Ang líham na tinanggáp ni Gerardo ay lábis nang nag-úlat sa kanyá na sa gabing iyón ay pilit siyáng makasasagupà ng isang kataksilán.
Lábis din niyáng alám na ang pagpáyag na sumáma sa demónyo ay lubhâng mapangánib.
Dápwa't umúrong sa panganib ay ugalì lang ng mga pusong marurupók, hindî ng mga gaya niyáng walâng tákot na kinikilala kundî ang tákot sa kaniláng Diyós at Báyan; hindî ng mga
"Mapagbiróng lagì sa tampó ng buhay
"Mapaglarô kahi't sa labì ng hukay."
Ang gabí noón ay sakdal ng dilim. Sa maulap at masungit na langit, ay walâ ni isa mang bituin.
Nang siná Gerardo ay mapaláot na sa gayong kadilimán, ang demonyo ay nagtumúlin ng lakad. Si Gerardo naman ay nagliksí din.
--"Sabihin na, páre, kung kayo'y sino;"--ang patawang wika ng binatà sa kanyang kasama.
Ang pagkapípi ng demonyo ay patúloy pa rin. Walang itinugón kay Gerardo kundî mga di mawatásang bulóng; at lalòng binilisán ang hakbáng.
Saán silá patúngo? Itó maráhil ang ibig na maaláman ng bumabasa.
Dapat munang unawain na ang báhay nina Pepe na kanilang pinanggalingan ay nagíisang nakatayô sa labás ng báyan ng Libis, sa tabi ng isang mahabàng dáan na patungo sa Maynilà. Mulâ sa bahay na iyón, ang isáng maglalakbay sa Maynilà ay kailangang lumakad ng mga isáng óras bago dumating sa kapwà báhay. Ang dáang itó na patungo sa Maynilà, ay siyáng tinatalakták nina Gerardo. Kalahating óras na siláng naglálakad nguni't di pa tumitigil. Naiinip na si Gerardo, dapwa't gayón na lang yatà ang kagandahan ng kanyáng ugalì na kahi't ang isáng pagkainip ay áayaw ipahalatâ kahi't sa isáng demonyo. Bukód sa rito'y talagá namáng nátigasán niyá ang pakikipagtagálan sa kanyáng kasáma saan man siya dalhín palibhasa't malaki ang nais niyáng mabatid kung tunay ngang matutupad ang mga sumbat sa kanyá na natatalâ sa tinanggáp na liham.
Sa di kawasa'y lumikô ang demonyo sa isáng landás. Ang binatà nama'y lumiko din.
Di naláon at sila'y sumápit sa isáng iláng, na dáhil sa kasukálan, ay matatawag nang gúbat. Isang bahagi ng iláng na íto ay pinangingilagang lubhâ ng mga matatakuting taga-Libis túlad ng pangingilag nilá sa isáng libingan. Di umano'y may mga lunggâ doón ang mga aswáng. Di umano'y ang mangahas na máglagalág doón sa kalalíman ng gabí ay nawawalâ't súkat. May mga báboy daw na sungayan, mga kalabáw na parang bága ang mga matá, at mga ásong singlalakí ng kabáyo, na parapárang nanghaharang doón.
Itó ang lugal na tinutungo ng demónyo.
--"Abá pare,"--ang birò ng binatà--"¡baka tayo'y harangin diyán ng aswang!"
Lalòng nagtumúlin ng lákad ang demónyo at saka tumigil ng biglâng-biglâ.
Dinukot sa bulsá ang isang aywan kung anó, bago inalápit sa mga labì. Hinipan. Ang tunóg ay katúlad ng huni ng ahas. Noon di'y pahangos na tumátakbo sa kanilang kinatatayuán ang isáng... ¿aswáng na kayâ?... putót na putót ng damit na itím—tulad sa itím ng gabí.
Ang bágong-datíng at sakâ ang demónyo ay lumayo sa binatá ng iláng dipá, at nagbulungan.
Sandalî lamang at ang demónyo'y pasugód na lumápit kay Gerardo. Sinaklót itó sa liig, at sakâ nagngi-ngitngit na tumanóng:
--"Walâng-hiyâ, ¿kilalá mo ba akó?"
