--¿ ... ?
--¡ ... !
At nároón na silá sa unang baytáng n~g hagdanang patun~go sa bayan ni Plutón: sa bahay-sáyawan. Náuuná si Tamád, ang tuksó, at si Sawî ay sumúsunód sa dako niyáng hulihán.
Ang Templo n~g masayáng diosa Terpsícore, nang m~ga sandalîng yaón ay maitútulad sa isáng Hardín n~g Kaligayahan: doón at dito'y walâng námamalas ang tin~gín kundî ang m~ga bagong Eba, ang m~ga bagong Adán, doón at dito'y nagsabog ang m~ga bulaklák, nagsalisalimbayan ang m~ga paroparó.
Pagdatíng na pagdatíng n~g magkasamang si Sawî't si Tamád sa bahay-sáyawan, si Páti, na nag-aantáy na sa kanilá ay malugód na sumalubong at nakan~gitî, nakatawang bumati sa kanilá:
Nan~gáligaw kayó rito....
Si Sawî'y hindî tumugón. Ang m~ga salitâ ni Pati, ang m~ga bigkás na yaóng mandi'y pinulután sa tatamís, ay isáisáng sumapit sa pusò n~g natítigilang binatà. ¡Anóng gandá ni Pati nang m~ga sandalîng yaón!
Sa loób n~g kanyáng damít na nan~gán~ganinag sa dalang, sa malas ni Sawî ay siyá ang nákita ni Flammarión sa kanyáng pan~garap: taong ilaw ang pinakalamán, at ang m~ga kamáy ay dalawáng bagwís.
Si Tamád, na nakákita sa ganitóng pagkakápatigil n~g kanyáng kasama, ay kumindát n~g isá kay Pati at lihim na itinurò yaón: «¡Talagáng torpe n~gâ!»
Noo'y isáng hudyát n~g tugtugin ang náriníg:
--¡Bals!--ang panabáy na turing n~g m~ga naíiníp na m~ga mánanayaw.
At umugong ang malakíng salón sa kiskís n~g m~ga sapatos.
Si Pati na nálalayô na sa dalawáng magkasama, pagsisimulâ n~g sáyawan ay mulîng lumapit kay Sawî:
¿Ibig pô ninyóng sumayáw?--ang magiliw na tanóng.
--Hindî pô ... bahala na pô ... mámayâ na pô kung sakali.--At tumindíg na tila nainitan sa pagkakáupô; dinukot ang panyô sa bulsá at pinahid ang pawis na sa noó'y butílbutíl na sumísipót.
--¡Mahíhiyâin pa ang tunggák! ang naibulóng tulóy n~g magandáng mánanayaw. At tinalikdán ang binatà na hálos padabóg. Tila nagálit sa gayóng pagtanggí n~g inanyayahan.
Ang gayón ay náhalatâ ni Sawî, kayâ't paanás na násabi sa sarili, nang siyá'y naúupô na:
--¡Bakà nagalit ah!...
At lalòng nag-ulol pa ang ganitóng pan~gan~gambá n~g binatà, nang mákitang si Pati ay kinúkuha na n~g isáng makisig na bailarín:
--¡Sayang at hindî ko siyá napairugan!
¿Sinóng lalaki ang kumuha sa kanyáng magandáng mánanayaw?
¿Katipán na kayâ niyá?
¿Kasintahan na kayâ?
M~ga ganitóng pag-iisip ang gumuguhit sa gunitâ n~g binatà, nang sa súsugat sa kanyáng pandiníg ang tanóng ni Tamád.
¿Bakit hindî ka sumayáw? At hindî na binigyáng panahón na ang inusisà ang makasagót pa, at si Tamád ay nagpatuloy sa kanyáng pagtuksó:
--¿Naníniwalà ka bang sa m~ga bahay-sáyawan ay walâng dumádaló kundî ang m~ga taong walâng kabuluhán?
--Hindî sa gayón, katoto....
