Agawan ng Dangal · Fausta Cortes

Chapter 1: Mga Pusong Namandaw Ng Kapwa Puso

Ang kapanglawang naghari ng gabing yaon sa isang nayon ng Pako ay binulahaw ng pagtapat ng ilang pusong namamandaw ng kapwa puso. Noon ay isa sa mga gabi ng Enero; gabing napakalungkot, palibhasa'y mangilangngilang bituin lamang na nagbabansag ng kadakilaan ng Diyos, ang nagaantilaw sa nagtatampong langit. Ang buwan noon ay nagmaramot ng kanyang liwanag, at aywan kung saang sulok ng kalawakan nagkubli ang kaibigan ng gabi. Samantalang ang mga kuliglig at panggabing ibon ay umaawit ng tagumpay, ang mga bulaklak naman ay ipinagpapalalo ang kanilang bango, alindog, at halimuyak. Nguni't, sa lahat ng ito ay namamaibabaw ang tinig ng mga kalulwang idinadaing ang pagirog, gayong ang bahay na tinatapatan ay waring libingang lahat ay natatahimik.

Natapos ang pangbungad na tugtog. Isinunod naman ang isang magandang gabi pong kundiman. At dito'y tinawagan na ang dalagang pinipintuho. Sa pamamagitan ng malalambing na tinig, ay naunawa ng lahat ng doroon, na si Dolores pala ang dinadaingan.

Pagkatapos ng kundimang yaon, ay siya nang pagbubukas ng langit. Ang lapat na durungawan ng bahay na tahimik ay nabuklat. Isang diwata ng bagong panahon, isang bituing mayaman sa ganda, ay siyang tumanglaw sa mga pusong mapagpuyat; nagsabog ng liwanag at tuwa.

--Magandang gabi po!--ang magalang na bati ng lahat ng na sa lupa.

--Magandang gabi po naman!--ang magiliw na tumbas ng binibini—Tuloy kayo!... ¡tuloy!...

Ang bahay na may kaliitan ay nagsikip sa labing tatlong kalulwang umakyat sa langit.

Ilang sandali lamang ang nakaraan at namayani na naman ang bigwela, biyolin, bandurya at plauta. Ang kaniláng tunog na tagapagtaboy ng hapis, ay minsan pang nagtanghal ng gilas.

Sa isang dako naman ng harapang yaon, ang magandang si Dolores, ay nagsasabog ng kanyang yaman: ng dilag at hinhin. Ang maayos na tabas ng mukha ay napapatungan ng maiitim na buhok. Ang mapupulang pisngi ay tumatapat sa matingkad na itim ng kilay. Malalagong pilik-mata ang nagaalaga sa maamong malas. Isang katatagang tangos ng ilong ang nagmamalaki sa madugong mga labi. At nagiinamang mga ngipin ang bakod ng katamtamang bibig na binubukalan ng magigiliw na pananalita.

Samantalang ang mga kaharap ay isinasaloob ang pagpapasarap sa kanilang tugtugin, si Dolores naman ay isinasabog ang kanyang mga sulyap at titig. Inisaisang lihim na minasdan ang mga binatang yaon. Ang puso niya'y sisikdosikdo; parang giniginaw na nilalagnat. Alangang magmalaki at alangang mangimi.

Sa isang dako naman, ay payapang nakikinig ang isang ginoo. Matabang sa mukha ay nababasa ang kagulangan na. Siya ay si kapitang Andoy na ama ni Dolores; ang kilala sa pangalang Alehandro Balderrama. Siya ay isa sa mga kinaaalangalanganan sa daang yaon ng Sagat. Baga man lipas na ay kapitan pa rin ang tawag sa kanya. Sa tabi nito ay mukhang napopoot, nakasimangot, at maasim na maasim ang mukha, ng kapitana Martina, ang ali ni Dolores. Marahil ay dahil sa pagkabulahaw sa kanyang tulog. Liban sa tatlong ito, kay Dolores, sa kanyang ama, at sa kanyang ali, lahat na ng doroon ay kabilang na ng mga namamandaw ng puso.

«Loleng nalulungkot ako!...» ang manay siyang bungad na kundiman noong binatang tagaawit. Isang malumbay na tugtog ang isinaliw naman ng bigwela. Si Dolores ay napalingon sa di kinukusa at naabala tuloy na magpasigarilyo. Ang puso niya'y lalong nilagnat, at pinawisan siya ng malamig. Irap naman ang itinugon ni kapitana Martina. At matapos ang magiliw na awit sa «...ay, Loleng ng buhay ko!...»

--Aling Loleng—ang saad ng isang makisig na binatang kanina pa, ay mapupupuna na, na siya ang may patapat—ipinakikilala ko sa inyo ang aking kaibigan—at iniharap ang binatang umawit.

--Bagong lingkod mo po;--ang sambot ng ipinakilala.--Artemyo de la Pas.

--Salamat po;--ang magiliw na tugon ng dalaga—gayon din po naman: Dolores Balderrama.

