Agawan ng Dangal · Fausta Cortes

Chapter 4: Masigasig Na Kilos Ni Pastor

--Mga kaibigan—ang bati ni Pastor sa mga kasamang kanyang inabot sa isang kamalig sa daang Penyapransiya, doon din sa Pako, na nagsasanay ng pagtugtog--¿kayo yata ang dadalhin ni Beteng sa bahay nila kapitang Andoy?

--Oo—ang tugon ng may bigwela.

--Utang na loob ay huwag kayong sumama—ang patuloy ni Pastor—at ibitin ninyo sa kahihiyan ang taong yaon...

--Bakit?--ang sambot ng may gitarra.

--Mangyari ay kung ano anong paninira ang ginagawa kay Artemyo—ang tugon ng Pastor—at kayo ay dadalhin doon upang patunayang lalong malakas siya kay Artemyo. ¿Yaon ba ay gawa ng kasama?

--Ang lagay pala ay nagkagalit sila ni Artemyo?--ang usisa ng nakasalamin.

--Oo—ang paliwanag ni Pastor—at ang pinagmulan ay dahil kay Dolores.

--Ano ang nangyari?--ang pagkamangha ng lahat.

Lumingon muna si Pastor, bago sumagot:

--Lubhang katawatawa.

--Bakit?--ang pagkasabik ng ilan.

--Makinig kayo—ang patlang ni Pastor.

--Si Artemyo ay palaging niyayaya ni Beteng upang haranahin si Dolores, dahil sa ito ay artista at may mayamang tinig. Siya, si Artemyo, ang palaging pinaaawit sa kanilang pagtapat. Nguni't si Dolores ay di rin mahabag sa kaawaawang Beteng. Ang pista pa nito ay si Artemyo ang napusuan. Ano pa't ang tulay ay siyang naibigan.

--Aha!--ang pagtataka ng may dalang biyolin.

--Siya nga—ang ayon naman ng may hawak na gitarra—at noong magharana kami noon araw doon, ay umalis iyang si Beteng nang hindi man lamang nagpaalam sa amin.

--Nakahalata marahil!--ang hatol ng may katandaan na.

--Nakita na ninyo?--ang habol naman ni Pastor—Pati kayo ay hinahamak gayong nangungutang lamang ng loob.

--Ano ang magagawa natin sa taong walang turing?--ang tanong ng may hawak ng bigwela na malaon na yatang may poot kay Beteng.

--Gayon pala! ¿Bakit pa kayo sasama sa kanya?--ang ulos ni Pastor.--Ipagmamalaki lamang kayo at pagkatapos ay diyan na kayo...

--Bakit naman pumatol si Artemyo?--ang usisa ng isa.

--Tao namang ito!--ang agaw ng kasamahan din--¿May manok bang tumanggi sa palay?

--At ¿ano naman ang dapat itawag sa lalaking iniibig ng babai ay nagwawalang bahala?--ang tanong ni Pastor.

--Binubai!--ang maagap na salo ng may katandaan.

Isang matunog na halakhakan ang pumutok.

--Samakatwid—ang hadlang ni Pastor—ay tumupad lamang si Artemyo sa kanyang tungkulin upang huwag matawag na binabai...

--Katwiran—ang hatol ng marami.

--Bakit nagagalit si Beteng at sinisiraang mabuti si Artemyo?--ang tanong pa rin ni Pastor.

--Paano'y naagawan ng tuson!--ang salo na naman ng mapagsiste.

Panibagong halakhakan na naman.

--Isang sagot ngayon mga kasama—ang saad ni Pastor--¿sino ngayon ang dapat samahan, si Artemyo ó si Beteng?

--Bakit ba? ¿Magdadala rin ba ng komparsa si Artemyo?--ang usisa ng isa.

--Binabalak ko sana—ang tugon ni Pastor—pagka't totoo akong nasakitan noong sabihing si Artemyo raw ay taksil dahil sa kapangpangan...

--Sinabi ni Beteng ang gayon?--ang pandidilat ng isang kapangpangang bandurista.