--¿Naníniwalà ka ba—ang ulit ni Tamád—na sa m~ga bahay-sáyawan ay walâng ibáng dumádayo kundî ang m~ga hampás n~g Dios na nagkalat diyán? Ah, nagkakámalî ang m~ga may ganitóng paniwalà, at saksíng matibay n~g kamalìang itó ay ang nakikita mo n~gayón, kaibigang Sawî. Ang ginoóng iyáng kasayáw ni Pati ay isáng abogadong kilalá sa m~ga pook na itó n~g Maynilà ... ang ginoóng yaón—at itinurò ang isáng umíikit na kayapós namán n~g isáng babaeng habâan ang mukhâ at singkít ang matá ang ginoóng yaón ay isáng farmaceútico; at itó, itóng nagdáraán n~gayón sa tabí natin na may kawíng pang bulaklák sa tapat n~g dibdíb, ay isáng mayamang mán~gan~galakál....
Anó pa't ang lahát n~g m~ga nároón ay isáisáng ipinakilala ni Tamád kay Sawî: may m~ga estudiante de derecho, m~ga nag áaral n~g medicina, m~ga mán~gan~galakál, m~ga polítikó, at m~ga ibá pang «pag-asa n~g Bayan,» wikà n~gà n~g Dakilàng Bayani n~g Lahì.
N~gunì't ang m~ga ganitóng pagpapakilala ni Tamád ay hindî warì pansín n~g kanyáng kinákausap, pagkâ't itó, pagkatapos niyáng humintô, ay walâng ibáng náisagót kundî:
¿Sinó ang kasayáw ni Pati?
Ang ganitóng pagwawalâng bahalà n~g kanyáng kaniíg ay hindî ikinapoót ni Tamád. ¡Bagkús ikinagalák pa n~gà! Náhalatâ niyáng sa pusò ni Sawî, nang m~ga sandalîng yaón, ay walâ nang ibáng nagsísikíp kundî ang larawan n~g kanyáng kandidata, at walâ nang ibáng naririníg ni nakikitang anó pa man ang binatà kundî ang mahinàng sagitsít n~g sapatos ni Pati sa tablá n~g salón at ang kanyáng mapanghalinang tindíg.
Si Sawî, pusòng lagìng tikóm sa hibò n~g pagkakásala, n~gayó'y untî-untîng nabúbuksán sa tawag n~g isáng bagong damdamin, damdaming aywán niyá kung anó, datapwà't nálalaman niyá, óo, na ang damdaming yaó'y walâng pinag-iwan sa bagang nagbíbigáy init sa isáng kaldera, apóy na gumigising sa dating tulóg at nagbíbigáy siglá sa dating malamíg na pusò.
Ang bulaklák na noóng una'y takót sa halík n~g araw, n~gayó'y bumúbukád sa hagibis n~g bagyó.
Samantalàng ang m~ga pareha'y nagsalísalimbay, sa gitnâ n~g salón; samantalàng ang m~ga pareha'y walâng hintô n~g bulun~gan, kálabitan, kindatan, kúrutan, at kung minsá'y ang pálitan n~g matatamís na salitâ; si Sawî, sa luklukang kinarórooná'y walâng ibáng iníisip-isip kundî kung «paano ang paraang dapat niyáng gamitin upáng maparating sa taya n~g mapanghalinang binibini ang m~ga itinítibók n~g kanyáng káluluwá.»
--Tamád ang pamulîng tawag sa katabí--ibig kong akó'y pagtapatán mo: ¿anó ang tunay na kalágayan ni Pati? ¿Dalaga ó may asawa? ¿malayà ó may katipán?
--¿Nálimutan mo na ba ang maliksíng tugón n~g tinanóng ang m~ga isinagót ko sa iyó noóng unang tayo'y magkásama hinggíl din sa m~ga ganyán mong pag-uusisà?
--Marahil ... ¿anó ba ang sinabi mo sa akin noón?
--Sinabi ko sa iyóng si Pati'y dalaga at walâng asawa, malayà at walâng katipán.
--Samakatwíd....
--Samakatwíd ang agád na habol ni Tamád—samakatwíd si Pati ay malayà, malayàng tulad n~g isáng isdâ sa tubig, n~g isáng paróparó sa halamanan, n~g ibon sa alapaap.
--Kung siyá kayâ'y pag-alayan ko....
Náhalatâ ni Tamád ang tun~go n~g, ganitóng pananalitâ ni Sawî; kayâ't hindî na inantáy na matapos pa at matuling sumagót:
--¿Bakit hindî? ¿bakit hindî mangyáyaring siyá'y pag-alayan n~g pag-ibig? ¿Hindî ba't ikáw ay isáng binatà, at siyá'y isáng dalaga? ¿Hindî ba't ikáw ay isáng makisig na bagong-tao at siyá'y isáng magandáng binibini? ¿Bakit hindî...?