At sila'y nagkamayan, hanggang sa naipakilala ang lahat. Habang si kapitana Martina, ay lalong nagniningas ang poot, si Beteng naman, ang binatang may paharana, ay parang nagmamalaki sa kanyang mga kaibigan. Bawa't makasiping ay binulungan ng «¿Bagay na ba sa akin?» Lihim na tatawa at panakaw na tititig sa masayang mukha ni Dolores. Hindi mapalagáy ang binata. Sa lahat ay masasayáng ngiti ang iniuukol. Palipatlipat ng upo, at sa labing-dalawáng kasama ay siyá ang lalong masigla at nagtatalík sa galák.

Ang katahimikan ay ginambala na naman ng tugtugan. Parang sinasadyang binibiro ang pagkaasim ng mukha ng kapitana Martina. Nguni't ¡himala yata at biglang nagbago ang kunot na noo, noong madinig na muli ang panambitan ni Artemyo! Masayang nakiumpok at sinipingan ang kanyang ipinagmamalaking si Dolores.

"Ay Loleng! ay Loleng!...
ako'y mamamatay...
kung hahabagin mo
ang daing ng buhay..."

Iyan ang simula ng mapanglaw na pagdaing, balot ng taos na hinagpis, at sa tinig na waring nalulunod sa hirap.

Sa kalagitnaan, ay nagpahalata ng panibugho; panibugho na bunga ng pagmamahal; at pagmamahal na likha ng pagirog. Anya'y:

Kung tumititig ka
sa ibang binata,
ang buhay ko Loleng
ay papanaw yata...

Lalong sinasal ng pagtibok ang puso ni Dolores. Waring kinikiliti naman si kapitana Martina. Gayong nakangiti ng galak ang inaantok na kapitang Andoy. Patuloy naman sa pagsasaloob ng tugtog yaong labing tatlong panauhin.

Napalaot ng napalaot yaong si Artemyo sa pagawit. Halos tinig na lamang niya ang nagdidiwang sa loob ng bahay. Dahil sa sarap ng kundiman, kung minsan ay itirik ang mata sa ilaw na nakabitin. Nguni't lalong marami ang lihim na sulyap niya kay Dolores, ang nahuhuli ni matandang Martina.

"Sa paglalaro mo
ng mga bulaklak
gunitain lamang
ang aba kong palad..."

Iyan ang patuloy ng binatang Artemyo sa kanyang pamamaibabaw. Sinasamantala naman itó ni Beteng upang kaulayawin ang kanyang pinopoon.

--Aling Loleng,--ang wika—talaga pong sa kaibigan kong iyan ay ipinagkakatiwala ko ang aking boong buhay...

--Gayon pala!--ang sambot ni Dolores—na ipinagkatiwala na ninyo sa kanya ang boong buhay ninyo, ay ¿bakit pa kayo sumama rito?

--Ba!--ang tutol ni Beteng—ang ibig kong sabihin ay ipinagkakatiwala kong siya na ang dumaing ng hirap ko...

--Sapagka't ang damdamin ng puso ni Pedro ay maidadaing ng bibíg ni Huwan....

--Napopoot ba kayo?--ang maamong tanong ni Beteng na nakahalatang totoong mailap si Dolores. Napuna niyang ang mga tugon sa kanya ay nasasaputan ng suliranin.

--Bakit ako mapopoot?--ang pakli ng dalaga—sa ang katotohana'y ariin mang biro; ay ipinagtatapat kong walang itatagal ang aking puso sa kanyang panambitan....

"Di ka na naawa
sa aking pagdaing:
buhay ng buhay ko
ligaya at aliw..."

Ang waring pakikihalobilo ng kundiman na ikinauntol ng pagsasalaysay ni Dolores. Sandali silang nanahimik, bago nagsalita si Beteng ng:

--Diyata't ¿wala kayong itatagal sa kanyang panambitan?

--Kung wariin ko—ang salo ng dalaga.

--Sa gayo'y namamanaag na ang aking tagumpay!

--At bakit po?

--Di ba sinabi ninyong nahahabag ang puso ninyo sa kanyang panambitan?

--Opo.

--Di nababagbag na ang loob ninyo sa akin? Sapagka't ang daing ni Artemyo ay siyang daing ko....

--Gayon po ba?

--Sinabi ko na pong ipinagkakatiwala ko sa kanya ang boong buhay ko.

--Ah, ¡mali kayo! ¡Iba si Artemyo kay Beteng! Ang daing ni Artemyo ay buhat sa kanyang puso kaya ang pagkahabag doon, ay pagkahabag sa kanyang pagkatao.....

--Nagbibiro yata kayo!

--Hindi. At ¿bakit ko kayo bibiruin?

--Aling Loleng!

--Talagang totoo: ang puso ko'y nababagbag sa kanyang panambitan. ¡Kay tamis niyang umawit! ¡Kay sarap dumaing!

--Aling Loleng! ¡Nilulunod ninyo ako!...