--Maniwala ka kasama—ang patigas ng tinanong—at kaya sinabi ang gayon ay dahil sa nabigo sila sa akin. Ako'y inamuki nila ni Simon, upang agawan ng dangal si Artemyo, datapwa't nagkagalit lamang kami sapagka't di ako pumayag...

--Sa inyo ako sasama—ang pagkukusa na ng banduristang kapangpangan.

--Ako man—ang habol ng may hawak na biyolin.

--Ibilang na rin ninyo ako—ang sunod ng may plauta.

--Welga na tayong lahat—ang sabi naman ng isa.

--Welga! ¡Welga! ¡Welga!--ang sagutan na ng lahat.

--Mabuhay si Artemyo!--ang sabi naman ni Pastor.

--Mabuhay! ¡Mabuhay! ¡Mabuhay!

At tumugtog sila ng isang masarap na tugtugin, tanda ng tagumpay ni Artemyo. Galak na galak naman si Pastor. Samantala'y nagpapaindayog na mabuti ang tinig ng biyolin.

Natapos ang pamamayani ng bigwela at ang bibig na naman ni Pastor ang narinig.

--Upang malubos ang ating galak ay huwag ninyong sasabihin kay Beteng na hindi na kayo sasama sa kanya.

--Siya nga—ang ayon ng iba.

--Ang sarap niyan ay magaantay siya ng wala!--ang salo ng isa.

--Gayon ang dapat sa taong umaagaw ng dangal—ang katig ni Pastor—Ibitin sa kahihiyan. Isubo sa kagipitan.

--May balita pa akong nilalakad daw ni Simon na si Artemyo ay alisan ng tungkulin sa "Kumilos Tayo"--ang saad ng isang kanina pa'y ibig maglahad.

--Iyan ay pakana ni Beteng—ang sagot ni Pastor--¿Ano raw ang dahilan?

--Sarisari—ang salo ng tinanong—Hindi raw dapat bigyan ng tungkulin dito ang isang dapo lamang. Kabagongbago raw dito, ay nais nang lagpasan ang mga kanayon. Isang bata raw lamang ay ibig nang maghari. Kung minsan ay sinasabing mapagsamantala raw. Ang salapi raw ng Samahan ay kinukupit. Marami at napakarami pa ang dungis na ipinupukol sa mukha ni Artemyo.

--Narinig na ninyo!--ang saad ni Pastor—Linawin natin: hindi raw dapat bigyan ng tungkulin ang isang dapo. Katwiran, nguni't ¿bakit nila natitiis ang mga dapong naghahari sa ating bayan? At ¿dapo ba si Artemyo? ¿Ano kung kapangpangan siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari bang magsarili ang Tagalog nang ang Kapangpangan ay hindi? ¡Napakarupok na pagkukuro! Ang masasabi ko'y nakikilala nila ang dapong kapatid din nila, datapwa't hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito ay tumawid. Kung nakikilala man ay kinatatakutan. Ngayon at kalahi ay halos sakmalin. Nguni't kung maputi, kahi't na lumapastangan, ay nginingitian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat, subali't ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod....

--Siyang totoo—ang tango ng ilan.

--Kabagongbago'y nais nang lagpasan ang mga kanayon?--ang dugtong ni Pastor.

--Pasalamat tayo at hindi pa man ay nagpapakita na ng lakas at magagawa. Kung kaya siya lalagpas sa taga rito, ay sapagka't dapat siyang lumagpas. Ano man ang gawin ni Artemyo, kung talagang magaling sila, ay sila rin ang mamaibabaw. Ang iba pang dahilan ay pawa nang paninira na mga isip-lamok lamang ang mananampalataya....

--Ang inggit ay talagang nakalilikha ng sarisaring paninira—ang payo ng may katandaan.

--Kaya matakot at mangilag tayo—ang ayon ng iba.

--Walang sasama kay Beteng—ang paalaalang muli ng banduristang kapangpangan....

--Wala! ¡Wala! ¡Wala!--ang ayon ng lahat at pinamayani na naman ang kanilang mga hawak na kilabot ng panglaw, taga taboy ng lungkot at lumilikha ng tuwa: ang biyolin, bigwela at bandurya.