--Katotong Tamád, tila mandín biníbirò mo akó.
--¿Binibirò kitá? Hindî ko pa sinásabing lahát sa iyó ang m~ga nálalaman ko tungkól sa babaeng iyán, pagkâ't nan~gán~gambá n~gâ akóng bakâ ka malulà....
--¿Malulà?
--Kung sabihin ko sa iyóng si Pati ay tila ... tila....
--¿Tila anó?
--Tila nagkákagustó sa iyó....
--¡Nagkákagustó! ... ¿Diyatà? ¿diyatà't si Pati'y nagkákagustó sa akin?
--¿At bakit mo namán násabi ang gayón?--ang usisàng may halòng pananabík.
--¿Bakit hindî'y sa minámasdán ko ang bawà't kilos niyá?
Noó'y nagkátaóng si Pati'y tumítin~gín kay Sawî. Nápansìn ni Tamád ang gayón. Kinalabít ang kanyáng kapulong at ang bigkás na pan~gitî:
--¡Nákita mo na ... dî n~gayón ay tiningnán ka na namán!
--¡Tunay!--ang náibulóng ni Sawî sa sarili.--¡At, anóng lagtkít na sulyáp ang kanyá, anóng lambíng, anóng pagkásarápsaráp!
Natapos ang unang bals.
Sa ikalawáng hudyát n~g tugtugin na nagbalità sa m~ga nároon n~g isáng mainam na two-step, si Sawî ay hindî na nakatiís:
--¡Ibig kong sumayáw sa kanyá!
At noón dî'y iniwan ang likmûan, madalîng lumapit kay Pati, at ang magalang na samò:
--¿Ibig pô ba ninyó akóng paunlakán?
Sa ganitóng katanun~gan n~g binatà, si Pati'y hindî man lamang nagbuká n~g bibíg; subalì't pinasagót ang maputî't maliít niyáng kamáy na noó'y agád ikinawit sa bisig n~g nag áanyaya.
M~ga matáng sana'y bumasa sa pusòng lalaki, noón pa'y nábanaagan na ni Pati ang kanyáng nálalapít na tagumpáy:
--¡Huli na ang ibon, huli na, huli na!--ang magalák na bulóng sa sarili.
At nang silá'y sumayáw na ay pinapaglarô n~g gayón na lamang sa kamáy n~g kanyáng kayapós, ang maliít at malantík niyáng baywáng.
Si Sawî, sa ganitóng laláng n~g babae, ay untîuntîng nanglíliít na animo'y isáng kandilàng naúupós sa hihip n~g han~gin.
At ang makamandág na samyô n~g sampagang kanyáng sinísimsím n~g m~ga sandalîng yaón ay hinayhinay nang tumátagós sa kaibuturan n~g kanyáng damdamin.
¡Umíibig na siyá ... at umíibig n~g isáng pagíbig na taós, maálab, morubdób, na gaya n~g isáng sigâ sa alò n~g han~gin, gaya n~g isáng sunog sa buhos n~g gás!
Bawà't n~gitî ni Pati, bawà't sulyáp na panukáw na ipakò sa kanyá, ay mariíng tumítimò, bumábaón, sumúsugat sa dibdíb n~g na sa pan~ganib na si Sawî, paris n~g pagtimò, pagbaó't pagsugat n~g isáng mahayap na palasô.
--Aling Pati—ang kimíng tawag sa kasayáw—kung akó pô kayâ'y pumarito gabígabí ay mákakasayáw ko kayó?
--Bakit pô hindî?--ang malambíng namáng tugón n~g tinanóng.
Ang binatà natin, ang torpeng si Sawî, sa ganitóng paoo ni Pati, walâng ibáng maisagót kundî isáng banayad na:
--Salamat pô.
At hindî na umimík pang ulî hanggáng sa matapos ang sáyawan. Si Simoun, ang kasindak sindák na Simoun sa Filibusterismo ni Rizal, pagkapaglapat n~g m~ga dahon n~g pintûan n~g Templo ni Terpsícore ay nagpamalas sa m~ga nan~gín~giníg niyáng labì n~g isáng mapagkutyâng n~gitî; at sakâ sinabing:
--¡Buena está la juventud!...