Doon sa kabilang dulo ng daang Sagat, sa hanay din ng inuuwian ng mapanghalinang si Dolores, ay dalawang lalaki yaong ipinagtatanong si Beteng. Sa isáng magandang tahanan, doón silá pumanhík, sapagka't yaón ang itinuro sa kanilá ng napagsanggunian.
--Mga kaibigan—ang buhat sa itaas ay kanilang narinig—tulóy kayo, tulóy kayo....
--Magandang araw po mang Beteng—ang bati namán ng dalawá.
Silá'y pumanhík at ginanáp ang karaniwang kumustahan. Matapos ilapat ni Beteng ang pinto ay nagsaád ng ganito:
--Malakíng suliranin ang gumuguló sa isip ko, kaya inabala ko kayong ipinatawag. Sa inyong pangangailangan ay nalalaan namán ako.
--Salamat po—ang salo ni Pastor na isá sa mga panauhin.
--Sapagka't kayo'y inaári kong mga kapatid ay sa inyo ko dapat ipagtapat.
--Ipatuloy mo po—ang pakli ni Simón, na kasama ni Pastor.
--Malaon nang ang puso ko'y pinapagdudusa ni Dolores—ang patuloy ni Beteng—nguni't ¡kay pait ng nasasapit ko!... ¡Pawang tiwali! At kagabi lamang ay hinarana namin, nguni't gaya rin ng dati, ay pawang paglibak sa akin ang aking napala....
--Bakit po?--ang tanong ni Pastor.
--Di ba kayo pinaakyat?--ang usisa ni Simón.
--Pinatuloy kami, dili ang hindi—ang patlang ni Beteng—nguni't ang pagkapatuloy sa amin, ay siyang lalong nagbansag ng kaapihan ko. Opo, kaapihan, pagka't sukat bang itanóng sa akin ni Dolores na kung bakit pa raw ako sumama roon....
--Yaon po'y ugali na ng dalaga: lahat ng nais nilang sabihin ay dinadaan sa hinampo—ang putol ni Simón.
--Hindi kaibigan,--ang tutol ni Beteng—pagka't malaon ng kumukulili sa tainga ko, na si Artemyong aking pinakikiusapang siyang umawit sa aming pagtapat doon, ay siya daw ang napupusuan ng babaing yaon, gayong ito ay wala namang pagibig sa kanya.
--Ganyan din po ang balita ko—ang pagayon ni Pastor—nguni't, kailan ma'y di ako naniwala.
--Sino po bang Artemyo yaon?--ang pagsisiyasat ni Simón.
--Ang kalihim sa Samahang "Kumilos Tayo"--ang tugon ni Pastor—yaon bang nagtalumpati sa inyong nayon noong ipagdiwang si Rizal. May magandang pangangatawan at....
--Yaon pala—ang salo ni Simón—Kakilala ko po yaon at ako man ay kasapi rin sa "Kumilos Tayo." ¿Diyata't siya ang naiibigan? ¿Si Artemyo? ¿Ang artista? Aywan ko rin...--at tinapos sa iling at ngiti ang kanyang pagkamangha; iling na nagpapahayag ng pagpapawalang saysay kay Artemyo, at ngiti na nagtatanghal ng paglibak sa pagkatao noon.
Ang dalawang kaharap ay napatigil. Nabasa nila sa mukha ni Simón na siya ay may natatarok na lilim ni Artemyo. At di pinalagpas ni Beteng. Sinamantalá ang pagkakataón.
--Bakit po?--ang simula--¿may nalalaman ba kayong alimuom ni Artemyo?
--Sus!--ang buntong hininga ni Simón--¡Si Artemyo! ¿At bakit hindi ko malalaman ang kanyang lihim? Siya ay isang konduktor sa trambiya noong araw na dahil sa nahuli sa pagumit ay pinalayas tuloy ng empresa. Isang taong nagpagalagala sa pagbibilang ng bato, na kung kanikanino nangungutang ng makakain. Napasok na artista, at ang manakanakang pagtayo sa entablado ay siyang ipinagmamalaki ngayon. Gayong ang tinig ay tinig kanduli at kung umawit ay parang bumabasa ng Pasyon....
--Ha! ¡ha! ¡ha!--ang tawa ni Beteng.
--Aywan ko—ang tanggi ni Pastor—sa akin ay mabuting kaibigan si Artemyo.