Kumulô ang dugô ni Gerardo sa ginawâng iyón sa kanyá. Isang suntók na úbos diín sa sikmurà ng demonyó ang kanyang iginanti. Ang liíg niya'y nabitiwan at súkat ng pangahás na ngatál na ngatál sa poot, at di magkantutúto sa pagsigáw ng sunódsunód na.--
--"Waláng-hiyâ!! magsísi ka ná ng iyóng kasálanan! ngayón, ngayon mo akó makikilala!!"
Sa sasál ng gálit, at sa gitnâ ng pagngi-ngitngít, ay di nabatá ang di damukúsin ang mukhâ ni Gerardo.
Si Gerardo na noó'y pigil sa bisig ng kasapakát ng kanyáng kaáway, palibhasá't nadaíg siyá noón sa lakás, ay walâng naitugón kundî mga sipà.
--"Ulupóng!! mga duwág!! Ganyán ang mga duwág!!"
--"Pápatayin, pápatayin kitá, salbáhe!!" ... Umúrong ang demonyo ng isáng hakbáng; itinaás ang kanang kamáy, at nagpatúloy:
--"Nakikíta mo ito, anák ng...?"--Noón ay kumidlát; at sa pamamagitan ng liwanag nito, ay napagmalas ng binatà ang kakilakilabot na talibong ng kaaway.--"Itó, itó, ang sa iyo, ngayóy uutás! Uutás! nauunawàan mo ba?"
--"Sa mga duwag akó'y di natatákot!"--ang nakabibinging sigaw ni Gerardo; at úbos lakas na nagpumilit makakulagpós sa pumipigil sa kanyá. Walâng nasapit ang abâng binatà sa mga bakal na bisíg ng yumáyapós sa kanyáng katawan ¡Isa pang saksi ng pangingibabaw ng Lakás sa Hinà!
--"Binagábag mo ang mapayapà kong buhay;"--ang dugtóng ng demonyo--"isiniwálat mo ang mga lihim na pinakaiingat-ingatan ko, ginising mo ang poot sa akin ng isang báyang dati'y nakayukô sa aking bawá't maibigan, pinakalaitlait mo ako, pinakadustâdustâ sa matá ng lahat,--ano ang sa aki'y nalálabí? Anó ang dápat kong gawín? ¡Hindì akó isáng babáe na sa gitnâ ng pagkasawî, ay masisiyahan sa pagtutukmol, sa pananambitan, at pananangis! ¡Hindî ako ang ulól na magsisisi sa aking mga nagawâ; hindî ako batàng musmos na mapalúluhód sa aking mga ipinahámak úpang sila'y hingan ng tawad! Ah, hindî!... ¡Akó ay isáng tunay na laláki—isáng laláking buháy na lagì ang loób!--Akó ang bantóg na si Kapitang Memò na di nagugúlat kahima't sa kamatayan! ¡Akó ang laláki na marúnong maghigantí!!... Ah, walâng hiyâ! Tálastasin mo na isinumpâ ko ang ikáw ay patayín! patayín!! patayín!!! Unawâin mo patayin!!! Nárito, nárito akó, nárito si Kapitang Memò upang tumupád sa kanyáng sumpâ!!"
Mulîng itinaás ng sukáb ang kánang kamáy; ¡dápwa't ang karawaldawal na náis ay di nagwagí!... Isáng sing-bilís ng kidlát ang noo'y namagitnâ, pumigil sa nakayambáng kamáy, at umágaw sa matúlis na patalím.
Sa sumunód na sandalî, si Kapitang Memò ay nábulagtâ. Si Gerardo'y ligtas; iniligtas siyá ni Florante, na sa gitnâ ng gayóng kabayanihan at pagwawagí, di kinukusa'y napasigaw ng--"Oh mga swail!! Ang Diyos ay hindî natutúlog!"
Nang mámalas ang pagkakátimbuwáng ni Kapitang Memò, ang kanina'y pumipigil kay Gerardo ay kumaripas ng takbó.
Sinundán siyá ng dalawáng magkatóto, dapwa't di inabutan. Biglâng nawalâ. Kinupkóp ng dilím!...
Oh ang nagagawâ ng dilím ng gabí!
Ang kadilimán bagáng iya'y nilaláng na talagá úpang makatúlong sa mga karúmaldúmal na adhikâ, at mapagtagúan ng mga sukáb?
Kung túnay na ang Diyós ay siyáng lumaláng sa kadilimáng iyán, .... ang katotohánang itó, kung katotohánan ngâ, ay nakapagpapa-alinlangang lubhâ sa pagka-makatwiran ng Diyós na iyán!...