Gabing maligaya. Ang buwan noon ay parang nabibitin sa langit. Nagpapalalo ng kanyang yaman. Sa daan Sagat naman noon, ay magulong maguló ang mga bata. May tubigan, may taguan, at kung ano-ano pang laro ang ginaganap. Nakikipaglamay sila sa liwanag na kaayaaya. Noon ang ika pitong gabi ng dasal na patungkol kay kapitang Andoy. Kaya't kung sino-sinong manang at manong ang nagsisidatal. At lalong marami ang dalaga at binatang mga kaibigan ni Dolores.
Ang masamyong halimuyak ng mga dama-de-notse, sa halamanan ni Loleng, ay sumusuob noon, at bumabati sa mga alindog na panauhing patungo sa dasal. Ang mga panggabing paroparo, o mga pusong palaboy ng pagibig, ay naglisaw naman sa daan at inaabangan ang kanikanilang bulaklak. ¡Sayang nga naman ang pagkakataon!
Mula naman sa langit ay nagkislapkislap ang mga hiyas ng kalawakan. Mga bituing waring nagsasaad na sinusubukan namin kayo. Hangin lamang marahil ang nakababatid ng kanilang isinasaloob.
Mana'y tatlong lalaki ang sa daang Erran ay waring nagaaliw na naglalakad. Sila ay si Artemyo, si Pastor at si Labadre. Makikipagdasal ding gaya ng mga sinundang gabi.
--Hiyanghiya siya noon—ang saad ni Labadre—wala pa kayo ay talagang iniinis ko na.
--Bakit naman?--ang salo ni Artemyo—baka tuloy isinaloob na tayo ay magkakasapakat.
--Maano yaon?--ang sabad ni Pastor.
--Hindi—ang matwid ni Labadre—Batid naman ng lahat na tayo ay di pa magkakakilala noon.
--Kung sakali man ay sa pangalan lamang—ang lagot ni Pastor.
Lumiko sila sa daang San Tiyago.
--Magtapatan nga tayo—ang hamon ni Labadre--¿ano ang ikinagalit ninyo kay Beteng?
--Galit kay Beteng!--ang pagtataka ni Artemyo—Ni sa guniguni ay wala akong galit sa kanya. Pilitin ko man yata ang mapoot ay di mangyayari.
--Sus!--ang di paniniwala ni Labadre.
--Talagang totoo kaibigan.
--Ako ang magtatapat—ang agaw ni Pastor--¿Bakit ba ako magbubulaan?
--Hala nga—ang sambot ni Labadre.
--Ang masama ay dapat bungkalin—ang patuloy ni Pastor—Ang magtakip sa isang kasamaan ay ginagawa lamang ng mga taksil.
--Siyang totoo—ang ayon ni Labadre.
--Sapagka't kami ay hindi taksil ay sasabihin ko ang katotohanan—ang dugtong pa ni Pastor—makasama o makabuti man sa amin.
--Iyan ang lalaki!--ang pagpuri ni Labadre.
--Hatulan mo:--ang simula na ni Pastor.--Si Beteng ay dinaig nito sa pangingibig kay Loleng. Dahil doon ay sarisaring paninirá ang kanilang inasal. At pati ako ay binantang sapakatin. Nguni't di pumayag ang puso ko. Nabigo ang kanilang amuki. Sila ni Simón ang nagkasundong mabuti. Ako naman, palibhasa'y di maamin ng aking sarili ang pagagaw ng dangal nito, ay siya ko namang inagapayanan. Hanggang sa loob ng Samahang «Kumilos Tayo» ay nagpanagupa kaming mabuti. ¿Doon ba naman ay sukat alisan ng tungkol at itiwalag ito?...
--Hindi lamang yaon—ang putol ni Artemyo—inilathala pa sa mga pahayagan na ako raw ay magdaraya, magnanakaw, at....
--Si Beteng ba o si Simón ang naglathala?--ang tanong ni Labadre.
--Si Beteng; nakalagda pa eh—ang patuloy ni Pastor—Ang nasapit ay nabagsak ang Samahan. Paano'y maraming nagsitiwalag at dinamdam ang nangyari. ¿Biro ba ninyong kahihiyan, yaon?
