Bulalakaw ng Pag-asa · Ismael A. Amado

Chapter 15: Kabanata 15

"GERARDO, NÁSAÁN KA?"

Ang púlong na binagabag ng demonyo ay mulîng pumayapà.

Maging ang mga laláki at maging ang mga babáe ay áayaw sumukò; áayaw pumáyag na lansagin ang kapisánan.

Aywan kung dáhil sa anóng kababalaghán, aywan kung dáhil sa talumpatì ni Gerardo ó kung dáhil sa pagsipót ng demonyo, ang lahat ng mga taga-"Dakilàng Mithî" ay nakitáan noóng mga sandalîng iyón ng isáng kagúlat-gúlat na pagbabágo. Katúlad sila nina Adán at Eva na nang mapagkurò ang kaniláng pagka-hubád ay nangahiyâ't dálidáling nagsipágtapî; katulad silá ni San Lázaro na nang patindigin ni Krísto, sa kanyáng libing ay tumindíg ngâ't muling nabúhay. Anopa't sa minsáng sábi, ang naunsiyaming siglá ng "Dakiláng Mithî" wari baga'y muling nanariwà.

Pinagkáisahan na ipatutúloy ang lahát at báwa't isá ng mga panukalàng nabibitin; álalaóng bagá'y ang úkol sa páaralán, aklátan papúlong, mga campaña, atb. At noón ding gabing iyón ay nag-ambágan ang lahát, máliban na lang ang ilán na talagáng ibig nang tumiwalág sa samahán; kaya't walang kamalák-malák ay nakatípon at súkat ang ingat-yáman ng salapîng sapát at katamtáman upang maisagawâ ang kaniláng mga matatáyog na pangárap na muntî nang mabulók.

Sa hulîng bahági ng púlong ay nagkaroón ng kaunting pagtatálo; pinagtalúnan ang kung nararápat ó hindî na ang kapisánan ay manghimások sa politika.

Si Faure ay nagsasabing nararápat; at siyá ang nagpalagay na ang kapisanan ay maaáring lumahok sa polítika; samantálang sa kabilang panig si Juancho namán ay nagmamatigás na di nararápat. Itóng hulí ay bumigkás ng isáng mahabàng talumpatì na dinulúhan ng mga ganitóng pangungusap:

--"Manghimasok táyo sa polítika?... Kay samâng palagáy!... Táyo na mga batàng-batà pa, ¿anó ang áting masasápit sa gáwaing iyán?... Huwag táyong pakasúlong, mga kabinatà, huwág mangahás sa di nátin káya... Kailangan dito'y mahabàng pag-aáral, mga malalálim na pagkukurò at pag-iísip na hinóg at di hiláw na gáya ng átin. Ipaubayà iyán sa mga matatandâ; iya'y di nábabágay sa kabatàan"....

Si Juancho ay umupô; pagdáka nama'y tumindíg sa dákong likod niyá si Faure.