--Mabuti kung mayroon—ang salo ni Simón—nguni't kung wala ay masama.
--Marahil nga—ang katig ni Beteng—sapagka't kung makailan ko nang makasama, ni minsan man ay di pa gumasta. Maging sa pagsakay namin sa trambiya, maging sa pagkain namin ng sorbetes, ay ¿maanong pabalat-bunga man lamang na magkunwaring dumukot sa bulsa?
--Ano ang hahanapin ninyo sa taong nagsasamantala?--ang masayang ikinabit ni Simón.
--Hindi gayon—ang tutol ni Pastor at hinarap si Beteng—Kayo ang nagaanyaya sa kanya ay talagang kayo ang dapat gumasta. Salamat at di kayo sinisingil sa kanyang abala at pagod....
--Mang Pastor!--ang tugon ni Simón--¿pinagtatanggol ba ninyo si Artemyo?
--Hindi po. Ipinaaalaala ko lamang ang ipinaguutos ng dakilang asal.
--At ¿kami pa pala ang lumalabas sa magandang ugali?--ang usisa ni Beteng.
--Hindi ko po sinasabi ang gayon—ang salag ni Pastor—nguni't ipinagugunita kong sa bibig ng mga lalaki ay alangang maglaro ang buhay ng kapuwa. Mga babai lamang ang naguututang dila. Mga musmos lamang ang nagngungusuan.
--How! ¡pshe!--ang putol ni Simón—Talaga pong si Artemyo ay lahi ng taksil: siya'y kapangpangan.
--Tama. Iyan ang totoo—ang dugtong ni Beteng—pinapaghahari ang kanyang pagkakapangpangan.
--Mga kaibigan—ang mainit ng saad ni Pastor--¡Huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi! Kapangpangan man at Tagalog ay iisa ng uri, at ang sumira ng pagiisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pangilagan. Ang taong pumapatay ng pagdadamayan ng Pilipino ay yaon ang kalaban ng bayan. Ang kalulwang nagtatanim ng pagiiringan ay siyang uod na sumisira ng laya at pagasa ng lahat....
--Matutulis pong salita iyan!--ang pakli ni Simón.
--Nakasusugat ka po!--ang dugtong ni Beteng.
--Hindi, mga kaibigan—ang ganti ni Pastor—kailan ma'y di ko magagawa ang sumugat sa kapatid. Nguni't, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang nagbibinhi ng pagiiringan. Ang buhay ko'y aking itinataya lubha pa't ang pagiiringan ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking kinakandong ng palad....
--Na sa ibang bahay ka po!--ang paalaala ni Beteng—huwag ninyong lubusin ang pagalipusta sa mga kaharap.
--Sa bahay na pinaghaharian ng dilim ay doon ko dinadala ang ilaw!--ang matapang na sagot ni Pastor.
--Pawang kaululan ang sinabi ninyo!--ang tumbas ni Simón.
--Utang na loob ay manaog na kayo—ang taboy naman ni Beteng.
Tumayo si Pastor ng boong pagngingitngit. Ang malas niya'y naglalagablab. Maliksing kinuha ang kanyang sombrero at anya'y:
--Dapat ninyo akong itáboy; dapat ninyo akong turang ulol; sapagka't ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng mga musmos na tinuturuan.... Nakilala ko na kayó ay dapat namán ninyó akóng makilala.... Paalam sa inyo nguni't alalahaning ako'y natatalaga sa ano mang mangyayari....
Titig lamang ang isinagot ng dalawa. Kaya't pumanaw na nagpuputok ang dibdib ni Pastor. Samantalang nawawala ang kanyang yabag ay patuloy sa pagwalang imik ang dalawang nilisan.
--Mang Simón—ang mana'y saad ni Beteng—yumaong galit na galit ang abogado ni Artemyo.
--Walang kailangan—ang tugon nito--¡Ibabagsak natin sila!...
--Iyan ang kanina pa'y inaantay kong pumilas sa inyong labi....
Kumuha ng kahon ng tabako si Beteng at inalok ang kaharap. Kapwa sila nagsuso at minsang pinagbuti ang upo. Bago naganasang marahil ay yumari ng paghihiganti. Panahon lamang ang makapagbubungkal ng lihim.
Isang mahigpit na kamayan ang tumapos ng salitaan. At taglay ang galak ng pagasa na naghiwalay ang dalawang nagtiyap.