ang isáng kautusan ay walâ sa matwid, ang magtaás ng noo, ang magmatigás, ang tumutol, ay di isáng kasalanan, kundî isáng átas ng kabayanihan, isang tandâ ng katinuán, isang taták ng karangálan!"...
Si tandâng Kulás ay napanganga't sukat. Kailán má'y di niyá naapuhap sa kanyáng gunita; ni natunghan sa lalòng malalim niyang panaginip ang larawan ng isáng babáe na pinúpulásan sa mga labì ng gayong mga salitâng sakdál ng titigás!
Iiling-iling na lumayô sa harap ni aling Tinay.
--"Eh, eh! Katakot-takot na babáe itó!"--ang tanging naibulóng sa kanyang sarili.
Ibig ni aling Tinay, áywan kun bákit, na kapag namatay ang isáng táo, ay málibing kaagád; áayaw ng búrol-búrol. Dahil dito'y kanyáng inihayág na ang libing ni Florante ay idadáos sa ika ánim na oras ng umaga ng araw ding iyon ng pagkamatay.
Nagbubukang liwaywáy.
Sa tapát ng namatayang báhay ay may isáng binatàng luksâng-luksâ, nakatungó, nakasalikód kamay, at walang tigil ng kayayaó't dito. Banayad ang mga hakbáng. Kagaya ng isang may iniisip na malálim. Walâng kamalákmalák ay biglang napatigil. Tiningalâ ang isang kimpal na alapáap sa mukhâ ng langit, at pinagalaw-galáw ang úlo na animo'y may kinákausap doon.
Sino ang binatàng ito? Si Faure. Pakinggan natin ang tibok ng kanyang damdamin:
"Florante, kay ligáya mo ngayon!--Nilisan mo na itóng Lupàng maligalig—at ngayo'y náriyan ka na sa Bayan ng kapayapaán, sa Báyan ng pagkakápantáypantáy, diyán sa walâng naghahari kundî ang isáng Bathalàng sumasagisag sa banál na Katwiran...
"Oh, laki ng kaibhán ng iyóng kalagáyan, kay sa ámin dito sa lupà.
"Kayó diyán ay tahimik, walâng íringan, walâng paghihigantí, iisa ang pananampalataya, iisa ang damdamin, waláng sinusunod kungdî iisang bandilà, waláng iginagalang kungdi iisang dambanà; ang bandilà ng Matwid at ang dambanà ng Katotohanan...
"Samantalang kamí sa bahaging itó ng Sangdaigdig, ay walang nalalasap sa tuwituwi na, kungdi ang mapaít na latak ng buhay. Sa lahat ng dako ay himutók, pananángis, panambitan, hinagpís ng mga ináapí, ng mga tinaksíl na sawing palad, ng mga isinilang sa baníg ng hirap, na kahima't may katutubong karapata't dangal ay lagì na lang niyuyurakan, dinadayà, hinahamakhamak, dinudustadusta... ng mga palalòng mapagmataás na nangbubúlag at nang-aalipin...
"Ah! sinong nagbabatá ng ganitong kalagayan namin ang di makapagsasábing kayóng naririyan ay mapapalad?
"Kung gayon...
"Bakit itatangis ang inyong pagpanaw?
"Bakit ipagluluksâ ang inyóng paglípat sa kabilang búhay?
"Mahanga'y—ipagsayá, pagka't nariyan kayó sa lubós na kapayapaan.
"Nguni't--¡sinungáling!--Bakit di mapigil ang pagluhà niyaring pusò tuwi kong magugunitâ ang mapangláw na tinig niyaong batingáw?
"Ah! Sapagka't ang tinig na iyon ay nagsasabing si Florante na giliw kong kaibigan ay pumanaw sa akin. Sapagka't ang tinig na iyon ay nagsasabing nalagasan na naman ng isáng kawal ang kabinataan—iyáng kabinatàang sa araw ng bukas ay siyang magtatagúyod at magsasanggalang sa isáng Bayang mahinà't hapô upang huwag muling mahulog sa hukay ng pagkaaba.
"Nguni't...
