Bulalakaw ng Pag-asa · Ismael A. Amado

Chapter 12: Kabanata 12

...AT ANG JUSTICÍA?

Kulóng na kulóng sa kanyáng silíd.

Walâng humpáy nang kayayao't dito. Nakayayaníg sa boóng báhay ang madadalás niyáng yabág na ipinagdidiínan sa sahíg na tablá. Ang mga lagutók ng kanyáng mga abellanang sapátos na nanggigipalpál sa putik ay nakabubulahaw hanggang sa mga nagtutulúgang kápitbahay—hanggáng sa mga manók na namamahingá sa isáng púnong kamatsiléng nakatánod sa trangkahan. Ang mga bintî at bisig ay pára-parang naninigás; ang mga dalirì ay tikóm na tikóm, na animó'y may isang sasagupáing kalában. Minsán baltakín nang paibabâ ang kamiseta niyang putê na pigtâ ng pawis; minsáng pag-itíngan nang higpit ang bigkís na nakakabít sa pantalong kake na dahandáhang dumádausdós sa kaluwángan ng baywang.

Walâng pumupúlas sa nakángiwî niyang mga labì kundi páwang pagngingitngít, pawang buntóng-hiningá, pawang mga "huhm! hm! huhm! hm!"

Walâng anó-anó'y lumapit sa isáng mésa at umupô; pinagábot ang mga kílay na pumapalamúti sa mga naglalalimang matá na nagpapahiwátig ng tatlóng gabíng di pagkatulóg; sinabunot ang mga mapuputê niyang buhók; tiningalâ ang isáng laráwang nakasábit sa dinding; kinagát ang labì, nagbuntóng-hiningá, sumuntók ng boông diín, pumadyák, tumindíg at nagyáot dito na naman.

--"Hu hm! hm! hm!"--ang mulî niyang ngitngit--"Papatayín ko! papatayín ko! hu! hm! hu! hm!... Noóng áraw, noóng áraw ¡hu hm!... akó ang harì sa báyang itó, óo harì! harì!... Sa áking haráp lahat ay nanunuyò, lahát ay lumuluhód, lahát ay "óo pô" sa ákin, walâng "hindî" ni "ayóko"! Noóng araw, ¡hu hm!... ako'y isáng don, isáng mahal na máginoo sa matá ng madlâ.... ¡hu hm! Lahat ay naniwalà na ako'y mayáman sa lahat; na ang yáman ko ay áking nakamtán sa tulò ng sarili kong páwis! ¡hu hm!.... Lahát ay naniwalà na malinis yaring budhî ¡hu hm!...

"Ang mga lihim na pinakatagòtagò kong mahigpit, noon ay walâ kundî akóng akó lang ang nakababatíd! ¡Hu hm!...

"Nguni't ngayón! ngayón! oh ngayón! ¡hu hm!... Sa ákin, ay walâng di umiiring, walâng dî kumukutyâ, walang dî lumilibák, bawa't matá ay násusuklám sa kataúhan ko, bawa't dilà ay ako ang isinusumpâ, bawa't dalirì ay sa ákin nakaturò--sa akin na kung tawágin ngayón ay di na "ang kapitan" "ang presidente;" kundì ang magnanakaw, ang magdaraya, ang mámamátay! ¡Hu hu! hu hm!... At bákit ako'y nagkaganitó ngayón? Bakit ako ngayo'y hámak na hámak, dustâng dustâ, mababang mababà? Sino, sino ang gumanitó sa ákin?... ¡Hu hu! hm!

"Oh! Pagpápapatayín ko ang mga iyán!...

"Oh Gerardo! Oh Rustica! Magsipagtagò na kayó, mga walânghiyâ!... Sáyang ang áking pagkamámamátay kapág kayo'y pinatáwad ng aking patalím! !Hu hm!!"

At lálong dinalasán ang hakbáng, lalong ipinagdiínan ang yabág. Walâng anó-anó'y bigláng tumígil.

