Utang sa síkap ni Gerardo at ng iláng kabinatà niyá, sa di kawasa'y nátatag sa Libis ang isáng kapisánan na pinamagatáng "Dakilang Mithî."
Kagáya ng lahát ng mga samaháng pilipino, ang "Dakilang Mithî" ay ulirán sa gílas at siglá noóng kanyáng mga únang buwán.
Noóng mga únang buwán, ang kapisanan ay makálawá sanglinggó kung magpúlong, at ang bilang ng mga nagsisidaló sa mga púlong na itó ay di lumiliít sa tatlongpû.
Noóng mga únang buwán, ang mga talumpatì, pagtatálo at ang mga bálak na inihaharáp tuwíng magpupúlong ay punông-punô ng mahahalagáng láyon at madláng kaparaánang magagámit upang lalong mapalúsog at mapadakilà ang kapisánan. Náriyan ang pagtatayô ng isáng aklátán (biblioteca); náriyan ang pagbubukás ng isang paaralán sa gabí, na walâng úpa; náriyan ang pagpapalabás ng isáng paháyagang-linggúhan; náriyan ang pagdadáos ng mga papúlong; náriyan ang mga sárì-sarìng campaña lában sa Bisyo—laban sa sugál at sábong—laban sa mga mahahálay at di wastông kaugalían, hílig, atb.: at nariyan ang kung anó-anó pang matatáyog na panukalà.
Ang lahat ng kasiglaháng itó na napagmálas sa loób ng "Dakilang Mithî," noóng mga unang buwán ay lubhâng ikinaalíw ng mga nagsipagtatág sa kapisánang iyon. Naákit siláng umasám-asám sa isáng maligáyang búkas at napanibúlos silá sa pag-ásang madalî ó maláon ay málalasáp nilá ang masasagánang búnga ng kaniláng mga pinuhúnang págod.
Dapwa't ¡ay! Katúlad ng isáng kimpal na kugon, na pag sinilabán ay minsan sikláb lang at walâ ná, ang kapisánang iyón ng mga náturang pag-ása ni Rizal (pa naman!), pagkaraán ng mga únang buwan, pagkatápos na makapagdáos ng iláng sayáwang malalakí, nang isasagawâ na ang mga panukálang binalangkás ng boông sípag at talíno,--ang kapisánang iyón ay biglâng dinatalán sa noó ng karumaldúmal na kamandág ng panglalamíg, pagkahapò at pagwawalàng bahalà ng hálos lahát ng mga kaánib!
Sinimulán ná ang isang búhay kapisánang kukutápkutáp, kagáya ng isang ílaw na nauubúsan ng langís.
Anó mang pagsusumákit ang kalasagin ng Pángulo at Kalihim, ang bahay-kapisánan ay láging áalóg-alóg tuwîng tatáwag ng púlong. Lahát ay nangangakóng dádaló, dápwa't pagsápit ng oras ay pálad na pálad ná kung sumipót ang sampû.
--"Anó ang dápat gawin úpang maipon ang mga iyán?"--Itó ang pabuntóng-hiningáng tanóng ng pangúlo ng kapisánan.
--"Upang maipon?"--ang sambót ni Gerardo na kanyáng kaharáp,--"kung úpang maipon lang ay may isang paráang madalî. Búkas pistá din lang ay ikálat nátin ang balità na sa kinágabihán ay magkákaroón sa inyó ng isang malakíng sayáwang handóg sa Samahán. Anyayáhan ang mga kinalílituhan diyang binibinì, ang lahát ng mga makikísig sumayáw, at maniwalà ka, katóto, na mamúmunô ang iyóng báhay... Pag handoón ng lahát ay paalisin ang orkésta at simulán ang púlong."
At ganitó nga ang kaniláng ginawâ.
Madilímdilim pa kábukásan, ay sumabog na sa impápawíd ang balità na sa ika 7 oras ng gabí ay magdadáos sa báhay nina Pepe ng isang maringal, at mahabang sayáwan na handóg ng pangúlo sa masisipag na mga ginóo at binibinìng bumubuò sa "Dakilang Mithî."
Hindî nagkabulâ ang hulà ni Gerardo. Orasyón pa lang ay pulúpulutóng na ang mga panaúhing nagsisiratíng. Ika 7 óras na ganáp ay natitipon doón ang ápatnapû sa limangpûng kaánib sa "Dakilàng Mithî."