"Kung dini sa Lupa'y nagkakailangan ang ating lahì ng hukbó ng mga bayani upang makapagtanggol sa kanyang Karangalan, Kalayaan at Buhay, diyan namán sa Langit ay nagkakailangan siya ng mga kinatawán upang idalángin sa haráp ni Bathalà ang kanyang ganáp na Katúbusan!
"Idalangin ang Katúbusan!--ang Katúbusan ng isang Bayang laging nanglulumó ang puso sa hápis at uhaw sa tunay na ginhawa; ang katúbusan ng isang lahìng pinipilit ng walang karapatán sa isang kalagayang salungát sa kanyang ninanasà at lagì nang pangarap.
"Idalangin ang Katubúsan!
"Sa dakilàng tungkuling ito, ay huwag nawang makalimot ang mga kaluluwang pilipino na lumuluwalhatì sa kabilang búhay..."
Ang binatá'y mulíng tumungó, lumákad nang kauntî, bago dinúkot sa bulsá ang kanyáng orasán. Mag-iíkaánim ná ng umága. Si Faure ay nanhík.
¡Kay panglaw doon sa bahay! Bihiráng matá ang walâng patak ng luhà; bawa't mukhâ ay larawan ng isáng di masayod na lumbáy ng kalulwá; sa bawa't labì ay walâng pumupúlas kundî pawàng pagkahabág, panghihináyang, panalángin, mga buntong-hiningá...
¡Kay kapal ng mga makikipaglibíng! Ang malakíng báhay ni Florante ay lumíit sa karamihan ng táo. Lahát halos ng mga kaanib sa "Dakilàng Mithî" ay nahandoón. Si Gerardo lang ang walâ, papaano'y noon mga sandaling iyon ay karárating lang niyá sa Maynilà.
Ika ánim na ganáp ng umága nang ipanáog ang ataúl, na pinápalamutihan ng isang matandâ at malápad na Bandilàng Pilipino.
Sa sambahan muna dinalá ang bangkay. Nang mulîng málabás, at nang tutungúhin na ang libingan, ay siyáng pagdatíng ng... (¡sinasabi na ngâ bá ni tandâng Kulás!)... limáng kayumangging kawal ng konstabulario at isáng putêng pinunò, na taglay sa báywang ang isáng kumíkináng na sandata na sa kahabaan ay humíhiláhod sa lupà!...
Nagdidilim ang mukhâ ng pinunò. Nang malapit sa ataul ay daglíng tumigil, nilabnót, iniwálat at niyurákan ang Bandilà!
Isáng kasíng bilís ng lintík ang noón din ay humaráp sa walâng-pitagang pinunò, at walâng sabi-sabi'y ikinintál pagdáka sa mukhâ nitó ang dalawâng sampál na sunód.
¡Kinilabútan ang láhat!
¡Gulóng katákot-tákot!
¡Ang gayóng kapangahasán ng isang kayumanggi sa isang nakasableng pute, hanggá nang hanggá ay noón lang násaksihan ng mga táong iyon!
Sa sumunód na sandalî, ang Lakás at ang Kapangyarihan ná, ang siyang nagharì.
Ang kayumanggíng pangahás ay pinagsunggabánan ng mga kawal ng pamahalàan. Mga dágok, tadyák, tungáyaw, pagláit, ang naghatid sa kanyá sa bilanggúan.
¡Kataka-taká ang kapal ng táo na natípon sa sigalot na itó! Boông báyan halos! Karamíhan sa kanilá ay mga lálaki—mga laláking may mga bísig at pag-iisip!... Gayón ma'y lahát ay walâng ginawâ kundî ang tumangá, manóod! manginíg!! mamutlâ!!! matákot!!!!
Untî-untîng naáyos ang guló. Ang nabagabag na libíng ay naipatúloy din.
Noóng gabíng iyon, ang pinunò ng "Konstable" ay dinalaw ng isang kakilákilabot na panagínip. Isáng bangkáy ang napaginipan niyang tumayô nang dahan-dahan, lumákad, humaráp sa kanyá, itináas ang dalawâng kamay at nagkakangdidilat sa pagsigaw ng: "Mane, Thecel, Phares!"
Sa katakutan yatà at pagkágulantáng ang makisig na pinunò ay kamuntî nang makálundág sa dungawán ng kanyáng silid.