Waring mga salarín na hinahakot ang mga manglilimbag sa limbagan ng Pamahalaan, at dinadala noon sa pagamutan ng San Lásaro. Dahil sa pagkamatay ng isang kasama, sa sakit na dipterya, ay muntik ng ikulong ang lahat ng kawani sa boong limbagan. Kuwarentenas diumano ang kailangan, sapagka't mapanganib na sakit ang dipterya. Ang mikrobyo raw noon ay totoong mabisang makahawa. Ganyan ang pasya ng matatalinong doktor sa Kagawaran ng Karunungan. At naganap ang pasya, baga man kay daming anak ng dalita ang napinsalaan.
Lungkot, pighati, hinagpis, pamamanglaw, iyan ang lumalaro sa mga kaawaawa na ikinulong sa isang kamalig na ni lamok ay di makapasok. May tumatangis at may tumatawa. Datapwa't ... ¿ano pa? Pagtangis na inililihim at pagtawang pilit lamang. Ang iba'y malungkot na inaalaala ang asawa. Ang iba'y iniluluha ang mga anak. At ang iba nama'y mapanglaw na ginugunita ang kanilang pinopoon sa buhay, ang langit ng kanilang pagibig. Kung minsan sa hinagpis na ¡ay! ay buntong hiningang ¡ay! din ang tugon....
At ¿bakit di sila mamamanglaw? Tunay; sila'y malalakas pa kay sa humakot sa kanila. Paano'y wala namang sakít. Subali't ang pagkawalay sa mga pinakamamahal sa buhay, ang masabing sila ay may mikrobyo ng dipterya, ay labis nang makapanglumó ng puso. Isa lamang dito ay sapat nang sumupil sa kanilang lakas.
Noón ay isang hapong mapanglaw.
Salamat sa pagdalaw ng ilang mga kasama at kamaganak, ay nababawasan ang kanilang lungkot.
Salamat din naman sa mga alaala ng "Kami Naman", na paano't paano ma'y ikinaaaliw nila. Ang masasarap na biskuwit, welga, at sigarilyo, na abuloy ng Samahang yaon sa Pako, ay nakatutugon din kahi't bahagya sa kanilang hapis. Paano'y tanda yaon ng pagmamahal; pagmamahal na ibinuyo ng pagibig; at pagibig na likha ng banal na pagkakapatiran.
--Ano ang naisipan ng "Kami Naman" at nagpadala rito ng abuloy?--ang tanong ng isa.
--Wala. Tumupad lamang sila sa kanilang tungkulin. Dumamay sa kapatid—ang paliwanag ng nakasalamin.
--Tayo ba'y kapatid nila? ¿Hindi naman tayo kasapi?--ang patlang ng iba.
--Oo. Kapatid nila tayo; kasapi man at hindi sa kanilang Samahan. Sapagka't ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan....
--Tama!
--Mabuhay!
--Katwiran!
Ganyan ang itinugon ng ilan at tinapos sa palakpak na pagpuri ng lahat.
--¡Mga kapatid!--ang malakas na hiyaw na kanilang narinig.
Natahimik ang lahat. Sila'y nagsidulog sa durungawan. At mula roo'y napanood nila kung sino ang sumigaw. Isang baliw sa kulungan ng mga sawing palad. Na sa bahay na katapat ng kanilang kinapipiitan. Mula sa durungawan noon ay isang talumpati ang binigkas sa kanila:
--Mga kapatid: Itigil ninyo ang pagawit ng galak. Ang dapat magalak ay ang nasisiyahan sa buhay. Samantalang tayo ay naghihikahos: gipít sa lahat ng kailangan; dahop sa salapi; uhaw sa paglaya; ay pawang pighati ang ating dalitin... Sapagka't, sapagka't, sapagka't siyang bagay sa ating kalagayan....
--Katwiran!--ang bulungan ng mga nakikinig.
--Makinig tayo!--ang saway ng ilan.
--Sa buhay na ito ng mga pangarap—patuloy ng nagtatalumpati—ay talagang pawang katiwalian ang malimit mapanood. Ang mahirap ay nasisiyahan sa kanyang kahirapan, nguni't ang mayaman ay di nabubusog sa kanyang kayamanan. Gayong ang dapat mangyari ay masiyahan ang masalapi sa kanyang kasaganaan, at dumaing ang dukha sa kanyang kadahupan. Subuking iwasto ang lakad ng buhay: tumahimik ang mayroon; magsigasig ang wala: at ang puso ng maralita ay hindi na tatangis....
--Totoo—ang turing ng ilang nakikinig.
--Makamahirap pa!--ang paghanga ng iba.