--"Dapwa't... ako'y pápatay?"--ang kanyang patuloy.--"Diyata't pápatáy na namán akó?... Iba na ngayón ang pamahalàan!... Hindi na itó panahón ng kastilà! Diyata't pápatáy na namán ako?... At ang Justicia? ang Justicia?"--At muling nag yáo't dito ang mistúlang ulól; at sa kátatanong ng "ang Justicia?" ay naala-ala tuloy ang pagtatálo ng isang huklubáng pederál at isang binatàng independista.

--"Justicia?"--anitóng huli sa pagtatalong nábanggit.--"Sa ating Bayan ay walâ pang Justicia! Ni noóng panahón ng kastilà, ni sa mga sandalîng itó ay walang taál at wagás na Justiciang umíral ó umiíral dito. Ang dito'y tinatawag na Justicia, ay Justiciang kábilanin: Ang isa niyang matá ay dilát, dapwa't ang isa ay bulág. Yaong úna ay siyang ginagámit kapag ang dapat tangkilikin sa isang usapin ay amerikáno laban sa pilipino. Kapag ang dapat tangkilikin ay pilipino laban sa amerikáno, ang malimit hingan ng pasiyá ay ang matáng bulág!... Ayaw kayóng maniwalà?... Ibig ninyóng patunáyan ko ang pagkakábilanin ng tinatawag na Justicia ng kasalukúyang pamahalaan?... Náriyan ang huling pagkakabilanggô ni Dr. Gómez. Bákit siya hinatulang mabilibid?... Tanungin ang Kagálanggálang na hukóm na humátol sa kanyá, at sarì-sarìng kuskósbalúngos ang imamatwid, dapwa't sumanggunì kayo sa isáng malayàng pagíisip na walâng kinikilingan, at inyóng mababatid na ang tunay at tánging dahil ng pagkabilanggô ni Dr. Gómez, ay sapagka't si Dr. Gómez, na isang pilipino, ay iminungkahing magsiaklás ang mga manggawà, na mga pilipino din, sa isang Samahan ng mga puhúnang amerikano!... Iyán ba ang tinatáwag na Justicia?...

"At Justicia bagá ang naguudyók sa pamahalaang iyán na kupkupín at panatilihin sa kanyáng tungkól ang isang "Ibong Mangdaragit," na upang lálo't lálong makapagsamantalá at magtubò sa kanyáng kapangyaríhan, ay nanghihimások sa di dapat panghimasúkan, nagpapasasà nang lihim sa yáman ng may yáman at umaangkín sa arì ng may arì?...... Anóng Justicia iyán?

"At anóng Justicia iyán na pumapatnúbay dito sa bawa't hakbáng ng pamunúang amerikáno?..... Justicia ba ang sakúpin ang áyaw pasakóp? ¿pagharìan ang ayaw paharì kaníno pa man, tangi na lang sa sariling loob?... Justicia ba ang di pagtupád ng pamahaláan sa kanyang pangakò sa pinamumunúan? Di ba't nangakò ang pamahaláang iyán na palalayàin ang ating Bayan? Anó ang ginagawâ niya ngayón? Ipinagbabáwal ang ating Bandilà; pinanánatíli ang pagkakatangìtangì; hinahámak ang pagkakapantáypantáy ng amerikáno at pilipino; ipinagbabáwal sa kabatàan ang kumatig sa Pagsasarilí; tinatawánan, tinatáwag na ulól ang Báyang ito tuwing magbubukás ng dibdib, tuwing ipagtatapát ang kanyáng pinakadalisay na damdámin, ang wagás at katutubong pag-írog sa isáng malayang búhay—pag-irog na dî magmamáliw ni matitinag sa kanyang pusò, bumagsák man ang líbolíbong unós at buhawi!....