Lahát ay galák na galák lubhâ na ang mga binatâ. Walang labì na di nakangitî, walang matáng di nagniningning, walâng kílos na mabágal. At sino ngâ namán ang di magágalák, alíng pusò ang di lálakasán ng tibók, kanínong damdámin ang di mapupúkaw sa lílim ng mapanghalina't malalagkit na títig, at sa halík ng bangóng núnukal sa mga sutlâng talúlot ng mga gayóng "bulaklák ng búhay" na doo'y naliligò sa mahínhing liwanag ng mga "Reina de las luces"? At sinong mahiligin sa sayáw ang makukuhang magtulug-tulugan, kaninong mga páa ang mapapakalí sa gayong idinulásdulas ng sahíg na binudburán ng pirápirásong ballena, sa inihabá-haba't inaluwang-lúwang ng pagsásayawáng salas sa anyáya ng malalambíng na tugtúging handóg ng orkésta?
Iká 7:15 na ng gabí, nguni't ang sayáwan ay di pa pinasísimulán. Hálos lahát ay iníp na iníp na. Dángan lang at sila'y nadadaíg ng hiyâ, marami na sanà ang nagúumikit noón sandalîng iyón, káhi't na walâng anyáya ó pahintúlot ng may báhay.
Samantaláng naghihintáy ay makinig táyo sa mga sáli-salitáan.
Sa isáng súlok ng salas, ay nakaupóng magkaharáp ang dalawáng binibinì na kung mámasdán ang kaniláng mga mukhâ, ay mapaghuhúlong sila'y may isáng mahalagáng bagay na pinagúusapan.
--"Bákit, Pacita,"--ang bigkás ng isa,--"bakit wikà mo'y di ka na makapagaáral?... Sáyang na sáyang pag nagkátaon!"
Si Pacita'y isang bulaklák na kabubuká pa lang. Lalabing-apat na taon ang kanyang gulang.
--"Walâ akong magagawâ, Elíng. Ang mga tátay ang siyáng áyaw pumáyag na ako'y magpatúloy."
--"Ayaw pumáyag?... Diyata't áyaw pumáyag? At anó namán ang dahil?"
--"Ang sabi nila'y sapát na sapát na ang kauntî kong nátutuhan sa Primary grade; na ang isáng babáe raw ay di kailángang mag-áral nang matagál, súkat na lang ang siya'y matutong sumúlat at bumása; walâ raw siyáng katungkúlan kundî ang maglínis, maghúsay at tumáo sa bahay; maglingkód sa kanyáng mga magúlang at asáwa, at mag-alagà sa mga anák kun sakali't magkaroon."
--"At pati ba namán ang mga tatay mo, Pacita, ay napadádaig sa mga ganyáng bulág na paniniwalà na dápat sumpain ng lahat! Diyatà namán at tayóng mga bábae ay di kailángang mag-áral ng anomán máliban na lang sa pagsúlat at pagbása ng kauntî? At ang karunúngan sa isáng wastô at ginháwang pamumúhay, ang mga mararangal at tumpak na paguugali, ang mga katungkúlan natin sa Kapisanan, sa ating báyan, at sa Sangkataúhan—ang mga bagay báng iyán ay pagpipikitán na natín ng matá, di na natin paguukúlan ng panahón?
"Laking kamalían!
"Túnay ngâ na katungkúlan ng isáng iná ang mag-álagà sa kanyáng mga anák; datapwa't ang pag-aalagà sa isáng anák ay di basta't siya'y palakihin, padamitan, pakanin, iligtás sa mga sakit, sundin ang bawa't maibigan at palakasin ang kanyang katawán. Hindî, hindî humahanggá ríyán ang mga katungkulan ng iná sa anák. May ibá pa siyáng tungkúlin na lalong dakilà!
"Italâ sa noo at pusò ng anák, sa pamamagitan ng halimbawà, ang katotohánan na siyá ay táong malayà, may púri, dangál at mga karapatán; na walâ siyang Diyós ó panginóon sa ibábaw ng lupà kundî ang sariling Bayan, ang dakilàng Matwíd, ang Katotohánan at ang Katungkúlan; na ang táo ay dapat múnang magpakamatáy bago siya manakáwan ng kanyang kalayáan, bago madungísan ang kanyáng dangál, bago siyá mahubdán ng kanyáng mga karapatán, bago umiwas sa isang katungkulan, bago mámalas na ang Bayan niya'y talúnan at abâ, bágo makitang ang matwíd ay nilulúpig at binabaluktót ang katotohánan... Ikintál sa kanyang diwâ sa pamamagitan ng halimbawà, na ang panahon ay gintô, at dahil dito'y di dapat sayangin sa mga halíng na pangarap kundî gúgulin sa mga bágay na pakikinabángan niyá at ng kanyáng mga kapwà; na ang táo ay di nilaláng upang mabúhay at pagkatápos ay mamatay, tulad sa mga gamógamó; kundî upang sa pamamagitan ng kanyang lakás ay makatulong siyá, kahima't gabuhangin lang, sa lalòng ikasusúlong at ikadadakilà ng Sangkataúhan. Iyán at marami pang katulad niyán, ang mabibigat na tungkulin ng iná sa anák. At ngayon ay aking itinátanong: ¿Anó ang magagawâ ng isang ináng hangál sa haráp ng mga ganyáng katungkúlan?