--Bayan ko—ang hiyaw na naman ng baliw--¿Kailan pa mapapanatag ang iyong kapalaran? ¿Habang panahon na ba ang iyong pagtitiis? ¿Talaga bang isinumpa ka sa kaapihan? ¿Bakit di ka kumilos? ¿Ano ang kabuluhan ng iyong lakas? ¡Walang kalayaang inililimos! ¡Ang ipinamimigay ay ang kalabisan ng nagbibigay! Ano pa't ang layang inaantay mo, ay ¡ang labi ng panginoon! Datapwa't alalahanin mong may mga labi, na ni hayop ay tumatanggi.... At ang bayang labi ng kapwa bayan, ay mahina. ¡Walang kasing hina! Marupok. ¡Walang kasing dupok! ¡Parang salamin lamang! ¡Sayang ang iyong matatalino! ¡Sayang ang iyong matatapang! ¡Masdan mo't isa isang nagsisitulog sa libingan! ¿Bakit di mo samantalahin ang kanilang lakas? Kung ang tao ay sumipot upang makipagagawan sa buhay, ang bayan ay nilikha upang makipaglaban sa karapatan....
--Iyan ang ulol na nagsasabi ng katotohanan!--ang pagtataka ng mga nakikinig.
--Sino kaya iyan?--ang tanong ng iba.
Ang baliw naman ay lalong gumilas sa paglalahad ng mga nangyayari. Kumuha ng pisi at sa dulo'y itinali ang kanyang panyolitong puti. Inilawit sa rehas. Binayaang iniwagayway ng hangin. At malakas na sinabing:
--Hayan ang watawat ng pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng digmaan ay unahan tayo ng paghawak. Datapwa't kung pula, tanda ng paglaban, ay nagtuturuan tayo. ¡Magdarayang tapang!...
Sandaling natigilan. Bago nagpatuloy:
--Bandila ng kapayapaan! Ang kapangyarihan mo ay nagdidiwang sa ibabaw ng maliit at api. Nagdidiwang, sapagka't nasisiyahan sila sa kanilang kaliitan at kaapihan. Datapwa't sa malalakas at manglulupig, ang kapangyarihan mo'y hindi makapamayani. Hindi makapamayani, sapagka't di pa sila nabubusog sa kanilang tayog at kadakilaan. Dapat lumaganap sa lahat ang iyong lakas. ¡Masupil mo nawa ang sangkatauhan!...
Noon ay papaalis na ang mga dalaw. Nang mapuna ng baliw ang pagyaon ng ilang dalaga, ay maliksing hinigit ang kanyang watawat. Nagpugay sa mga paalis, na anya'y:
--Paalam mga dalaga ng lahi, masamyong bulaklak ng bayan. Dahil sa inyong dilag ang libo mang buhay ay ipasasawi. Si Plorante'y naging Plorante dahil kay Laura; si Ibarra'y naging Ibarra dahil kay Marya Klara; ako naman ay magiging ako dahil sa kagandahan ninyo. Paalam mga pangarap ng aking puso. Taglayin ninyo ang alaala ng inyong sawing lingkod....
--Malambingin pa—ang saad ng isang nakikinig.
--Parang hindi ulol—ang pasya ng iba.
--Siya nga—ang ayon ng ilan.
Nagpatuloy naman ang baliw; nguni't iba na ang uri ng isinasaad. Ang tinig man ay tinig panambitan na:
--Loleng ng buhay ko! ¡Dolores ng aking kaluluwa! Halika't pawiin mo ang lungkot ng iyong alipin. Dahil sa kagandahan mo, tampok ng pagibig, ako ay naging mamamatay. ¡Limang buhay ang inutang ko!...
At naghinagpis ng:
--Ay, kapalaran! ¡Napakadilim ng gabi na aking nilalamay! ¡Nakamatay ako sa di kinukusa! ¡Kaibigang Artemyo, katotong Pastor, kasamang Labadre, mga kulang palad na naparamay sa aking kasawian!... ¡Simón! ¡Simón! ¡Simón! ¡Huwag kang mahapis diyan sa bilibid! ¡Ang pagdurusa mo'y tanda ng iyong pagkamatapat na katulong! ¡Sa gaya mo, buhay man ay maipagkakatiwala!... ¡Ang kayamanan ko'y manahin mong lahat!... At magdiwang ka ng boong galak....
Nilagot ang salita sa halakhak. Nagpatuloy pa rin:
--Ako si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Limang buhay ang aking inutang! ¡Apat ang inutas ko ng patalim at isa ang namatay sa takot sa aking ginawa! ¡Kay Tomás ay ako ang pumatay! ¡Hindi si Simon! ¡Palayain ninyo siya! Si Simón ay kinasangkapan ko lamang sa pagpatay. ¡Si Tomás ang unang tinampalasan ng marahas kong loób! ¡Kay Artemyo, kay Pastor, kay Labadre, ay ako rin ang pumatay! ¡Si kapitang Andoy man ay namatay sa pagkasindak sa sakuna! ¡Ano pa't dahil din sa akin! ¡Oo; inaamin kong limang buhay ang aking utang, kaya't ako na rin ang humanap ng katarungan!...
At tinapos ang talumpati sa:
--¡Pagibig! ¡Pagibig! ¡Itangis mo ang mga sinawi ng iyong lakas at kapangyarihan!.... ¡Dalaga! ¡Dalaga! ¡Alalahanin mo ang mga nalugmok dahil sa iyong kagandahan!...