--Siya nga—ang ayon ni Labadre.
--Mula na noon—ang dugtong ni Pastor—ay inabatan ko na siya. Inabatan ko, ako lamang, sapagka't ito ay ayaw makipatol.
--Bakit makikipatol ay napapabuti na siya?--ang biro ni Labadre.
--Hindi naman—ang ngiti ni Artemyo.
--Nang mabalitaan ko ang araw ni Loleng—ang giit din ni Pastor—ay nilakad ko ang komparsa niyang inanyayahan upang huwag sumipot. Sa mabuting salita ay di lamang pumayag na sila ay di sisipot, kung hindi nangako pang sa amin sasama. Datapwa't inakala kong pangit ang gayon. Kaya pinaurong ko ang kanilang pagparoon, at humanap na ako ng orkesta....
--Ah! ¡Labis ang pagkaganti ninyo!--ang hatol ni Labadre--¡Malakas na sampal ang inyong ginawa! ¡Nguni't ... patas na kayo!
--Nakalalamang pa kami—ang habol ni Pastor.
--Mangyari pa! sa inyo tumining ang pagpuri ng lahat—ang ayon ni Labadre.
Noon ay na sa tapat na sila ng tahanan ni Beteng. Madilim ang bahay at wala ni kalatis mang marinig. Tahimik namang lumagpas ang tatlo. At lumiko sila sa daang Sagat.
--Kumusta naman kayo ni Loleng?--ang usisa na naman ni Labadre—Banta ko'y nakasapit na kayo sa lupang pangako....
--Malayong malayo—ang tugon ni Artemyo.
--Ang turo ko sa kanya—ang dugtong ni Pastor—ay pagkaraan ng dasal sa nasirang kapitan ay umaklás na sila....
--Bakit pa aaklas?--ang tanong ni Labadre—Magpamanhikan na lamang at ako....
Hindi natapos ang pananalita ni Labadre, at sunodsunod na, bumulagta ang tatlong magkakasama. Isang lalaki ang nanampalasan. Saksak dito, tarak doon ang ginawa. Nangakatimbuwang na'y di pa tinirahan ng búhay. Sa isang sandali, ito ay naganap. Bago napakilala yaong mamamatay:
--Ako'y si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Ang lalaking isinubo ninyo sa kahihiyan! ¡Wala akong ginawa kun di maningil! ¡Ako na rin ang hahanap ng katarungan!...
Inihagis ang hawak na balaraw. Yumaon ang lalaking naghiganti. Nilisan sa liwanag ng buwan ang tatlong bangkay. Ang ulo ni Artemyo ay napatong sa dibdib ni Labadre. Si Pastor naman ay nakabulagtá sa may dalawang dipang layo. Ang dugo ng mga sawi ay parang idinilig sa pook ng sakuna.
--Tatlong bangkay!
--Inutás si Artemyo!
--Sino ang pumatay!
--Pinatay si Labadre!
--Hinarang!
--Tinapos si Pastor!
Ganyang mga alingawngaw ang sa ilang saglit lamang ay gumuló na sa bayan ng Pako. Ang tao sa mga sine, ay unahan ng paglabas. Maging mga pulis ay gulonggulong. ¿Ang dasal pa kaya kina kapitana Martina ang hindi naligalig? Naligalig din. Naligalig ng gayon na lamang. Takbuhan sila sa pagpanaog.
--Ay!--ang buntong hininga ni Loleng, nang mamalas niya ang bangkay ng kanyang giliw at nagunahan nang pumulas ang luha....
Ang kahihiyan ay sinupil ng pagibig. At ang lakas nito ay namayani na naman noon. Niyakap ni Dolores ang bangkay ni Artemyo. Inihiga sa kanyang kandungan. Luha naman ang itinulong ni kapitana Martina. At lahat ay nagtaglay ng habag sa busabos ng pagibig; kay Loleng na nagtanghal ng di karaniwan sa mata ng madla. Mabilís na umaagos ang kanyáng luha, na nagbabansag ng matayog na kadakilaan ng kanyang puso, at magtatanghal ng taimtim na pagdaramdam ng kanyáng kalulwa.