"At humahanggá ba rito ang mga matalinghágang panukalà na isinasagawâ ng Pamunúang amerikáno sa Pilipinas?... At ang Bill Payne? Ang Bill Payne na madalî ó maláon, kapag nagkataón, ay magiging isa nang makapangyaríhang utos na kailángan yukûan at sundín ng Bayang Pilipino? Ah, ang Bill Payne! Iyan ang pinakatúso at pinakadakilà sa lahát ng mga binalak na kautusán ng Pamunúan! Tagláy ng Bill Payne ang dalawáng binhî: Búhay at kamandág!... Búhay para sa báyang namumunò, at kamandág sa báyang nasasakóp! Búhay sa mga trust, sa mga puhúnang amerikáno na dito'y magsisidagsâ úpang sakmalín ang yáman ng ating lupà, hititín ang kahulihulíhang paták sa ating dugô hanggang walâng natitirá sa Báyan kundì ang kanyáng balát at mga buto!... Kapág ang Báyan ay nagíng buto't balát na lang, kapag nabungkál na ang ating lupà, kapag natibág na ang ating mga bundók, kapág walâ nang masasakmál at mahihitít, ay saka, SAKA, SAKA tayo iíwan ng mga Trust na iyán, sakâ tayo bibigyán ng Pagsasarilí, sakâ ipagsisigáwan ng mga angkan ni Taft na ang Báyang Pilipino ay handa, handang handa na sa Kalayaan!!...

"Ngayón, sabíhin sa ákin kun díto sa Pilipinas ay may Justicia! Iturò sa ákin kun saán naroon ang Justiciang iyán!"....

Humigít kumúlang ay ganitó ang mga salitang umuukilkíl sa alaála ng walàng tígil ng kayayáo't dito at kátatanong ng "ang Justicia?"--Pederál man siyá, ay kun bákit nahihikáyat siyang paniwaláan ang mga salitáng iyón ng isáng independista.

Sa di kawasa'y lumápit sa higáan, inabót sa karátig na lamensa ang isang bóteng kinadidikitan ng isang laráwan ng unggóy, at itinunggâ ang nangangalingásaw na lamán.

Tumikím muna ng makálimá na sinabayan ng limá ring tapík sa dibdib bágo náhigâ.

Aywan kung nátulog ó hindî.

Pagkaráan ng may kalaháting óras ay mulíng binuláhaw ang katahimikan ng kanyáng silid.

--"Ha! ha! ha!"--ang kanyáng halakhák na pairíng mulâ sa higàan.--"Ha! ha! ha! Nápatáy na kitá, Gerardo, nápatay na kitá! Ha! ha! ha! Si nasírang Gerardo ka na ngayón! Madalî ang umútang, mahírap ang magbáyad! ha! ha! ha! Sulong, takbó, humánap ka ng Justicia, súlong! Di akó natatákot sa justiciang bulág!...

"Ha, Stag? Handiyan ka na palâ. Tinamáan ka ng.... Anó ká? At bákit ka nagtatawá, ulól? Nasunód mo na ang ipinagagawâ ko sa iyó? Nápatay mo na ba? Hindî? Sáyang ang salapî ko! Ulól ako't pinawalán pa kitá... Ha? At nápatay mo ba? Siya ngâ ba? Saán mo inabútan ang walanghiyá't dalahirang babáe?... Mabúti, mabúti kang batà!... Ang kapupunán?... Huwág ka bang apurádo...!

"Juancho! Juancho! Gísing, gísing ka, tamád. Dilát ka na ba? Halíka rini't ikaw ay makiníg... Susunód ka, ha?... Pag hindi, baság ang iyóng ulo; hále, lumukólukó ka!... Ikaw ay mang-aágaw ha? aagáwin mo ha?... Alám mo ba kun bakit?... kun bákit di ka maibig ni Elena?... Dáhil kay Gerardo! Si Gerardo'y pinatáy ko, ikáw ang umágaw sa kanyáng katipán?... Ha? at naágaw mo na ba?... Mabuti kang batà, ganyán ang laláki!

"Ha! ha! ha! Busóg na busóg ako...! Usigin, ipangáw, mamatáy, walâ na ngayóng kailangan sa ákin! Ha! ha! ha! Ganáp na ganáp ang paghihiganti ko!..."