--"G. Pangulo"--anya--"di ako namamanghâ sa pagsalungát ni ginoóng Santos sa áking palagáy; kamí ay láging magkalayô ng damdámin; siya'y isá sa mga sumásambá sa bandilàng áyaw hiwalayán ng mga Pederal; ang ngálan ko nama'y nakatítik sa plataforma ng Partido Nacionalista.... Wikà niya'y di táyo dápat manghimások sa polítika, sapagka't táyo raw ay mga batàngbatà pa, sapagka't tayo'y walâ pang káya.... Di ko hinahanápan ang ginoó ng ibáng paghahakà.... Walâng káya! Iyán ang bukáng-bibig ng mga gaya niyáng Pederal at ng kaniláng mga amá-amáhan; iyán ang kaniláng pangarap araw gabi, iyán ang lagì niláng naguguni-gunitâ, dinádasál-dasál, ibinúbulóng-bulóng... Ipinahihiwátig ko sa aking katálo na sa pagnanasà kong pumások ang kapisánan sa bakúran ng polítika, ay walâ akóng minimithî kundi ang pagsikápang liwanágan ang mga tungkúlin ng mga mámamáyan sa kaniláng Tinubúan; bakáhin iyáng ating namamalas ngayóng mga kahálay hálay na pagwawalang bahalà, mga kasagwâan ng ilán sa ating mga pinunò, at ang mga duwág na pagyuyukô ng ulo sa haráp ng mga mapagharì-harìan. Hiláhin sa liwánag ng áraw at ihantád sa matá ng Bayan ang mga kaáway niyáng lihim, sina Masasakim, sina Mapagbalatkayó, sina Kukong-lawin. Pukáwin ang lakás ng lahì upáng palayasin dito ang mga dayúhang magdarayà na sumasalungat sa kanyáng pinakamámahal na damdámin at náis, at yumuyúrak nang líhim sa karapatán at kalayàan na pamána ng Diyós sa kanyá. Ipaála-ála sa kanyáng lagì na ang Báyang di kumikilos ng ganitó, ang Báyang nagtítiís sa pagwawalâng kibô at nagkakasya na lamang sa lihim na pananangis, kapág siya'y dinudusta, ang bayang iya'y alípin, busabos, duwág... Itó, mga kababayan, ang pinakamimithi kong layunin ng ating kapisánan. ¿At alin ang kaluluwáng may dangal, matandâ man ó batà, na makapagsasabing siya'y walang lakás at káya na tumupad na ganitóng dakilang katungkúlan?

"Mga batà pa raw táyo! Ang isip yata'y pulós na matatandâng hukluban lamang ang marúnong sumurì sa mga bágay na iyán!... Sa isáng binatà ay walâng dápat makasindák, walang dápat makapígil sa kanyáng paglakad, waláng dapat makahadláng sa kaniyang iniíbig; kaya't walâ sa matwid ang isang magsábing tayo'y walâng káya na maghimasok sa polítika."

Si Juancho noo'y kasalukuyang ninenerbyos. Di magkantututo sa pagsigaw ng:

--"G. Pangulo; hindi ko maáayunan ang mga ipinahayag ng hulíng nagsalitâ, hindi nga po, at makásanglibong hindî!!..." (at dito'y pinanginig pa mandin ang boses na ubos-diin) "Ipinalálagay ko pong ipaliban ang pagtatalo sa..."

Isáng malakás na pukpok sa lamesa ng Pangulo ang ikinaputol.

--"Di matátanggap ng mesa ang inyóng palagáy,"--anya--"sapagka't di pa napasisiyahán ng pulong ang palagay ni G. Faure na kinatigan ni G. Lauro."

Dali-daling umupô si Juancho. Nagpatuloy ang Pangulo:

--"Mayroón pa bang pagtatalo tungkól sa bagay na ito?... Kung wala, lahat ng umaáyon sa mungkahi na ang kapisanan ay maáaring manghimasok sa polítika, ay magsitindig."

Sa apat na pu't tatlong kaanib na naroroón, ay anim lang ang di tumindig.

--"Ginoóng Pangulo"--ang mulîng bigkás ni Faure--"Ipinalálagay ko pô na ang 'Dakilàng Mithî' sa pamamagitan ng kaníyáng pangulo, at kalihim ay magpadalá ng isáng kalatás sa bawa't kapisánan ng kabatáang natátatag sa Sangkapulûan, upang sila'y anyayáhan na umánib sa átin sa paghingî sa Báyang amerikano ng lalòng madalî at karakarakang Pagsasarilí ng Filipinas."

--"Kinakatigan ko pô ang palagáy ni G. Faure"--ang pagdaka'y isinunod ni Pacita.

Lahát ng matá ay nakasulyap kay Juancho, na sapagka't leader ng mga pederal sa "Dakilàng Mithî" ay siyang lalòng may katungkúlang sumalungat sa gayóng mungkahì.

Nakaraan ang iláng sandalî.

Si Juancho ay dî umiímik! Nakapakò ang paningín sa kanyáng orasán na para bagáng binibilang ang mga ¡tiktak-tiktak! nitó. Manaká-nakáng tingalaín at pakiramdaman ang bubóng na páwid ng báhay. Ang boông anyô niyá ay gaya ng sa isáng mangangáso, na mulâ sa malayò ay nakikiníg sa takbuhan ng mga usá.