"Sinasábing katungkúlan ng isang babáe ang maglingkód sa kanyáng mga magúlang at kabyák ng dibdíb. Mabúti! Nguni't di masasábi na itó ang hanggán ng katungkúlan niyáng paglilingkód. Bakit? Sapagká't gaya rin ng mga lalaki siya'y may isáng Inang Báyan na dapat niyang lingapin.--May isang Lupàng sinilángán, Lupà na kanyáng pinagkukúnan ng lahát ng ikabubúhay—Lupà na tinubuàn at kinalibingán ng kanyang mga nunò! Di kayâ marápat na ang Báyang iyán ay kanyá ring paglingkurán, at paka-ibiging higit sa sariling búhay, higit sa kanino man, higit sa kanyáng mga magúlang, asáwa't mga anák?
"Oh Pacita! marámi pa sa áting mga matatandâ ang di nakababatíd sa di mapupuwíng na katotohánan na ang katubúsan ng Lahì ay nasasakamay din nátin na magiging mga iná sa araw ng búkas!..."
May ilán pa sanàng paghahakà na inulat si Elena; dapwá't sa lálapit noon sa dalawang magkaibigan ang isang binatà na nang masulyapán ni Elíng ay biglâng nagpapulá sa kanya nang gayon na lang at ikináputol tuloy ng salitaan nila ni Pacita.
Iwan nátin siláng tatló, at tayo'y makiníg sa bulúngbulúngan sa kabiláng pánig ng salas. Pulos na laláki ang náhandoón. Pinagkákalipumpunán nilá ang isáng malápad na papel na nakapakò sa dindíng at kinatititíkan ng salitâng programa. Sa ibabâ nitó ay ipinaaálam na ang sayáwan ay bubuoín ng labingánim na Waltz, labindalawáng two-steps at dalawáng rigodon.
--"Ano't may rigodon pa?"--ang payamót na tanóng ng isáng naka-lana sa kanyáng kálapit--"Que torpe! Anóng mahihitâ sa rigodon?... Walâ kundî.... kamáy. Mapapágod ka ng walâng... saysáy. Nakaaaksáya ng panahón! Kalukúhan sa ákin iyán!"
--"Masamâ namán ang walâng rigodon, katoto,"--ang sagót ng isáng naka-térnong-itím.--"At si Choy?"
--"Que Choy ni que báchoy!"--ang ángil ng naka-lana, at hinagisan ng dalawang ingos ang isáng naka-kakeng kulot ang buhók na sa pagka't lubhâng mahiluhín ay walâng ináabangan sa alín mang sayawan kundî ang pasimulâng-tugtóg ng mga rigodon. Itó ang si Choy na noo'y kasalukúyang nagpapantíng ang mga taynga, sapagka't malayôlayô man siya'y kanyang naulinígan ang salitaan ng dalawa. Manganínganíng sugurin ang naka-lana at sikangan ang walâng pitagang bungangà nitó. At kamuntî na ngang manugod noon ang ating si Choy, kundî niya naala-alang gagawâ siya ng malakíng kahiyâhiyâ, at kundî niya nataunan ang isang malambíng na títig ni Mameng—títig na wari'y inahihímok sa kanya ang, "Pacencia, Choy ko!"...
--"Pero, demonyo!"--ang mulîng putók ng naka-lana--"Anó ang hinihintáy nitóng si Pepe?... Bakit áyaw pang simulán ang sayáwan, diantre?.... Co--! naghihintay ang mga visita,--pu--!"
--"Huwág kang mainip, katóto"--anáng naka-itím--"huwag kang mainip at sásapulan na raw!"
--"Sásapulan! pero kailán pa? ¡demonyo!"
Isang binatà ang noón ay pumagitnâ sa karamíhan, at pagkatápos na makaupô ang lahat, ay bumigkás ng ganitó:--