Hindi sumagot ang dalaga nguni't ang malas ang pinapagsalita. Tinitigan si Beteng ng titig na makahulugan. Aywan kung bakit kinuha nito ang kanyang sombrero at matuling umalis. Nilisan ang kanyang mga kaibigan at kasama ng walang pasintabi. Sa katamisan ng kundiman ni Artemyo ay di naman siya napuna. Liban kay Dolores, ang mahinhing si Loleng, ay walang nakaino. Ito lamang ang nakatatarok na si Beteng ay yumaong may taglay na poot at banta. May poot sapagka't nabigla siya sa mga tugon ni Dolores. At may banta sapagka't nalalamangan siya ni Artemyo. Anaki'y isáng bayang nilubugán ng araw ang dibdib niyáng binabayó ng pagngingitngit.

"Titigil na naman
ako sa pagdaing,
na nagaantabay
ng awa mo Loleng..."

Diyan natapos ang malungkot nguni't magiliw na kundiman, na dinaluhan ng nakakikiliting taginting ng bigwela at biyolin.

Hindi napigilan ni kapitana Martina ang kanyang palakpak; datapwa't si kapitang Andoy ay tinalo na tuloy ng antok.

--Salamat po—ang magiliw na sabi ng ating dalaga, bago pinagukulan si Artemyo ng--¡Kay buti pala ninyong umawit!...

--Baka kung ano na po iyan?--ang may hiyang pakli ng binatang pinuri.

Ang usisaang "¿nahan si Beteng?" ay siyang pumigil sa dalaga upang tugunin ang binata. Isa't isa'y nagtanungan. Sa tanóng ay tanong din ang itinutumbas. Kaya't nagdiwang ang alingasngas at lahat, liban kay Dolores at sa nakakatulog na kapitang Andoy, ay pinagharian ng pagtataka.

--Marahil ay may sumundo—ang saad ni kapitana Martina.

--Magpaalam na tayo—ang lihim namang anyaya ng may hawak ng bigwela sa kanyang katabi.

--Siya nga—ang ayon naman nito.

--Tayo na—ang ulit ng isa.

--Gabi na tayo—ang patuloy ng iba.

At lahat ay pinatahimik na naman ng tagingting ng tuwa. Tumugtog sila ng isang pangwakas. Si Artemyo noon ay napatabi.

--Aalis na ba kayo?--ang tanong ni Dolores sa mapalad na binata.

--Opo,--ang tugon nito—sapagka't totoong mababagabag kayo.

--Wala po kayong aalalahanin.

--Salamat po.

--Kayo pala'y kinatawan ni mang Beteng—ang may ngiting salaysay ng dalaga.

--Siya pong totoo.

--Di ang inawit ninyo'y parang inawit nila?

--Gayon nga po.

--At ang panambitan ninyo ay panambitan nila?

--Yaon po ang dapat.

--Nagkasala ako!--ang waring hinampo ng dakilang babai—boong akala ko'y lahat ng inyong inawit ay bukal sa inyong puso, mula sa ubod ng inyong buhay!...

Kinabahan si Artemyo ng marinig ito. Ang puso niya'y di mapalagay. Parang binabayo ang kanyang dibdib. Sampung paghinga ay nangangapos. ¡Kaawaawang kalulwá sa gitna ng kagipitan! At ang boóng pagkatao niya'y dagling sumuko sa gayóng dilág. Subali't ang kapalaran ay itinapat siya sa landas na dapat tuntunin. At anya'y:

--Ikaw po ang masusunod: maiyuukol mo saan man ibigin, at di malilihis ang iyong akala...

Hindi tumugon ang dalaga at sinamantala ni Artemyo:

--Aling Loleng, kung batid mo lamang ang itinitibok ng aking loob, ang iniluluha ng aking puso, ay sasabihin mong ako'y sinungaling....

--At hindi ba kayo sinungaling?--ang dugtong ng dalaga--¿Di ba kasinungalingan ang maglahad ng wala sa loob?

--Wala sa loób!

--Kayo na rin po ang nagsabi.

--Yaon po'y lambing lamang ng pusong nagtataglay ng hiya.... Isang pakunwari ng pagibig na nagaalangan sa dakila mong ganda....

--Nagaalangan?

--Opo, aling Loleng, at baka di maging dapat na maglingkod sa inyo....

Tinotoo na ni Artemyo ang pangungumpisal. Nilimot na niya ang kanyang tungkulin. Hindi na naaalaalang siya ay kasangkapan ni Beteng. Wala na sa gunitang siya ay bibig lamang ng kanyang kaibigan.

Si Dolores, ang mabining dalaga na sumuko ang puso sa mga pagawit ni Artemyo, ay parang nagayuma. Sa kanyang mukha at pangungusap ay nalalarawan ang paggiliw na nabihag ng mapalad na binata.

Sa pagtititigan ng dalawang kalulwa ay natapos ang pangwakas na tugtog. Ang mga namamandaw ng puso ay nagtayuan na. Isa't isang nagpaalam at nakipagkamay sa bunying binibini. Ang pagkakataon ay di sinayang ni Artemyo. Siya ang nagpahuli sa lahat. Kinamayan niya ng boong higpit si Dolores at dinamdam naman nito ang katuturan noon. Mga titig nila ang nagpalitan ng damdamin ng kanilang dibdib.

Doon natapos ang masayang gabi.