Sa gayóng lagay ni Juancho, ay di niyá nápapansín ang ikinindát-kindát sa kanyá ng kanyáng mga manók na ang ibig sabihi'y "Lantakan mo!"; di niya nararamdamán ang mga kalabít sa kanyá ng mga násalikod; di niya alumána ang pangungunot ng noó ng naka-itim na nang di na makapagbatá ay bigláng lumundág at úbos lakás na inahiyáw ang isáng matápang na

--"G. Pangulo!!"

--"G. Kabúyas"--ang tugón namán ng pangulo.

Si Kabúyas ay naghágis muna kay Juancho ng isáng nanglilísik na tingin, bágo nagpatuloy:

--"Sa ngalan pô ng dangál ng 'Dakilang Mithî' ay tinututúlan kong mahigpit ang mungkahì ni G. Faure.

"Hindî ko mapagkurò kung bakit ang isáng magiting na ginoóng gaya ni G. Faure ay makaísip na magharáp dito ng isáng palagáy na waláng kaúlo-úlo at walâng maibubunga kundî libo-libong pulà sa katalinuhan ng 'Dakilang Mithî!'"

--"Bravo! Bravo!!"--ang di magkamáyaw na sigaw ng mga pederál. Ito'y lalò pa manding nagpainit kay Kabúyas.

--"Oo nga pô, mga binibinì at ginoó, kapag ang kapisánang ito ay tinanggáp ang palagáy ni G. Faure, ang kakamtán natin ay di lang libo-libo, kundî yutà-yutàng pulà!!

"Anó pô ang ating mahihitâ sakali ma't umanib sa atin ang ibáng mga Kapisánan sa paghingî ng karakarakang pagsasarilí sa Báyang amerikano?

"Didinggín bagá táyo ng pamahaaán? Makikitúngo ba ang pamahalaáng iyan sa mga gáya nating musmós?

"Kung ang Kapulungang Báyan ngâ ay di pinakitunguhan nang humingî itó ng Pagsasarili, ¿táyo pa kayâ?

"Malaking katiwalìan ang nilaláyon ni G. Faure!

"Kung ang kapisánan ay may talino at dangál, ang palágay na ito'y di niyá sasang-ayúnan."

Si Kabúyas ay naupô sa gitnâ ng boông kasiyaháng loób. Si Faure namán ang tumindíg.

--"Mga kasamahan,"--anyá--"itinatanóng ni G. Kabúyas kun anó raw ang mahihitâ ng kabatàan sa paghingî ng karakarakang Pagsasarilí. Hindî pulà gáya ng maling hinágap ng áking katálo kundî pagpúri pa ngâ ng ating báyan sa ganitong pagkilos.

"Hindî man táyo dinggin ng Báyang amerikano ¿ay anó? Makagaganáp tayo sa isang katungkúlan! Katungkúlan ng bawa't táo na hingin ang Kalayàan ng kanyáng Lupà kapág ito'y handâ nang lumayà. Mga busabos lang ang ayáw humingî ng Kalayàan. Ang Pilipinas ay maláon nang handâ sa isáng Malayàng Búhay. Ibig ba nátin na ang kabatàang Pilipino ay panganláng mga busábos?

"Hindî lang pagganáp sa isáng katungkúlan ang nilalayon ng áking mungkahì. Ibig ko ring ipamatá sa Pamunúang amerikáno ang katotohánan na di lang ang mga matatandâng pilipino, kundî patí ang kabatàan ay nagkákaisá sa pananalig na ang pagsasarilí ng Pilipinas ay dápat nang ibigáy sa kanyá; at dáhil sa katotohánang ito ay panahon na ngayóng ang Pamahalaáng iya'y magbágo ng kilos; dápat na ngayóng manaínga at mag-áral gumálang sa damdáming isinisigáw ng Káluluwá ng Báyang namamanhík sa gitnâ ng dúsa. Panahón na ngayóng dápat ipamálas ng Amerika, di lamang sa haráp ng Kapilipinúhan kundî patí sa harap ng Sangsinúkob, na siyá ay may isáng púsong túnay na bayáni ng Kalayàan. Panahón na ngayóng dapat isagawâ ang pangungúsap ni McKinley, na ang hangad ng Báyang amerikano, sa kanilang panghihimasok díto, ay di ang pagsúpil kundî ang pagpapalayà sa mga pilipino, (not as a conquering, but rather as a liberating nation.) At panahón na rin ngayóng dapat ipagsigáwan sa mapagbingíbingíhang Amérika ang di maitátakwíl na katotohánan, na isáng panglulúpig at walâ kundî panglulúpig ang magharì sa áyaw paharì; na isáng ásal-ganid ang pagsikíl sa buhay ng may karapatáng mabúhay nang malayà; na isáng ásal-háyop ang pagsasamantala ng Malakás sa Mahinà!...

