Hapon na noon ng araw ni Loleng. Ang panauhin nila ay mga katulong na lamang. Ang pagsasaya ay natapos sa di oras, dahil sa sigalot na nangyari.
--Bah!--ang nasabi na lamang ni Artemyo nang siya'y dumating na lahat ay natatahimik. Ang durungawan man ng bahay ay nakalapat. Isa mang tao ay wala siyang mamalas. Tunog ng pinggan sa labas ang kanyang napupuna. Nagalanganin tuloy na magpatao po. Subali't noong siya'y tatalikod na lamang ay nakarinig ng:
--Mang Artemyo, tuloy kayo! ¿Ano po ba ang balita?
Ang kapitana Martina pala ang tumawag kaya't pumanhik ang binata.
--Bakit ngayon lamang kayo?--ang bati naman ni Loleng na buhat sa silid.
--Bakit naman nagkatapos agad?--ang usisa ng binata.
--Nagkasakit sa nerbiyos si Andoy—ang salo ng kapitana—Nariyan sa silid na binabantayan ni doktor Borlongan. Malubhang totoo.
--Diyata!--ang taka ni Artemyo.
--Nasindak kay mang Simon—ang patunay ni Dolores—Bakit talagang may sakit sa puso.
--Ang nangyari po'y ganito—ang pagbabalita na ni Artemyo—Nangako rito, o kay kapitang Andoy, si Beteng ng komparsa. Ang komparsa pong yaon ay pinangangasiwaan ng isang nagngangalang Tomas. Si Beteng, upang matiyak na sisipot dito ang komparsa, ay nagbigay pa ng salapi. Si Simon po naman ang nagdala, sapagka't ito ang kasama ng Tomas sa hanapbuhay. Nagkasundo di umano sila, at tinanggap daw po ang pinakaupa. Nguni't kanina raw po ay antay ng antay si Simon ay walang sumisipot. Hinanap daw po si Tomas at nakita sa bilyar. Inusisa raw po nito kung bakit di tumupad sa salitaan. Sapagka't si Tomas daw po ay napagtatalo ay di raw hinarap si Simon. Sa gayon ay sumubo na ang poot ng sumundo. Isang kung sino naman ang bumulong daw kay Simon na "talagang hindi sila sasama sa inyo sapagka't salitaang ibibitin kayo." Lalong nagdilim daw po ang isip ni Simon. Nagbunot na raw po ng kortapluma at nilabnot ang damit sa dibdib ni Tomas. "¿Sasama ka o hindi?" ang makapangyarihan daw na tanong. "¡Huwag ka ngang buwisit!" ang tugon daw naman ni Tomás, "¡Hayan ang salapi mo!" at inihagis daw po ang pabuya. Sapat na yaon upang si Simon ay gumamit ng patalim. Tinarakan na raw po sa tapat ng puso si Tomas....
--Hesus!--ang pahiyaw ni kapitana Martina.
--Di namatay?--ang saad naman ni Loleng.
--Mangyari pa po! ¿Di ba ninyo narinig ang hagibis ng ambulansiya?--ang tanong pa ni Artemyo.
--Narinig nga namin at siya tuloy nagtaboy ng maraming panauhin—ang saad ng kapitana.
--Bakit sinabi ni mang Simon kay Beteng na narito ang umaagaw ng kanyáng dangal?--ang usisa pa ni Loleng.
--Ipinalagay po marahil nila na si Pastor o ako ang nagsulsol kay Tomas, na huwag sumipot.
--Patawarin ng Diyos!--ang saad ni kapitana Martina, at hinarap si Dolores—ipaghanda mo sila ng mirindal.
--Huwag na po. Marami pong salamat—ang maagap na pagayaw ni Artemyo.
--Hindi manyayari; kakain at kakain kayo—ang pasya ng kapitana.
Si Dolores nama'y yumaon na upang ipaghanda ang irog. Ilang sandali lamang ay magiliw na nagsabing:
--Tayo na.
--Huwag na po—ang pasalamat ng binata.
--Hala na—ang yaya naman ng kapitana.
Sa kapipilit ay tumayo rin si Artemyo. Silang tatlo ay nagharap sa lamesa. Sumungkit si Dolores ng mantikilya at ipinahid sa tinapay ng binata. Nilagyan naman ng kapitana Martina ng keso ang pinggan nito. Nguni't noong isusubo na lamang ni Artemyo ang biskuwit na isinahok sa mainit na sikulate ay nabigla sila sa tawag na:
--Kapitana! ¡Kapitana! ¡Dolores! ¡Dolores! ¡Madali kayo at mamamatay na ang kapitan!...
Madaling gumibik ang tatlo. Unahang pumasok sa silid ng kapitan. Isang higit na lamang ng balikat ang kanilang namalas, at:
--Patay na!--ang saad ng doktor.
Malakas na hagulhol ng magali ang nagbalita sa boong kabahayan, ng masaklap na pagyaon ni kapitang Andoy. Dumagsa sa silid ang tao mula sa labas. Madlang kapitbahay ay nagsidalo rin.
Samantalang nagsisitangis halos ang lahat, si Artemyo ay pagal na pagal namang inaaliw ang kanyang pinopoon. Sa pagkahandusay sa isang upuan ni Loleng, ay boong giliw niyang pinapaypayan. Pinipisilpisil ang mga daliri at hinahaplos ang mukha. Walang malay naman ang dinaklot ng pighati.
Isang sandali pa ang lumipas at tinanghal nang bangkay, ang kanikanina lamang ay tinawag na kapitang Andoy.
Sa isáng silid ay nagkulóng na naglapat ng pinto ang magali. Mula roon ay umalingawngaw ang malumbay na pagtangis nila sa dagok ng palad.
¡Kay saklap na naging kaarawan ni Loleng! ¡Nagsimula sa galak at natapos sa mapait na pagluha! ¡Sawing palad na pagkakataon!