"Anó pa ang hinihintáy ng Pamahalaáng nakasásakóp? Ibig ba ng Pamahalaáng iyán na si Washington at ang kanyáng mga kapanahóng namuhúnan ng dugo, sa pagtatagúyod sa hangád ng báyan nila nang maghimagsik; ibig ba ng Pamahalaáng amerikano, aking inuulit, na magsibalikwás ang mabubunying kaluluwang itó sa kaniláng libingan at siyá ay sisíhin sa di pagtupád sa kanyáng tungkúlin? Alin pang áraw ang ibig dumating? Kun kailan ba pumutî ang uwak?"...

Napútol dito ang talumpatì ni Faure. Si Juancho noón ay biglang lumundag mulâ sa kanyáng upô at nagsisigáw ng--"Sunog! Sunog!! Sunog!!!"

At siyá ngâ namang totoo! Nagliliáb ang palupo ng báhay!

Nangamutlâ ang lahát. Di magkamáyaw ang mga "tubig!" at "Diyos ko!" Nangagtilían ang mga babáe. Nangag-iyákan ang mga batà.

Takbó ríni at takbó roón; sigáw dini at sigáw doón.

Nangag-unahán ang lahat sa pagpanáog.

Lumalakí ang apóy! Tupók na ang bubóng ng báhay.

Samantalang nagkákaguló ang lahat sa lupà, doon naman sa itaás ay may ibang nangyayári.

Dalawáng táo ang nakatayô sa punò ng hagdan: isang babáe na pinipigil ng isáng lalaki.

--"Elena,"--ang mabangís na wikà nitong hulí--"sasáma ka sa ákin ó ikáw ay mamámatay!"

--"Ulól! at síno kang sasamáhan ko?"

--"¡Ang katawán mo ó ang iyong búhay!!"--ang muling sigaw ng lalaki at lalòng hinigpitán ang pigil sa kamay ni Elena.

--"Háyop! bitíwan mo akó!"

--"Di maaarì!"

Sa kapipitlág ni Elena ay nabitáwan ng pumipigil ang kanyáng kamáy. Hálos palundág na nanáog. Nguni't di pa hálos nararatíng ang kalahatìan ng hagdán, siya'y inábot na namán ng taksíl. Ang pangingibábaw ng Malakás sa Mahinà ay mulíng napatunayan.

Sinapúpo ng lalaki ang binibining nanglalambót; ipinanhík mulî, at saka ipinanáog doón sa kabiláng hagdán, sa bandáng likód ng báhay. Walâ doón ni isáng táo, sapagka't ang lahát ay nagkakatípon sa harapán.

--"Gerardo, oh Gerardo! násaan ka?"--ang tánging naisigáw ni Elena.

--"Gerardo?, anóng Gerardo?"--ang pairíng na tugón ng lalaki.--"Anó pa ang Gegerarduhin mo ngayón? Si Gerardo'y patáy ná!"

--"Tampalasang táo!!"

--"Yaóng nanhík kanínang suót demónyo ang siyáng umutás sa kanyá!"

--"Oh mga tampalásan!!"

Si Elena ay hinimatay.

--"Lalong mabuti!"--ang sa sarilí'y nawikà ni Juancho, at pagdaka'y inalúlan ang abâng si Elíng sa kalesa niyáng doo'y inihandâng talagá.--"Kutsero, pika!!"